Malapit Na ang Permanenteng Pagpapagaling
ANG siyensiya ng medisina, taglay ang lubhang kamangha-manghang modernong mga pagsulong nito, ay maaaring manalo sa digmaan—subalit natatalo pa rin ito sa digmaan. Halos karakaraka kung kailan inaakala natin na nagkaroon na tayo ng ilang mga kasanayan at karanasan, binabawasan na ng karamdaman ang ating mga araw, at mabilis na dumarating ang kamatayan. Gayunman ang Diyos ay nangangako na hindi laging magiging gayon. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi ng Diyos na kaniyang ‘aktuwal na sasakmalin ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ang mga luha sa lahat ng mga mukha.’—Isaias 25:8.
Mahirap ba iyang paniwalaan? Inaakala mo bang napakatagal ng buhay na 80 taon ang haba? May mga punungkahoy na nabubuhay ng libu-libong mga taon—bakit nga hindi ka rin magkaroon ng gayon kahabang buhay? Binigyan ng Diyos ang starfish ng kakayahang magpatubo ng isang bagong kamay kapag ang isa ay naputol. Hindi kayâ niya maisasauli ang iyong katawan sa sakdal na kalusugan at kaganapan?
Halos 2,000 taon na ang nakalipas si Jesu-Kristo ay nagsagawa ng lubhang kagila-gilalas na mga himala sa lupa. Pinagaling niya hindi lamang ang ketong kundi “ang lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.” Sinasabi ng kinasihang rekord na pinagaling niya “ang mga taong pilay, pingkaw, bulag, pipi. . . . Ang karamihan ay nagtaka nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi at nagsisilakad ang mga pilay at nangakakakita ang mga bulag.” Si Jesus ay hindi nangailangan ng mga donor na hayop o ililipat na mga sangkap ng katawan—pinagaling niya ang mismong mga sangkap ng katawan na may karamdaman. At siya’y agad-agad na nagpagaling, kung minsan kahit na mula sa kalayuan.a
Taglay ni Jesus hindi lamang ang kapangyarihan na magpagaling kundi mayroon siyang kagustuhan na magpagaling. Noong minsan, isang ketongin ang nagsabi sa kaniya: “Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.” Si Jesus, udyok ng awa, ay hinipo siya at nagsabi: “Ibig ko. Luminis ka.” Binuhay pa niya ang mga patay—sa isang pagkakataon ay bulok na nga ang katawan.—Marcos 1:40-42; Juan 11:38-44.
Ano ang ipinakikita ng kagila-gilalas na mga halimbawang ito? Na si Jesus, ngayo’y nailuklok na bilang makalangit na Hari, ay hindi lamang nagtataglay ng kapangyarihan kundi ng kagustuhan din na isakatuparan ang tunay at permanenteng pagpapagaling. Gagawin niya ang gayon gaya ng ipinangangako ng Bibliya.
Inilalarawan ng aklat na iyan, ang Bibliya, ang isang kahanga-hangang pagbabago na malapit nang maranasan ng tao—ang pakikialam mismo ng Diyos sa mga bagay sa daigdig at ang pagtatatag-muli ng isang lupang paraiso na malaya sa polusyon, sakit, krimen, pagkapoot, at mga digmaan. Binabanggit nito ang tungkol sa tunay at walang-hanggang pagpapagaling, kapuwa sa espirituwal at pisikal na paraan. At ipinahihiwatig ng hula ng Bibliya na may mga taong nabubuhay noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I ang buháy pa kapag naganap ang pandaigdig na pagbabagong ito.—Mateo 24:3, 14, 34.
Tunay na Kalusugan
Ang huling mga kabanata ng Bibliya ay nagsasabi tungkol sa isang matuwid na pamamahala na nananaog “mula sa langit buhat sa Diyos”—sa sangkatauhan dito mismo sa lupa. Pagkatapos ay “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:2-4) Sa isang literal na diwa gayundin sa espirituwal na diwa, “madidilat ang mga mata ng bulag, at ang pakinig ng bingi ay mabubuksan. Kung magkagayo’y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.” “At walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’”—Isaias 35:5, 6; 33:24.
Samakatuwid, hindi lamang medikal na tulong at pagpapagaling sa sandaling panahon, kundi tunay na kalusugan para sa lahat ang pangako sa mga mabubuhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos sa lupang ito. Tiyak na iyan ay isang mahalagang tunguhin na dapat pagsikapan!
[Talababa]
a Mababasa mo ang mapaniniwalaang ulat ng mga pangyayaring ito sa sumusunod na mga talata sa Bibliya: Mateo 4:23; 15:21-31; Marcos 5:25-34; 7:31-37; Lucas 7:1-10; 13:11-13; Juan 9:1-32.