Sino ang Aking Kapuwa?
‘TINATANONG mo ako, “Sino ang aking kapuwa?” Aba, ang sinumang nakatira sa tabing bahay ko, mangyari pa! At yaong mga nakatira sa aming kalye, yaong mga kalapitbahay namin. Sila ang aking mga kapuwa.’
Hindi gayon sang-ayon sa ilan na namuhay noong panahon ni Kristo Jesus. Kahit na noon may pagkakaiba ng palagay. Ito’y magliliwanag kung isasaalang-alang natin ang pag-uusap sa pagitan ni Jesus at ng isang lalaki na bihasa sa Kautusang Judio, na nakatala sa Lucas 10:25-37.
“Guro, ano ang aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?” tanong ng abugado.
“Ano ang nasusulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo?” tanong ni Jesus.
“‘Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong pag-iisip mo,’ at, ‘ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili,’” sagot ng abugado.
“Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. “Patuloy na gawin mo ito at mabubuhay ka.”
Subalit ang abugado ay hindi nasiyahan na matapos doon ang kanilang pag-uusap. Kaya’t siya ay nagtanong: “Sino nga ang aking kapuwa?”
Kabaligtaran ng kanila mismong Kautusang Mosaiko, sinasabi ng mga eskribang Judio sa kanilang bibigang tradisyon: “Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan ang iyong kaaway.” Itinuro ng mga eskriba at mga Fariseo na ang mga Judio lamang na nag-iingat ng bibigang kautusan ang kanilang kapuwa. Ang mga Judiong hindi tumutupad nito, at lahat ng mga Gentil, ay hindi itinuturing na mga kapuwa kundi bilang mga kaaway. Ang gayong mga Judiong erehes at mga Gentil ay hindi dapat tulungan kahit na ang kanilang mga buhay ay nanganganib. Taglay ito sa isipan, at upang bigyang-matuwid ang kaniyang sarili sa hindi pagpapakita ng pag-ibig sa lahat ng tao, ang abugado ay nagtanong: “Sino nga ang aking kapuwa?”
Bilang tugon sa katanungan, ibinigay ni Jesus ang ilustrasyon ng Mabuting Samaritano (ang mga Samaritano ay itinuturing na mga banyaga at kinapopootan ng mga Judio).
“May isang tao,” sabi ni Jesus, “na naglalakbay buhat sa Jerusalem patungong Jericho at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya’y sumamsam at sa kaniya’y humampas, at nagsialis, na siya’y iniwang halos patay na.” Nakita ng isang saserdote ang taong nakahandusay at siya’y lumihis at nagpatuloy sa kaniyang lakad. Nakita siya ng isang Levita, at gayundin ang ginawa. “Datapuwat isang Samaritanong naglalakbay ang naparaan sa kinaroroonan niya at, nang siya’y makita niya, siya ay nagdalang habag.” Ginamot niya ang mga sugat nito, dinala siya sa bahay tuluyan, binayaran ang pangangalaga sa kaniya, at sinabi sa katiwala ng bahay tuluyan na babayaran niya ang anumang karagdagang gastos sa kaniyang pagbabalik.
“Sino sa tatlong ito,” tanong ni Jesus sa abugado, “sa akala mo ang nagpakita ng pakikipagkapuwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Ang abugado ay sumagot: “Ang nagpakita ng habag sa kaniya.” Kaya sinabi sa kaniya ni Jesus: “Humayo ka at gayundin ang gawin mo.”
Ang saserdote ay ipinalalagay na isang mananamba kay Jehova. Gayundin ang Levita. Gayunman sila kapuwa ay lumihis at nagdaan sa kabila. Alinman sa kanila ay hindi naging mabuting kapuwa sa taong nangangailangan. Ang Samaritano, na hinahamak at tinatanggihan ng saserdote at ng Levita at ng kanilang relihiyon, ang tumugon. Siya ay nahabag sa sinapit ng lalaki, at tumulong sa kaniya. Siya ay nagpakita ng pakikipagkapuwa sa lalaki. Napakabait niya.
Sino sa Ngayon ang Nagpapatunay na Iyong Kapuwa?
Ngayon inaakala natin na ang ating mga kapuwa ay yaong mga nakatira na malapit sa atin. Ang salitang Griego na ple·siʹon, na isinaling “kapuwa” (neighbor), ay literal na nangangahulugang “malapit.” Gayunman, itinuturing ng Bibliya kapuwa sa Hebreo at Griegong Kasulatan ang kapuwa sa mas malawak na diwa.
Tinatakdaan ng mga eskriba at mga Fariseo noong panahon ni Jesus ang “kapuwa” doon lamang sa mga nag-iingat ng mga bibigang tradisyon ng kanilang relihiyon. Kaya, tinatakdaan nila ang kanilang pag-ibig sa kapuwa sa kanilang mga karelihiyon. Gayunman, ang pag-ibig ni Jehova at ni Jesus ay sumasakop sa lahat. (Mateo 5:43-48) Ang pag-ibig ng tunay na mga Kristiyano ngayon ay dapat na gayon din. Upang maging mga Kristiyano hindi lamang sa pangalan, dapat silang makipagkapuwa sa lahat ng tao at magpakita sa lahat ng pag-ibig sa kapuwa.
Nang ang Samaritano ay magpakita ng pakikipagkapuwa sa biktima, pinukaw ba nito ang pag-ibig ng biktima para sa Samaritano? Hindi tayo sinasabihan, subalit malamang na gayon nga. Sa gayunding paraan, nang dumating si Jesus sa lupa at namatay alang-alang sa sangkatauhan, siya, sa katunayan, ay nagpakita ng pakikipagkapuwa sa kanila. Inudyukan ba nito ang mga tao na ibigin siya at lumapit sa kaniya? Ang pag-ibig ba ni Jehova sa sanlibutan ng sangkatauhan, na ipinakita sa pagsugo niya sa kaniyang Anak sa lupa bilang pantubos, ay nagpangyari sa mga tao na lumapit sa Diyos? Gayon nga ang ginawa at ginagawa nito para sa marami. “Tayo’y umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19; Juan 3:16; Santiago 4:8.
Sa anong paraan ipinakikita ang pag-ibig na ito? Hindi sa pagsasabing “Panginoon, Panginoon,” kundi sa paggawa ng kalooban ng Diyos, sa pagpapatotoo sa iba tungkol sa Kaharian ni Jehova. (Mateo 7:21; 1 Juan 5:3; Isaias 43:10-12; Gawa 1:8) Ito lamang ang tunay at nagtatagal na tulong para sa nagdurusang sangkatauhan ngayon. Yaong mga taong, tulad ng mabait na Samaritano, ay nahahabag sa malungkot at nanganganib na kalagayan ng sangkatauhan, at dinadala sa kanila ang nakapagpapagaling na mabuting balita ng Kaharian ni Jehova—sila ang nagpapakita ng pakikipagkapuwa sa lahat ng tao. Walang itinatangi—lalaki o babae, bata o matanda, mayaman o mahirap, anumang nasyonalidad, anumang lahi, anumang relihiyon, anumang kulay ng balat—lahat ay itinuturing na mga kapuwa upang tulungan ng mabuting balita ng Kaharian.
Dala ng pag-ibig sa kapuwa, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon ang utos sa Efeso 4:25: “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” Angaw-angaw ang tumugon at ipinahayag ang katotohanang ito. Ito’y ang katotohanan tungkol sa Kaharian ni Jehova sa ilalim ng kaniyang Prinsipe ng Kapayapaan, si Kristo Jesus. Ito ang katotohanan na nagdadala ng kapayapaan sa isa’t isa. Higit sa lahat, ito ang katotohanan na nagdadala ng “kapayapaan ng Diyos na di masayod ng pag-iisip.”—Filipos 4:7.