Mula sa Aming mga Mambabasa
Maligayang mga Pamilya sa Pangalawang Asawa
Nais naming pasalamatan kayo sa mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” tungkol sa pagtatayo ng pamilya sa pangalawang asawa. (Setyembre 8, Oktubre 8, Oktubre 22, 1985 sa Tagalog) Dalawang taon na ang nakalipas ang aking ina ay muling nag-asawa, at sa simula ako ay nangangamba. Ang inyong mga artikulo ay nakatulong sa akin na suriin ang aking mga damdamin at alamin kung ano ang kinakailangang gawin ko upang makatulong sa pagkakaisa ng aming pamilya sa pangalawang asawa. Natanto ko na ang isang pamilya sa pangalawang asawa ay maaaring magkaisa rin gaya ng tunay na pamilya.
B. A. (11 anyos), Colorado
Bokasyunal na Patnubay
Kamakailan, bilang isang superintendente ng paaralan, ako ay inanyayahan ng direktor ng isang probinsiyal na kolehio ng edukasyong pansekondaryo upang makibahagi sa isang serye ng mga pahayag na ibinibigay ng mga propesyonal sa rehiyon na iyon sa 40 mga kabataan na magsisimula ng pangunahing kurso sa Nobyembre at na ngayon ay nasa mahirap na yugto ng pagpili ng isang karera. Para sa aking pahayag, na mahigit isang oras, kinuha ko ang lahat ng impormasyon mula sa apat na sipi ng Gumising! lalo na ang mga artikulong “Mag-aral sa Kolehio o Matuto ng Isang Hanapbuhay?” (Abril 22, 1985 sa Tagalog) at “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano ba Ako Pipili ng Isang Karera?” (Agosto 22, 1985 sa Tagalog) Ako ay binati ng mga guro at ng direktor ng kolehio sa malinaw na pagpapaliwanag at dahilan sa ang mensahe ay praktikal. Gayunman, inaakala ko na ang papuri ay nararapat sa inyong magasin, na talagang nakapagtuturo.
J. E. C., Honduras
Mag-asawang Nagtatrabaho
Bilang isang nagtatrabahong asawang babae, nais kong sabihin na ang artikulong “Mag-asawang Nagtatrabaho—Ang Susi sa Tagumpay” (Hulyo 8, 1985 sa Tagalog) ay kahanga-hanga. Hindi ko maunawaan kung bakit napakahirap para sa ilang mga lalaki na tumulong sa mga gawain sa bahay. Tinulungan ako ng artikulo na higit na maunawaan kung paanong ang ilang mga bagay na hindi likas sa isa ay maaaring hindi mapansin. Halimbawa, katulad ng lababong punô ng maruming mga pinggan samantalang ako ay naglalaba. Inaakala ko na ang bagay na binasa naming mag-asawa ang artikulo na magkasama ay nagpangyari sa amin na pag-usapan (hindi pagtalunan) ang tungkol sa kaayusan na maaaring magpaunlad ng kalagayan. Maraming salamat mula sa aming mag-asawa.
V. S. P., Brazil
Saligang mga Kulay
Sa inyong mahusay na artikulong “Pinananatiling Abala ang Mumunting mga Kamay” (Setyembre 8, 1985 sa Tagalog) ay binanggit na ang saligang mga kulay o primary colors ay pula, dilaw, at asul. Upang maging eksakto, ang saligang mga kulay ay pula, berde, at asul. Batid ko na ang karamihan ng mga pintor ay ituturing ang pula, dilaw, at asul na saligang mga kulay, subalit sa katunayan ang mga ito ay tinatawag na subtractive primaries, kung ihahambing sa additive primaries na pula, berde, at asul.
B. C. S., California
Sang-ayon sa “The Concise Columbia Encyclopedia,” kapag ginagawa ang epekto ng kulay sa liwanag, “ang mga silahis ng liwanag ay ‘additively’ na pinagsasama, at ang pula, asul, at berde ay tipikal na pinipili bilang mga saligan. Gayunman, ang mga pangulay (pigment) ay pinagsasama sa paraang ‘subtractive,’ yaon ay sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga wavelenght, at karaniwan nang pinipili ng mga pintor ang pula, asul, at dilaw bilang kanilang saligan.” Sa paggawa ng iba’t ibang kulay para ikulay sa masa ng tinapay, kailangang paghaluin ang saligang mga pangulay na pula, asul, at dilaw.—ED.