Bulag Subalit Namumuhay Nang Ganap
AKO’Y isang diyes anyos na batang lalaki na naninirahan sa Ecuador nang ito ay mangyari. Sa isang aksidenteng pagsabog, nawala ko kapuwa ang aking kanang kamay at kanang mata. Ang aking kaliwang mata ay naapektuhan din, subalit nailigtas ng isang operasyon ang halos 50 porsiyento ng paningin nito.
Pagkatapos ay unti-unting nawala ang paningin sa aking mabuting mata. Nang ito ay suriin, ako ay sinabihan na sa loob lamang ng ilang buwan ako ay magiging ganap na bulag. Ako ay nanlumo. Hindi mailarawan ang panlulumong nadama ko.
Nang panahong ito namatay ang aking ama, iniiwan ang aming ina na may dalawang anak: ang aking kapatid na si Eddie, na dalawang taóng mas matanda sa akin, at ako. Ang pag-ibig ng aking ina at ang pag-unawa ng aking kapatid na si Eddie ay tumulong sa akin upang mabata ito. Gayunman, nadama ko na ako ay pabigat sa kanila. Kaya ipinasiya ko na kailanma’t mamatay ang aking ina, ako ay magpapakamatay.
Ang panahon mula sa edad na 23 hanggang 30 ang pinakamahirap. Ginugol ko ang bawat araw sa pag-iisip at paghahanap ng ilang uri ng trabaho. Subalit ang sagot ay iisa: Upang magtrabaho, kailangan ng isang tao ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang paningin. Maraming beses na sasabihan ako ng aking ina: “Basta manalangin ka sa Diyos para sa kaaliwan.”
“Kung umiiral ang Diyos,” may paghihinanakit kong sasabihin, “hindi ko sana naiwala ang aking kamay o ang aking mga mata! Anong kasalanan ang nagawa ko sa gulang na sampung taon, anupa’t pinarusahan ako ng Diyos sa paggawa sa akin na isang inutil?” Sa tuwina, ang gayong usapan ay nagpapangyari sa aking ina na umiyak, na lalo lamang nakadaragdag sa aking panlulumo.
Binubulaybulay ang aking kalagayan, naisip ko, ‘Ang aking buhay ay magiging hindi gaanong malungkot kung mayroon lamang akong pananampalataya.’ Saka ko naipasiya na dalawin ang isang relihiyosong orden na malapit sa aming tahanan. Binigyan nila ako ng ilang mga aklat para basahin sa akin ng aking kapatid na si Eddie. Ang mga ito ay walang nagawa upang aliwin ako. Sa wakas, humiling ako sa kanila ng isang Bibliya, at ipinahiram nila sa akin ang isa. Habang ako ay nakikinig sa pagbabasa ni Eddie, nakadama ako ng malaking panloob na ginhawa, bagaman hindi ko lubusang naunawaan kung ano ang sinasabi. Di nagtagal, gayunman, ang Bibliya ay kailangang isauli.
Liwanag sa Kauna-unahang Pagkakataon
Di nagtagal dinalaw ko ang isang kaibigan na nakikipag-aral ng Bibliya sa ilang mga Protestante, gaya ng akala ko. Ang babae, si Beatriz, ay palakaibigan at isinasama niya ako sa usapan, subalit ako ay masungit. Ipinalalagay ko na ang mga Protestante ay mga ahente ng kapitalistang imperyalismo; ako ay membro ng Partido Komunista sa Ecuador nang panahong iyon.
Si Beatriz ay isa sa mga Saksi ni Jehova at hindi siya nasiraan ng loob sa aking saloobin. Patuloy siyang nakipag-usap sa akin na may kabaitan. Sa katunayan, ibinigay niya sa akin ang kaniyang direksiyon at inanyayahan ako na makipagkita sa kaniya kung mayroon akong anumang katanungan. Di nagtagal nagtungo ako sa kaniyang bahay taglay ang ilang mga katanungan.
Si Beatriz ay wala sa bahay, subalit ang kaniyang tiya, si Castorina, na isa rin sa mga Saksi ni Jehova, ay may kabaitang tinanggap ako. Nang banggitin niya sa akin ang Diyos, nagugunita ko pa ang aking sagot, “Wala akong pinaniniwalaan, ni ang Diyos, ni ang birhen, ni ang mga santo; at upang ako ay maniwala kailangang bigyan mo ako ng katibayan!” Nilisan ko ang kaniyang bahay na gulat na gulat at hinangaan ko ang kaniyang mga kasagutan, nangangakong ako’y magbabalik para sa isang pag-aaral sa Bibliya.
Noong Enero ng 1965 sinimulan ko ang pakikipag-aral ng Bibliya, na ginagamit ang aklat na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos.” Naaalaala ko pa ang pagtatanong, “Saan ba ninyo kinukuha ang lahat ng itinatanong ninyo sa akin?” Saka ipinaliwanag ni Beatriz at ng kaniyang tiya na may inilimbag na mga katanungan sa ibaba ng pahina at na ang mga ito ay idinisenyo upang makuha ang pangunahing mga punto sa mga parapo. Nagharap iyan ng problema sa akin. Paano ako makapaghahanda nang patiuna para sa aking pag-aaral? Sabik ako, sa katunayan, determinado akong matuto. Kaya hiniling kong muli ang aking kapatid na si Eddie na bumasang malakas sa akin.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 20 mga taon ang “liwanag” ay sumilay, hindi, hindi sa aking mga mata, kundi sa aking mga tainga. Unti-unting pinakalma ng kapayapaan ang aking maligalig na isipan. Ipinakikipag-usap ko sa lahat ang mga bagong bagay na aking natututuhan. Nang matapos namin ang pag-aaral sa aklat na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos,” isang bagay ang tiyak ko: Ang Diyos ay umiiral!
Sa puntong ito pinasimulan kong gawin ang isang bagay na hinding-hindi ko pinangarap na gawin noon—ang paglabas at pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya! Isang araw samantalang kami ay dumadalaw sa mga tahanan, isang babae ang nagsabi, “Pakisuyong kausapin na lamang ninyo ang doktor.” Inaasahan ko ang isang manggagamot. Subalit gayon na lamang ang aking pagtataka na makilala ang isang paring Katoliko na humiling na kami’y magbalik nang gabing iyon sapagkat siya’y abala!
Nang gabing iyon kami ay may kabaitang tinanggap ng pari. Nagsimula ako sa pamamagitan ng pagtatanong, “Puede bang gamitin ang Bibliya?” Tiniyak niya sa akin na puede. Pinag-usapan namin ang tungkol sa doktrina ng maapoy na impierno. Sa simula ng aming usapan, may pagtitiwalang sinabi niya na maaari niyang patunayan sa Bibliya na ang impierno ay isang dako ng apoy at pagpapahirap. Ang pag-uusap na iyon ay tumagal ng dalawang oras, at hindi niya mapatunayan ang kaniyang punto mula sa Bibliya. Sa sumunod na tatlong linggo, patuloy naming pinag-usapan ito.
“Ngayon maipakikita ko sa iyo mula sa Bibliya na mayroong walang hanggang pagpapahirap sa apoy,” sabi niya noong isa naming pagdalaw. “Sa Mateo kabanatang 25 sinabi ni Jesus sa mga kambing, ‘Magsilayo kayo sa akin at pasa-apoy na walang hanggan na inihanda sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo.’”
Ako’y tumugon: “Ngunit kung ang apoy ay inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo, sa palagay ninyo bakit inihagis na kasama nila ang kawawang mga hayop sa apoy?”
“Oh, subalit ang mga kambing na binanggit ay hindi literal na mga hayop. Ang mga ito ay makasagisag na masasamang tao,” sagot niya.
“Kung gayon ang apoy ay dapat na makasagisag din,” tugon ko.
Sa wakas inamin niya: “Marahil ay hindi natin mapatutunayan mula sa Bibliya na ang impierno ay isang dako ng pagpapahirap, subalit sa pilosopikal na paraan maaari itong patunayan.” Ayos na! Naging maliwanag sa akin na hindi niya taglay ang katotohanan.
Nang maglaon, gayunding bagay ang nangyari nang makipag-usap ako sa misyonerong Protestante. Ipinakipag-usap ko sa kaniya ang doktrina ng Trinidad. Pagkatapos ng mahaba-habang diskusyon, inamin niya: “Sinasabi nga ng Bibliya na ang Ama ay mas dakila kaysa sa Anak, subalit naniniwala pa rin ako na si Jesu-Kristo ay Diyos.” Ang pinaniniwalaan ko ay ang Bibliya! Batid ko na ngayon na nasumpungan ko ang katotohanan. Noong Setyembre 25, 1965, ako ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.
Kagalakan sa Pagtuturo sa Iba
Nakasumpong ako ng malaking kagalakan sa pagtuturo ng Bibliya sa iba, at gumugol ako ng mas malaking bahagi ng aking panahon sa paggawa nito. Mangyari pa, kinakailangan na may sasama sa akin upang basahin ang mga talata mula sa Bibliya. Gaya ng dati, tinulungan ako ng aking mahal na kapatid na si Eddie na patiunang maghanda, binabasa sa akin nang malakas ang mga publikasyon.
Noong Abril 1966, ako ay naging isang regular payunir (buong-panahong mangangaral). Tuwang-tuwa ako na gamitin ang aking buhay sa gayong kapaki-pakinabang na paraan! Pagkaraan ng apat na buwan ang aking kapatid ay nag-asawa, at di nagtagal ako ay naanyayahan na maging isang espesyal payunir, na nagtatalaga ng 150 mga oras bawat buwan sa pangangaral ng mabuting balita. Subalit paano ko magagawa ito? Paano ako makapagsasagawa ng mga pag-aaral sa Bibliya na mag-isa?
Nang ilathala ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan noong 1968, isinaulo ko ang mga kasagutan sa lahat ng mga tanong sa 22 mga kabanata. Sa ganitong paraan nagamit ko ang aklat sa pagtuturo sa iba. Isinaulo ko rin ang mga kasagutan sa mga tanong sa iba’t ibang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na inilathala ng Samahang Watchtower. Nang ang maraming ilustrasyong publikasyon na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ay ilabas noong 1978, agad kong isinaulo ang mga pahina kung saan masusumpungan ang mga ilustrasyon.
Pagkatapos, nang ilabas ang bagong may ilustrasyong aklat-aralan na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa noong 1982, gumawa ako ng gayunding paraan ng pagtuturo. Hindi ko nakita kailanman ang mga larawan, subalit kabisado ko ang mga ito anupa’t naipaliliwanag ko ang mga ito kapag nagtuturo sa iba. Kapag ginagamit ang aklat, basta binibilang ko ang mga pahina sa isang ilustrasyon at ipinaliliwanag ito. Ginagawa ng paraan ito na mas madali para sa akin na magsagawa ng mga pag-aaral sa Bibliya sa tulong ng publikasyong ito.
Siyanga pala, nang ako’y maging espesyal payunir sinikap ko na ang aking kapatid na si Eddie ay tumanggap ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya sa akin. Sumang-ayon siya, bagaman walang gaanong kasiglahan. Nagtaka akong malaman na wala siyang naunawaan sa kung ano ang matiyaga niyang binabasa sa akin sa lahat ng panahong ito. “Eddie, papaanong kakaunti ang nalalaman mo tungkol sa Bibliya gayong napakatagal mo nang binabasa ito sa akin?” tanong ko sa kaniya isang araw. Ang kaniyang tugon na ginawa niya iyon upang tulungan lamang ako ay lalo lamang nagpakita sa akin kung gaano kabait ang aking kapatid. Gayunman, hindi nagtagal pinahalagahan niya ang mahalagang mga katotohanan at patuloy na sumulong sa espirituwal na paraan.
Mga Panganib at mga Kahirapan
Gaya ng magugunita mo, ang pagiging bulag ay mayroong kaniyang mga problema. Aba, mga ilang ulit na halos maiwala ko ang aking buhay dahil dito! Halimbawa, ako ay naglalakad pauwi ng bahay isang gabi nang mabangga ko ang isang lalaki. Galit na hinarangan niya ang aking daan. Walang anu-ano’y naramdaman ko ang isang bagay na matigas sa aking balikat. Ang aking kuwelyo ay nakataas dahilan sa ginaw, kaya hindi ko masabi kung ano ito. Sinikap kong humingi ng paumanhin sa pagpapaliwanag na ako ay isang bulag.
Subalit ang lalaki ay nakainom at hindi niya ako pinansin. Naramdaman ko na inangat niya yaong ipinatong niya sa aking balikat at sinabi sa nakatatakot na tinig, “Ano ngayon?” Itinaas ko ang aking ulo at nagtanong, “Ano?” Saka niya natanto na ako talaga ay bulag at nagbago ang kaniyang tinig. Saka ko naunawaan ang panganib na aking kinasuongan. Ang matigas na bagay na inilagay niya sa aking balikat ay talim ng isang machete. Muntik na niyang putulin ang aking ulo! Hindi ako nagpakita ng takot sapagkat hindi ko alam ang panganib. Ang lalaki ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakad, at ako ay ligtas na umuwi ng bahay.
May iba pang mga problema, subalit ipinakita lamang nito sa akin na ang kamay ni Jehova ay hindi maikli. Sa ngayon, pito na kami sa aming pamilya—ang aking ina, kapatid na si Eddie, ang kaniyang asawa at tatlong mga anak, at ako. Dahilan sa kakulangan ng trabaho, si Eddie ay napilitang magtrabaho sa isang bayan, at lahat kami ay sumama sa kaniya. Gayunman, ang kalagayan ng trabaho roon ay lumubha. Si Eddie ay nawalan ng trabaho at walang trabaho sa loob halos ng isang taon.
Sa kabutihang palad, ako ay nakapagpatuloy bilang isang espesyal payunir. Isang araw man ay hindi kami nawalan ng sapat na pagkain at pananamit. Gayon na lamang ang aking pagpapahalaga sa mga salita ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo”!—Mateo 6:33.
Isang Mabungang Ministeryo
Sa lumipas na mga taon, nagkaroon ako ng ibang mga katibayan ng pagpapala ng Diyos sa aking ministeryo. Naalaala ko isang araw na dinalaw ang tahanan ng isang pamilyang Protestante, at agad na nauwi ang usapan tungkol sa doktrina ng maapoy na impierno. Tinawag nila ang pastor, na nakatira sa malapit. Iginiit ng pastor na ang kaniyang turo ang tama, at ganito ang naging usapan:
“Noong una’y may isang pinuno ng mga Incas na nagngangalang Atahuallpa na namatay maraming taon na ang nakalipas,” pasimula ko. “Siya’y isang mananamba sa diyus-diyusan at maraming asawa, at pinatay niya mismo ang kaniyang kapatid. Kaya saan naroroon ang kaniyang kaluluwa?”
“Kung gayon siya ay nasa apoy ng impierno,” sagot ng pastor.
“Subalit ang pinunong ito ay walang nalalaman tungkol sa tunay na Diyos. Hindi niya kailanman nabasa ang Bibliya o nagkaroon man ng kaalaman tungkol dito.”
“Kung gayon siya ay nasa langit,” sagot niya.
“Gayunman sinasabi sa 1 Corinto 6:9 na ang mga mananamba sa diyus-diyusan ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos,” sagot ko.
Katahimikan. Dahil sa walang sumasagot, isang guro sa high school na sumama sa pastor ang nagsalita at nagsabi, “Kung hindi masagot ng pastor ang iyong katanungan, kung gayon maaari bang sabihin mo sa amin? Nasaan nga ba ang kaluluwa ni Atahuallpa?”
Saka ko ipinakita sa kanila mula sa Bibliya na ang mga patay ay walang malay sa libingan at na ang Diyos ay nagtakda ng isang panahon sa hinaharap ng pagbuhay-muli at paghatol. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29; Gawa 17:31) Ang paliwanag ay nagkaroon ng nagtatagal na bisa sa guro sapagkat nang malaunan, sa kaniyang pagkukusa, hinanap niya ang mga Saksi ni Jehova. Siya ngayon ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova rito sa Ecuador.
Ang aking puso ay punô ng kagalakan, yamang ang aking buong pamilya ay mga Saksi ni Jehova ngayon. Si Eddie, ang kaniyang asawa at ang kaniyang hipag, na naghahandang maging madre, ay nabautismuhan noong 1969. Ang aking ina ay sumunod noong 1970. Ako ay labis na nagpapasalamat sa aking pamilya, gayundin sa iba pang mga Saksi, sa kanilang kabaitan sa akin. Ngunit, higit sa lahat, ako’y nagpapasalamat sa Diyos na Jehova, na nagbukas ng aking mga mata (sa espirituwal na paraan, mangyari pa) at binigyan ng kahulugan ang aking buhay. Sa pamamagitan ng kaniyang tulong ako ay namumuhay nang ganap sa kabila ng aking pagkabulag.—Gaya ng isinaysay ni Rodrigo Vaca.
[Blurb sa pahina 23]
“Kung umiiral ang Diyos, hindi ko sana naiwala ang aking kamay o ang aking mga mata!” may paghihinanakit kong sasabihin
[Blurb sa pahina 25]
Sa pamamagitan ng pagsasaulo sa lahat ng mga kasagutan at mga pahina kung saan masusumpungan ang mga ilustrasyon, ako ay nakapagsasagawa ng mga pag-aaral sa Bibliya
[Blurb sa pahina 25]
Ako ay nagtanong, ‘Nasaan ang kaluluwa ni Atahuallpa, isang mananamba sa diyus-diyusan at maraming asawa?’
[Larawan sa pahina 24]
Nakakasumpong ako ng malaking kagalakan sa pagtuturo ng Bibliya sa iba