Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 2/22 p. 11-15
  • Pag-unawa sa Suliranin ng Utál

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-unawa sa Suliranin ng Utál
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Panloob na Daigdig
  • Magpakita ng Pakikiramay sa Kapuwa
  • Kung Paano Nagtagumpay ang Iba
  • Ang Pagpapalipad sa Albatross
  • Panayam ng Awake! sa Isang Patólogó sa Pagsasalita
    Gumising!—1987
  • Pag-unawa sa Takot na Mautal
    Gumising!—1997
  • Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Pagkautal
    Gumising!—2010
  • Kung Paano Ko Naharap ang Pagkautal
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 2/22 p. 11-15

Pag-unawa sa Suliranin ng Utál

Kaugalian na ng pamilya kung napakainit na mga araw na huminto sa lokal na tindahan ng sorbetes. Paborito ni Carl ang sorbetes na lasang butter-pecan. ‘Sa aking nanlalamig at basa-basang kamay, hawak ko ang makinis, makapal na baryang ibinigay sa akin ng aking ama. Ang dibdib ko’y kumakaba at nararamdaman kong tumutulo ang mga pawis sa aking mukha. Nais kong hilingin kay Itay na siya ang umorder ng aking sorbetes, subalit sa ngayon ay alam ko na kung ano ang sasabihin niya. Madalas niyang sabihin noon: “Kung gustung-gusto mo ang sorbetes, ikaw ang umorder para sa iyong sarili.” Gayon na lamang ang pagkainis ko sa kaniya dahil diyan. Hindi ba niya alam kung gaano ito nakasakit sa akin? Tumayo ako nang tahimik at nanginginig sa harap ng mataas, makintab na despatsong kromado. Tumitihin, naabot ko ang ibabaw nito upang iabot ang aking mamasá-masáng barya sa lalaking nag-aaral sa high school na ngumingisi, na ang mukha’y punô ng bakas ng bulutong.

‘“Anong klaseng sorbetes, totoy?”

‘“Gusto ko ng bab . . . bigyan mo ako ng bbbaa . . . ng ba ba ba. . . . ”

‘Nagsara ang mga labi ko at ako ay nanahimik. Nakita kong tiningnan ng lalaki ang aking ama. Tingin iyon na kilalang-kilala ng mga taong nauutal. Ang tingin na nagsasabing, “Puede ba kayong tumulong? Ang batang ito’y para bang maiiyak at ako’y nininerbiyos sa kaniya.” Mangyari pa, lalo lamang nitong pinatindi ang aking pagpupunyagi hanggang sa ako’y mapunô ng galit, mapahiya, at kinakapos ng hininga. Sa wakas, lumibas din ang “butter-pecan.” Ang sama ng pakiramdam ko, subalit nangyari na iyon.’​—The Best of Letting Go, Newsletter, San Francisco, California, E.U.A.

KUNG nakatayo ka roon nang orderin ng batang si Carl ang sorbetes na iyon, ano ang magiging reaksiyon mo? Si Dr. Oliver Bloodstein, na pinag-aralan ang suliranin ng pagkautal sa nakalipas na 37 mga taon, ay gumagawa ng kawili-wiling obserbasyon na “malibang mayroon silang pantanging dahilan, bihirang maunawaan ng mga hindi utál kung gaanong nakatatakot at nakasisiphayo ang pagkautal.” Oo, para sa maraming utál ang pagsasalita ay isang albatross, binibigyan-kahulugan sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary bilang “isang bagay na sanhi ng madalas na matinding pagkabahala o pagkabalisa.”

Sa ibang panig naman, ikaw ba ay isang matatas na tagapagsalita? Kung gayon, baka mahirap mong maunawaan ang pagkabalisang ito. Bakit? Sapagkat ang pagsasalita ay hindi isang bagay na nakababahala sa marami sa atin. Kung tayo ay nagugutom, tayo ay nagpupunta sa isang restauran at umuorder ng isang pagkain. Kung nais nating bumili ng isang regalo, tayo ay basta humihingi ng tulong sa isang despatsadora. Kapag tumutunog ang ating telepono, hindi tayo nag-aatubiling sagutin ito. Subalit para sa mga tao na nauutal, ang pang-araw-araw na mga pangyayaring gaya nito ay maaaring maging isang masamang panaginip.

‘Subalit ganiyan nga ba kagrabe ang problema?’ maitatanong mo. Bueno, naisip mo na ba kung ano ang nadarama ng isa na nauutal? Upang maunawaan na mas mabuti ang kaniyang suliranin at magkaroon ng higit na pakikiramay sa kaniya, halikayo at makibahagi sa panloob na daigdig na iyan​—ang kaniyang mga damdamin.

Ang Panloob na Daigdig

Joe: “Hindi ko tinatawag ang pagkautal na isang hadlang o sagabal sa pagsasalita; tinatawag ko itong hadlang sa buhay. Hinahadlangan tayo nito sa pagkilos sa isang normal na paraan. Hinahadlangan nito ang ating edukasyonal na mga mithiin, ang ating bokasyonal na mga ambisyon, at ang ating sosyal na pakikitungo sa isa’t isa. May nakikilala akong mga tao na hindi nag-asawa . . . wala silang mga kaibigan. Sila ay lumalayo, malayô ang damdamin, itinatakwil.”

Donna: ‘Ako ay pautal-utal sapol nang ako ay siyam na taóng gulang. Nang ako ay 27 anyos, napakatindi ng pagkautal ko anupa’t hindi ako sumasagot sa telepono sa bahay. Takot na takot ako sapagkat tatanungin mo kung ano ang pangalan ko, at sasabihin ko sa iyo, ang pagsasabi ng “Donna” ay napakahirap para sa akin. Sa loob ng dalawang taon 122 beses na gumamit ako ng iba’t ibang pangalan.’

Walang pangalan: ‘Ang pinakamabuting paraan na masasabi ko sa iyo kung paano naapektuhan ng pagkautal ang aking buhay ay sa pamamagitan ng pagsulat ng ilan na nangyari ngayon. OK naman ako hanggang sa makapag-almusal sapagkat hindi ako nagsalita. Pagkatapos nagtungo ako sa botika sa kanto sapagkat tinanghali ako ng gising, o bagkus basta nagpainin ako sa kama, kinatatakutan ang araw. Gusto ko ng kape at rolls, subalit umorder ako ng gatas at oatmeal sapagkat alam kong mauutal ako sa pagsasabi ng mga salitang iyon, at ayaw ko namang kaawaan ako ng babaing nagsisilbi sa akin. Ayaw na ayaw ko ng oatmeal.

‘Sa klase ay tinawag ako ng guro, at bagaman alam ko ang sagot, nagkunwa akong hindi ko alam at umiling ako, at pagkatapos ay napahiya ako. Pagkatapos ng klase ay nagmadali ako patungo sa aklatan, kumuha ng isang aklat, at nagkunwang nag-aaral nang mabuti kapag dumaraan ang sinuman na nakikilala ko.

‘Ako’y walang pera kaya’t sumulat ako sa aking itay upang humingi ng pera. Nais kong lagyan ito ng selyong special-delivery, subalit natatandaan ko pa nang huling bumili ako ng selyo sa post office, ay walang tigil ang pagsasabi ko ng sp-sp-sp-sp-sp-sp, at ang kawani ay nawalan ng pasensiya, gayundin ang mga taong nakapila sa likod ko, at, bueno, hindi ko ito masabi, kaya kumuha na lamang ako ng isang ordinaryong selyo mula sa makina at inihulog ito sa koreo. Mga 30 sentimos na lamang ang natira sa akin para sa pagkain.’

W. J.: “Ako ay utál. Hindi ako katulad ng ibang tao. Dapat akong mag-isip nang kakaiba, kumilos nang kakaiba, mamuhay nang kakaiba​—sapagkat ako’y nauutal. Gaya ng iba pang utál, at ng iba pang mga tapon, sa buong buhay ko ay dumanas ako ng malaking kalungkutan at kasabay nito ay ng malaking pag-asa, at ito ang gumawa sa akin ng kung anong uri ng tao ako ngayon. Isang di-kaaya-ayang dila ang humubog sa aking buhay.”

Walang pangalan: “Ako ang tagapaglagay ng karbon sa tren sa isang lugar na doon nagkakambiyo ng riles (switch yard). Isang araw ginagamit namin ang kahabaan ng pangunahing linya upang ikambiyo ang ilang mga bagón. Wala kaming nalalamang anumang tren na gagamit sa linyang iyon sa loob ng kalahating oras. Tumingin ako sa labas upang suriin ang isang bagay nang walang anu-ano’y nakakita ako ng isang bagón na papalapit sa amin. Ang aking inhinyero ay abalang-abala sa loob ng tren. Sinikap kong sabihin sa kaniya, subalit hindi ako makapagsalita. Hindi man nga ako nautál bago naging huli ang lahat. Hindi naman mabilis ang takbo ng bagón, subalit nawasak ang dalawang tren. Walang namatay, subalit ang kasama ko ay nawalan ng isang paa. Hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili. Kung sana’y nababalaan ko siya.”

Lima katao. Ang kanilang mga isipan at mga karanasan ay nagbibigay sa atin ng kaunting ideya, sa paano man, tungkol sa kabiguan, pagkabalisa, at pagkapahiya na maaaring makaharap ng mga utál sa araw-araw ng kanilang buhay. Ngayon paramihin mo pa ang mga karanasang iyan sa tinatayang 15 milyong mga buhay. Higit mo bang napahahalagahan kung bakit ang pagiging utál ay maaaring maging isang tunay na albatross?

Kung mayroon kang kaibigan na nauutal, bakit hindi tanungin sa kaniya kung ano ang nadarama niya tungkol dito? Maaaring makagulat sa iyo na malaman kung anong tibay-loob at determinasyon ang kinakailangan kahit na sa pang-araw-araw na batayan.

Magpakita ng Pakikiramay sa Kapuwa

Yamang karaniwan nang lubusang apektado ng suliraning ito ang mga biktima nito​—sa sikolohikal at emosyonal na paraan​—paano ka dapat makitungo sa mga gayong tao? Dapat ka bang maawa sa kanila, pinakikitunguhan sila na may diplomasya at mataktika, wika nga? Dapat mo ba silang tratuhin na kakaiba? Itinanong ng Awake! ang mismong mga katanungang ito sa ilang mga tao na pinahihirapan, o dating pinahirapan ng problemang ito. Narito ang ilan sa kanilang mga komento.

PAKISUYONG HUWAG NINYO KAMING PAGTAWANAN. Ang beinte-nuebe-anyos na si Frank ay dumanas ng suliraning pagkautal mula ng siya ay sampung taóng gulang. “Nais kong maunawaan ng mga tao na yaong mga nauutal ay mayroon ding mga damdamin at mga emosyon at dapat na pakitunguhan bilang mga indibiduwal at hindi dapat pagtawanan,” sabi niya. “Ang mga utál ay may problema, iyan lang. Lahat tayo ay may problema, at nagkataon na ang problema ko ay ang pagkautal.” Isang kilalang kolumnista sa pahayagan ang minsa’y nagsabi na sapagkat ang pagkautal ay hindi nagbabanta sa buhay, waring ito lamang ang kapansanan na hayagang pinagtatawanan. Oo, inaamin ni Robert na tinutukso siya ng mga kaibigan tungkol sa paraan ng kaniyang pagsasalita. “Hindi naman ito nakakabahala sa akin,” pangiti niyang nasasabi, “sapagkat alam kong ito’y biro lamang.” Mangyari pa, ang bawat isa ay naiiba, at maaaring hindi pansinin ng iba na nauutal ang kaunting pagbibiro. Subalit hindi ka ba sasang-ayon na mas matalinong landasin ang magpakita ng pakikiramay sa kapuwa, tinatrato yaong mga nauutal na gaya ng nais mong pagtrato sa ilalim ng gayunding mga kalagayan?

PAKISUYONG HUWAG NINYO KAMING KAAWAAN. Samantalang tiyak na pahahalagahan ng isang utál ang isang maunawaing kaluluwa, ayaw niyang siya’y kaawaan. “Ayaw naming kaawaan kami ng mga tao, subalit kailangan namin ang kanilang pagtitiis,” sabi ni Carol, na dumanas ng pagkautal sa loob ng mga 25 taon. “At ayaw kong kaawaan ako ng mga tao sapagkat ako’y isang utál,” sabi pa ni Kate, na ngayon ay nasa mga edad 60’s. “Nais kong tratuhin nila ako bilang isang indibiduwal at alamin na mayroon pang mas masahol na mga problema sa paligid kaysa pagkautal. Ang pagkautal ay isa lamang maliit na di-kasakdalan.”

PAKISUYONG HUWAG NINYONG ISIPIN NA KAMI AY TANGA O BALIW. “Sana’y huwag sikaping basahin, o pakasuriin, ng mga tao ang tungkol dito at masusing suriin ito,” sabi ni Robert. “At huwag ninyo kaming katakutan,” sabi ni Carol. “Hindi kami ‘nakakahawa.’ Hindi na kailangan pang ipagsanggalang ng mga ina ang kanilang mga anak sa amin. Sana’y tratuhin ng mga tao ang mga utál na may dignidad at paggalang. Kami ay matalino gaya ng sinuman. Hindi lamang namin masabi kung ano ang gusto naming sabihin, iyon lang. At ang lahat ng aksiyon, pagkilos, mga pagpilipit​—ang mga ito’y bahagi lamang ng pagsisikap upang masabi ang salita.”

‘Nakabubuting malaman kung ano ang nadarama ng mga utál,’ maaaring sabihin mo, ‘at dapat itong tumulong sa akin sa hinaharap. Subalit naitatanong ko: Paano nila napagtatagumpayan ito?’ Isa itong mabuting katanungan at isa na tiyak na kinakailangang isaalang-alang.

Kung Paano Nagtagumpay ang Iba

Upang masagot ang katanungang ito, ang ilan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay sinangguni sapagkat ang kanilang suliranin ay isang natatanging kalagayan. Halimbawa, sa isang lingguhang pulong, ang Paaralang ukol sa Teokratikong Pagmiministro, ang mga Saksi ay sinasanay na magsalita sa harap ng maraming mga tagapakinig. Ang ilan na nauutal ay nakatala sa paaralang ito. Gayundin, ang bawat Saksi ay naghahayag sa madla ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kadalasang ginagawa ang gayon sa bahay-bahay. Maliwanag, maraming pakikipag-usap sa ilalim ng mahirap na mga kalagayan ang kinakailangan. Paano nila ginagawa ito? Dalawang bagay ang nakatutulong: pag-alaala sa mga halimbawa ng iba at ang panalangin.

Laging inaalaala ni Kate ang halimbawa ni Moises. Alam mo, karaniwan nang ipinalalagay na si Moises ay nagkaroon ng problema o hadlang sa pagsasalita. Nang atasan ng Diyos na Jehova na akayin o pangunahan ang mga Israelita na palabas ng Ehipto, si Moises ay tumugon: “Subalit ako’y hindi matatas mangusap, . . . sapagkat ako’y kimi sa pangungusap at umid sa dila.” (Exodo 4:10) Kaya maibiging inilaan ni Jehova sa kaniya si Aaron, ang kaniyang kapatid, bilang tagapagsalita. Gayunman ang kaayusang ito ay hindi sa habang panahon. Nang malaunan, masusumpungan nating nakatala sa aklat ng Deuteronomio ang masiglang mga diskurso na ipinahayag ni Moises sa mga Israelita. Hindi na kinakailangan si Aaron nang panahong iyon! Ang pagkaalam na sa wakas ay napagtagumpayan ni Moises ang kaniyang suliranin sa pagsasalita ay tunay na isang malaking pampatibay-loob kay Kate.

Si Robert ay isang matanda sa kaniyang kongregasyon. “Lagi akong nananalangin bago ako magpahayag,” aniya. Nakatutulong ba ito? “Oo. Ito ay mayroong tunay na nakapagpapakalmang epekto.” Si Mae ay nasa mga edad 50 at siya ay dumanas ng pagkautal sa loob ng nakalipas na 11 taon. Sabi niya na dati’y nagtutungo siya sa bahay-bahay subalit bilang isang tagamasid lamang. Isang araw, siya ay nagbabahay-bahay na kasama ng isang Saksi na may kabaitang nagtanong sa kaniya: “Ano ba ang halaga ng paglabas mo sa larangan kung hindi ka magsasalita sa mga tao?” Tama siya. Kaya’t itinanong niya kung ano ang maaari niyang gawin upang matulungan niya ang kaniyang sarili. Ang kaniyang payo? Manalangin. Sa loob ng mga ilang taon si Mae ay naging isang ministrong payunir at gumugugol ng di-kukulanging 90 mga oras buwan-buwan sa pagsasabi sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. “Kahit na kung ako ay mauutal sa pakikipag-usap sa isa na nasa pintuan,” aniya, “ako ay mabilis na nagsasabi ng isang munting panalangin. Ako ay nakakabawi at muli na namang gumiginhawa.”

Ang Pagpapalipad sa Albatross

Ikaw ba ay malapit sa isa na nauutal? Ang iyo bang nadarama ay gaya ng nadarama ng dalagang ito, na nagsabi tungkol sa kaniyang kaibigan: “Siya ay magandang lalaki, magiliw, maalalahanin. Napakarami niyang ibabahagi, subalit wala siyang paraan upang ipahayag ang kaniyang sarili”? Kung ganiyan din ang nadarama mo, kung gayon, ikaw man, ay naghahangad ng isang lunas na gaya niya.

Kung masasabi mo sa isang utál: ‘Basta gawin mo ito o iyon. Nakabubuti ito sa tuwina!’ Kamangha-mangha nga iyan. Subalit ito’y hindi totoo. Ang pagkautal ay isang masalimuot na suliranin, at ang bawat utál ay isang indibiduwal na may sariling mga pangangailangan. Kaya, kung ano ang maaaring nakatulong sa isang tao upang masawata ang kaniyang pagkautal ay baka hindi makatulong sa iba pa na magkaroon ng gayunding resulta. Nangangahulugan ba ito, kung gayon, na ang isang utál ay nahatulan na sa isang buhay na may kakaunting pag-asa?a

Masiglang titiyakin sa iyo nina Robert, Mae, at Kate na mayroong isang lunas​—at malapit na. May kagalakang ibabahagi nila sa iyo ang kanilang pag-asa sa pangako ng Diyos na ang dila ng mga umid o ng mga hindi makapagsalita ay sisigaw. Isasaysay nila sa iyo ang tungkol sa taong pinagaling ni Jesus mula sa isang hadlang o sagabal sa pagsasalita. O maaaring ipaliwanag nila na malapit nang dumating ang panahon kapag si Jesu-Kristo, bilang ang niluwalhating Hari ng Kaharian ng Diyos, ay ibabaling ang kaniyang pansin sa lupa. At kapag ginawa niya iyon, gagawin niya sa marami kung ano ang ginawa niya sa taong iyon maraming taon na ang lumipas. Oo, sila ay nagtitiwala na si Jehova, “ang Diyos ng lahat ng kaaliwan,” kasama ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay masisiyahan sa pagpapalipad sa albatross na ito magpakailanman.​—2 Corinto 1:3, 4.

Kung gayon, walang alinlangan na ang kinabukasan ay pangangalagaan. Subalit kumusta naman ngayon? Sina Robert, Mae, Kate, at iba pa na gaya nila, ay nagsisikap na mabuti na magiliw na pamuhayan ang kanilang problema hangga’t maaari. Ang pasan ba ng pananagutan ay sila lamang ang nagpapasan? Huwag naman sana. Maaari tayong makatulong sa kanila sa pamamagitan ng paggalang natin sa kanila. Maaari tayong maging mabait at maunawain at matiyaga sa tuwina. Maaari tayong makinig sa kung ano ang kanilang sinasabi. Oo, ang kanilang problema ay kadalasan nang gumagaang depende sa ating pagiging handang unawain ang albatross ng utál.

[Talababa]

a Pakisuyong tingnan ang sumusunod na panayam para sa ilang mga punto tungkol sa terapi at tulong-sa-sarili, gayundin ang artikulong “A Speech Handicap That Can Be Reduced,” sa Mayo 8, 1966 na labas ng Awake!

[Blurb sa pahina 12]

“Sana’y tratuhin ng mga tao ang mga utál na may dignidad at paggalang”

[Blurb sa pahina 14]

“Natutulungan ng mga nakikinig ang mga utál kapag sila ay tumutugon sa kung ano ang sinasabi ng utál sa halip na kung paano ito sinasabi ng tao.”​—Dr. Oliver Bloodstein, patologo sa pagsasalita

[Larawan sa pahina 13]

Naisip mo na ba kung ano ang nadarama ng isa na nauutal?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share