Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/8 p. 12-14
  • Bakit Ba Ako Binabagabag ng Aking Budhi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Ba Ako Binabagabag ng Aking Budhi?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Budhi​—Ano ba Ito?
  • Isang Katutubong Kakayahan
  • Sanayin Ito!
  • Pakinggan Mo Ito!
  • Paano Mo Mapananatili ang Isang Mabuting Budhi?
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Isang Malinis na Konsensiya sa Harap ng Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Sinanay Bang Mabuti ang Iyong Budhi?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Paano Ko Sasanayin ang Konsensiya Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 10/8 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Ba Ako Binabagabag ng Aking Budhi?

ANG trese-anyos na si Soraya ay patuloy na nangangayayat​—subalit hindi dahilan sa kausuhan sa pagkain. Ganito ang paliwanag ni Soraya: “Ako’y napasangkot sa isang masamang grupo sa paaralan. Batid kong hindi ito mabuti, subalit naroon ang patuloy na panggigipit ng mga kaedad. Di nagtagal nagkaroon ako ng nobyo na gumagamit ng droga.” At ano ang kaugnayan nito sa kaniyang pangangayayat? “Labis akong binagabag ng aking budhi anupa’t hindi ako makakain.”

Ang pitong-taóng-gulang na si Alex ay nasumpungang pinahihirapan ang kaniyang sarili. Ibinuhos niya ang mga butil ng bigas sa sahig at masakit na niluluhuran ang mga ito. Ang dahilan? Sinuway ni Alex ang kaniyang mga magulang at nagpasiyang dapat niyang parusahan ang kaniyang sarili.

Ang kapuwa mga kabataang ito ay kumikilos​—at lubhang matindi pa nga​—sa isang bagay na tinatawag ng Bibliya na budhi, isang panloob na tinig na nagpapahirap kahit na sa mga lingkod ng Diyos kapag sila ay nakagagawa ng mali. “Walang kapayapaan sa aking mga buto,” sulat ni David pagkatapos niyang makagawa ng pangangalunya. (Awit 38:3) Ang mga kapatid na lalaki ni Jose ay dumanas din ng mga damdamin ng pagkakasala pagkaraang sila, sa silakbo ng paninibugho, ay ipagbili siya sa pagkaalipin. Mahigit na 20 mga taon pagkaraan nito, nagugunita pa rin nila kung paanong si Jose ‘ay nagmakaawa sa kanila.’ Anong napakasakit na alaala iyon!​—Genesis 37:18-36; 42:21.

Oo, ang isang masamang budhi ay maaaring magdala ng kirot at emosyonal na pagkabalisa. Sa kabaligtaran, ang isang mabuting budhi ay nagdadala ng kasiyahan at kagalakan! Walang alinlangan na ito ang dahilan kung bakit, sa isang surbey sa libu-libong mga kabataang Sobyet tungkol sa kanilang mga pagpapahalaga sa buhay, “ang isang malinis na budhi ang ipinalagay na siyang pinakamahalaga.” (Soviet Monthly Digest, Hulyo 1983) Gayunman, pangunahin nang mahalaga sa mga Kristiyano ang bagay na sinasabi ng Bibliya na “magkaroon ng isang mabuting budhi.” (1 Pedro 3:16) Subalit paano mo gagawin iyan? Una, dapat mong maunawaan kung ano ang budhi at kung paano ito gumagana.

Ang Budhi​—Ano ba Ito?

Mahigit na isang daang taon na ang nakalipas, pinalawak ng Italyanong awtor na si Carlo Collodi ang kaniyang bantog na kuwentong pambata na Pinocchio​—ang batang lalaking papet na yari sa kahoy na madalas masangkot sa gulo. Naroon lagi upang parusahan at ituwid si Pinocchio ay ang nagsasalitang insekto, si Jiminy Cricket. Sa katunayan, siya ang budhi ni Pinocchio. Sa gayunding paraan, maaaring ihambing mo ang iyong budhi sa isang tinig o sa isang alarma na tumutunog bago o pagkatapos mong makagawa ng mali o tama.

Sinamantala ng isang imbentor ang ideyang ito sa pamamagitan ng isang aparato na tinatawag na diyetang konsiyensiya. Ito ay pinatatakbo ng batirya na nakakabit sa loob ng refrigerator o sa mga pinto ng estante sa kusina. Tuwing magbubukas ang pinto, isang rekording ang nagsasabi: “Ikaw ba’y kumakain na naman? Mahiya ka.”

Subalit di-gaya ni Jiminy Cricket o ng iba pang gawang-taong aparato, ang iyong budhi ay isang bagay na nasa loob mo. Inilalarawan ng Bibliya ang budhi na isang panloob na ‘tagapagpatotoo’ na nagpapatunay sa pagiging tama o mali ng isang gawa. (Roma 2:15) Subalit saan nagmula ang kakayahan na ito ng budhi?

Isang Katutubong Kakayahan

Totoo na marami tayong natututuhan tungkol sa tama at mali mula sa ating mga magulang at sa iba pa. Gayumpaman, binabanggit ng Bibliya na ang budhi ay katutubo. Sa Roma 2:14, binabanggit nito kung paanong “ang mga tao ng bansa . . . sa katutubo ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan.”

Samakatuwid, ang panimulang mga pamantayang moral ay waring isinangkap sa kaisipan ng tao. Tandaan, ang tao ay ginawa “sa wangis ng Diyos,” nagpapabanaag sa ilang antas ng maka-Diyos na karunungan at katarungan. (Genesis 1:27) Walang alinlangan ito ang dahilan kung bakit ang mga bansa sa buong daigdig ay may mga batas laban sa gayong mga bagay na gaya ng pagpatay, pagnanakaw, at insesto.

Kahit na sa maliliit na mga bagay, maririnig ang mga pagtugon ng budhi. Kaya isang department store ang nanawagan sa mga budhi ng tao sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga bag na pamili sa isang walang kandadong dispenser. Sa ibabaw ng pinaghuhulugan ng barya ay nakabitin ang isang karatula na kababasahan: “Ang iyong budhi ang aking tanging proteksiyon.” Oo, ang bagay na ang karamihan ng mga tao ay may aktibong budhi ay gumagana sa ating kapakinabangan. Kung hindi, ang ating mga buhay at mga pag-aari ay malalagay sa pinakamalubhang panganib!

Sanayin Ito!

Bagaman katutubo, ang budhi ay nagkakamali rin. Halimbawa, binabanggit ng Bibliya yaong mga may “mahinang” budhi. (1 Corinto 8:7) Dahilan sa maling impormasyon, ang mga ito ay maaaring maging labis ang reaksiyon sa ilang mga kalagayan at dumanas ng di-kinakailangang pangamba. Sa kabilang dako, ang ilan naman ay “hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga.” (1 Timoteo 4:2) Ang kanilang budhi ay hindi sensitibo, gaya ng laman na nagkapilat mula sa isang bakal na panghero.

Kunin halimbawa si Adolf Eichmann, ang kriminal ng digmaang Nazi na hinatulan at ibinitay dahilan sa kaniyang bahagi sa pagpatay sa anim na milyong mga Judio. Nagkaroon ba siya ng mga damdamin ng pagkakasala? Ganiyan mismo ang itinanong sa kaniya ng saykayatris na si I. S. Kulscar, na tinugon ni Eichmann ng: “Oo, minsan o makalawa, dahilan sa pagbubulakbol sa klase.” Anong pagkabaluktot na pangangatuwiran! Maliwanag na natutuhan ni Eichmann na huwag paandarin ang kaniyang budhi. At sabi ng psychoanalyst na si Willard Gaylin: “Ang hindi pagkadama ng pagkakasala ang pangunahing depekto sa mga nasisiraan ng bait o antisosyal na tao.”

Kung gayon, paano ka nakatitiyak na ang iyong budhi ay nagtatrabaho nang wasto? Una, dapat itong wastong naturuan. Papaano? Sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbubulaybulay sa Salita ng Diyos. Tutulong ito sa iyo na ayusing mabuti ang iyong budhi sa pagkatuto ng mga pamantayan ng Diyos at “pagbabago ng inyong isip.” (Roma 12:2) Kapag wastong nasanay, higit pa ang ginagawa ng iyong budhi kaysa pagsaway lamang sa iyo pagkatapos mong gumawa ng mali. Una na’y tumutulong ito sa iyo na iwasan ang maling gawa​—kahit na walang sinuman ang nakakakita upang sumang-ayon o di sumang-ayon sa iyong kilos.

Pakinggan Mo Ito!

Gayunman, ang basta pag-alam ng tama at mali ay hindi siyang lahat. Upang ang budhi ay tumulong sa iyo, dapat kang matutong makinig dito! Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan ng pagkadama ng pagkakasala sa lahat ng pagkakataon o pagkuha ng labis na mga hakbang upang parusahan ang sarili. Totoo, tayo ay di-sakdal. Subalit sinasabi ng Bibliya sa Awit 103:13: “Kung papaanong ang ama ay nagpapakita ng awa sa kaniyang mga anak, gayon nagpapakita ng awa si Jehova sa kanila na natatakot sa kaniya.” Ang awa at pagpapatawad ng Diyos ay tutulong sa atin na pakitunguhan ang ating mga di-kasakdalan.

Gayunman, kung minsan, ang sigaw ng ating budhi ay dapat na mag-udyok sa atin sa wastong pagkilos. Ganito ang sulat ni Lester David sa Senior Scholastic: “Ikaw ba ay sumira sa isang pangako, lumabag sa isang batas, sumira sa isang ipinagbabawal, nakasakit sa iba, nagsinungaling, nandaya? . . . Humingi ka ng tawad kung magagawa mo, ituwid ang kamalian sa anumang paraan na nararapat. Ipakipag-usap ito sa iba.” Ganito ang ginawa ni Soraya, na nabanggit sa simula. Sa halip na basta makadama ng pagkakasala, ipinakipag-usap niya ang mga bagay-bagay sa kaniyang mga magulang. Sinabi niya na “mas bumuti ang pakiramdam” niya nang ikapit niya ang payo ng kaniyang mga magulang.

Oo, kapag ikaw ay kumikilos sa mga pag-udyok ng iyong budhing sinanay-Bibliya saka ikaw ay nakikinabang dito. Isang binatang nagngangalang Bill, halimbawa, ay napasangkot sa isang barkada. Gayumpaman pagkatapos, sabi ni Bill, “Nakita ko ang isa sa aking mga kaibigan na nabilanggo sa salang pagpatay. Sinabihan ako ngayon ng aking budhi na ito ay pawang kamangmangan​—hindi para sa akin!” Subalit si Bill ba ay basta nakadama ng pagkakasala at pinabayaan na lamang gayon? Hindi, sabi niya, “Iniwan ko ang barkada.”

Isa pang kabataang lalaki na nagngangalang Tony ay nagpahintulot na tulungan siya ng kaniyang budhi sa iba pang paraan. Si Tony ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Pinakilos siya ng kaniyang budhi na magboluntaryo ng 90 oras isang buwan sa pagdalaw sa mga tao sa kanilang mga tahanan, tinuturuan sila ng Bibliya. (Mateo 24:14; 28:19, 20) “Talagang nasisiyahan ako sa pakikipag-usap sa mga tao,” sabi ni Tony. “At mayroon pa akong magandang part-time na trabaho at may sariling kotse, at nagugustuhan ko kung saan ako nakatira. Gayunman nagsimula akong makadama ng pagkakasala sa hindi paggawa ng higit​—paglilingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga kabataang lalaki na gaya ko.”

Anong dakilang kapahayagan ng budhi! Tumutugon dito, si Tony ay nagpresintang maglingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, kung saan ang mga Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng babasahing ito​—ay ginagawa. Siya ay naglingkod na roon sa nakalipas na siyam na taon.

Pinakikinggan mo ba ang iyong budhi? Maaari itong maging, gaya ng sabi rito ng isang kabataan, gaya ng “isang tunay na kaibigan na naglalaan ng panahon at pagsisikap na ituwid ka.” Maaari ka ring udyukan nito na tuparin ang personal at Kristiyanong mga pananagutan. Subalit dapat mo itong turuan na wasto at makinig dito! Tunay, ang budhi ay isang kahanga-hangang kaloob. Igalang ito at gamitin na mabuti.

[Blurb sa pahina 14]

Bagaman katutubo, ang budhi ay nagkakamali rin. Dapat itong wastong naturuan

[Larawan sa pahina 13]

Ang isang bagabag na budhi ay maaaring magdulot ng malaking emosyonal na pagkabalisa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share