Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/22 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Medikal na Pagdaraya
  • Delingkuwenteng mga Magulang
  • Nais Mo ba ng Isang Osong Grizzly?
  • Masamang Laro
  • Hindi Tinanggap ang Hipnotikong Patotoo
  • Problema sa Pestisidyo
  • Kapaki-pakinabang na “Whey”
  • Mga Halaman ng Lumilinis-Hangin
  • Tagumpay Mula sa Kabiguan
  • Huli Man ay Magaling Din
  • Walang Silbing mga Horoscope
  • Mga Nota sa UN
  • Arteriya Laban sa Ugat
  • Ikaw ba ay Alerdyik sa Laktos?
    Gumising!—2000
  • Pag-unawa sa Lactose Intolerance
    Gumising!—2004
  • Brunost—Kesong Pagkain ng Norway
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 10/22 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Medikal na Pagdaraya

Ang mga saykayatris ay kabilang sa isang lubhang malaking porsiyento ng mga propesyonal sa medisina na pinaalis o itiniwalag sa Medicare at sa mga programang Medicaid dahilan sa pandaraya at iba pang mga pag-abuso, ulat ng isang pag-aaral na ginastusan ng Kagawaran ng Katarungan ng E.U. Bagaman bumubuo lamang ng 8 porsiyento ng mga manggagamot na nagsasagawa ng paggagamot sa Estados Unidos, 18 porsiyento ng 147 mga manggagamot na sinuspinde mula sa mga programa sa loob ng isang 15-taóng yugto ay mga saykayatris. Kabilang sa mga pag-abuso na binanggit ay ang madayang paniningil, na kinabibilangan ng pagsingil sa terapi samantalang gamot lamang ang inireseta, paghaharap ng mga kuwenta ng hindi umiiral na mga pasyente, at pagsasagawa ng seksuwal na mga engkuwentro sa mga pasyente subalit sinisingil ang panahon sa Medicare at mga programang Medicaid. Gaya ng sabi ni Paul Jesilow, kriminologo at kasamang awtor ng pag-aaral: “Maliwanag, ito ay nagpapabanaag ng hindi mabuti tungkol sa pagsasagawa ng saykayatri.”

Delingkuwenteng mga Magulang

Kapag ang mga bata ay lumalabag sa batas, dapat bang sisihin ang mga magulang? Oo, sang-ayon sa State Supreme Court Justice Julius B. Ness ng South Carolina, E.U.A. Sinabi niya na ang katagang “delingkuwensiya” ay kumakapit na higit sa mga magulang kaysa mga bata. Bilang pagtatanggol dito, si Hukom Ness ay nagpaliwanag: “Natutuhan ng ating mga anak mula sa atin na magkaroon ng paggalang sa makapangyarihan sa lahat na dolyar, sa kapangyarihan at kayamanan. Ang ating pilipit na diwa ng mga pagpapahalaga ay walang alinlangan na may malaking pananagutan sa lumalagong bilang ng naliligalig na mga kabataan.”

Nais Mo ba ng Isang Osong Grizzly?

Ang estado ng Montana (E.U.A.) ay may problema. Ang mga osong grizzly nito sa Rocky Mountain ay napakarami at kumalat sa ibang mga lugar kung saan may mga tao at mga hayupan. Ang iba ay naging “mga problemang oso,” sa halip na kainin ang kinaugaliang mga pagkain sa kagubatan inaabangan nila ngayon ang mga basurahan sa mga pamayanan ng tao. Kaya, gaya ng iniulat ng The Wall Street Journal, naisip ng Montana ang pagsulat sa iba pang mga estado at pag-alok sa kanila ng mga osong grizzly​—na maaaring tumimbang ng mga 600 libra. Ang ibang mga estado ay basta nagsabi na “salamat na lamang.” Binanggit ng California na ang mga lugar na maaaring paglagyan nito ng mga oso ay “matao” rin. Ikinatatakot ng Wyoming ang mga problema na maaaring dalhin ng mga oso. At ang Oregon ay gumawa ng kontra-alok na ipadala sa Montana ang ilan sa kanilang problemang mga osong itim. Ang Alaska lamang ang nagbigay ng pag-asa. Bagaman ayaw nila sa mga oso, sabi nila na, sa pagsisikap na pangalagaan ang kanilang moose, maaaring handa silang ikalakal ang mga lobo (wolves) na taga-Alaska sa mga oso “nang libra sa librang batayan.” Subalit ang Montana, na sinisikap pangalagaan ang mga hayupan nito, ay ayaw na ng higit pang mga lobo.

Masamang Laro

Ang lubhang napalathalang kabayanihan ng isang vigilante sa subwey sa New York City na bumaril sa apat na kabataan ay nakatawag sa interes ng isang manggagawa ng laro. Ginawa niya ang “The Subway Vigilante Game” (Ang Laro ng Vigilante sa Subwey). Ito ay nakasentro sa isang mapa ng sistema ng subwey sa New York kung saan “ang bawat puwang o espasyo ay kumakatawan sa isang naiibang istasyon,” ulat ng Daily News. Mga card na naglalaman ng mga tagubilin na gaya ng “Put Gun to Punk’s Head . . . Move 2 Spaces” ay maaaring makuha sa pamamagitan ng paghahagis ng dais. Kabilang sa mga piyesa ng laro ang maliliit na mga sandata na iba-iba ang disenyo. Ang mga manlalaro na hindi maingatan ang gayong mga piyesa “ay maaaring mabugbog” at sa gayon ay matalo. Samantalang ang ibang mga negosyante ay tumatangging ibenta ang laro, ang iba na nagbili nito ay nabentang lahat at sinasabing ito ay isang malakas na benta.

Hindi Tinanggap ang Hipnotikong Patotoo

Kung ano ang natatandaan bunga ng isang hipnosis ay hindi tinatanggap bilang patotoo sa hukuman, sabi ng Korte Suprema ng Missouri, E.U.A. Nagkukomento tungkol sa kaso, ng Alsbach v. Bader, ang The National Law Journal ay nag-uulat: “Si Carl Alsbach ay hinipnotismo upang sariwain ang kaniyang alaala tungkol sa isang aksidente na kinasangkutan niya. Sinikap niyang matanggap bilang isang katibayan ang kaniyang patotoo pagkatapos niyang mahipnotismo. Sinabi ng hukuman na ang gayong patotoo ay walang siyentipikong suporta sa pagkamaaasahan nito at hindi dapat tanggapin sa mga hukuman sa Missouri.”

Problema sa Pestisidyo

Ang mga pestisidyo ay maaaring tumagos sa pananggalang na kasuotan na isinusuot ng mga manggagawa, sabi ng mga mananaliksik. Walang babalang ibinibigay yamang ang mga pestisidyo ay hindi nakakasunog o nakapangangati sa balat, kung saan ang mga ito ay maaaring sumama sa dugo. Sa paggamit ng isang fluorescent chemical marker sa pestisidyo, nasumpungan na kahit na ang pinakapananggalang na pantakip na ginagamit​—patung-patong na mga damit, overall, at mga guwantes na goma​—ay tinagusan. Ang mga magsasaka samakatuwid ay tumatanggap ng mas mataas na mga dosis kaysa dating inaakala. Ang problema ay nadaragdagan pa kapag ang mga manggagawa, na ipinalalagay na sila ay napangangalagaan ng kanilang mga pananamit, ay hinuhugasan lamang ang nalantad na mga bahagi ng balat.

Kapaki-pakinabang na “Whey”

Ang pinakamaraming kakambal na produkto sa paggawa ng keso ay ang whey. Sa bawat libra ng kesong nagagawa, anim hanggang siyam na ulit ang dami ng nagagawang whey​—mga 46,000 milyong libra (21,000 milyong kg) nito taun-taon sa Estados Unidos lamang. Isang mahalagang sangkap ng whey ay ang lactose, o asukal sa gatas. Nakagawa ng isang pamamaraan kamakailan na gumagamit sa lactose bilang isang pandikit sa paggawa ng particleboard para sa gamit sa konstruksiyon. Sa gayon ang tradisyonal na paggamit sa formaldehyde, na lumilikha ng nakalalasong singaw na nagtitipon sa hangin sa modernong airtight na mga gusali, ay nasasawata. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang lactose particleboard ay walang pinsala. Ang lactose ay maaari ring gamitin sa paggawa ng polyurethane na mga foam para sa insulasyon. Ang bentaha ay na ito ay maaaring gawing panlaban sa apoy na hindi gaanong magastos kaysa sa dating mga foam na yari sa sucrose.

Mga Halaman ng Lumilinis-Hangin

Ang mga antas ng polusyon sa moderno, mahusay ang insulasyong mga tahanan ay maaaring bawasan sa pamamagitan ng paggamit ng karaniwang mga tanim pambahay, sabi ng mga mananaliksik. Ang mga tsimenea, mga kasangkapang de gas, mga sigarilyo, insulasyon, at maging ang sintetikong mga damit, alpombra, at mga kurtina ay nagdadala ng mapanganib ng mga dumi sa hangin. Ipinakikita ng mga eksperimento na sa loob ng 24 oras ang antas ng nakapipinsalang mga sustansiya​—ang nitrogen dioxide, carbon monoxide, at formaldehyde​—ay lubhang nabawasan ng mga spider plants. Mula 8 hanggang 15 mga halaman ang kinakailangan upang malabanan ang polusyon sa isang karaniwang tahanan. Bagaman ang mga spider plants ang nasubukang pinakamabuti, ang iba pang mga halaman, gaya ng Chinese evergreen, golden pothos, at ang peace lily, ay mabisa rin. Natuklasan ng mga siyentipiko sa NASA ang kakayahan ng mga halaman habang nagsasaliksik ng isang biyolohikal na sistema na pagdalisay sa hangin na maaaring gawin sa mga istasyon sa kalawakan.

Tagumpay Mula sa Kabiguan

Isang “di-mapigil na tagumpay” sa Hapon, sabi ng New Scientist, ang “isang bagong elektronikong alarma sa ulan.” Ang tagapaghudyat (sensor), na isinasabit sa labas ng bahay, ay nakakabit sa bahaging tumutunog sa pamamagitan ng isang mahabang kordon o tali. Kapag tinamaan ng ulan ang tagapaghudyat, nagkakaroon ng koneksiyon, at ang alarma ay tumutunog. Ang kompaniya, ang Nippon Alumi Tsurumaru, ay dating nakagawa ng isang sistema na kusang hihila sa sampayan kapag umulan. Nang ito’y mapatunayang napakamahal, ginamit ng kompaniya ang tagapaghudyat na bahagi at ginawa ang alarma sa ulan. Mga 250,000 ang naipagbili sa unang walong buwan.

Huli Man ay Magaling Din

Isang aklat na nawawala sa Pennsylvania State Library mula noong nakaraang dantaon ay naibalik. Ang mga opisyal ng aklatan ay nag-ulat na ang aklat, na inilathala noong 1657, ay nasumpungang ibinalik sa isang kahon na hulugan ng aklat. Ang aklat, ang Tounsend’s Collection, ay orihinal na binili sa ilalim ng pamamanutgot ni Benjamin Franklin nang pinauunlad niya ang aklatan ng estado. Tinatayang ito ay nawala sa pagitan ng taóng 1823 at 1900.

Walang Silbing mga Horoscope

“Isang seryosong siyentipikong pagsubok sa kawastuhan ng mga horoscope ay naghihinuha na ang palatandaang bituin kung saan ang isang tao ay ipinanganak ay walang impluwensiya sa kaniyang personalidad,” sulat ng editor sa siyensiya na si Pearce Wright sa The Times ng London. Ang eksperimento, na isinagawa sa University of California, ay kinasangkutan ng 28 kilalang mga astrologo. Ang pagsubok ay pagtugmain ang astrolohikal na tsart ng isang tao sa wastong paglalarawan ng personalidad. Ang mga paglalarawan ay hinango mula sa isang talaan ng mga tanong na pamilyar sa mga astrologo at isinagawa ayon sa kanilang mga mungkahi. Para sa bawat indibiduwal, tatlong paglalarawan ang ibinigay, isang totoo at dalawang iba pa na pinili nang ala-suwerte. “Isang nakahihiyang resulta ng mga pagsubok para sa mga astrologo,” sabi ng artikulo, “ay na ang mga hula ay napatunayang walang gaanong halaga na gaya ng tsamba.” Hindi nakita ng mga astrologo ang mga boluntaryo nang mukhaan. Nang makita nila, sabi ng siyentipikong si Shawn Carlson, na nagsagawa ng pagsubok, pinili nila ang mga himaton na ginamit nila upang pahangain ang kanilang mga kliyente.

Mga Nota sa UN

Ang pagsasalita ang pangunahing gawain sa UN, subalit iilang diplomatiko ang bihasa rito. “Bihira kang makasumpong ng isa rito na may kaloob sa pagsasalita,” sabi ni François Giuliani, isang tagapagsalita para sa kalihim-panlahat. “May mga mahabang tagapagsalita at may mga maikling tagapagsalita, subalit walang maraming nakabibighang tagapagsalita.” Isang malaking hadlang sabi ng mga delegado, ay ang kontrol na isinasagawa ng mga gobyerno sa kung ano ang sinasabi, at na ang ilang protocol ay dapat sundin. Bukod pa rito, ang madulang talumpati ay kadalasang nawawala sa pagsasalin.

◻ Upang parangalan ang makasaysayang ika-40 sesyon ng General Assembly, isang koponan ng mga Amerikanong umaakyat ng bundok ang maglalagay ng bandera ng UN sa tuktok ng Bundok Everest. Bagaman ang mahirap na mga kalagayan ay nagpangyari sa kanila na huminto 800 piye (240 m) ang kalayuan sa tuktok, itinusok nila ang bandera at kinunan ng litrato bilang patotoo. “Ang litrato ay opisyal na naglaho, at lahat ng mga pagtukoy rito ay inalis,” sabi ng The New York Times. “Ang dahilan? Ang bandera ay baligtad ang pagkakalagay.”

Arteriya Laban sa Ugat

Ang gamit ng isang arteriya ay napatunayang superyor kaysa sa isang ugat sa mga operasyon na coronary bypass. Ang operasyon ay isinasagawa kapag ang mga arteriya na nagdadala ng dugo sa puso ay naging barado at may panganib ng isang atake sa puso. Hanggang kamakailan, tinatanggal ng karamihan ng mga seruhano ang isang piraso ng ugat mula sa paa at ginagamit para sa bypass. Ipinakikita ng bagong pananaliksik na ang paggamit ng panloob na mammary artery mula sa dibdib ay lumilikha ng superyor na mga resulta. Inihambing ng mga doktor sa Cleveland Clinic Foundation ang pangmatagalang mga resulta ng 2,306 na mga pasyente na nagkaroon ng mga artery bypass doon sa 3,625 na pamantayang vein bypass. Sa lahat ng kaso, ang anterior descending coronary artery ng puso ang ginawan ng bypass. Nasumpungan ng pangkat ng mga mananaliksik na sa mahigit na sampung-taóng yugto, ang mga pasyente na ginamitan ng ugat sa bypass ay 60-porsiyentong higit na nanganib sa kamatayan kaysa roon sa mga ginamitan ng artery bypass at 40 porsiyento rin na mas malamang na magkaroon ng mga atake sa puso.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share