Pagsasama Nang Hindi Kasal o Pagpapakasal?
“Isa lamang itong biyurukrasya! Ang isang papel ay walang kabuluhan. Ang mahalaga ay pag-ibig. Ang pagsasama ay isang mas romantikong kaugnayan. Kailangan kayong maging higit na maingat at makonsiderasyon sa isa’t isa kung kayo ay hindi legal na mag-asawa.” Ganiyan ang katuwiran nina Jan at Anna nang magsimula silang magsama.
KAYA maliwanag na inaakala ng ilang lalaki’t babae na sa pagsasama nang hindi kasal matatakot sila na mawala ang isa’t isa. Sa gayon sila ay magiging higit na maingat sa isa’t isa at sa kanilang kaugnayan. Sa panlabas, iyan ay waring mabuting pangangatuwiran. Subalit ang gayon bang mga kaugnayan ay karaniwan nang mas matatag kaysa legal na pag-aasawa?
Pagsasama Nang Hindi Kasal—May mga Disbentaha Ba?
Sa aklat na Unmarried Cohabitation, isiniwalat ng mananaliksik na si J. Trost, pagkatapos iharap ang mga datus na tinipon mula sa isang pag-aaral tungkol sa paksang iyan, na “ang dalas ng paghihiwalay sa gitna ng mga nagsasama nang hindi kasal ay halos doble ang dami kaysa roon sa mga nagpakasal.”
Sina Jan at Anna ay nagsama ng mga tatlong taon bago nagpakasal. Gaano katatag ang unang kaugnayang iyon? “Nasumpungan namin na ang pagsasama nang hindi kasal ay umaakay lamang sa iba pang halaghag na mga kaugnayan. Kung ikaw ay isa lamang kinakasama o kabit, mas madaling ikaw ay makisama sa iba.”
Sina Lars at Anette ay nagsama rin ng mga tatlong taon bago nagpakasal. Sabi ni Lars: “Kapag bumabangon ang mga problema, mas malamang na layasan namin ang isa’t isa kaysa maupo at lutasin ang mga bagay-bagay, gaya ng sinisikap naming gawin ngayon bilang mag-asawa.” Sabi pa ni Anette: “Hindi ko alam kung ilang beses akong nagalit kay Lars at sinabi ko sa kaniya na kukunin ko ang aking mga gamit at lalayas. Hindi ko na ginagawa iyan ngayon.”
“Aking mga gamit,” sabi ni Anette. Ipinakikita niyan kung paano minamalas ng mga nagsasama nang hindi kasal ang kanilang mga pag-aari—nahahati sa “aking” mga gamit at “iyong” mga gamit. Ang ilan ay maingat na itinatago ang mga resibo at isinusulat ang kanilang mga pangalan sa mga bagay na kanilang binili—kung sakali man. Iyan ba ang saligan sa isang matatag, nagtatagal na kaugnayan?
At ano ang nangyayari kung ang lalaki’t babae ay magpasiyang maghiwalay? Ang paghahati ng mga ari-arian o gamit ay maaaring maging isang tunay na problema, na nagbubunga ng mga pagtatalo at malubhang kawalan ng katarungan. Halimbawa, kung ang isang babae ang nangalaga sa mga bata at sa sambahayan, maaari siyang maging dukhang-dukha sapagkat ang lalaki ang naghanapbuhay at bumili ng halos lahat ng gamit. Maaaring kaunti lamang ang kaniyang magagawa sa legal na paraan sapagkat sila ay hindi kasal. Kaya’t ano ang mangyayari sa kaniya kapag sila ay naghiwalay?
Sinasabi ng ilang lalaki’t babae na sila ay pansamantalang nagsasama nang hindi kasal upang alamin kung sila ay para sa isa’t isa o magkasundo. Inaakala nila na bunga nito ang kanilang pagpapakasal sa hinaharap ay magiging mas matatag. Gayon nga ba ang kalagayan? Halimbawa, bumaba ba ang dami ng diborsiyo sa mga bansang kung saan ang gawaing ito ay naging pangkaraniwan?
Kunin halimbawa ang Sweden. Tinataya ng mga dalubhasa roon na 99 porsiyento ng kasalukuyang pangkat ng mga bagong kasal ang nagsama muna bago nagpakasal. Kung ang pagsasama nang hindi kasal ay nagbubunga ng mas matatag na pag-aasawa, kung gayon aasahan mo na ang dami ng diborsiyo sa bansang iyon ay bababa. Gayunman, ipinakikita ng mga estadistika na sa loob ng 25 taon sa pagitan ng 1958 at 1983, bagaman ang taunang bilang ng pagpapakasal ay bumaba mula sa 50,785 tungo sa 36,210, ang bilang ng mga diborsiyo ay dumami mula sa 8,657 tungo sa 20,618. Kung gayon ipinakikita ba ng mga katotohanan na ang pagsasama nang hindi kasal ay nagbubunga ng mas matatag na pag-aasawa?
Kung Paano Apektado ang Iba
Nariyan pa ang epekto sa iba ng pagsasama ng lalaki’t babae nang hindi kasal. Marami pa rin ang nag-aakala na ito ay mali at imoral pa nga na magsama nang hindi kasal. Kaya, ang mga magulang o mga ninuno ay maaaring malungkot, mapahiya, at mag-alala kung ang kanilang mga anak o mga apo ay basta nagsasama nang hindi kasal. Ang kaugnayan sa pagitan ng mga salinlahi ay maaaring mapinsala.
Ganito ang gunita ni Anna: “Sa palagay ko’y lubha akong ikinahihiya ng aking mga magulang nang ako ay makisama kay Jan. Hanggang nang panahong iyon, lagi kong tinatamasa ang isang mabuting kaugnayan sa kanila. Subalit mula noon ay nahihiya sila kapag tinatanong ng aming mga kamag-anak ang tungkol sa akin. At asiwang-asiwa sila kapag nariyan si Jan. Hindi nagtagal, hindi na sila dumadalaw sa amin. Sa palagay ko’y labis silang nasaktan.”
At kumusta naman ang mga anak na isinilang sa gayong kaugnayan? Kapag nagsasama lamang at naghihiwalay ang mga magulang, maaari itong humantong sa mga kalagayan kung saan ang ilang mga anak na iba-iba ang magulang ay nagsasama-sama sa iisang tahanan. Ito ay maaaring magpangyari sa mga bata na makadama ng kalituhan at kawalan ng kasiguruhan. Ipinakikita ng isang surbey na isinagawa ng isang reporter sa TV sa gitna ng mga 15-anyos na mga batang mag-aaral na halos isa sa tatlo sa mga kabataang ito ang hindi nakatira na kasama ng kanilang tunay na mga magulang. Sa Stockholm, ang kabisera ng Sweden, ang bilang ay kasintaas ng 43 porsiyento. Ang reporter ay nagkomento: “Tayo ngayon ay may ganap na kakaibang lipunan. Maraming mga anak sa 1980’s ang may dalawang tahanan . . . Ginugugol nila ang isang dulo ng sanlinggo na kasama ni inay at ang susunod na kasama naman ni itay.”
Sa isang surbey ng 5,500 sampung-taóng-gulang na mga bata sa Sweden, nasumpungan ng katulong na propesor na si Claes Sundelin na isang lalaki sa sampu ang may malubhang sikolohikal na mga problema. Siya’y naghinuha na ang mga bata ay “apektado ng dumaraming mga paghihiwalay” at na sila “ay emosyonal na nagiging malapit sa mga nakatatanda sa kanilang pamilya, at ang isang paghihiwalay ay pinagmumulan ng malaking kabiguan.” Ipinahayag ng isang 12-anyos na batang babae, na ang mga magulang ay hiwalay, kung ano ang nadarama ng maraming mga bata sa gayong kalagayan nang sabihin niya: “Paglaki ko, nais kong mabuhay nang maayos. Ako’y pakakasal at hinding-hindi magdidiborsiyo.”
Sa Sweden ang katagang “paghihiwalay” ay ginagamit sa hindi kasal gayundin sa kasadong mga mag-asawa. Yamang ang pagsasama nang hindi kasal ay mas hindi matatag na kaugnayan kaysa pagpapakasal, mangangahulugan ito na ang mga batang ipinanganganak sa mga magulang na hindi kasal ay mayroong mas malaking panganib na mauwi sa isang tahanan ng nagsosolong magulang. Sa alin mang kaso, ang mga bata ay napipinsala ng gayong paghihiwalay, at kadalasan, gaya ng 12-anyos na batang babaing iyon, sinasabi nila na paglaki nila nais nila ang isang matatag, nagtatagal na kaugnayan—sa pag-aasawa.
Mayroon ding iba pang pangmatagalang mga epekto kapag ang mga lalaki’t babae ay nagsasama nang hindi kasal. Yamang ang gayong mga kaugnayan ay hindi nakarehistro, ang mga awtoridad ay hindi maaaring gumawa ng mabisang pagsusulit sa kanila at ikapit ang mga batas sa kanila. Ang ilang mga lalaki’t babae ay nagpapasiyang huwag pakasal upang maiwasan ang di-kanais-nais na pagbubuwis at ang kawalan ng ilang pensiyon at iba pang mga pakinabang na panlipunan. Apektado nito kung paanong ang pasan ng buwis ay ibinabahagi sa mga tao sa pangkalahatan. Ang mga batas tungkol sa pagmamana, mga testamento, paghahati ng ari-arian, at pangangalaga sa mga bata ay hindi rin lubusang maikapit. Gaya ng sabi ng isang abogadong Danes: “Bukod sa suliraning moral, mula sa legal na pangmalas, ang mga pag-aasawa na walang kasamyento ay hindi kanais-nais. Ito ay nangangailangan ng mas maraming papeles, yaon ay, higit na legal na mga dokumento at mga pamamaraan, upang lutasin ang mga bagay na may kaugnayan sa ari-arian at pangangalaga sa mga bata kaysa roon sa ang mga pag-aasawa ay nakarehistro.”
Bukod pa sa moral o sosyal na mga implikasyon, mayroon pang isang bagay na mas mahalagang isaalang-alang.
Ang Maka-Kasulatang Pangmalas
Ang maka-Kasulatang pangmalas tungkol sa bagay na ito ay maaaring may kaunti o walang halaga sa marami na nagsasama nang hindi kasal. Subalit doon sa mga nagnanais ikapit ang mga utos ng Diyos, ito ay mahalaga.
Sang-ayon sa Bibliya, ang legal na pag-aasawa ang tanging anyo ng pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na awtorisado ng Maylikha ng tao. Ipinakikita ng Bibliya na ikinasal ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawang tao. Bakit? Ang isang layunin ay ang pagkakaroon ng kasama. Gaya ng sinasabi ng makasaysayang ulat sa Genesis: “Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa. Ako’y gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” (Gen 2:18) Ang isa pang layunin ay para sa pag-aanak. “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa,” ang sabi sa mag-asawa. (Gen 1:27, 28) Na ito ay hindi isang kaayusan ng pagsubok ay maliwanag sa Genesis 2:24, na nagsasabi: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.”
Bagaman, sa ngayon, ang bawat lalaki at babae ay di-sakdal at maraming pag-aasawa ang nauuwi sa diborsiyo, ang legal na pag-aasawa pa rin ang pinakamatibay at matatag na anyo ng pagsasama ng isang lalaki at ng isang babae sa lipunan ngayon. Walang ibang anyo ng pagsasama ang nagbibigay ng katulad na antas ng proteksiyon at seguridad sa lahat ng nasasangkot, pati na sa mga bata, na gaya ng ginagawa ng legal na pag-aasawa.
Ito ang konklusyon na narating nina Jan at Anna. Pagkaraang makisama kay Jan sa loob ng mga ilang taon, si Anna ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Hindi nagtagal nais niyang sumunod sa mga kahilingan ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa. Kaya isang araw hiniling niya kay Jan na pakasalan siya. Napansin ni Jan kung gaano siya kaligaya at nasisiyahan tuwing uuwi siya ng bahay mula sa pulong. Natalos ni Jan kung gaano ito kahalaga sa kaniya, kaya pinakasalan niya siya.
‘Ang relihiyon na iyon ay maaaring magkaroon din ng kapaki-pakinabang na epekto sa akin,’ naisip ni Jan. Siya ay nagpasiyang suriin ito sa ganang sarili. Di nagtagal siya man, ay naghinuha na ang maka-Kasulatang pangmalas tungkol sa pag-aasawa ang pinakamabuti. Sina Jan at Anna ngayon ay nag-alay na mga Saksi ni Jehova, kapuwa naglilingkod bilang buong-panahong mga ministro. Paano maihahambing ang pagpapakasal sa pagsasama nang hindi kasal? Sagot nila: “Bago pakasal, kami ay nagsasama lamang. Subalit pagkatapos pakasal, kami ay nagkaroon ng mas malapit, mas maibigin, at mas responsableng kaugnayan, isa na naglalakip ng ikatlong partido—ang aming Maylikha, ang Diyos na Jehova. Sa mahigit na sampung na, tinamasa namin ang isang maligayang pag-aasawa, at tinatamasa pa rin ito hanggang ngayon!”
Gayunman, ang iba ay maaaring magkaroon ng iba pang palagay. Inaakala nila na ang pagpapakasal ay maaaring maging isang mabuting kaayusan, subalit ang katapatang pangmag-asawa ay hindi kinakailangan. Sinasabi nila na ang pangangalunya o ang pagkakaroon ng kaugnayan sa ibang babae ay maaari pa ngang magkaroon ng positibo at nakapagpapatibay na epekto sa isang pag-aasawa. Totoo nga ba?
[Blurb sa pahina 5]
“Kapag bumabangon ang mga problema, mas malamang na layasan namin ang isa’t isa kaysa maupo at lutasin ang mga bagay-bagay, gaya ng sinisikap naming gawin ngayon bilang mag-asawa”
[Blurb sa pahina 6]
Ang legal na pag-aasawa pa rin ang pinakamatibay at matatag na anyo ng pagsasama ng isang lalaki at isang babae sa lipunan ngayon
[Larawan sa pahina 5]
Ang mga bata ay emosyonal na apektado kapag naghiwalay ang mga magulang