Mula sa Aming mga Mambabasa—“Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay”
ANG Oktubre 22, 1985 na labas ng Gumising! ay naglalaman ng isang apat-bahaging serye na pinamagatang “Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay.” Maraming mambabasa ang sumulat na nagpapahayag ng kanilang pagpapahalaga sa materyal na iyon. Nais naming ibahagi sa inyo ang ilan sa kanilang mga komento.
“Salamat sa Pagpapaalam Ninyo sa Akin na Ako ay Normal”
Karamihan ng mga sumulat ay nagpahayag ng pagpapasalamat sa pagkaalam na ang kanilang mga damdamin ay pangkaraniwan. Sila ay sumulat:
“Ang aming anak na si Mark ay namatay sa isang aksidente noong nakaraang Hunyo. Walang salita ang makapaglalarawan sa nadarama ng isang ina. Siya ay aking kaibigan at anak na lalaki. Tinulugan ako ng Gumising! na matanto na ang aking mga damdamin ay normal.”
—A. D., Nebraska
“Dalawang linggo pagkaraang lumabas ang mga artikulong ito ay sumakabilang-buhay ang aking ama. Hindi ko malaman kung bakit gayon ang nadarama ko at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga artikulong ito at natalos ko na ang aking nadarama ay pangkaraniwan. Tuwing nalulungkot ako, dinadampot ko ang Gumising! na ito at paulit-ulit na binabasa. Sa paggawa nito, ako ay naaaliw, at ako ay nakapagpapatuloy.
—D. R., Pennsylvania
“Ang aking mister ay namatay noong Oktubre 1983. Nakadama ako ng pagkakasala tungkol sa ilang mga damdaming aking nadama. Napahahalagahan ko ngayon na bagaman hindi ko ipinagmamalaki ang gayong mga damdamin, ang mga ito ay pangkaraniwan. Maraming salamat sa nakaaaliw na impormasyon.”
—L. B., Nebraska
Isang mambabasa, na ang 15-anyos na anak na lalaki ay namatay mga ilang taon na ang nakalipas, ay nagsabi ng ganito: “Salamat sa pagpapaalam ninyo sa akin na ako ay normal.”
—L. A., Connecticut
Karagdagang Unawa
Ang ibang mga liham ay nagbigay ng karagdagang unawa hinggil sa mga damdamin at mga pangangailangan ng mga naulila.
“Sa loob ng apat na taon na ako’y balo, hindi ko pa narinig na binanggit ang mga balo sa panalangin. Maniwala kayo sa akin, ngayon lagi kong inilalakip sa aking mga panalangin ang maraming mga balo at sinuman na namatayan ng mahal sa buhay. Talagang lubhang nakapanlulumo.”
—L. B., California
“Noong Marso namatay ang anak kong si David dahil sa labis na pagdurugo sa utak. Binigyan ako ng aking doktor ng mga tabletas na iinumin ko tatlong beses isang araw—at isa pa para makatulog ako sa gabi. Bagaman alam ko na ang mga ito ay ibinigay sa akin dala ng kabaitan at awa, agad kong nasumpungan ang aking sarili na inaabangan ang orasan, inaasahang dumating na ang susunod na pag-inom ng tableta. Nakakatakot ito, at sa wakas ay ipinagtapat ko sa aking mister ang aking nadarama. Sa payo niya, inilagay ko ang lahat ng mga tabletang ito sa kasilyas at binuhusan ito ng tubig. Ang mga artikulo sa Gumising! ay malaking tulong sa aking pamilya at sa akin. Maaari bang sa susunod na mga labas ay sumulat kayo ng babala tungkol sa mga panganib ng mga tableta na ginagamit upang mapaglabanan ang kaigtingan at lumbay?”
—I. S., Inglatera
“Ang labis kong naibigan sa mga artikulo ay ang tungkol sa kung paano pakikitunguhan ang iba at kung ano ang dapat o hindi dapat gawin. Marami sa loob ng kongregasyon ang lumayo sa akin dahilan sa aking negatibong mga reaksiyon. Napakahirap nito para sa akin at sa kanila rin naman! Kaya inaasahan ko na ang mga artikulo ay tutulong sa kanila upang matulungan ako ngayon.”
—R. W., British Columbia
“Mga Damdaming Ayaw Kong Madama”
Pangkaraniwan para sa isang tao na sugpuin ang kaniyang dalamhati, gaya ng pinatutunayan ng iba pang mga liham.
“Isang mahal ko sa buhay ang namatay, at sinugpo ko ang lahat ng damdamin ng kalumbayan. Binuksan ng inyong mga artikulo ang mga damdaming kinuyom ko sa loob ng 15 mga taon mula ng kaniyang kamatayan. Ang mga ito ay mga damdaming ayaw kong madama dahilan sa matinding kirot na lilikhain nito. Nauunawaan ko ngayon na kailangang ipahayag ng isa ang mga damdaming ito nang hayagan sa panahon ng kamatayan.”
—R. M., Ohio
“Ang aking itay ay namatay noong Oktubre 1984, nang mabasa ko ang magasing ito saka ko lamang ibinulalas ang aking damdamin. Nang sumunod na dalawang gabi, bago ako matulog, nanalangin ako kay Jehova, at umiyak ako hanggang wala na akong iluha pa. Dapat kong pasalamatan si Jehova at ‘ang tapat at maingat na alipin’ sa ginhawang nadarama ko ngayon. Salamat!”
—K. B., Ohio
Maliwanag na sinugpo ng iba ang kanilang kalungkutan dahilan sa inaakala nila na mali para sa isang Kristiyano na magdalamhati. Sila ay sumulat:
“Bago ko nabasa ang inyong mga artikulo, inaakala ko na ang aking dalamhati ay nagpapakita ng kakulangan ng pananampalataya sa pangako ng Diyos na Jehova na pagkabuhay-muli. Talagang inaasahan kong makikitang muli ang aking nanay, at tinulungan ako ng inyong mga artikulo na pahalagahan na ang isang Kristiyano ay maaari ring magdalamhati.”
—T. M., Kansas
“Ang nakatulong sa akin ay ang malaman na wasto lamang na magdalamhati. Matibay akong naniniwala sa pagkabuhay-muli, at inaakala kong mali na magdalamhati sa harap ng iba, iniisip na bibigyan ko sila ng dahilan na mag-alinlangan na mayroon akong gayong matibay na pag-asa. Ang huling artikulo ay nakatulong sa akin na makita na hindi inaalis ng pag-asa ang kirot, subalit ginagawa nitong mas madaling batahin.”
—C. B., New Jersey
Na maka-Kritiyano ang magdalamhati ay makikita sa halimbawa ni Jesu-Kristo mismo, na nang mamatay ang mahal niyang kaibigang si Lazaro ay “nanangis.” At ito’y sa kabila ng katotohanan na hindi magtatagal ay bubuhayin-muli ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay!—Juan 11:33-44.
Ang Iba ay Maaaring Tumulong
Maraming mambabasa ang nagpahayag ng pagpapasalamat sa mga mungkahi sa kung paano tutulungan yaong mga naulila.
“Mga ilang linggo ang nakalipas ang ama ng isang matalik na kaibigan ay bigla, di inaasahang namatay, sa kanilang tahanan. Pinadalhan ko siya ng isang kard na nag-aanyaya sa kaniya na magbakasyon sa amin. Lagi kong iniisip na maaasiwa ako kung babanggitin niya ang tungkol sa kaniyang ama. Mga ilang araw bago siya dumating, narito, dumating ang aming Gumising! mula sa koreo na may artikulong ‘Kung Paano Makatutulong ang Iba.’ Binasa ko ito ng ilang ulit! Sa buong makakaya ko, ginawa ko ang iminungkahi. Isa itong maaliwalas na hapon, at pinag-usapan namin ang tungkol sa kaniyang ama at ang mga bagay na aming natatandaan. Natawa pa nga kami. Maraming salamat sa mga salitang iyon sa tamang panahon.”
—K. E., Indiana
Pinahahalagahan ng mga naulila kapag ang iba ay nangunguna, gaya ng ipinakikita ng makabagbag-damdaming liham na ito mula sa isang mambabasa na ang asawang lalaki ay namatay.
“Marami ang nagsabi, ‘Kung may maitutulong ako, ipaalam mo lang sa akin.’ Subalit isang Kristiyanong kapatid na babae ay hindi na nagtanong. Nagtungo siya sa kuwarto, inalis niya ang sapin sa kama, at nilabhan ang maruming mga panapin sa kama. Ang isa pa ay kinuha ang timba, tubig, at panlinis at kinuskos ang alpombrang sinukahan ng aking asawa. Ang mga ito ay tunay na mga kaibigan, at hinding-hindi ko sila malilimutan. Pagkaraan ng ilang linggo, isa sa mga matanda sa kongregasyon ang nagpunta sa bahay na nakasuot ng damit pantrabaho dala ang kaniyang mga kagamitan at ang sabi, ‘Alam kong mayroong kinakailangang ayusin dito. Ano ba ito?’ Gayon na lamang ang pasasalamat ko sa kapatid na iyon dahilan sa pagkukumpuni niya sa bisagra ng pinto at pag-aayos ng isang gamit sa koryente!”
—E. L., Puerto Rico
Kung Ano ang Nadarama ng Isang Magulang
Tunay, isa sa pinakamasakit na dagok ang kamatayan ng isang anak. Pinatutunayan ng ilang mambabasa kung gaano ito kasaklap.
“Maraming salamat sa Oktubre 22 na labas ng Gumising! Isa itong malaking tulong sa akin. Alam ninyo, nalaman ko noong Abril 19 na ang sanggol na dinadala ko sa sinapupunan ay namatay. Nakasisindak ito. Nang panahong ito ako ay pinaghihilab pa upang isilang ko ang aking sanggol. Sa paano man alam ko na ang mga reaksiyon na naranasan ko ay normal, salamat sa organisasyon ni Jehova.”
—J. H.,Virginia
“Anim na taon na ang nakalipas namatay ang aking ikalawang anak na pitong linggo lamang ang gulang; ipinanganak ito na may maraming depekto. Binanggit ng mga artikulong iyon kung ano ang talagang nadama ko at naipakita nito sa akin na mayroong iba na nakakaunawa sa kung ano ang dinanas ko. Maraming salamat sa pagsasabi ng mga bagay na nadama ko subalit hindi ko alam kung paano sasabihin.”
—M. S., New York
“Nais kong pantanging pasalamatan kayo sa inyong artikulong ‘Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay.’ Ang aking anak na si Ricky ay nabundol ng isang kotse at namatay noong Setyembre 28, 1984. Limang taóng gulang lamang siya. Apat na linggo pagkatapos niyang maaksidente, nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Nakatulong ito sa akin sa lubhang mahirap na panahong ito. Naaalaala ko si Ricky araw-araw, at may mga araw na ako ay nauupo at umiiyak sapagkat gayon na lamang ang pangungulila ko sa kaniya. Subalit ngayon sa maibiging tulong ng Diyos na Jehova at sa pagkuha ng tumpak na kaalaman ng Bibliya, nagkaroon ako ng pag-asa na isang araw makikita kong muli si Ricky. Ang masasabi ko sa sinuman na namatayan ng isang mahal sa buhay, ‘Hilingin ninyo ang isa sa mga Saksi ni Jehova na tulungan kayong mabata ito.’”
—F. P., Minnesota
Maliwanag, ang kamatayan ng isang mahal sa buhay ay isa sa pinakamatinding kasawian sa buhay. Ang basta pagkaalam na ang iyong nadarama ay pangkaraniwan ay nakatitiyak sa ganang sarili. Karagdagan pa, ang pagbubulalas o paghahayag, hindi ang pagsugpo, ng iyong mga damdamin ay maaari ring tumulong. At, gaya ng sinasabi ng liham sa itaas, malaking kaaliwan ay nagmumula sa salig-Bibliyang pag-asa na “dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29.
[Kahon sa pahina 29]
Nakakatulong ang Gumising! sa Isang Kilusan Laban sa Kanser
Bilang pagtugon sa serye ng Gumising! na “Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay,” ang sumusunod na liham ay tinanggap mula sa program director ng isang kilusan laban sa kanser.
“Ang CancerShare ay isa-sa-isang boluntaryong programa na nagtataguyod sa mga pasyente ng kanser at sa kanilang mga pamilya. Malimit kaming tumatanggap ng mga tawag mula sa taong nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay, at sinisikap naming tulungan sila sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng babasahin tungkol sa pagdadalamhati at pagrirekomenda sa kanila sa mga pangkat na tumutulong sa mga nagdadalamhati.
“May apat na mga artikulo sa Oktubre 22, 1985, na labas ng Gumising! na lubhang makatutulong sa mga nagdadalamhati: ‘Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay’; ‘Kung Ano ang Nadarama ng Isang Magulang’; ‘Kung Paano Makatutulong ang Iba’; at ‘Ang Maaari Mong Gawin’. Maaari bang gamitin ng CancerShare ang lahat o bahagi ng mga artikulong ito, binibigyang kredito ang Watchtower Bible and Tract Society bilang pinagmulan, upang tulungan ang mga taong nagdadalamhati?”
Ang pahintulot ay malugod na ipinagkaloob sa bagay na ito.