Ang Pangmalas ng Iglesya sa Sekso at Pag-aasawa
ANG sekso at pag-aasawa ay tunay na mga paksa ng pambuong daigdig na interes. Marahil walang ibang paksa kung saan ang mga tao ay karaniwang humihingi ng payo at patnubay. Ang Bibliya ay maraming binabanggit may kaugnayan sa sekso, marahil ay higit kaysa nababatid ng karamihang mga tao. At gayundin kung tungkol sa pangunahing relihiyon sa Kanluraning daigdig, ang Iglesya Katolika Romana.
Sa pamamagitan ng naituro nito tungkol sa sekso, ang Iglesya Katolika ay lubhang nakaimpluwensiya sa buhay ng angaw-angaw na mga tagasunod nito. Sa partikular, ang buhay ng mga pari at mga madre ay naapektuhan. Ang turo ba ng iglesya ay nagkaroon ng kaaya-aya, kapaki-pakinabang na epekto o ng masamang epekto? Paano maihahambing ang pangmalas ng Iglesya Katolika tungkol sa sekso sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya? Susuriin ng mga seryeng ito ng mga artikulo ang bagay na ito.
Ang saloobin ng Iglesya Katolika Romana tungkol sa sekso at pag-aasawa ay ipinakikita sa A Catholic Dictionary, na nagsasabi: “Ang mga simulain na gumanyak sa Iglesya na igiit ang panata na hindi pag-aasawa sa kaniyang mga klero ay . . . na, dahil sa tinawag sa altar, maaari nilang piliin ang buhay ng pagpipigil [pagpipigil mula sa seksuwal na pagtatalik], na mas banal kaysa sa pag-aasawa.”
Kung, sang-ayon sa doktrinang Katoliko, ang pagpipigil sa seksuwal na pagtatalik ay “mas banal,” saan nito inilalagay ang pag-aasawa? Ito ang katanungan na malaon nang ikinabahala ng mga mananalaysay. Kaya, ang A History of Christianity, ni Paul Johnson ay nagtatanong: “Kaya, kung ang panatang hindi pag-aasawa ay mas nakahihigit, at ang pag-aasawa ay mababa, bagaman legal, hindi ba ipinahihiwatig nito na ang sekso ay likas na masama at kahit na sa kalagayan ng pag-aasawa ay isang anyo ng may pahintulot na kasalanan?”
Ang paggigiit ni Papa John Paul II tungkol sa higit na debosyon kay “Birheng Maria” ay walang nagawa upang bawasan ang impresyong ito na ang pag-aasawa ay hindi malinis, kundi man aktuwal na masama. Ang doktrina ng walang hanggang pagkabirhen ni Maria ay nagpapanatili sa ideya na ang seksuwal na mga kaugnayan ay hindi malinis. Ang doktrina ay nagpapahiwatig na ang pagtatalik, kahit na pagkatapos maisilang si Jesus, ay sisira sa reputasyon ni Maria bilang isang banal na babae.
Hindi kataka-taka na “ang misteryo ng orihinal na kasalanan” at “ang walang hanggang pagkabirhen ni Maria” ay itinala na kabilang sa malaking mga problema na gumugulo sa taimtim ng mga Katoliko. “Maaari pa nilang idagdag ang hindi pagkakamali ng papa, na malawakang kinukuwestiyon o pinag-aalinlanganan,” sabi ng Katolikong awtor na si Jacques Duquesne.
Walang alinlangan, ang utos ng papa na malaki ang nagawa upang pahinain ang pananampalataya ng mga Katoliko sa hindi pagkakamali ng papa ay ang ensikliko o liham ng papa na Humanae Vitae. Inilabas ni Paul VI noong 1968, pinagtibay-muli ng dokumentong ito ang opisyal na doktrinang Katoliko na nagbabawal sa paggamit ng artipisyal na mga pamamaraan ng birth control. Ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na “ang ensiklikong ito ay pumukaw ng matinding mga reaksiyon [sa gitna ng mga Katoliko] na maaaring ilarawan na pinakamarahas na mga pagsalakay sa awtoridad ng turo ng papa sa modernong panahon. Gayundin, ang kaniyang [kay Paul VI] matatag na paninindigan tungkol sa pagpapanatili ng panatang hindi pag-aasawa ng mga pari . . . ay pumukaw ng maraming masakit na kritisismo.”
Maliwanag na ang mga pangmalas ng Iglesya Katolika Romana tungkol sa pag-aasawa at panatang hindi pag-aasawa ng mga pari ay lumikha ng mga suliranin para sa mga Katoliko. Bakit nilikha ng iglesya ang mga problemang ito para sa kaniyang sarili? Ano ang umakay rito na igiit ang panatang hindi pag-aasawa ng mga pari at mga madre at igiit ang walang hanggang pagkabirhen ni Maria?