Mula sa Aming mga Mambabasa
Hindi Pa Isinisilang na mga Sanggol
Mayroon akong apat na pagkagagandang mga anak. Kailanman ay hindi pa personal na nabagbag ang aking damdamin na gaya ng nagawa ng “Isang Liham Mula sa Ina ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol.” (Nobyembre 22, 1986 sa Tagalog) Kinitil ko ang walang-malay na buhay ng dalawang taong walang sinuman ang makakakilala. At napakasakit isipin na si Jehova ang kanilang tanging kaibigan, anupa’t hindi ko ito matiis. Ako ngayo’y nakikipag-aral sa isa sa mga Saksi ni Jehova, at taimtim na sinisikap kong ikapit ito sa aking sarili. Natalos ko buhat sa liham na ito kung anong kakila-kilabot na bagay ang nagawa ko. Nais kong ipaalam sa inang iyon na ang kaniyang sulat ay nagbigay sa akin ng taos-pusong tibay-loob at determinasyon na turuan ang aking nabubuhay na mga anak ng lahat ng bagay na natutuhan ko tungkol kay Jehova upang ang kanilang mga buhay ay maaaring iligtas. Nauunawaan ko ngayon ang kahulugan ng kasulatang, ‘tumatanggap sa kanilang sarili ng kagantihan ng kanilang pagkakamali.’ [Roma 1:27] Maraming salamat.
T. S., Estados Unidos
Katatapos ko lamang basahin ang “Isang Liham Mula sa Ina ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol,” at nasumpungan ko itong totoong nakababalisa. Nakababalisa sapagkat ako man, ay isang ina ng isang hindi pa isinisilang na sanggol. Mayroon din akong tatlong magagandang anak, at kapag pinagmamasdan ko sila naiisip ko kung paano ko nagawa ang gayong kakila-kilabot na bagay. Bagaman wala pa ako noon sa katotohanan nang ako’y magpalaglag, nakadarama pa rin ako ng mga damdamin ng pagkakasala. Ngayon na nalalaman ko na ang tungkol sa ating kahanga-hangang Maylikha, si Jehova, lalo akong nababagabag na ginawa ko ang kakila-kilabot na bagay na ito sa isa sa kaniyang mga nilikha. Nais ko ring ulit-ulitin kung ano ang sinabi ng ina sa liham. Kung mayroong nag-iisip tungkol sa aborsiyon o paglalaglag, pakisuyong huminto. Talagang mamamalagi ang alaalang iyon sa buong buhay mo. Hanapin si Jehova at ang kaniyang matuwid na mga daan at magtiwala sa kaniya na tulungan ka. Pakisuyong huwag gumawa ng gayunding pagkakamali na nagawa namin.
Isa Pang Nagsisising Ina, Estados Unidos
Nais ko kayong pasalamatan sa “Isang Liham Mula sa Ina ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol.” Ako man ay binabagabag ng namamalaging pagkadama ng pagkakasalang ito. Di-gaya ng babae sa artikulo na may tatlong magagandang anak, ngayon ay hindi na ako maaaring magkaroon ng anumang anak. Ayaw akong patahimikin ng aking budhi sapagkat pinatay ko rin ang aking sariling anak. Nalaman ko na ang katotohanan ngayon, at ang aking pagtitiwala kay Jehova ay tumutulong sa akin na mabata ito. Taglay ang matinding pagsisisi.
C. D., Estados Unidos
Hindi ko maunawaan kung bakit kailangan pa ninyong ilathala ang “Isang Liham Mula sa Ina ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol.” Nauunawaan ko na ito ay nilayon upang iwasan ang potensiyal na mga aborsiyon o paglalaglag, na lubusan akong sumasang-ayon. Gayunman, marami sa amin na napunta sa katotohanan ay nag-iwan ng mga istilo ng pamumuhay na nagpahintulot ng gayong mga bagay. Nang makilala namin si Jehova at ang kaniyang maibiging-awa, inaasahan namin ang kaniyang pagpapatawad sa kakila-kilabot na kasalanang ito. Ipinadama sa akin ng artikulo na para bang dapat kong dalhin sa tuwina ang damdaming ito ng pagkakasala.
Nagsisikap na paglingkuran si Jehova na may malinis na budhi, Estados Unidos
Ang liham ay isang kapahayagan ng mga damdamin ng sumulat, at ito ay hindi nilayon upang pabigatan ang sinuman ng kaniyang mga damdamin ng pagkakasala. Tiyak na makapagtitiwala tayo na kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan sa Diyos at itutuwid ang ating mga daan, hindi lamang tayo patatawarin ng Diyos sa ating mga kasalanan kundi lilinisin din tayo mula sa lahat ng kasamaan. (1 Juan 1:9) Bagaman ang kapatawaran ng Diyos ay tunay, hindi nito inaalis ang lahat ng pisikal at emosyonal na mga resulta ng mga pagkilos ng isa sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, tayo ay tinitiyak na sa bagong sistema ng mga bagay ng Diyos, ang dating mga bagay ay hindi na sasa-isip pa, ni sasa-puso pa man. (Isaias 65:17) Ang liham ay inilathala upang ipakita ang malungkot na mga resulta ng pagkitil ng isang buhay ng tao.—ED.