Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/22 p. 18-20
  • Ang Impierno Ba ay Isang Dako ng Pagpapahirap?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Impierno Ba ay Isang Dako ng Pagpapahirap?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Epekto sa Nabubuhay
  • Isang Turo ng Kristiyanismo?
  • Ano Bang Uri ng Lugar ang Impiyerno?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Totoo Ba ang Impiyerno? Ano ang Impiyerno Ayon sa Bibliya?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Ano Na ba ang Nangyari sa Apoy ng Impiyerno?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ano ba Talaga ang Impiyerno?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 10/22 p. 18-20

Ang Impierno Ba ay Isang Dako ng Pagpapahirap?

ANG ilan ay nagsasabi ng oo; ang iba ay nagsasabi ng hindi; ang iba pa ay basta hindi alam. Mga ilang siglo na ang nakalipas ang paniniwala sa impierno na isang dako ng apoy at pagpapahirap para sa hindi nagsisising mga kaluluwa pagkamatay ay halos pansansinukob sa Sangkakristiyanuhan. Sa ngayon maraming tao ang tumatanggi rito at pinipili ang payak na pilosopya na “ang impierno ay dito mismo sa lupa.” Ano ang totoo? Talaga bang nagtutungo sa impierno ang mga balakyot na tao? Isa ba itong dako ng pagpapahirap?

Napakaraming teoriya tungkol sa impierno. Ang ideya noong edad medya ay na ito’y isang daigdig sa kalaliman kung saan ang hindi nagsising mga makasalanan ay nagdurusa ng matinding paghihirap magpakailanman. Si Dante, ang kilalang makata, na ipinanganak noong ika-13 siglo, ay sumulat sa kaniyang aklat na The Eleven Pains of Hell:

“May mga nag-aapoy na punungkahoy kung saan ibinibitay ang mga kaluluwa niyaong hindi kailanman nagsimba sa buhay na ito, . . .

“Mayroong isang mainit na hurno, kung saan nakatayo ang pitong mga demonyo na pinapala ang mga kaluluwang maysala tungo sa hurno. . . “Walang pahinga kung para sa mga kaluluwang maysala.”

Inilarawan ni Michelangelo ang gayong kakila-kilabot na impierno sa kaniyang iginuhit sa Sistine Chapel ng Vaticano. Sinasabi na ito’y lubhang nakatakot kay Papa Paul III, na nagpagawa nito.

Tinanggap kapuwa ni Calvin at ni Luther ang Katolikong ideya ng impierno. Ngayon, ang doktrina ng impiernong apoy ay pinaniniwalaan pa rin. “Ang pangunahing katangian ng impierno,” sabi ng The New Catholic Encyclopedia, “ay na ang apoy nito ay hindi masusugpo . . . at walang hanggan . . . Anuman ang maaaring ipakahulugan ng mga terminong ‘hindi masugpong apoy’ at ‘walang hanggang apoy,’ hindi dapat ipaliwanag na ang mga ito ay walang kabuluhan.” Sabi pa ni Billy Graham, kilalang ebanghelistang Amerikano: “Ang turo ng literal na impierno ay masusumpungan sa mga kredo ng lahat ng pangunahing mga relihiyon. . . . Itinuturing ng Diyos ang impierno na tunay anupa’t sinugo Niya ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang iligtas ang mga tao mula sa impierno.”

Gayunman, isang bagong kausuhan ang nagpapahina sa turo na ang apoy at ang pagpapahirap sa impierno ay literal at ipinaliliwanag ang mga ito na nagpapahiwatig ng posibilidad ng pagkaligaw at walang hanggang paglayo ng isa sa Diyos​—isang panggigipuspos ng isipan. Gayunman, binanggit muli ng isang liham Vaticano na inilathala noong 1979 na may pagsang-ayon ni Papa John Paul II, ang paniniwala na ang hindi nagsisising mga makasalanan ay magtutungo sa isang nag-aapoy na impierno at nagbabala laban sa pagpapalaganap ng pag-aalinlangan tungkol dito.

Mga Epekto sa Nabubuhay

Ang kaisipan mismo tungkol sa isang nag-aapoy na impierno ay nagpangyari ng napakaraming pagpapahirap sa isipan. Si John Bunyan, awtor ng Pilgrim’s Progress, ay sumulat na nang siya’y isang bata na siyam o sampung taóng gulang, siya ay takot na takot “sa nakatatakot na mga panaginip, at talagang . . . nanginginig sa takot sa mga kaisipan ng nakatatakot na mga pagpapahirap sa apoy ng impierno.” Maraming iba pa ang dumanas ng gayunding paghihirap. Nagugunita pa ng isang lalaki sa Durban, Timog Aprika: “Nang ako’y isang bata, nagkaroon ako ng masamang mga panaginip sa gabi tungkol sa impierno at lagi akong umiiyak sa gabi. Sinikap akong aliwin ng aking maibiging mga magulang subalit hindi nila ako maaliw.”

Sa loob ng mga dantaon ang doktrina ng impiernong apoy ay itinurong paulit-ulit sa isipan ng mga kabataan at umalingawngaw mula sa mga pulpito. Ano ang epekto ng ideyang ito sa puso ng mga tao? Pinangyari ba sila nito na maging mas mabait, mas maibigin at mahabagin sa kanilang pakikitungo sa iba?

Pagkatapos banggitin na inaakala niyaong mga nagsagawa ng ubod ng samang Inkisisyon na ang kanilang mga biktimang erehes ay “maaaring mailigtas ng pansumandaling apoy mula sa walang hanggang ningas,” ang mananalaysay na si Henry C. Lea ay sumulat sa A History of the Inquisition of the Middle Ages: “Kung ang isang makatarungan at makapangyarihang Diyos ay nagpaparusa sa kaniyang mga nilikha na nagkakasala sa kaniya, walang karapatan ang tao na pag-alinlanganan ang pagiging matuwid ng kaniyang mga daan, kundi mapakumbabang tularan ang kaniyang halimbawa at magalak kapag ang pagkakataon na gawin ang gayon ay ipinaaako sa kaniya.”

Gayundin, ang Kastilang mananalaysay na si Felipe Fernández-Armesto ay nagsasabi: “Mangyari pa, totoo na ang mga hukumang inkisitoryal ay walang habag sa paggamit ng pagpapahirap upang makuha ang ebidensiya; subalit minsan pa, ang kalupitan ng pagpapahirap ay dapat hatulan ayon sa mga pagpapahirap sa impierno na naghihintay sa isang erehes na hindi nagtapat.”​—Amin ang italiko.

Ang doktrina ng walang hanggang pagpapahirap ay nagpangyari sa maraming nagsisimba na maging mga ateista. Inamin pa nga ni Billy Graham na ito “ang pinakamahirap tanggapin sa lahat ng mga turo ng Kristiyanismo.” Subalit ito nga ba ay isang turo na sinusuhayan ng Bibliya?

Isang Turo ng Kristiyanismo?

‘Mangyari pa, ito ay nasa Bibliya,’ sabi ng marami. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga tao na inihahagis sa apoy. Subalit ang mga simbolismo ay madalas gamitin sa Bibliya. Kaya, ang apoy ba ay literal o makasagisag? At kung makasagisag, ano ang ibig sabihin nito?

Halimbawa, ang Apocalipsis kabanata 20, talatang 15 (King James Version), ay nagsasabi: “Kung ang sinuman ay hindi masumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy.” Ngunit ang Apoc 20 talatang 14 ay nagsasabi: “At ang kamatayan at ang impierno ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy.” Kataka-taka! Ang impierno ba mismo ay pahihirapan? At papaanong ang kamatayan, na isang kalagayan, ay maaaring ibulid sa isang literal na apoy? Ganito pa ang mababasa sa Apoc 20 talatang 14: “Ito [ang dagat-dagatang apoy] ang ikalawang kamatayan.” Inuulit ng Apocalipsis 21, talatang 8, ang puntong ito. Ano ba itong “ikalawang kamatayan”? Ganito pa ang sinasabi ng Katolikong Jerusalem Bible sa talababa tungkol sa “ikalawang kamatayan”: “Walang hanggang kamatayan. Ang apoy . . . ay simboliko.” Totoo, sapagkat ito ay nangangahulugan ng ganap na pagkawasak, o pagkalipol.

Totoong kawili-wili! Ang “impierno” ay lilipulin! Gayunman, pansinin na ang salitang Griego na ginamit dito ay Hades, na, sang-ayon sa Exhaustive Concordance of the Bible ni Strong, ay nangangahulugang “libingan.” Ang mga patay ba ay may malay o naghihirap sa impierno, o Hades? Ang Bibliya ay tumutugon: “Hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay . . . sapagkat walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man sa impierno, na iyong pinaparoonan.”​—Eclesiastes 9:5, 10, Katolikong Douay Version.

Ang mga patay ba ay nananatili sa Hades? Hindi. Si Jesus mismo ay napasa-Hades, o impierno, subalit siya ay “binuhay-muli nang ikatlong araw,” gaya ng itinuturo ng mga kredo ng simbahan at ng Bibliya. (1 Corinto 15:4; Gawa 2:29-32; Awit 16:10) Gayundin, sa pamamagitan niya “magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Kaya ang Hades sa wakas ay mawawalan ng laman at hindi na iiral​—“ibinulid sa dagat-dagatang apoy.”

Gayunman, maaaring itanong ng iba: ‘Bakit sinasabi ng Apocalipsis 20, talatang 10, na ang Diyablo ay pahihirapan sa dagat-dagatang apoy?’ Kung, gaya ng naunawaan na natin, ang dagat-dagatang apoy ay simboliko, kung gayon, makatuwiran, ang pagpapahirap ay simboliko rin.

Noong panahon ng Bibliya, kadalasan nang malupit na pinahihirapan ng mga tagapagbilanggo ang kanilang mga bilanggo, sa gayon sila ay tinawag na “mga tagapagpahirap.” Sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang malupit na alipin na ‘ibinigay sa mga tagapagbilanggo’ (Griego, ba·sa·ni·stesʹ, na aktuwal na nangangahulugang “tagapagpahirap” at gayon nga ang pagkakasalin sa ilang mga salin). (Mateo 18:34) Kaya kapag binabanggit ng Apocalipsis ang tungkol sa Diyablo at sa iba pa na “pinahihirapan . . . magpakailanman” sa dagat-dagatang apoy, ito’y nangangahulugan na sila ay “ibibilanggo” magpakailanman sa ikalawang kamatayan nang ganap na pagkalipol. Ang Diyablo, ang kamatayan na minana mula kay Adan, at ang hindi nagsisising mga balakyot ay tinutukoy na lahat na lilipulin magpakailanman​—“ibibilanggo” sa dagat-dagatang apoy.​—Ihambing ang Hebreo 2:14; 1 Corinto 15:26; Awit 37:38.

Ang pagpapahalaga sa mga simbolismo ng Bibliya ay tutulong sa atin na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa mga makasalanan na “ibinulid sa impiernong apoy: Na doo’y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.” (Marcos 9:47, 48, KJ) Ang salitang Griego na ginamit dito, isinalin na “impiernong apoy,” ay geʹen·na, o Gehena. Isang libis sa pangalang iyan ay matatagpuan sa labas ng Jerusalem at ito ay ginamit bilang isang tambakan ng basura. Isang apoy ang nagliliyab doon araw at gabi upang sunugin ang basura ng lunsod. Kung minsan, kasama rito ang mga bangkay ng mga kriminal na ipinalalagay na hindi karapat-dapat sa isang marangal na libing o sa pagkabuhay na muli. Mayroon ding mga uod sa libis na mga mapanirang ahente, subalit ang mga ito ay tiyak na hindi imortal! Inilalarawan lamang ni Jesus, sa isang paraan na madaling maunawaan ng mga taga-Judea, na ang hindi nagsisising mga balakyot ay mapupuksa magpakailanman. Kaya, ang Gehena ay kasingkahulugan ng “dagat-dagatang apoy”​—ito ay kumakatawan sa ikalawang kamatayan ng walang hanggang pagkalipol.

Ang doktrina ng walang hanggang pagpapahirap ay salig sa teoriya ng walang kamatayang kaluluwa. Gayunman, maliwanag na binabanggit ng Bibliya: “Ang kaluluwang nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, 20; tingnan din ang Gawa 3:23.) Ginawa rin ng mga tagapagpahayag ng impiernong apoy ang tunay na Diyos, si Jehova, na magtinging isang napakasama​—napakalupit na halimaw​—sa halip ng kung ano siya: isang Diyos ng pag-ibig, “maawain at magandang-loob . . . at sagana sa maibiging-awa.”​—Exodo 34:6.

Taglay ang pag-ibig, ang Diyos ay gumawa ng paglalaan upang iligtas ang mga tao, hindi mula sa pagpapahirap, kundi sa pagkapuksa. Sabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 3:16.

[Blurb sa pahina 19]

Ang mga inkisitor ay naniwala na ang kanilang kakila-kilabot na mga pagpapahirap ay nagliligtas sa mga makasalanan mula sa isang malubhang kapalaran

[Larawan sa pahina 18]

Hanggang kamakailan lamang, halos lahat sa Sangkakristiyanuhan ay naniniwala sa isang dako na gaya nito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share