Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 8/8 p. 13-15
  • Paano Ako Matututo Kung ang Aking Guro ay Kabagut-bagot?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Matututo Kung ang Aking Guro ay Kabagut-bagot?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalaga ang Iyong Saloobin!
  • ‘Ang Isang Mahusay na Guro ay . . . ’
  • Magsumikap na Matuto
  • ‘Pagturuin Mo Siya’
  • Papaano Ko Pakikisamahan ang Aking Guro?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Paano Ko Makakasundo ang Aking Guro?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 8/8 p. 13-15

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Matututo Kung ang Aking Guro ay Kabagut-bagot?

ANG batang lalaki na nakasuot ng kamisidentrong guhitang-pula ay mukhang nababagot. Kinakagat niya ang kaniyang mga kuko at nakatitig sa malayo, at para bang naghihintay na pagalitan. Gayunman, ang kaniyang guro ay mas interesado sa pagtuturo kaysa sa pagpaparusa.

“Ano ang ibig sabihin ng paggamit ng ‘konteksto’ upang masumpungan ang impormasyon?” masiglang tanong ng guro sa klase.

“Ito’y ang paggamit ng iba’t ibang mga kahulugan,” hula ng isang batang lalaki.

“Puede rin,” sang-ayon ng guro, nakakunot ang kaniyang noo samantalang nag-iisip siya ng paraan upang ihanay-muli ang tanong. Sabi niya muli: “Ang paggamit ng konteksto ay paggamit ng ano upang masumpungan ang nawawalang salita?”

“Mga ideya!” sabi ng isang mag-aaral. “Mga panaginip?” tanong pa ng isa. Ang batang lalaki na nakasuot ng kamisidentrong guhitang-pula ay nagpakita ng bahagyang interes.

Ang guro ay sumubok ng iba naman taktika. “OK, ipagpalagay nang taglamig ngayon, at ako ay naglalakad sa kagubatan at nakarating ako sa isang malaking kuweba. Tumingin ako sa loob at narinig ko . . . ” (Ang mga estudyante ay nagtawanan nang gayahin niya ang paghihilik ng isang oso.) “Ano ang masasabi ninyong nakita ko? Isang oso, isang langgam, isang unggoy?”

“Isang oso,” sabi ng isang estudyante. “Siya’y nasa loob ng kuweba sapagkat ang mga oso ay nagpaparaan ng taglamig sa pagtutulóg sa mga kuweba.” Ang reporter ng Awake! na nagmamasid sa eksenang ito sa klase ay nagtaka. Sapagkat ang matalinong obserbasyong ito ay binanggit ng walang iba kundi ng batang lalaki na nakasuot ng kamisidentrong guhitang-pula.

Ang guro ay natuwa. “Oo, ginamit mo ang nakapaligid na mga salita upang malaman na ako ay makakakita ng isang oso. Ngayon tingnan natin kung paano natin magagawa ito sa ating leksiyon ngayon.”

Nagsisimula na ang isang mahusay na guro. Isang lalaki na hindi lamang nakakaalam sa kaniyang asignatura kundi nagmamalasakit din sa kaniyang mga estudyante. Isang tagapagturo na sinisikap gawing kawili-wili ang kaniyang mga klase at hindi nababalisa kung ang kaniyang mga estudyante ay mabagal umunawa. Katulad ba iyan ng alinman sa iyong mga guro? Marahil. Gayunman, ang The Family Handbook of Adolescence ay nagsasabi: “Ipinakikita ng ilang mga surbey na ang karamihan ng mga nagbibinata o nagdadalagang mga estudyante ay mapamintas sa kanilang mga guro, nagrireklamo na ang mga ito ay kabagut-bagot o walang ugaling mapagpatawa.”

Mangyari pa, makatuwiran lamang na ipalagay na ang karamihan ng mga guro ay may kakayahan sa paano man. Subalit sa malao’t madali maaaring magkaroon ka ng isang guro na talagang kabagut-bagot. At kung mangyari ito, maaaring mayamot ka sapagkat nais mong matutuhan ang lahat ng matututuhan mo samantalang nasa paaralan. Ano ang maaari mong gawin? Ang pagkatuto ba kung gayon ay isang natalong layunin?

Mahalaga ang Iyong Saloobin!

Ano ang iyong saloobin tungkol sa pagkatuto? Isinisiwalat ng isang eksperimento kamakailan na ang antas ng pagbubuhos ng isip ng isang tin-edyer ay lubhang mataas sa mga klase na gaya ng sining pang-industriya, physical education, at musika. Gayunman, ito ay napakababa sa mga klase na may kinalaman sa wika at kasaysayan.

Ang mga guro ba sa physical-education o musika ay higit na mahusay kaysa mga guro ng akademikong mga asignatura? Hindi naman. Inaakala ng mga mananaliksik na ang mga klaseng hindi akademiko ay nagpapahintulot sa mga estudyante ng higit na pakikibahagi. Gayunman, maaari kayang ang mga estudyante ay may negatibong saloobin sa akademikong mga asignatura? Kung ang mga estudyante ay patiunang magpapasiya na ang isang asignatura ay kabagut-bagot, kahit na ang isang guro na may kasanayan ni Plato ay maaaring mahirapan sa pagpapanatili ng kanilang atensiyon.

Ano ang iyong saloobin tungkol sa ilang mga asignatura? Nangangailangan ba ito ng pagbabago? Ang algebra ay maaaring magtinging hindi kapaki-pakinabang ngayon. Subalit kung gaano ang natutuhan mo ay bakâ maging interesante balang araw sa isang amo o maypatrabaho na nag-iisip na gumugol ng panahon at pagsasanay sa iyo. Kaya magpakita ng interes sa kung ano ang iyong natututuhan! Maaaring alisin nito ang ilang pagkabagot sa paaralan.

‘Ang Isang Mahusay na Guro ay . . . ’

Gayunman, kung minsan kahit na ang mga estudyanteng interesado na matuto ay nagrireklamo na mayroon silang “hindi mahusay” na mga guro. Subalit ano nga ba ang isang “mahusay” na guro? Sinabi ng isang kabataang babae sa Awake!, “Gusto ko ang aking guro sa math sapagkat siya ay nakatutuwa.” Pinuri ng isang batang lalaki ang kaniyang guro sa Ingles sapagkat ‘magaling siyang magbiro.’

Ngunit bagaman ang pagiging kaibig-ibig o ang pagiging mapagpatawa pa nga ay maaaring maging isang bagay na mahalaga para sa isang guro, hindi ito hahalili sa kaniyang pagiging “sapat na makapagturo sa iba.” (2 Timoteo 2:2) Mangyari pa, pangunahin nang tinutukoy rito ng Bibliya ang espirituwal na mga kuwalipikasyon. Subalit pinatitingkad nito ang bagay na ang isang kahilingan ng isang mahusay na guro ay na dapat alam niya ang kaniyang asignatura.

Sa kasamaang palad, ang kaalaman at isang makulay na personalidad ay hindi laging masusumpungan sa iisang tao. Isang kabataan ang may guro na magaling magbiro na gaya ng isang komedyante. Gayunman, inamin ng kabataan, “Wala kaming gaanong natutuhan tungkol sa physics.” Sa kabilang dako, sinasabi ng isa pang kabataan na ang kaniyang guro ay matalino. Gayunman ay tinatawag niya itong “lubhang kabagut-bagot. Iisa ang tono ng kaniyang boses at gumagamit ng pagkatatayog na mga salita na hindi maunawaan ng sinuman.”

Mayroon ka bang guro na gaya ng huling nabanggit? Kung gayon, alalahanin kung ano ang sinabi ng ilang sinaunang Kristiyano tungkol kay apostol Pablo. Siya ay lubhang kuwalipikado bilang isang tagapagturo ng Salita ng Diyos. Gayunman ang ilang mga Kristiyano noong kaarawan ni Pablo ay nagreklamo na “ang anyo ng kaniyang katawan [ay] mahina at ang kaniyang pananalita ay hamak.” Si Pablo ay tumugon: “Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi kapos sa kaalaman.”​—2 Corinto 10:10; 11:6.

Kung hindi pinansin ng iba ang sinasabi ni Pablo at nakita lamang ang kaniyang mga kahinaan bilang isang tagapagsalita, ano ang maaaring nangyari? Maaaring naiwala nila ang pagkakamit ng mahalagang kaalaman. Huwag gumawa ng gayunding pagkakamali kung tungkol sa paaralan! Bago mo burahin ang isang hindi kawili-wiling guro na “hindi mahusay,” tanungin ang iyong sarili, ‘Alam ba niya kung ano ang sinasabi niya? Maaari ba akong matuto sa kaniya?’

Magsumikap na Matuto

‘Subalit hindi ba nararapat ay kasiya-siya ang pagkatuto?’ maitatanong mo. Kung minsan maaaring gayon nga. Gayunman, ang ilan sa pinakamahalagang mga leksiyon sa buhay ay natututuhan sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapagal. Si Jesu-Kristo, halimbawa, “ay natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis.” (Hebreo 5:8) Ang pagkatuto sa gayong uri ng karanasan ay hindi gaanong kasiya-siya, subalit sa paano man ito ay naglaan ng isang mahalagang leksiyon. Ang kaalaman na maaaring makuha mo sa paaralan ay mahalaga rin. Kaya magbigay ng higit kaysa pangkaraniwang pansin sa guro na nakababagot magsalita. Sikaping kumuha ng mga nota upang panatilihin ang iyong atensiyon na nakapako sa kung ano ang kaniyang sinasabi. Punan mo ang nakaiinip o nakababagot na mga pagtalakay sa klase ng karagdagang pag-aaral sa bahay.

Kung talagang nagsisikap kang matuto, maaaring magtaka ka sa kung gaano ang iyong matututuhan​—kahit na sa isang ipinalalagay na nakababagot na guro. Sabi ng The Family Handbook of Adolescence: “Bagaman nalalaman ng ibang mga estudyante ang tungkol sa malakas at positibong epekto na taglay ng isang guro, kadalasan nang pagkaraan lamang ng mga ilang taon lubusang nakikilala ang impluwensiya ng guro.”

Sinasabi ng isang artikulo sa U.S.News & World Report na bukod sa pagkakaroon ng kaalaman, ang isang guro ay nararapat na “may kakayahang ihatid ang impormasyong iyan.” Gayunman ang ilang mga guro ay hindi mahusay sa pakikipagtalastasan. Subalit, pansinin ang simulaing binabanggit sa Kawikaan 20:5: “Ang payo sa puso ng isang tao ay parang malalim na tubig, ngunit ang taong may pang-unawa ang iigib niyaon.” Oo, kung minsan magagawa mong malayang pagsalitain ang isang guro.

‘Pagturuin Mo Siya’

Sa kaniyang aklat na The High School Survival Guide, si Barbara Mayer, isang guro mismo, ay nagsabi: “Ang mga guro, na malamang ay inuulit ang leksiyon ding ito nang mahigit kaysa kanilang matatandaan, ay waring nahuhulog sa isang rutina, at basta inilalahad ang materyal na gaya noong una. Kung ang isang paksa ay pahapyaw lamang na tinalakay at hindi mo pa rin maunawaan ito, itaas ang iyong kamay at humiling ng higit pang impormasyon. Ipasabi mo sa kaniya ang lahat ng kaniyang nalalaman.” Ikagagalit ba ito ng guro? Hindi kung gagawin mo ito nang magalang. (Colosas 4:6) Ano ang maaaring resulta? Sabi ni Mayer: “Matutuklasan mo na ang iyong guro ay darating sa klase na mas handa, at taglay ang higit kaysa basta pahapyaw na impormasyon lamang.”

Ang kasiglahan ay nakakahawa, at ang iyong pagnanasa na matuto ay maaaring magpasigla sa iyong guro. Mangyari pa, huwag mong asahan ang biglang pagbabago. At maaaring may mga ibang klase na dapat mong pagtiisang sumandali. Subalit kung ikaw ay isang mabuting tagapakinig at totoong interesado sa kung ano ang nangyayari, maaari ka pang matuto. At iyan ang kahulugan ng paaralan, hindi ba?

[Larawan sa pahina 14]

Kung minsan ang isa ay dapat na matuto sa pamamagitan ng lubusang pagsisikap

[Larawan sa pahina 15]

Ang isang may kakayahang guro ay hindi kinakailangang maging isang komedyante o isang mapagpatawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share