Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Matatanggihan ang Pagsisiping Nang Hindi Pa Kasal?
ANG ating daigdig ay tigmak ng seksuwal na imoralidad, at napakaraming panggigipit upang ikaw ay makilahok. Gayunman, nakikita ng maraming kabataan ang masakit na mga resulta ng pagsisiping nang hindi pa kasal at nais nila ng isang bagay na mas mabuti para sa kanilang sarili. Ipinakikita ng isang surbey ng magasing ’Teen sa buong bansa na ang numero unong isyu na doon nais ng mga kabataan na magkaroon ng impormasyon ay: “Kung paano mapahihindian ang panggigipit sa sekso.” Ito ba’y nangangahulugan na ang mga pamantayan ng Bibliya sa moralidad ay lubhang napakataas at hindi maabot? Hindi naman! Libu-libong mga kabataan ang matagumpay na nanatiling malinis.
“Paano lilinisin ng isang binata [o dalaga] ang kaniyang daan?” ang mahalagang katanungan sa Awit 119:9. Ang sagot: “Sa pag-iingat ayon sa iyong [sa Diyos] salita.” Subalit higit pa ang kinakailangan kaysa kaalaman lamang. “Nalalaman mo sa iyong isipan kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa imoral na sekso,” sabi ng isang dalaga. “Subalit patuloy na itinutulak ng iyong puso ang mga pangangatuwirang ito sa likod ng iyong isipan.” Angkop naman, ang salmista ay nagpapatuloy: “Ang salita mo’y aking iningatan sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa iyo.”—Awit 119:11.
Pag-ingatan ang Puso
Upang pahalagahan ang mga salita ng Diyos sa iyong puso ay humihiling na iyong basahin muna at pag-aralan ang mga Kasulatan at mga literatura na salig-Bibliya. Tumutulong ito upang makumbinsi ka na ang mga kautusan ng Diyos ay mahalaga sa iyo—isang kayamanan. Ang mga seryeng ito, “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ,” ay isinulat upang tulungan ka na magkaroon ng gayong pagpapahalaga. Maingat mo bang binabasa ang bawat artikulo?
Sa kabilang dako, ang seksuwal na pumupukaw na mga materyal na binabasa, pinakikinggan, o pinanunood ng isa bilang libangan ay nagpapatindi sa “pagkagahaman sa sekso.” (Colosas 3:5) Lubusang iwasan ang gayong materyal! Sa halip pag-isipan ang mga bagay na malinis at mababawasan mo ang pagnanasa ng iyong puso sa kalugurang panlaman.
Kapuna-puna, ipinakikita ng pananaliksik na ang pinakamatalik na mga kaibigan ng isang tao ay may malaking impluwensiya sa kung baga siya ay mananatiling malinis. Kaya, susundin niyaong mga nagnanais na ingatan ang kanilang puso ang mga salita ng salmista: “Ako’y kasama ng lahat ng natatakot sa iyo [Diyos], at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.”—Awit 119:63.
Ang mga kaibigan mo ba ay yaong talagang nagsisikap na ‘tupdin ang mga tuntunin ng Diyos’? Si Joanna, isang dalagitang natutong tumanggi, ay nag-ulat kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Kung ang mga kasa-kasama mo ay mga taong umiibig kay Jehova, masusumpungan mo na, habang pinag-uusapan ninyo ang tungkol sa moral, iisa ang inyong nadarama. Halimbawa, kung naririnig mo sila na nagsasabing ang imoralidad ay kasuklam-suklam, gayundin ang iyong nadarama. Sa kabilang dako, kung ang kasama mo ay isa na hindi nag-iintindi, malamang na maging gaya ka rin niya.”—Kawikaan 13:20.
Yamang mahalaga na ingatan kung ano ang nagtutungo sa iyong puso, kadalasan ang karamihan ng mga kabataan ay nasasangkot sa imoralidad kapag sila ay gumugugol na maraming panahon na kasama ng isa na hindi kasekso na silang dalawa lamang. Nasumpungan ng isang pag-aaral ni Robert Sorensen sa buong bansa na 56 porsiyento ng mga binata at 82 porsiyento ng mga dalagang sinurbey ang seksuwal na nakipagtalik sa kauna-unahang pagkakataon sa isa na kanilang ka-steady o sa paanuman ay sa isa na kanilang kilalang-kilala at naiibigan. Kaya kung ikaw ay nasa edad na upang mag-asawa, paano mo higit na makikilala ang isa at gayunman ay manatiling malinis?
Pag-iwas sa mga Patibong Kapag Nagliligawan
Kapag ang isang lalaki at babae ay madalas na nagkikita, hindi nagtatagal ang kanilang mga puso ay nagkakatugma. Gayunman, ang Bibliya ay nagbababala: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa ano pa man at mapanganib; sino ang nakakaunawa nito?” (Jeremias 17:9, Byington) Ang isa ay maaaring makadama ng isang normal na pagkaakit sa isa. Subalit mentras mas madalas kayong magkita, mas matindi ang pang-akit. Ganiyan ang pagkakagawa sa atin. Gayunman, maaaring iligaw ng normal na pagnanasang ito ang iyong puso. “Mula sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, . . . mga pakikiapid,” sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 15:19) Upang maiwasan ang gayon kinakailangang akayin mo ang iyong puso sa halip na paakay ka rito. Paano mo magagawa ito?—Kawikaan 23:19.
ANG BAGAY NA PAKIKIPAGTALASTASAN: “Sa kapangahasan ay pagtatalo lamang ang nangyayari, ngunit mayroong karunungan sa mga nagsasangguniang sama-sama.” (Kawikaan 13:10) Kadalasan hindi nauunawaan ng lalaki at babae kung ano ang mga inaasahan kung tungkol sa mga kapahayagan ng pagmamahal. Malimit, maaaring akalain ng isang lalaki na inaasahan ng babae na siya ang magsimula ng paghalik at pagyapos, samantalang sa totoo ay hindi naman niya ibig ito. Kaya, ipaalam mo sa kaniya kung ano ang palagay mo tungkol sa bagay na ito sa pamamagitan ng “pagsasangguniang sama-sama.” Subalit ano man ang palagay ng isa, matalinong magtakda ng mga hangganan sa mga kapahayagan ng pagmamahal. Kasabay nito, huwag kang magbigay ng halu-halong hudyat. Ang pagsusuot ng masikip, bumabakat, seksing damit ay maaaring magbigay ng maling mensahe sa iyong kasama.
MAINGAT NA BANTAYAN ANG MGA KALAGAYAN: Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang dalaga na inanyayahan ng kaniyang kasintahan na maglakad na kasama niya sa isang malayong lugar sa kabundukan kung saan silang dalawa ay maaaring masiyahan sa mga kagandahan ng maagang tagsibol. Gayunman, nalaman ito ng mga kapatid na lalaki ng dalaga at galit na inihinto ang mga balak nilang dalawa. Hindi naman sa inaakala nila na ang babae ay imoral, kundi nalalaman nila ang kapangyarihan ng tukso sa ilalim ng gayong mga kalagayan. (Awit ni Solomon 1:6; 2:8-15; 8:10) Anumang pangangatuwiran ang maaaring gawin ng iyong mapandayang puso, iwasan ang mapasa-kalagayan na kayo lamang dalawa ng isa na hindi kasekso ang nasa isang tahanan, isang apartment, o sa isang kotse na nakaparada sa isang liblib na lugar.
ALAMIN ANG IYONG MGA LIMITASYON: May mga panahon na ikaw ay maaaring mas madaling matukso sa seksuwal na mga pang-akit kaysa ibang panahon. Maaaring ikaw ay bigo dahilan sa ilang personal na kabiguan o isang di-pagkakaunawaan sa iba, marahil sa iyong mga magulang. Sa mga panahong iyan ikaw ay kinakailangang maging napakaingat. Isa pa, maging maingat tungkol sa iyong paggamit ng mga inuming may alkohol. Sa ilalim ng impluwensiya nito, maaaring maiwala mo ang iyong mga pagpipigil. “Ang alak at ang bagong alak ay nag-aalis ng mabuting motibo.”—Oseas 4:11.
TUMANGGI AT TOTOHANIN ITO: Ano ang maaaring gawin ng isang lalaki at babae kapag ang mga damdamin ay tumindi at nasumpungan nila ang kanilang mga sarili na mapanganib na nakakalimot sa kanilang sarili? Ang isa sa kanila ay kailangang magsalita o gumawa ng isang bagay na ‘sisira sa gayuma.’ Nasumpungan ng isang dalagang nagngangalang Debra ang kaniyang sarili na nag-iisa na kasama ng kaniyang ka-date, na ipinarada ang kotse sa isang tahimik na lugar upang “mag-usap.” Nang ang mga damdamin ay tumindi, sabi ni Debra sa kaniyang kaibigan: “Hindi ba ito paghahalikan? Hindi ba dapat na tayong huminto?” Sinira niyan ang kondisyon. Kaagad silang umuwi ng bahay. Ang pagtanggi sa ilalim ng ganitong mga kalagayan ay maaaring ang pinakamahirap na bagay na maaari mong gawin, subalit gaya ng sinabi ng isang 20-taóng-gulang na babaing nagkasala ng pakikiapid: “Kung hindi ka lalayo, magsisisi ka!”
MAGSAMA NG ISANG TSAPERON: Bagaman hinahamak sa ibang mga bansa, ang isang kasama o tsaperon ay mahalaga at kailangan naman sa ibang bansa. “Para bang hindi kami mapagkakatiwalaan,” reklamo ng ilang mga kabataan. Hindi naman sa hindi ka mapagkatiwalaan, kundi ang iyong puso! Ang Kawikaan 28:26 ay tahasang nagsasabi: “Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang, ngunit siyang lumalakad sa karunungan ay maliligtas.” Lumakad nang may katalinuhan sa pagsasama ng isa pa sa isang tipanan o date. “Talagang iginagalang ko ang lalaking nagsasama ng kaniyang sariling tsaperon. Alam ko na interesado siya na gaya ko sa pagiging malinis,” sabi ni Debra. “Wala namang problema, sapagkat kung mayroon kaming nais sabihin nang sarilinan, lumalayo lamang kami sa pandinig ng iba. Ang proteksiyon na inilalaan nito ay sulit sa anumang kaabalahan.”
Gayunman, ano ang pinakamalaking tulong sa pananatiling malinis?
Pakikipagkaibigan sa Diyos
Kadalasan maaaring iniiwasan mo ang isang pagkilos sapagkat hindi mo nais na saktan ang damdamin ng isang kaibigan. Gayundin naman, ang pagkakaroon ng isang malapit na pakikipagkaibigan sa Diyos, itinuturing siya na isang tunay na persona na may mga damdamin, ay tutulong sa iyo na maiwasan ang paggawi na nakasasakit ng kaniyang damdamin. Ang pagbubuhos ng nilalaman ng iyong puso sa kaniya tungkol sa espisipikong mga problema ay magpapalapit sa iyo sa kaniya. Maraming lalaki at babae na nagnanais manatiling malinis ang nanalangin pa ngang magkasama sa panahon na ang mga damdamin ay matindi at hinihiling nila na sila’y bigyan ng kinakailangang lakas.
Si Jehova ay tumutugon sa pagbibigay sa kanila ng “lakas na higit kaysa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Mangyari pa, dapat mong gawin ang iyong bahagi. Gayunman, makatitiyak ka na sa tulong at pagpapala ng Diyos, posibleng pahindian o tanggihan ang imoralidad sa sekso.
[Larawan sa pahina 11]
Kapag nagliligawan, iwasan ang imoralidad sa pamamagitan ng hindi pagbubukod ng inyong mga sarili