Kalusugan Para sa Lahat—Isang Mahalagang Pangangailangan
ANG modernong medisina ay nakagawa ng natatanging pagsulong. Ang mga sanhi ng malalaking salot noon ay hindi na nananatiling lihim. Kamangha-manghang mga pagsulong ang umakay sa modernong mga himala sa medisina.
Gayunman, patuloy na nakalilito ang mga suliranin sa kalusugan. Noong panahon ng 1978 International Conference on Primary Health Care, 80 porsiyento ng mga naninirahan sa bukid at sa mahirap na mga arabal ng daigdig ay wala pa ring makuhang anumang mga paglilingkod sa kalusugan, at 30 sa bawat 31 mga bata na wala pang limang taóng gulang na mamamatay nang taóng iyon ay nakatira sa mas mahirap na mga bansa. Sa “maunlad” na mga bansa, ang pagkabulok ng kapaligiran, polusyon, at nakapipinsalang mga tirá o basura ay tumitinding banta pa rin sa buhay.
Nakini-kinita ng panrehiyon na tanggapan ng WHO sa Europa hindi ang kalusugan sa taóng 2000 kundi ang isang posibleng krisis sa panahong iyon. Noong 1983 itinaguyod nito ang isang aklat, ang Health Crisis 2000, ni Peter O’Neill, na bumabanggit tungkol sa “nakatatakot na pagkatanto” na maraming “bagong mga sakit” ang lihim na nakapasok sa sibilisadong daigdig. Anu-ano ang mga ito? Kanser na dala ng kapaligiran, sakit sa puso, pagkasugapa sa droga, sakit sa isip, mga sakit na seksuwal na naililipat, “ang sumisira-sa-sariling simbuyó ng maninigarilyo at mang-iinom,” at “ang ‘epidemya ng aksidente sa lansangan’, na nandarambong ng mga buhay at umuubos ng ating pinansiyal na kayamanan.” Ang “mga sakit na ito ng mayayamang lipunan” ay kumakalat din sa mas mahihirap na bansa.
Makabagong mga Suliranin
Isaalang-alang natin ang ilan sa makabagong mga suliraning ito:
KANSER ang ikalawang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Estados Unidos. Apektado nito ang isa sa bawat apat na Amerikano. Sa buong daigdig, 40 milyong mga tao ang maaaring magkaroon ng sakit na ito. Napakaraming materyal o bagay na nagdadala-ng-kanser.
POLUSYON. Dinudumhan ng mapanganib na mga produkto at nakapipinsalang mga tirá o basura ang kapaligiran. Ang mga pestisidyo ay masusumpungan sa mga pagkain. Ang mga ilog at mga dagat ay nadumhan. Sa ibang mga lugar pati na ang tubig na nakukuha sa mga balón ay marumi.
PAGKASUGAPA SA DROGA. “Ang mabagal na pagdausdos sa impierno” ang tawag ng Health Crisis 2000 sa pagkasugapa sa droga. Sabi nito na ang “pamamaraan ng pagsira sa murang isipan at katawan . . . ay totoong nakatatakot, at ang pagpapanibagong-buhay ay matagal at mahirap para sa pasyente at sa mga tumutulong, anupa’t ito’y nangangailangan ng pantanging pagsusuri.”
MGA SAKIT NA SEKSUWAL NA NAILILIPAT. Dahil sa pagguho ng moral, ang pagkalat ng mga sakit beneryal ay umabot sa punto kung saan ito ay tinawag na isang pandemic—isang malawakang epidemya. Ang magasing World Health ay nagsasabi na “ang pagkalat ng sakit sa populasyon ay totoong pangkalahatan anupa’t ang sinumang seksuwal na aktibong tao [isa na may maraming kapareha] ay nanganganib na mahawa.”
PAG-ABUSO SA ALKOHOL. Sa maraming dako parami nang paraming mga babae, mga adolesente, at kahit na ang mga bata ay nagiging mga alkoholiko. Ang alkohol ay sinasabing isang salik sa 40 porsiyento ng lahat ng mga aksidente sa lansangan. Maaaring sirain kahit na ng isang sosyal na mang-iinom ang isang pamilya samantalang pinatutunayan ang kaniyang kakayahan sa pagmamaneho ng kotse.
MODERNONG PAGLALAKBAY. Ang kaginhawahan ng modernong paglalakbay ay nagpangyari sa mabilis na pagkalat ng mga epidemya sa buong daigdig. Ang AIDS at mga uri ng gonorrhea na hindi tinatablan ng penicillin ay ikinalat sa buong daigdig ng mga naglalakbay, at ang mga sakit na ito ay sinasabing “nagsamantala sa pambihirang pagpaparoo’t parito ng mga tao na likas sa ikadalawampung siglo.”
POPULASYON. Ang pagsabog ng populasyon at ang mabilis na pagtungo ng mga naninirahan sa bukid sa siksikan nang mga lunsod ay nagpapalubha pa sa mga suliranin ng kalusugan ng daigdig. Noong 1983, 26 na mga lunsod ang may populasyon na hindi kukulangin sa limang milyon. Sa taóng 2000 maaaring magkaroon ng 60 gayong mga lunsod. Sabi ng magasing World Health na sa panahong iyon maaaring magkaroon ng mahigit isang bilyong mga tao na “naninirahan sa mga arabal sa isang antas ng sukdulang karukhaan.” Si Robert McNamara, dating presidente ng World Bank, ay nagbabala: “Kung hindi aasikasuhing mas mabuti ng mga lunsod ang karalitaan, baka lalo pang sirain ng karalitaan ang mga lunsod.”
Kaya, sa kabila ng mga pagsisikap ng maraming masisipag at dedikadong mga tao, ang tunguhin na “kalusugan para sa lahat” ay tila mahirap abutin. Sa katunayan, ang sawikaing ito ay hindi dapat bigyan ng literal na pagpapakahulugan. Ito ay hindi nilayon na mangahulugan na ang lahat ay magiging malusog kundi na sa paano man ang pangunahing pangangalaga sa kalusugan ay maibibigay sa lahat. Ang tunguhin, sabi ng pulyeto ng WHO, ay na “pantay-pantay na ipamahagi ang mga pondo sa kalusugan . . . na iparating ang mahalagang pangangalaga sa kalusugan sa lahat . . . at na gamitin ng mga tao ang mas mahusay na pamamaraan kaysa ginagamit nila ngayon” para hadlangan at bawasan ang mga sakit at kawalang-lakas o pagkainutil.
[Picture Credit Line sa pahina 4]
P. Almasy/WHO