Ang Edukasyon ng Iyong Anak at Ikaw
“Ang mga ideya ng iyong anak tungkol sa edukasyon at sa kahalagahan nito ay nagsisimula sa iyo. Dapat kang maging isang buháy na halimbawa ng kung ano ang inaasahan mong igalang at tularan ng iyong mga anak.”—The National Commission on Excellence in Education.
ANO nga ba ang katulad ng mga paaralan sa iyong lugar? Ito man ay namumukod o di-sapat, malamang na ang iyong anak ay gumugugol ng malaking panahon doon. Siya ay nalalantad sa anong mga uri ng impluwensiya? Ang tanging paraan upang matiyak ay gumawa ng regular na mga pagdalaw sa paaralan ng iyong anak at makipagkilala sa mga guro. Gayundin panatilihing bukás ang mga linya ng komunikasyon sa iyong anak. Maging alisto sa anumang mga problema o kabalisahan na taglay nila may kaugnayan sa paaralan.
Totoo, maraming mga magulang ang hindi mismo nakapag-aral. Subalit gaya ng sinabi ng isang punung-guro sa isang mababang paaralan sa Lunsod ng New York sa Awake!: “Kahit na ang isang mangmang na magulang ay maaaring maging napakapositibo sa kaniyang paglapit sa edukasyon ng kaniyang anak. Maaari niyang pasiglahin ang bata na pumasok sa paaralan. Maaari niyang tiyakin na ginagawa ng bata ang kaniyang araling-bahay at na ang bata ay may wastong kapaligiran na doon mag-aaral. Maaari niyang patibayin kung ano ang itinuro sa paaralan sa pagtatanong, ‘Ano ang natutuhan mo sa paaralan ngayon?’”
Tandaan din, na ang pinakamahalagang edukasyon na maibibigay ng isang magulang ay “ang disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang batang naturuan ng gayon ay may malakas na pangganyak na maging dalubhasa sa edukasyunal na mga kasanayan. (Ihambing ang Deuteronomio 17:18, 19; 1 Timoteo 4:13 at 5:8.) Ang batang iyon ay magkakaroon din ng isang timbang na pangmalas sa tagumpay at iiwasan ang mahigpit na paligsahan, sa gayon ay napakikitunguhan nang mas maigi ang mga kaigtingan at mga panggigipit sa paaralan.a—Eclesiastes 4:4; Galacia 5:26.
Ang bumabagsak na mga paaralan ay bahagi lamang ng dumaraming katibayan na ang pamamahala ng tao ay hindi sapat. (Jeremias 10:23) Walang alinlangang pinatutunayan ng mga pangyayari sa daigdig na malapit nang mamahala ang Diyos sa lupa. (Lucas 21:10-28) Wala nang kamangmangan o schulangst sa ilalim ng kaniyang pamamahala. Sapagkat ang lahat ng mga mamamayan ng lupa “ay tuturuan ni Jehova.” (Isaias 54:13) At “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova na gaya ng mga tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Samantala, magkaroon ng interes sa edukasyon ng inyong anak. Kung gayon, kahit ang mga paaralan ay hindi makapasa sa pagsubok, ang inyong anak ay maaaring magtagumpay.
[Talababa]
a Ang mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na lumabas sa mga isyu ng Gumising! noong 6/8/84, 6/22/84, 7/22/84, 8/8/84, 8/22/84, 12/22/84, at 1/8/85 ay naglalaman ng ilang nakatutulong na mga mungkahi.