Ang Third World—Binabaka ang Kamangmangan?
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Nigeria
MAHIGIT na 800 milyon katao—isang katlo ng adultong populasyon ng daigdig—ang hindi makabasa ng mga salitang ito. Sila ay mga mangmang. At sa Aprika ang populasyong nakakabasa at nakakasulat ay halos 40 porsiyento lamang. Gayumpaman, dumarami ang edukasyunal na mga pagkakataon sa mga bansang Aprikano. Ang Nigeria, halimbawa, ay may libu-libong mga paaralang primarya at sekondaryo, at mahigit na 20 mga pamantasan. Gayunman umiiral pa rin ang kamangmangan.
Ang Hilagang Aprika ay may mga pamayanang nakakabasa at nakakasulat sa loob ng libu-libong mga taon. Ang mga naninirahan sa sub-Saharan Aprika ay marunong bumasa’t sumulat dahilan sa impluwensiya ng mga Muslim sa Hilagang Aprika. Gayunman, yaon lamang gumawa ng relihiyosong mga pag-aaral sa Arabe ang marunong bumasa’t sumulat. Ang karamihan ng iba pa ay hindi marunong bumasa’t sumulat.
Ang istilong Europeo na pagbabasa at pagsulat ay ipinakilala ng mga mangangalakal na Portuges kasing-aga ng ika-16 na siglo. Subalit noon lamang ika-19 na siglo na ang mga paaralang misyon ng Romano Katoliko at Protestante ay natatag nang ang mga teritoryong Aprikano ay mapasailalim ng kolonyal na pamamahala. Katulad ng sa Europa nang panahong iyon, ang pag-aaral ay limitado sa ilan. Hindi agad nakilala ng lipunan hinggil sa pagsasaka ang kahalagahan ng pag-aaral. Ang mga bata ay mahalagang bahagi ng mga manggagawa, at ayaw silang pakawalan ng mga pamayanan upang mag-aral.
Pumasok ang Relihiyosong mga Isyu
Dahilan sa ayaw nilang ang kanilang mga anak ay pasailalim ng ibang relihiyosong impluwensiya, tinanggihan ng mga lider na Muslim ang mga pagsisikap na ipasok ang mga paaralang misyon. Ang mga pinuno sa gawing Hilaga ng Nigeria ay tinanggihan pa nga ang mga paaralang itinataguyod ng pamahalaan, hanggang sa sumang-ayon ang administrasyon ng kolonya na ang relihiyon ay hindi ituturo. Gayumpaman, ang mga batang babae ay hindi isinali sa talaan.
Gayunman, unti-unting dumating ang mga pagsulong at pagpapalawak ng mga sistema sa paaralan. Mga paaralan para sa mga batang babae ang itinayo. Ang edukasyon ay nakarating sa liblib na mga dako. Subalit ang karamihan ng mga tao ay nanatiling mangmang. Sa gayon ang bagong nagsasariling mga bansang Aprikano ay nagmana ng isang populasyon kung saan ang mga karaniwang tao ay hindi gaanong nakakabasa at nakakasulat o ganap na mangmang.
Mga Pagsulong Kamakailan
Karamihan ng mga pamahalaan ay nagpanukala ng mga programa para sa edukasyon ng masa. Ang populasyon ng Tanzania na halos 20 milyon ay 60 porsiyentong marunong bumasa’t sumulat ngayon. Ang Ethiopia ay nag-uulat din ng mabuting mga resulta. Gayunman, ang mga programa sa edukasyon sa Kanlurang Aprika ay naudlot sa ilalim ng madalas na mga pagbabago ng pamahalaan at mabuway na mga kalagayan sa kabuhayan. Napansin ni Alfred Kwakye, isang ministro ng mga Saksi ni Jehova sa Ghana, na “ang pamantayan ng natamong tagumpay ay lubhang bumaba anupa’t ang karaniwang bata ay hindi halos makabasa at makasulat ng anumang wika pagkatapos ng sampung taon sa paaralan.” Gayundin ang himutok ni Abiola Medeyinlo, isang estudyante sa unibersidad na taga-Nigeria, na kadalasan “ang mga nagtapos sa mga paaralang sekondaryo ay hindi makabaybay ng pangunahing mga salitang Ingles.”
Ipinakikita ng pamamaraang UPE (Universal Primary Education) ng Nigeria kung paanong ang malayang mga plano sa edukasyon ay kadalasang napapawalang-bisa o nahahadlangan ng di-sapat na panustos gayundin ng di-sapat na mga gusaling paaralan, mga gamit sa pagtuturo, at kuwalipikadong mga guro. Totoo, sapol nang magsimula ang programang UPE noong 1976, ang populasyon ng paaralang primarya ay sumulong mula 8.2 milyon tungo sa 16.5 milyon noong 1983. Gayunman, hindi nagtagal pagkatapos simulan ang programa, ang mga klase ay sumobra, at nasumpungan ng mga estudyante ang kanilang mga sarili na pumapasok sa paaralan sa sistema na hali-halili o nag-aaral sa ilalim ng mga punungkahoy. Ang marami ay kailangang maupo sa mga bato o magdala ng kanilang sariling bangko at iba pang mga gamit sa paaralan. Libu-libong hindi kuwalipikadong mga guro ang kinalap upang tulungan ang kakaunting kuwalipikadong mga guro. Gayunman, sa kabila ng lahat na ito, ang mga batang taga-Nigeria ay natututong bumasa at sumulat.
Gayunding mga problema ang nagpapahirap sa mga programa na nagtuturong bumasa at sumulat sa mga adulto ng Nigeria. Kaya’t ang mga pamayanan, mga pamilya, at mga guro ay kailangang magtatag ng kanilang sariling mga programang sariling-sikap. Ang mga membro ng pamilya na marunong bumasa’t sumulat ay hinihimok na tulungan ang mga hindi marunong bumasa’t sumulat. Ang relihiyosong mga pangkat, sosyal na mga organisasyon, ang media—radyo, TV, at mga pahayagan—ay hiniling na magkaroon ng mga programa na tutulong sa mga tao na matutong bumasa at sumulat.
Gayunman, paano mo tuturuan ang mga tao na magsalita ng isa lamang sa 250 mga wika sa Nigeria kung ang partikular na wika ay may kaunti o walang mga babasahin? At kahit na kung ang gayong mga tao ay matutong bumasa at sumulat, papaano maipagpapatuloy ang bagong kakayahang ito kung walang mga aklat o mga pahayagang mababasa sa kanilang wika? Ito ang mga dahilan kung bakit ang marami ay hindi nag-aabalang matuto, at kung bakit ang ilan na natutong bumasa ay bumalik sa kamangmangan. Hindi kataka-taka na mayroon pang mga 27 milyong mangmang na mga adulto sa Nigeria. Yamang hindi matutulungan ng mga ito ang kanilang mga anak sa kanilang mga leksiyon sa paaralan, ang mga batang ito ay maaari ring magbalik sa kamangmangan pagkatapos umalis ng paaralan.
Gayunman, ang Nigeria ay may tila ambisyosong tunguhin na pawiin ang kamangmangan sa taóng 1992. Gayunman, ang nakaraan ay nagbibigay ng kaunting saligan para sa gayong pag-asa.
[Kahon sa pahina 9]
Pakikipagbaka ng India sa Kabulukan ng Paaralan
Ang peryodistang taga-India na si Salome Parikh ay sumulat kamakailan: “Ang edukasyon sa India ay unti-unting nagkakaroon ng kapaligiran na animo’y tindahan. Ito ay isang palengke at ang kawalang-interes at kabulukan na lumilitaw bilang mga resulta ng anumang kalagayang salat ay lumalago sa taun-taon.”
Gayundin ang ulat ng isang kabalitaan sa India: “May malaganap na kabulukan. Ang mga opisyal ng paaralan ay nagtatamasa ng maunlad na negosyo ng pagtanggap ng mga suhol at hayagang ‘mga donasyon’ mula sa mga magulang na nagnanais ipasok ang kanilang anak sa paaralan. Ang pandaraya sa bahagi ng mga estudyante ay hayagan at palasak. Sa mga lalawigan, ang mga guro ay kadalasang nawawala sa loob ng 10 hanggang 15 mga araw sa isang panahon upang asikasuhin nila ang kanilang mga bukid. Gayunman, sila ay muling lilitaw kapag dumarating ang superbisor upang suriin ang paaralan. At ang mga superbisor na ito ay umaasa ng malaking mga suhol ng trigo, bigas, at asukal mula sa mga taganayon at mga guro. Bilang kapalit, sila ay susulat ng mahusay na mga report kung paanong ang kamangmangan ay napapawi sa nayon!”
[Kahon sa pahina 9]
High School at ang Third World
Napansin ng manunulat na si Gene Maeroff na “kulang ng sapat na mga high school upang maglingkod sa populasyon sa maraming mga bansa sa daigdig. . . . Ang katumbasan ng mga tin-edyer sa high school ay
19 porsiyento sa Algeria,
18 porsiyento sa Brazil,
9 porsiyento sa Gambia,
28 porsiyento sa India,
20 porsiyento sa Indonesia,
38 porsiyento sa Iraq,
15 porsiyento sa Kenya,
17 porsiyento sa Pakistan,
26 porsiyento sa Thailand.”
[Mga larawan sa pahina 9]
Sa paaralan sa Bhutan . . .
[Pinagmulan]
FAO Photo/F. Mattioli
. . . at Swaziland
[Pinagmulan]
FAO Photo/F. Botts