AIDS—Pambihira sa Kasaysayan ng Daigdig!
NITO lamang 1981 ang sakit na AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay hindi pa kilala. Ngayon ito ay kumakalat na sa lahat halos ng kontinente, at ang daigdig ay naguguluhan.
Inaatake ng AIDS ang sistema ng imyunidad ng tao—ang mekanismo ng katawan na panlaban sa sakit. Ang mga biktima nito ay nawawalan ng panlaban sa pambihirang mga kanser at sa iba pang nakamamatay na mga sakit. Sindami ng isang milyong mga Amerikano, at daan-daang libo sa mga ibang bansa, ang maaaring nalantad na sa nakatatakot na sakit na ito.
Noong 1980-81, nakatagpo ng mga doktor sa Los Angeles at New York ang mga kaso ng pambihirang uri ng pulmunya na tinatawag na Pneumocystis carinii at isang pambihirang uri ng kanser na kilala bilang Kaposi’s sarcoma. Ang lahat ng mga biktima nito ay alin sa mga homoseksuwal na kabataang lalaki o mga mang-aabuso sa droga. Tinatawag ng mga doktor ang kanilang sintomas na “ang pagkawala ng imyunidad bunga ng di-alam na mga pamamaraan.”
Si Dr. Ward Cates, ng U.S. Centers for Disease Control, ay nagsabi nang malaunan na ang sakit na ito ay may potensiyal na “mas masahol pa sa anumang bagay na nakita ng sangkatauhan.” Si Dr. John Seale na isang dalubhasa sa mga sakit na nakakahawa ay sumang-ayon. Noong nakaraang tag-araw, sa Journal of the Royal Society of Medicine ng Britaniya, sinabi niya na ang AIDS ay may kakayahan na lumikha ng “nakamamatay na kaguluhan sa mataong mga lunsod at mga nayon sa Third World o di-maunlad na mga bansa na ang maaapektuhan ay di-mapapantayan sa kasaysayan ng tao.”
Lumalaganap sa Daigdig
Ang AIDS ay unang natuklasan sa Estados Unidos noong 1981. Mula sa maliit na pasimula, ang bilang ng mga biktima sa isang bansang ito ay dumami ng 10,000 noong Abril 1985 at mahigit pa sa 16,500 noong Enero ng taóng ito. Mahigit na 8,400 ang namatay na, at wala nang pag-asa pa para sa iba, sapagkat ang AIDS ay ipinalalagay na walang salang nakamamatay.
Kamakailan, ang bilang ng mga biktima na iniulat ay dumudoble tuwing siyam na buwan. Kung ang bilis na ito ay magpapatuloy, sa pagtatapos ng dekada mga kalahating milyong mga Amerikano ang magkakaroon ng AIDS, halos kasindami ng namatay sa napakalaking epidemya ng trangkaso Espanyola noong 1918-19. Hindi kataka-taka na ang AIDS ay tinawag na “isa sa pinakanakatatakot na sakit na nakakahawa sa dantaong ito o sa alinmang kapanahunan”!
Bagaman noong una ang karamihan ng kilalang mga biktima ay mula sa Estados Unidos, di-nagtagal ang AIDS ay lumaganap sa buong daigdig. Ang The New York Times ay nagbalita: “Ang pagkakaroon ng AIDS sa Geneva at Paris na kasindami ng sa Los Angeles, ay nagpapakita lamang ng pagdami ng sakit na ito sa labas ng Estados Unidos.” At ang magasing Time ng Oktubre 28, 1985, ay nagsabi: “Sa Kanlurang Alemanya, na may 300 mga kaso, tinataya ng Robert Koch Institute na mayroon nang 100,000 mga tagapagdala ng virus na HTLV-III.”
Ayon sa isang ulat nang nakaraang tagsibol, sa mga sinuring pasyente sa Europa, 61 porsiyento ang namatay sa loob ng isang taon—83 porsiyento sa loob ng tatlong taon.
Pagkilala sa Sanhi
Maaga noong 1984 dalawang magkahiwalay na grupo ng mananaliksik, sa magkaibang kontinente, ang nagsabi na naihiwalay na nila ang virus ng AIDS. Si Propesor Luc Montagnier sa Pasteur Institute sa Paris at si Dr. Robert Gallo ng National Cancer Institute sa Estados Unidos ay magkabukod na nag-ulat ng paghihiwalay sa virus na maaaring sanhi ng AIDS. Ang virus na ito ay umaatake sa isang pangkat ng mga selula ng puting dugo na tinatawag na T-4 lymphocytes. Kaya, tinatawag ito ng mga Pranses na lymphadenopathy-associated virus (LAV), samantalang ang mga Amerikano ay tinatawag itong human T-cell lymphotropic virus-III (HTLV-III).
Saan nagmula ang pandaigdig na sakit na ito? Paano ito lumaganap nang napakabilis? At anong pag-iingat ang makabubuting gawin? Ang mahahalagang katanungang ito ay tatalakayin sa susunod na mga artikulo
[Larawan sa pahina 3]
Ang virus ng AIDS na tumutubo sa mga selula ng puting dugo
[Pinagmulan]
Centers for Disease Control, Atlanta, Ga.