Kanser—Ano Ba ang Ating Kalagayan?
Ang seryeng ito ng mga artikulo tungkol sa kanser ay inihaharap upang tulungan ka na mambabasa na magkaroon ng makatotohanang pangmalas tungkol sa mga pagsulong na nagawa sa paglunas sa karamdamang ito. Sa nakalipas na mga dekada, nagkaroon ng pagsulong sa pag-unawa sa ilang mga sanhi ng kanser. Ngayon maaari nang makuha ang mabuting payo tungkol sa pag-iwas dito. Mas madali rin ngayong kumuha ng isang maagang rikonosi, at mayroong mas malaking tsansa ng paggaling. Ganito ito binubuod ng U.S. Department of Health and Human Services:
“Mabuting Balita: Hindi lahat ay nagkakaroon ng kanser. 2 sa 3 mga Amerikano ang hinding-hindi magkakaroon nito. Mas Mabuting Balita: Taun-taon parami nang paraming tao na may kanser ang gumagaling. Pinakamabuting Balita: Araw-araw mayroon kang magagawa upang pangalagaan ang iyong sarili mula sa kanser.”
HINDI namin layunin na talakayin ang pawang kabutihan lamang tungkol sa paksang ito. Yamang, isang medikal na ulat ang nagpapakita na sa Estados Unidos lamang “58 milyong mga Amerikanong nabubuhay ngayon ang sa dakong huli ay magkakaroon ng kanser.” Maraming iba pang bansa ang may gayunding katumbasan. Samakatuwid, ang maling paniniwala na ang lahat ay bubuti ay hindi makatuwiran. Gayunman, ang optimismo na batay sa mga katotohanan ay tutulong sa lahat na harapin ang katotohanan taglay ang pag-asa at makapagpapatibay-loob sa mga pasyenteng may kanser na mas mabisang makipagbaka.
Maaari bang Lunasan ang Kanser?
Paano ba sinasagot ng mga dalubhasa ang katanungang ito? Pansinin ang sumusunod:
“Ang kanser ay maaaring gamutin nang matagumpay. Sa maraming mga kaso ito ay maaaring lubusang mapagaling. Di-mabilang na mga tao na ginamot dahil sa kanser ang nabuhay nang mahaba, malusog na mga buhay, na walang palatandaan o sintomas ng karamdaman. . . . Ang kanser ay tiyak na maaaring lunasan.”—The Complete Medical Guide, ni Dr. Benjamin F. Miller.
“Ang takot sa sakit na ito ay nagkubli sa katotohanan na halos kalahati ng mga taong may kanser ay maaaring pagalingin, at ang wastong paggagamot doon sa mga wala nang lunas ay maaaring magdagdag ng mga taon ng maginhawa at mabungang buhay.”—The Facts About Cancer, ni Dr. Charles F. McKhann, Propesor sa Pag-oopera, Yale University.
“Ang ilang mga kanser ay madaling lunasan; samantalang ang iba ay halos sa tuwina’y ganap na wala nang lunas sa panahon na ang mga ito ay marikonosi. . . . Ang mga kanser sa tatlong mga sangkap ng katawan (bagà, suso, at malaking bituka) ang sa kasalukuyan ay pinakamalaganap yamang kalahati ng mga kamatayan dahil sa kanser sa E.U. ang namamatay dahil dito.”—The Causes of Cancer, Sir Richard Doll at Richard Peto, ng University of Oxford, Inglatera.
Subalit mayroon pang malungkot na bagay sa larawang ito. Sa kaniyang aklat na Target: Cancer, ang manunulat sa siyensiya na si Edward J. Sylvester ay nagsasabi: “Ang salarin ay tiyak na hindi pa nadakip. Ang pinakanakamamatay na mga kanser sa Estados Unidos—kanser sa bagà, kanser sa suso ng mga nagmenopos, at ang kanser sa bituka (colorectal)—ay wala pa ring lunas ngayon na gaya noong tatlumpu hanggang apatnapung taon na ang nakalipas, . . . bagaman ang mga taong mayroon ng kanser na ito sa ilang mga kaso ay nabubuhay nang mas matagal.”
Pagkalaki-laking halaga ng salapi ang ginugugol taun-taon sa pananaliksik sa kanser, subalit isa ito sa pinakamailap na mamamatay-taong sakit na nakilala ng tao. Gayunman, may positibong bagay tungkol sa tatlong kanser na nabanggit—ang ilang mga tao “ay nabubuhay nang mas matagal.”
Kung tungkol sa kanser, lahat ba tayo ay mga biktima ng pagkakataon? O mayroon ba tayong magagawa upang maiwasan ito? Ang pagkain at istilo ng pamumuhay ay may anuman bang kaugnayan sa pagkakaroon ng kanser?
Sa sumusunod na mga artikulo, isasaalang-alang namin ang ilan sa kilalang mga sanhi ng kanser at ang mga pamamaraan ng pag-iwas at paglunas, gayundin ang isang halimbawa ng tagumpay sa pagdaig sa kanser. Ipaliliwanag ng huling artikulo kung paano namin nalalaman na malapit nang madaig ang kanser.