Ang Pangmalas ng Bibliya
Terorismo—Bakit ang Mabilis na Paglago Nito?
“Kahit na kung kailangang pasabugin mo ang kalahati ng kontinente at magbubo ka ng isang dagat na dugo upang lipulin ang bahagi ng kalupitan, huwag kang mabahala sa paggawa nito.”—Karl Heinzen, rebolusyunaryong Aleman, 1809-80.
ANG mga aklat at iba pang mga bagay ay biglang nagliparan nang sumabog ang bomba sa isang department store sa Dortmund, Alemanya. Walong mamimili ang nasugatan, ang iba ay malubha. Isa pang imbing pagkilos ng mga radikal? Hindi. “Ito’y isa lamang biro,” sabi ng 20-taóng-gulang na nadakip ng pulisya. Gayunman, kahit na wala siyang pulitikal na motibo isa pa rin iyong gawa ng terorismo.
Sa loob lamang ng siyam na araw—mula Pebrero 28 hanggang Marso 8, 1985—nasaksihan ng Hilagang Ireland, Lebanon, Espanya, at ng Federal Republic of Germany ang madugong kamay ng terorismo na sumawi ng 72 katao, pinipinsala ang iba pang 245. At mula noon, ang terorismo, takot, at sindak ng masasamang tao ay lubusang nagpatuloy.
Bakit napilitang gumamit ng karahasan ang mga tao sa sibilisadong daigdig upang makamit lamang ang kanilang mga tunguhin? Maaari kaya, masasawata pa kaya ito? Ang Bibliya ay nagbibigay ng mapaniniwalaang kasagutan.
Bakit ang Terorismo?
“Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng masama. . . . Maglikat ka ng pagkagalit at bayaan mo ang poot; huwag kang mabalisa iya’y magdadala lamang sa paggawa ng kasamaan.” “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pang-aapi.”—Awit 37:1, 8; Eclesiastes 7:7.
Kapag paulit-ulit na hindi malutas ng mga gobyerno ang gayong mga suliranin gaya ng kakulangan ng kapayapaan, hindi mabuting kapaligiran, o kawalang katarungan sa lipunan o ekonomiya, kapag pinahintulutan nila o hinihimok pa nga ang pang-aapi at ang pagtatangi sa tao, ang mga tao ay maaaring “mabalisa.” Sabi nila: ‘Dapat kumilos na, kung hindi ngayon, kailan pa? Kung hindi ako, sino?’
Kung minsan ang kabiguan ay maaari pa ngang gumawa ‘sa pantas na kumilos na may kamangmangan.’ Inaakala ang kaniyang sarili na matalino, sa simula maaaring ang isang mapayapang tumututol ay masikap sa paggawa lamang ng hindi marahas na pagkilos. Gayunman, anong bilis na ang mga ito ay maaaring sumidhi tungo sa karahasan! Isaalang-alang, halimbawa, ang isang bansa sa Aprika na baha-bahagi dahilan sa lahi at kabuhayan. Kung ano ang nagsimula bilang mapayapang mga martsa ng pagtutol ay nauwi sa marahas na mga pagsalansang. “Ngayon, pagkaraan ng dalampu’t limang taon na pagsusumikap at sa kabila ng mga pangako ng pagbabago,” sabi ng magasing Time, “nananatili pa rin ang karahasan sa nababahaging bansa.”
“Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya’t ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nalalagak sa paggawa ng kasamaan.”—Eclesiastes 8:11.
Talagang mahirap unawain ang mga manggagawa ng masama at hatulan sila. Sa ibang lugar, ang mga hukuman ay naging lubhang maluwag sa pakikitungo sa ipinagsakdal na manggagawa ng masama. Idagdag pa rito ang napakaraming gawain sa hukuman na humahadlang sa mga awtoridad sa pagsasagawa ng “hatol laban sa gawang masama . . . agad,” at mayroon tayong mga panangkap upang ang mga puso ng mga manggagawa ng masama ay “lubos na nalalagak sa paggawa ng kasamaan.” Yamang walang nasumpungang matagumpay na paraan ang mga pamahalaan upang sawatain kahit na ang “normal” na krimen—gaano pa ang internasyonal na terorismo—ang marami ay maaaring matukso na subukin ito at makalusot.
Subalit Bakit ang Mabilis na Paglago Nito Ngayon?
“Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. . . . Ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, . . . walang utang na loob, di-tapat, walang katutubong pag-ibig, hindi marunong tumupad ng kasunduan, . . . walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di maibigin sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1-3.
Ipinakikita ng kronolohiya ng Bibliya at ng katuparan ng mga hula sa Bibliya na ang ating salinlahi ay nabubuhay sa “mga huling araw” na tinatandaan ng “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” Hindi mo ba masasabi na ang mga lalaki at babae na may mga katangian na gaya ng nabanggit ay potensiyal na mga kandidato sa teroristang tanawin? Yamang ang kanilang bilang ay dumarami habang ang “mga huling araw” ay nagtutungo sa kanilang wakas, hindi tayo dapat magtaka na ang karahasan ay nagpapatuloy na lumaganap sa bawat bahagi ng lipunan ng tao.
“At sumamâ ang lupa sa harap ng tunay na Diyos at ang lupa ay napunô ng karahasan.” “Sapagkat kung paano ang mga araw ni Noe, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Genesis 6:11, 13; Mateo 24:37.
Noong kaarawan ni Noe, ang espiritung mga anak ng Diyos na gumawa sa kanilang mga sarili na mga demonyo ay gumanap ng malaking bahagi sa paggawa ng isang daigdig na punô ng karahasan. (Genesis 6:1-5) Ang balakyot na mga nilalang na ito ay hindi maaaring magkatawang-tao upang tuwirang impluwensiyahan ang sangkatauhan, gaya ng ginawa nila noon. Subalit ngayon ang kanilang di-tuwiran, di-nakikitang mga pagsalakay ay nakamamatay din.
Nabubuhay ngayon sa kaarawan ng “pagkanaririto ng [niluwalhating] Anak ng tao,” si Jesu-Kristo, maaasahan natin ang daigdig ay magiging madugo dahilan sa gayunding uri ng karahasan. Tunay, makikita natin, gaya ng inihula ni Jesus, ang “paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Totoo ito dahilan sa “ang tinatawag na Diyablo at Satanas . . . [ay] inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel . . . ay kasama niya.” Taglay ang anong resulta? “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Apocalipsis 12:7-12) Hindi ba’t ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang terorismo ay mabilis na lumalago sa ngayon?
Mga Hapdi ng Pagdurusa
Inihula ni Jesus ang iba’t ibang mga pangyayari na magaganap sa panahon ng pagbabago pagkaraang ang kaniyang Kaharian ay maitatag at bago niya lipulin ang balakyot na sistemang ito. (Mateo 24; Marcos 13; Lucas 21) Sabi niya, gaya ng iniulat sa Marcos 13:8, na magkakaroon ng “mga hapdi ng pagdurusa.” Kung paanong ang literal na mga hapdi ng pagdurusa sa panganganak ay dumadalas at tumitindi habang nalalapit ang pagsilang, gayundin ang mga hapdi ng pagdurusa na inilarawan ni Jesus bilang tanda ng “mga huling araw” ay dadalas at titindi habang ang panahon ng di-matututulang pagpupuno ni Kristo ay nalalapit.
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang “mga hapdi” ng terorismo ay dumarami. Maaaring ang mga taong walang kabatiran, sa katuparan ng hula ni Jesus, ay “manlupaypay dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahang lupa.” Gayunman, hindi ito mangyayari sa mga nakakaalam sa kahulugan ng kaniyang sumusunod na salita: “Ngunit pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan [pati na ang kaligtasan mula sa terorismo].”—Lucas 21:26, 28.
[Blurb sa pahina 17]
Kapag hindi nalulutas ng mga gobyerno ang mga suliranin, ang mga tao ay maaaring “mabalisa”
[Blurb sa pahina 18]
Noong kaarawan ni Noe, ang mga demonyo ay gumanap ng malaking bahagi sa paggawa ng isang daigdig na punô ng karahasan