Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Pagtatalik Bago Mag-asawa—Bakit Huwag?
ANO ang numero unong paksa na isinusulat ng mga tao sa mga pitak na nagpapayo? Sa isang pahayagan sa malaking-lunsod, ito’y ang pagtatalik bago mag-asawa. Oo, napakaraming katanungan tungkol sa paksang ito: ‘Kung kayo’y nagmamahalan sa isa’t isa, ayos ba ito?’ ‘Dapat ka bang maghintay hanggang makasal?’ ‘Ito ba’y “katuwaan” lamang?’ Gayunman, napakarami ring mga opinyon! Aling payo ang tama at para sa iyong pinakamabuting kapakanan?
Ang pagtatalik o sekso bago mag-asawa ang paksa ng mahigit isang ikaapat ng panimulang bahagi (Kaw kabanata 1-9) ng aklat ng Bibliya na Kawikaan. Ang payo na naroroon ay mula sa ating Maylikha. Ang kaniyang payo ay maaaring magbigay “sa isang kabataang lalaki [o babae] ng kaalaman at kakayahang mag-isip.” Yaong mga sumusunod sa payo nito ay nagtatamo ng “mahusay na patnubay,” o gaya ng kahulugan ng orihinal na salitang Hebreo, ang “sining ng pag-ugit o pagpatnubay” sa isang barko. (Kawikaan 1:4, 5) Tiyak na nais mo ang kakayahan na ugitan ang iyong buhay na malaya sa anumang tusong panganib na maaaring “sumira” sa iyong kaligayahan!
Totoo, hindi ipinalalagay ng maraming kabataan ang pagtatalik bago mag-asawa na isang banta sa kanilang kaligayahan. Kadalasan yaong mga aktibong nakikipagtalik ay nagsasabi na gayon nga ang kalagayan sa mga kadahilanan na kahawig niyaong sinabi mga ilang dantaon na ang nakalipas: “Parito ka, tayo’y magpakasaya sa pagsisintahan hanggang sa kinaumagahan; tayo’y magpakasaya sa mga kapahayagan ng pag-ibig sa isa’t isa.” (Kawikaan 7:18) Sila ay nag-iibigan, at, sabi nila, likas lamang ang pagtatalik. O maaaring mangatuwiran sila na gaya ng isang binatang nagngangalang Leopold, na nagsabi: “Upang patunayan mo na ikaw ay isang tunay na lalaki, dapat kang makipagtalik sa isang babae.” Gayunman ang iba ay napadadala upang sila’y tanggapin ng kanilang mga kaedad o upang patunayan na sila’y hindi bakla.
Subalit prangkahan, ipinakikita ng mga pananaliksik—at di-mabilang na mga halimbawa—na ang karamihan ng mga kabataan ay walang balak na makipagtalik sa simula.a Sa karamihan ng mga kaso, ang pagtatalik ay nangyayari sapagkat ang dalawa ay nagkakarinyuhan o naghihipuan. Ganito ang sabi ng isang dalagang-ina: “Para sa akin at sa karamihan ng mga batang nakikilala ko, wari bang lumalabis lamang ito sa bawat pagkakataon, at sa wakas ay hindi ka na pala birhen. Nagsisimula ka sa kaunting pagkarinyo, at bago mo matalos kung ano ang nangyayari, hindi ka na makahinto.”
‘Bakit nga hindi tamasahin ang kasiyahan ng pagtatalik bago mag-asawa?’ tutol ng iba. ‘Ano bang masama roon kung gusto naman nila ito?’
Masakit na mga Suliranin
Ang ilang mga kasiyahan ngayon ay maaaring magdala ng kirot kinabukasan. “Sapagkat ang mga labi ng masamang babae ay gaya ng pulot na patuloy na tumutulo, at ang kaniyang bibig ay madulas kaysa langis,” sabi ng Kawikaan 5:3, 4. “Ngunit ang kaniyang huling wakas ay mapait kaysa ahenho; matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.”
Ang isang posibleng masakit na resulta ay ang pagkakaroon ng sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik. Sa pakikipagtalik bago mag-asawa, ang isa ay talagang ‘nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.’ (1 Corinto 6:18) Isip-isipin ang sama ng loob kapag nalaman mo pagkalipas ng mga ilang taon na ang imoralidad ay nagdulot sa iyo ng hindi masasaliwang pinsala, marahil ay pagkabaog o isang maselang na suliranin sa kalusugan. Gaya ng babala ng Kawikaan 5:11: “Ikaw ay mananangis sa iyong kinabukasan pagka ang iyong laman at ang iyong organismo ay magwakas.”
Ang pagtatalik bago mag-asawa ay maaari ring humantong sa pagkakaroon ng anak sa labas, aborsiyon, o pag-aasawa na wala sa panahon—na ang bawat isa ay may kani-kaniyang masakit na kahihinatnan. Subalit ang isa pang mahirap na suliranin ay . . .
Ang Emosyonal na Pinsala
Ang mga damdamin ng pagkakasala at lumiliit na paggalang-sa-sarili ay iniulat ng marami na nakipagtalik bago mag-asawa, yamang sila ay binabagabag ng kanilang mga sarili dahil sa paglampas sa kanila mismong mga pamantayan. Halimbawa, ang 23-anyos na si Dennis ay nanangis: “Ito’y isang malaking kabiguan—walang kabutihan o init ng pagmamahal na dapat sana’y mayroon ito. Sa halip ang ganap na kabatiran kung gaano kamali ang gawang iyon ay nakabalisa sa akin. Hiyang-hiya ako sa aking kakulangan ng pagpipigil-sa-sarili.”
Marami pang iba ang malungkot na sumasang-ayon. “Natauhan ako taglay ang matinding pangamba,” sabi ng isang kabataang babae. “Wala nang katuwaan ngayon. Tapos na ang parti at masama ang pakiramdam ko, para ba akong mumurahing babae, at marumi. Hindi rin nakatulong sa akin ang marinig ang sinabi niya, ‘Bakit hindi mo ako pinigil bago tayo nakalimot sa ating mga sarili?’”
Ang gayong mga reaksiyon ay karaniwan, sang-ayon kay Dr. Jay Segal, na nagsagawa ng isang pambansang pag-aaral batay sa “seksuwal na sariling mga talambuhay” ng 2,436 na mga estudyante sa kolehiyo. Sa kaniyang inilathalang report siya ay naghinuha: “Ang hindi nakasisiya at nakasisiphayong unang [pagtatalik] na mga karanasan ay nakahihigit doon sa mga nakasisiya at nakatutuwa sa katumbasan na halos dalawa sa isa. Nagunita kapuwa ng mga lalaki at mga babae na sila ay lubhang hindi nasiyahan.”
Totoo, hindi lahat ng kabataan ay waring nakadarama ng pagkakasala o kawalang-kasiyahan. Subalit ang Bibliya ay nagbababala: “Ang pakikiapid . . . ay nag-aalis ng mabuting motibo.” (Oseas 4:11) Nasusumpungan ng isang taong nakikipagtalik bago mag-asawa, o nakikiapid, na ang kaniyang mga pangganyak ay maaaring unti-unting magbago. Ang seksuwal na simbuyo ng damdamin ay maaaring maging ang nangingibabaw na damdamin at ang tampulan o pokus ng kaugnayan. Subalit ang gayong simbuyo ng damdamin ay pabagu-bago at madaling nababagot.
Pinalabo ng ilang kabataan ang kanilang “mabuting motibo” sa pamamagitan ng pakikiapid anupat hinangad nila ang kasiyahan ng pakikipagtalik sa iba’t ibang mga kapareha sa bawat buwan. Tinatawag ng mananaliksik na si Robert Sorensen ang gayong mga kabataan na “seksuwal na mga abenturero.” Ipinakita niya na ang mga ito ay nagbabayad ng halaga sa kanilang ‘mga abentura.’ Ganito ang sulat ni Sorensen: “Sa aming personal na mga panayam, maraming abenturero ang nagsiwalat . . . na naniniwala sila na sila ay nabubuhay na may kaunting layunin at kasiyahan-sa-sarili.” Apatnapu’t-anim na porsiyento ng mga ito ang sumang-ayon sa pangungusap na, “Sa paraan ng pamumuhay ko ngayon, karamihan ng aking mga kakayahan ay nauuwi sa wala.” Nasumpungan pa ni Sorensen na ang mga handalapak na kabataang ito ay nag-ulat ng mababang “pagtitiwala-sa-sarili at pagpapahalaga-sa-sarili.” Katulad na katulad ito ng sinasabi sa Kawikaan 5:9: Yaong mga nagsasagawa ng imoralidad ay ‘ibinibigay ang [kanilang] karangalan sa iba.’
Gayunman, ang ibang kabataan ay nagsasabi: ‘Iba kami. Ang sekso ay magpapalapit sa amin sa isa’t isa.’ Subalit gayon nga ba?
Kinabukasan
Minsang magtalik ang lalaki’t babae, kadalasan nang iba ang pagtingin nila sa isa’t isa. Maaaring masumpungan niya na ang kaniyang damdamin para sa kaniyang nobya ay hindi kasintindi na gaya ng dati. Ngayon na nakuha na niya ang gusto niya, maaari pa ngang ang babai’y magtinging hindi kaakit-akit sa kaniya. Sa kabilang dako, maaaring akalain ng babae na siya ay pinagsamantalahan. Sa paanuman, sa pagtatalik ang lalaki’t babae ay lumalampas sa hangganan at hinding-hindi na makababalik.
Noong mga kapanahunan ng Bibliya si Amnon ay sumisinta sa dalagang si Tamar. Gayunman, pagkatapos makipagtalik, “Kinapootan siya ni Amnon na may mahigpit na poot.” (2 Samuel 13:15) Sa gayunding paraan, pagkatapos makiapid, ang isang babaing nagngangalang Maria ay nagsabi: “Kinapopootan ko ang aking sarili (sa aking kahinaan), at kinapopootan ko ang aking nobyo. Sa katunayan, ang pagtatalik na inaakala naming magpapalapit sa amin sa isa’t isa ang nagwakas ng aming kaugnayan. Ayaw ko nang makita pa siyang muli.”
Mangyari pa, hindi lahat ng mga reaksiyon ay kagaya ng kay Maria o kay Amnon. “Ang pansamantalang epekto ay maaaring pagtibayin ang relasyon, subalit ang matagalang mga epekto ay lubhang kakaiba,” hinuha ng isang awtoridad sa larangang ito, si Paul H. Landis, pagkatapos suriin ang mga resulta ng pag-aaral na kinasasangkutan ng mga ilang daang kabataan. Ang isang dahilan kung bakit ang mga lalaki’t babaing nakipagtalik ay mas malamang na magkasira kaysa roon sa mga hindi nagtalik ay sapagkat ang gayong labis na pagkamalapit sa isa’t isa ay nagbubunga ng paninibugho at hindi pagtitiwala. Ganito ang sabi ng isang kabataan: “Ang iba, pagkatapos na sila’y makipagtalik, ay nag-iisip, ‘Kung pumayag siya sa akin maaaring pumayag rin siya sa iba.’ Sa katunayan, ganiyan ang nadama ko. . . . Napakaselosa ko at mapag-alinlangan, at mapaghinala.”
Kay layu-layo nito sa tunay na pag-ibig, na “hindi naninibugho, . . . hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Tanging ang ganitong uri ng pag-ibig ang makapagtatayo ng isang nagtitiwalang kaugnayan na humahantong sa isang nagtatagal na pag-aasawa. Hindi kataka-taka na ang Bibliya ay nagbababala: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat . . . sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid.”—Hebreo 13:4.
Dinadala tayo nito sa pinakamahalagang argumento laban sa pagtatalik bago mag-asawa: Ito ay isang maselang na kasalanan laban sa Diyos. “Ito ang kalooban ng Diyos,” sabi ng 1 Tesalonica 4:3, “na kayo’y lumayo sa pakikiapid.” Ang pagsunod sa kinasihang payong ito ay mag-iingat sa iyo sa di-mabilang na mga sama ng loob.
[Talababa]
a Sang-ayon sa isang pag-aaral, 60 porsiyento ng mga babae ang nagsabing ang pagtatalik ay kusang nangyayari at hindi binabalak.
[Blurb sa pahina 10]
Ang ilang mga kasiyahan ngayon ay maaaring magdulot ng kirot kinabukasan
[Blurb sa pahina 12]
Mas maraming tipanan sa pagpapakasal ang nasisira niyaong mga lalaki’t babae na nakipagtalik bago mag-asawa
[Blurb sa pahina 12]
Minsang magtalik ang lalaki’t babae, sila ay lumalampas sa hangganan at hinding-hindi na makababalik
[Larawan sa pahina 11]
Ang pagtatalik bago mag-asawa ay maaaring magbunga ng sama ng loob sa isang nasirang tipanan na pakasal