AIDS at ang Moral
ANO ang nangyari noong 1960’s at 1970’s na humantong sa gayong paglaganap ng AIDS sa 1980’s? Ito’y ang pagtaguyod sa “bagong moralidad” ng seksuwal na kalayaan na kahit na ano puede. Nagkukomento tungkol dito, ang peryudistang si Ray Kerrison ng New York ay sumulat:
“Ang biglang paglaganap ng AIDS ay maaari ring mag-udyok sa lipunan na suriin-muli ang mga pagpapahalaga nito, na mas mabilis na bumubulusok kaysa walang prenong sasakyan.
“Sa loob ng maraming taon, itinataguyod ng mga pulitiko at ng mga hukuman ang nakatatakot na kamalian na ang lihim na mga gawa ng pribadong mga mamamayan ay hindi dapat pakialaman.
“Ang panukalang batas na ito ay maaaring tawaging doktrina ng kasunduan. Ibig sabihin, sa diwa, na maaaring gawin ng dalawa o higit pang mga tao ang anumang nais nilang gawin sa kondisyon na hindi nila pakikialaman ang mga karapatan ng iba.
“Kaya, isa-isang naalis ang moral na pagbabawal o pagpipigil, hinahayaang bumaha ang maluwag na paggawi at ang pagtanggap sa mga pamantayan na hindi man lamang napangarap 30 mga taon ang nakalipas.
“Ngayon tayo ay umaani ng mapait na bunga nito.”
Lalo nang apektado ang mga homoseksuwal, at ito’y dahilan sa kanilang sobrang kahandalapakan sa sekso at ang uri ng seksuwal na mga gawain na karaniwan sa gitna nila. Ang Science Digest ay nagsasabi: “Ipinakita ng isang pag-aaral ng CDC [Centers for Disease Control] ang isang katamtamang bilang ng 1,100 mga kapareha sa sekso sa tanang buhay ng mga pasyente ng AIDS na sinuri.”
Subalit hindi lamang ang mga homoseksuwal ang mga handalapak—itinataguyod ng lipunan sa pangkalahatan ang moralidad na kahit na ano puede. Bunga nito, si Harvey V. Fineberg, dekano ng Harvard School of Public Health, ay nagsasabi na ang AIDS ay kumakalat “nang mabagal gayunma’y walang pagbabago sa pamayanang heteroseksuwal.”
Sa Aprika, lalo na, pinahihirapan ng sakit ang populasyon sa pangkalahatan. Noong nakaraang Nobyembre, si Lawrence K. Altman, medikal na reporter sa The New York Times, ay sumulat: “Waring ang AIDS ay kumakalat sa pamamagitan ng karaniwang seksuwal na pagtatalik sa gitna ng mga heteroseksuwal dito sa Aprika at naaapektuhan ang halos kasindaming mga babae na gaya ng mga lalaki, sang-ayon sa mga mananaliksik dito.”
Kapag nahawa ang isang babae ng AIDS mula sa isang kaparehang lalaki, maaaring hindi nalalaman ng sinuman sa kanila ang pagkahawa. Nakalulungkot sabihin, ang mga sanggol na ipinanganak sa mga ina na may virus ng AIDS kung minsan ang nagiging walang malay na mga biktima. At ang mga lalaking heteroseksuwal na nakipagtalik sa mga patutot ay maaaring mahawa ng AIDS.
Saan man ang mga tao ay natatakot. Ano ang mangyayari?
Isang Pagbabago sa Moral?
“Tiyak na wawakasan nito ang seksuwal na rebolusyon,” hula ni Dr. Donald Francis ng CDC sa Estados Unidos. Gaya ng sabi niya: “Maaari kang makipagsapalaran sa herpes at hepatitis B, pero hindi ka maaaring makipagsapalaran dito.”
Ganito pa ang sabi ni Dr. Walter R. Dowdle ng CDC: “Dapat nating unawain na kailangan nating baguhin ang ating paraan ng pamumuhay.” Sang-ayon kay Dowdle, “ito ay hindi tungkol sa moralidad, ito’y isang biyolohikal na katotohanan.”
Gayunman, ito’y higit pa sa isa lamang biyolohikal na katotohanan—ang moralidad ay nasasangkot. Ang mga pamantayang moral na piniling hamakin ng lipunan ay hindi nagmula sa mga tao. Malaon na itong ipinaulat ng isang dakilang Kaisipan. At ang pagkilala natin sa kaniya bilang Soberano ang tutulong sa atin na umayon sa mga ito.
Subalit anong mga pamantayan, o mga kodigo sa paggawi, ang inilaan niya? At paanong ang pagsunod sa mga ito ay magsasanggalang sa atin?
[Kahon sa pahina 8]
Pagsawata sa Pagkalat ng AIDS
Si June Brown, sumusulat sa The Detroit News, ay nagpaliwanag kung paano ito posible: “Isang pinakamahusay na panlunas na maaaring lubhang magpabagal sa bilis ng pagdami ay ang pagbabago sa seksuwal na pag-uugali ng bansa. Kung pipiliin ng bawat isa ang isang malusog na kapareha sa sekso at mananatiling tapat hanggang kamatayan, ang AIDS ay halos maglalaho. Ito ay maaaring magtinging turo ng Bibliya. Subalit habang ang bago, mga sakit na naililipat sa seksuwal na paraan ay nagpapatuloy na lumitaw, at mas higit na nakamamatay kaysa dati, ang lubhang niwawalang-bahalang teolohiya tungkol sa katapatan sa sekso ay biglang nagkaroon ng halaga o saysay mula sa pangmalas ng makabagong kalusugan.”