Pagmamasid sa Daigdig
Sa labas na ito, inilalaan ng “Gumising!” ang buong bahaging ito sa isang krisis na bumangon sa ‘duyan ng demokrasya.’
Relihiyosong Pag-uusig sa Gresya—Bakit?
NOONG Linggo, Hunyo 15, 1986, mga 700 Kristiyanong mga Saksi ni Jehova ang nagtipong sama-sama sa isang mapayapang asamblea sa Galaxias Cinema, sa Larisa, Gresya. Idinaraos nila ang kanilang dalawang beses sa isang taon na pansirkitong asamblea upang pag-aralan ang Bibliya at pasulungin ang pagkakapit ng mga simulaing Kristiyano nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Ang pulong na ito ay kasuwato ng modernong Konstitusyon ng Gresya na isinabatas noong 1975, na nagsasabi na “ang mga Griego ay magkakaroon ng karapatan na mapayapang magtipon nang walang anumang armas.” Sinasabi rin nito: “Ang kalayaan ng budhi sa relihiyon ay hindi maaaring labagin.” Isinusog pa ng Konstitusyon: “Lahat ng kilalang relihiyon ay malaya at ang kanilang mga ritwal sa pagsamba ay maisasagawa nila nang walang hadlang at sa ilalim ng proteksiyon ng batas.”
Gayunman, noong bandang alas-11 nang araw na iyon ng Hunyo, nagbabantang mga pangyayari ang naganap sa paligid ng sinehan kung saan mapayapang nagkakatipon ang Kristiyanong mga Saksi ni Jehovang ito. Ganito ang sinasabi ng pahayagan doon na I Larisa na nangyari: “Daan-daang katao, lalo na ang mga membro ng Kristiyanong [Griego Orthodoxo] na mga organisasyon sa ating bayan, at may ilang pari na nangunguna, ang nagkatipon at sinimulan nilang magpahayag ng kanilang di pagsang-ayon sa gayong ginawa ng mga nasa sinehan—mahigit na 700 mga Saksi ni Jehova. Ang karamihang iyon ay para bagang papasok na sa sinehan upang pahintuin ang asamblea.”
Pinaligiran ng mga manggugulo ang sinehan sa loob ng mga ilang oras, at ang kalagayan ay lubhang tumindi. Ano ang humadlang sa pagkilos ng mga manggugulong ito laban sa Kristiyanong mga Saksi na maaari sanang mauwi sa karahasan laban sa kanila?
Nasawata ang Karahasan ng mga Manggugulo
Ang ulat ng pahayagan ay nagpapatuloy: “Ang district attorney ay dumating sa eksena kasama ang maraming pulis at sinupil ang mga tumututol, na patuloy na nagsisisigaw mula sa kabilang panig ng kalsada habang inaawit din nila ang kanilang mga salmo at mga himno ng simbahan.”
Paano sa wakas naligtasan ng mga Saksi ang maigting na kalagayang ito? Ang lokal na pahayagang Eleftheria ay nag-uulat: “Ang district attorney sa Unang Hukuman, si Mr. Spiros Spiliopoulos . . . ay kinailangang manatili roon ng mga ilang oras, ginagamit ang lahat niyang . . . mga kakahayang diplomatiko upang paalisin ang pulutong noong bandang ikalawa’t kalahati ng hapon, tamang-tama lamang na ang mga Saksi ni Jehova ay papalabas na sa sinehan, sa gayo’y naiwasan ang maaari sanang nangyaring karahasan.”
Ang maaari sanang nangyaring karahasan nang okasyong iyon ay ipinahahayag na maigi ng mga salitang ito ng isang pari, na sinipi ng pahayagan ding iyon: “Sa susunod na pagkakataong ibigay ng alkalde ang sinehan sa [mga Saksi], dadalhin namin ang aming mga pala at dudurugin ang lahat ng bagay!”
Ang Obispo ay Nagpahayag
Ano ang naging palagay ng nakatataas na mga awtoridad ng simbahan sa iskandalosong paggawing ito ng mga pari at ng kanilang mga tagasunod? Ang Eleftheria ay nag-uulat: “Ang ating Kapita-pitagang Reberendo Obispo Seraphim ay nagpahayag ng pangungusap na pabor sa karamihan ng mga tapat na nakibahagi sa demonstrasyon.” Idinagdag pa ng pahayagan na siya “ay nagpahayag ng taimtim na kagalakan sa dinamikong pagkanaroroon ng mga taong [Orthodoxo] at buong-pusong nagnanais na sana’y itaguyod at palakasin ng Panginoon ang mga tapat upang kailanma’t bumangon ang pangangailangan, maipadarama nila ang kanilang pagkanaroroon sa isang dinamiko at mabisang paraan.”
Binatikos ng obispo ang bayan ng Larisa sa pagpapagamit ng sinehan sa “mga kaaway ng simbahan at ng ating bansa para sa kanilang antikristong asamblea.” Pagkatapos ay binanggit niya ang itinatagong pagbabantang ito laban sa pulitikal na mga awtoridad: “Ang ating bansa, mga ginoo, ay opisyal na isang bansang Orthodoxo, at ang mga ministro nito ay walang karapatan na aktibong sumuporta sa mga kaaway nito.” Sabi pa niya: “Hindi ito ipinahihintulot ng mga taong Kristiyano Orthodoxo at hindi nila mapatatawad ang kanilang mga lider dahil dito.
Reaksiyon ng mga Peryodista
Maraming nagmamasid na mga Griego ang nainis sa mga halimbawang ito ng pagkapanatiko sa bahagi ng Iglesya Griego Orthodoxo. Sa loob ng maraming taon ang mga Saksi ay napasailalim ng pag-uusig at pagkapahiya sa mga kamay ng mga klero.
Inilathala ng lokal na pahayagang I Alithia ang isang artikulo ni Sarantos Vounatsos sa ilalim ng pamagat na “Tungkol sa mga Kuskos Balungus ng Buhay—Kumikilos na Gaya ng mga Fariseo.” Nagkukomento tungkol sa mga pagkilos ng mga manggugulo, tanong niya: “Bakit ang lahat ng mga bagay na ito? At sino ang nangungunang mga tauhan? Kung hindi ako nagkakamali, ang [mga Saksi] ay mayroong isang uri ng pagtitipon. At ang iba pa? Mga pari at ang kasunod na mga manggugulo!”
Si Vounatsos ay nagpatuloy: “‘Ibayubay [ang mga Saksi],’ sigaw ng mga manggugulo. Subalit ang mga tao bang ito, ang mga manggugulong ito, ay mga Kristiyano? Iyan ang sigaw nila, at may pagkapanatiko pa nga! At, sa kasamaang palad, ang kanilang ‘lider’ ay isang nagsisisigaw . . . na pari! Siya’y nagbabanta, namumusong, nagpapasikat ng pangangaral, at sa isang punto ay katulad siya ng isang ‘hijacker’ sapagkat samantalang ipinakikita niya ang kaniyang relos ay binigyan niya ang lahat ng nasa loob ng sinehan ng limang minuto upang makalabas sa sinehan, kung hindi . . . magsisimula ang pagpatay! ‘Kung hindi ay papasok kami at liligisin ang kanilang mga ulo, mga kapatid ko,’ narinig na sabi niya.”
Tinuligsa ng manunulat ang pagkilos ng pari laban sa mga Saksi at nagtanong: “Bakit? Sinaktan ba nila kayo? Papaano? Sa pamamagitan ng kanilang pulong? Kung gayon bakit hindi kayo magdaos ng isang pulong? Sinampal ba nila kayo? Kung gayon iharap ninyo ang inyong kabilang pisngi! Subalit ikinapit ninyo ang mata sa mata! Bakit? Tinutukan ba nila ng patalim ang inyong lalamunan? At ipaghihiganti ba ninyo ang inyong sarili ng karahasan? Isang pagkakamali ang maging isang pari! . . . Ibig ba ninyong gawin din ang ginawa ng mga fariseo? Bueno, pakaingat kayo, sapagkat kung kayo ay magpapatuloy, hindi na sasa-inyo ang awa o grasya [ng Diyos], at ni sa atin man.”
Noong Hulyo, ang pahayagang panlinggo sa Atenas na Eleftherotipia ay naglathala ng isang artikulo sa ilalim ng pamagat na: “Relihiyosong mga Pag-uusig: Ipinagsasakdal ng Europa ang Gresya Dahilan sa Pagsunog, Pagbabanta, at Pagbubugbog ng mga Panatiko ng Simbahan.” Binanggit nito na binatikos ng mga pahayagan sa labas ng bansa ang tungkol sa kalayaan ng pagsamba sa Gresya. Sinipi nito ang The Wall Street Journal ng Hunyo 16, 1986, na naglathala ng isang artikulo sa ilalim na pamagat na “Sinusugpo ng Iglesya Orthodoxo ng Gresya ang mga Gawain ng Ibang mga Sekta, Sila’y Nagpaparatang.”
Isinaysay ng Eleftherotipia na ang Iglesya Orthodoxo ay mayroong isang Departamento Laban sa Erehiya o Hidwang Paniniwala sa distrito ng embahada sa Atenas. Sa isang opisina roon, ang paring si Antonios Alevizopoulos ay “sumusulat ng mga pulyeto laban sa mga gawain ng mga Evangelical, Pentecostal, Saksi ni Jehova, ng lahat ng mga ipinalalagay niyang mga erehes na ‘nagbabanta sa indibiduwal at sa lipunan.’”
Isang misyonerong Protestante ang sinipi na nagsabi na daan-daan ang inaresto dahilan sa proselitismo o pangungumberte nitong nakalipas ng mga taon, “kabilang na ang 890 mga Saksi ni Jehova noong 1983 lamang.”
Itinala rin ng ulat ding iyon sa Eleftherotipia ang ilan sa mga kalupitan na isinagawa laban sa mga Saksi ni Jehova sa Gresya. Kabilang sa mga ito ang panununog sa mga tahanan ng mga Saksi, pagwasak sa pinto at mga bintana ng isang lecture hall, at panggugulo sa mga pulong ng mga Saksi tungkol sa Bibliya.
Ang sukdulang pagkilos ay ang inulat na pagsalakay ng isang pari sa isang 79-anyos na Saksi sa lansangan, na humantong sa kamatayan ng biktima. Hindi kataka-taka na binanggit ng pahayagan ding iyon “ang kahinaan ng relihiyosong kalayaan sa dakong sinilangan ng demokrasya.”
Nakasisindak ba sa iyo na malaman na sa panahong ito ang Gresya, na sa loob ng maraming siglo ay tinawag na ‘ang duyan ng demokrasya,’ ay makasasaksi pa rin ng relihiyosong pag-uusig at pagkapanatiko at na maaaring udyukan ng mga pari ang mga manggugulo? Paano nga maaaring umiral pa ang gayong kalagayan sa isang bansa na ang Konstitusyon ay malinaw na nagpapahintulot ng relihiyosong kalayaan?
Sinaunang Batas
Ang nagpapanyari rito ay isang sinaunang batas na umiiral pa, bagaman hindi kasama sa Konstitusyon. Noong halos kalahating siglo ang nakalipas, noong dakong huli ng 1930’s, ang Gresya, bagaman isang monarkiya, ay pinamunuan ng isang diktador na si Metaxas. Nang panahong iyon isang batas ang sinang-ayunan taglay ang layuning supilin ang pagtatayo ng mga dako ng pagsamba na hindi Griego Orthodoxo.
Kabilang sa matandang batas na iyon ang sumusunod na probisyon: “Sinumang nagsasagawa ng pangungumberte ay parurusahan ng pagkabilanggo at pagmumulta.” Subalit paano ba binibigyan-kahulugan ang pangungumberte? Ang batas na iyon ay nagsasabi: “Ang katagang ‘proselitismo’ o pangungumberte ay binubuo ng sumusunod: anumang tuwiran o di-tuwirang pagtatangkang pasukin ang relihiyosong budhi ng mga grupong hindi Orthodoxo taglay ang layunin na baguhin ang nilalaman ng kanilang budhi.”
Salig sa kahulugang iyan, magiging labag sa batas kahit na ang ipakipag-usap ang mga pagkakaiba ng paniniwala! Iyan ay maaaring ituring na ‘pagpasok sa relihiyosong budhi ng isa taglay ang layunin na baguhin ang nilalaman nito’! Subalit ang pag-usigin at ibilanggo ang mga taong masunurin sa batas dahilan sa pagpapalitan ng mga palagay tungkol sa relihiyon ay isang pagbalik sa Panahon ng Kadiliman. Saanman sa ngayon ay hindi isinasagawa ang gayong pagkapanatiko sa alinmang iba pang Kanluraning demokrasya.
Ang pagkakapit ng sinaunang batas na ito ay isang malaking kawalan ng katarungan sa mga Saksi ni Jehova at sa iba pa sa Gresya. At isa itong malaking pinsala sa mahusay na mga simulain ng kalayaan na ginagarantiya ng Konstitusyon ng Gresya.
Mga Kaso sa Hukuman sa Creta
Ang isyu ng relihiyosong kalayaan ay bumangon din kamakailan sa lalawigang pulo ng Creta sa Gresya. Doon sinimulan ng Kristiyanong mga Saksi ni Jehova ang mga hakbang sa hukuman para magparehistro bilang isang legal at kinikilalang asosasyon o samahan. Ang kahilingang iyon ay sinang-ayunan. Subalit tumutol ang mga obispo sa Creta sa hukuman at ang pagsang-ayon ay binawi.
Sa anong mga dahilan? Na diumano ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova ay hindi kasuwato ng kahulugan ng kung ano ang isang Kristiyano gaya ng interpretasyon dito ng Iglesya Griego Orthodoxo! Subalit ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay kilalang-kilala sa pagiging mga Kristiyano na naniniwala kay Jesu-Kristo bilang ang Manunubos, ang banal na Anak ng Diyos, at na sinusunod ang kaniyang mga turo. Na ang mga Saksi ni Jehova ay isang relihiyong Kristiyano ay legal na kinikilala ng mga pamahalaan sa buong daigdig anupa’t ginagawa nitong walang katotohanan ang pag-aangkin ng simbahan.
Inapela ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kaso sa isang mas nakatataas na hukuman sa Gresya. Nagtitiwala sila na mangingibabaw ang tunay na katarungan nang wala ang mapanupil na impluwensiya ng klerong Griego Orthodoxo.
Para bang, ang batas tungkol sa proselitismo [at ang disisyon ng hukuman sa Creta] ay isang kahihiyan sa pamahalaan ng Gresya. Isa rin itong kahihiyan sa internasyonal na reputasyon ng bansa bilang ‘ang duyan ng demokrasya.’
Sa gayon, inaasahan na ang hurisprudensiyang Griego ay magbibigay ng isang disisyon na kasuwato ng kanilang mahusay na Konstitusyon at ng mga simulain ng kalayaan ng relihiyon na masusumpungan sa Deklarasyon ng mga Karapatan ng Tao ng Nagkakaisang mga Bansa, na sinasang-ayunan ng Gresya.