Mga Sakuna—Ang Pag-alam sa mga Sanhi Nito
“PINAKAMASAMANG taon sa kasaysayan,” ang ulong-balita ng The Times ng London tungkol sa mga pagbagsak ng eruplano noong 1985. Ang kabuuang bilang ng mga namatay na halos 2,000 ay nagpapatunay na ito nga ang pinakamasamang taon sa kasaysayan dahilan sa mga namatay sa mga sakuna sa abyasyón.
Ito ang pinakagrabeng sunog kailanman sa isang Britanong istadyum ng soccer na nagdala ng sakuna sa Ingles na lunsod ng Bradford noong Mayo 1985. Nilamon ng apoy ang grandstand na yari sa kahoy na naglululan ng 3,000 mga manunood, na nag-iwan ng 55 mga patay at daan-daang napinsala.
Sa iba pang dako noong nakaraang taon, ang likas na malalaking sakuna ay sumawi ng napakaraming buhay. Ang lindol noong Setyembre sa Mexico City ay pumatay ng mahigit 9,000 katao. Pagkaraan lamang ng ilang linggo sa Colombia, talagang pinawi ng isang pagkalaki-laking pagguho ng putik mula sa pagputok ng bulkang Nevado del Ruiz ang bayan ng Armero, pinapatay ang mahigit 20,000.
Pagtunton sa Ugat na mga Sanhi
Minsang humampas ang isang sakuna, isang masusing imbestigasyon tungkol sa sanhi nito ay nagsisimula at ito ay maaaring tumagal ng mga ilang linggo o mga buwan. Ito ba’y kapabayaan, may depektong disenyo ng makinarya, o sabotahe pa nga? Nagbigay ba ng sapat na babala? Ano ang mga pamamaraang pangkaligtasan? Mayroon bang gumawa ng shortcut dito?
Ang mga paghiling ng mga biktima ng bayad-pinsala ay nakasalalay kung saan naroon ang pananagutan. Sa isang pagtagas ng gas sa isang pagawaan ng pestisidyo sa Bhopal, India, na inilarawan na “ang pinakamalubhang industriyal na aksidente sa kasaysayan,” mahigit na 1,700 ang opisyal na itinalang namatay, at mga 200,000 ang napinsala. Iniulat na may mga kahilingan na nagkakahalaga ng higit kaysa mga propyedad ng kompaniya ng kemikal sa India. Dahilan sa nakataya ang gayong mga interes, ang pagpapatunay ng sanhi at pagbahagi ng sisi ay isang napakahirap na gawain.
Ang malalaking eruplano ngayon ay mayroong dalawang flight recorders, o “black boxes” gaya ng tawag dito. Ang isa ay nagtatala ng maraming detalyadong mga impormasyon tungkol sa takbo ng eruplano sa bawat segundo. Ang isa naman ay isang voice recorder sa lugar ng piloto na itinatala ang mga pag-uusap ng mga tripulante hanggang sa panahon ng pagbagsak. Ang mga black boxes na ito ay napakahalaga sa pagtulong upang matiyak ang sanhi ng mga aksidente sa himpapawid anupa’t gayon na lamang mga pagsisikap ang ginagawa upang makuhang muli ang mga ito.
Tinatanong din ng mga imbestigador ang mga nakaligtas sa paghahanap ng mga himaton sa sanhi ng isang pagbagsak ng eruplano. Sa Hapón isang wala-sa-tungkulin na flight attendant ang nakaligtas sa pinakagrabeng sakuna ng eruplano sa himpapawid sa daigdig. Naibigay niya sa mga eksperto ang mahalagang mga detalye sa paglipad ng jet sa kanilang pagsisikap na alamin ang sanhi ng sakuna na sumawi ng 520 mga buhay.
Mahalagang mga Leksiyong Natutuhan
Minsang malaman ang sanhi, ang pansin ay ibinabaling sa paghadlang sa kahawig na malaking sakuna. Ang sunog sa istadyum ng soccer sa Bradford ay natunton sa basura na nasa ilalim ng grandstand, malamang na sinindihan ng isang sigarilyo o ng isang may dingas ng posporo. Bunga nito, ang mga opisyal ay bumalangkas ng mga panuntunan upang mapahusay ang kaligtasan sa mga dakong pinagdarausan ng sports.
Sa paliparan ng Manchester sa Inglatera, isang sunog ang nagpahinto sa paglipad ng eruplanong jet, pinapatay ang 55 katao. Bunga nito, masusing sinuri ang mga pamamaraan ng paglisan. Gayundin, masusing sinuri ang mga kagamitang hindi tinatablan-apoy na ginagamit sa mga cabin ng eruplano.
Sa gayon, mahalagang mga leksiyon ang natutuhan mula sa masusing pagsusuri sa mga sanhi ng sakuna. Ang kapabayaan o kawalang-ingat, mahinang pagkakagawa, may depektong disenyo, at iba pang mga salik ay nagpapakita kung paanong ang elementong tao ang litaw na dahilan sa gawang-taong mga sakuna.
Subalit kumusta naman ang likas na mga sakuna? Ano naman ang isinisiwalat ng mga pagsusuri sa mga sanhi nito?
Paghula sa Likas na mga Sakuna
Nagkaroon ng di-mumunting tagumpay sa patiunang pagsasabi ng likas na mga sakuna na gaya ng mga bagyo. Sa Caribbean, “ang probabilidad ng maagang babala” ay sumulong tungo sa “halos 100%” sabi ng isang ulat. Sabi pa nito: “Karamihan ng mga sinasabing lagay ng panahon ay nakapagbibigay ng 24 oras na babala tungkol sa inaasahang oras ng pagdating at lakas ng bagyo.”
Ang patiunang pagbabala sa iba pang uri ng mga sakuna ay mas mahirap gawin. Subalit sa isang pagkakataon, ang mga Intsik ay nagtagumpay sa paghula ng isang lindol. Sa pamamagitan ng pagmamasid sa kakatwang paggawi ng mga hayop sa isang lugar sa lalawigan ng Liaoning, ang mga awtoridad ay nabigyan ng babala tungkol sa isang dumarating na malaking sakuna. Kanilang nilikas ang lunsod ng Haicheng. Di-nagtagal, humampas ang isang lindol, winawasak ang 90 porsiyento ng lunsod. Sapagkat ang babala ay sinunod, kaunti lamang ang namatay.
Gayunman, ang mga paghula sa lindol ay bihirang eksakto at tama para sa paglikas. Isang halimbawa ay ang nakapangingilabot na dami ng nasawi, opisyal na itinatala na 242,000, sa lindol sa T’ang-shan sa Tsina noong 1976. Maaaring ituro ng mga siyentipiko ang maraming dakong mapanganib, subalit hindi nila masabi kung kailan hahampas ang isang lindol. Kaya, bagaman ang lindol noong 1985 sa Mexico ay “hindi ipinagtaka ng mga seismologo,” gaya ng sabi ng isang report, nagbunga pa rin ito ng napakalaking pagkawasak.
Paghadlang sa Likas na mga Sakuna
Ang mga dalubhasa ay nagbibigay ng kaunting pag-asa sa paghadlang sa gayong mga sakuna. Sa katunayan, sang-ayon sa aklat na Natural Disasters: Acts of God or Acts of Man?, “binabago ng mga tao ang kanilang kapaligiran upang gawin itong higit na makiling sa mga sakuna, at gawin ang ating mga sarili na madaling masaktan.”
Bilang halimbawa, sa mataong mga lugar sa daigdig ang lupa ay kadalasang naaalisan ng pananim, na nagpapangyaring magkaroon ng mga tagtuyot at mga pagbaha. Karagdagan pa, napakaraming halimbawa ng mga taong nakatira sa mga lugar na malapit-sakuna na hindi kumikilos sa opisyal na mga babala.
Mayroon bang anumang magagawa upang ihinto ang likas na mga puwersa na pinagmumulan ng mga sakuna? May kaugnayan sa mga lindol, napansin ng mga siyentipiko na ang likidong binubomba papasok sa ilalim ng lupa ay nagpangyari ng sunud-sunod na mga pagyanig sa dakong iyon. Inaasahan nila na sa pamamagitan nito ay mailabas ang tensiyon sa pinakaibabaw ng lupa at bawasan ang mga lindol. Subalit hanggang sa ngayon kaunti lamang ang kanilang tagumpay. Gaya ng konklusyon ng aklat na Disaster!: “Hindi pa sapat ang nalalaman sa kasalukuyan tungkol sa mga pamamaraan sa kaligtasan . . . upang gamitin ito sa mataong mga lugar.”
Ang iba pang mga pagsisikap upang iwasan ang likas na mga sakuna ay hindi rin napatunayang mas mabuti. Isaalang-alang kung ano ang sinubok sa mga bagyo. Sa loob ng mga 25 taon, ang eruplano ay lumilipad tungo sa pinaka-mata ng mga bagyo upang “tamnan” ito ng mga kemikal upang pawiin ang lakas ng bagyo. Gayunman ang mga bagyo ay patuloy na nagdadala ng kamatayan at pagkawasak.
Ipinalalagay na Bunga ng Sobrenatural?
Yamang ang mga hula o prediksiyon ay di-tiyak at ang paghadlang ay hindi nga posible, sinisisi ng marami ang mga kapangyarihang nakahihigit sa tao sa labas ng pisikal na daigdig. Ang aklat na Disaster! ay nagkukomento: “Sa isang kultura na sinubok nang hulaan ang lahat ng bagay na mahuhulaan, ang karahasan ng kalikasan ang isang naiiba, ang kakaibang bagay, na hindi maipaliwanag o maiwasan ninuman.”
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ipinalalagay ng marami na ang likas na mga sakuna ay mula sa Diyos. Subalit tama ba ito? Ang mga sakuna ba ay talagang “gawa ng Diyos”?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Reuters/Bettmann Newsphotos