Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 5/22 p. 21-22
  • Mga Paunten ng Apoy ng Hawaii

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Paunten ng Apoy ng Hawaii
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kahindik-hindik na Pagputok
  • Paniniwala ng mga Hawayano
  • Pagyanig ng Bulkan Kamakailan
  • Nabubuong mga Isla
    Gumising!—1998
  • Kung Bakit Ito Tinatawag na Big Island
    Gumising!—2008
  • Mga Bulkan—Nanganganib Ka Ba?
    Gumising!—1996
  • Kung Paano Kami Nakatakas sa Nakatatakot na Agos ng Lava!
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 5/22 p. 21-22

Mga Paunten ng Apoy ng Hawaii

NAMUMULA ang langit sa gabi, may masangsang na amoy sa himpapawid, at humahapdi ang mata ng isa dahil sa polusyon sa atmospera. Ano ang nangyayari? Bakit naghahanda ang mga tao sa posibleng paglikas mula sa kanilang mga tahanan? Ito ba’y sunog sa kagubatan? Hindi, ang pagkakagulo ay dahil sa bulkan, buháy na muli at minsan pa’y nagtatanghal, maapoy na pagtatanghal.

Ang mga pagsabog ng mga bulkan sa “Malaking Isla” ng Hawaii ay karaniwang pangyayari. Halimbawa, ang bulkang Kilauea ay nagkaroon ng 48 paulit-ulit na pagyanig mula nang pumutok ito noong Enero 3, 1983. Karaniwan nang ang mga pagyanig na ito ay tumatagal ng humigit-kumulang 24 oras at binubuo ng mga paunten ng lava na mga ilang daan hanggang mga isang libong piye ang taas, na ang ibang lava ay umaagos ng mga ilang milya mula sa labasang dako.a

Isang Kahindik-hindik na Pagputok

Gayunman, ang pagputok noong tagsibol ng 1984 ay kakaiba. Nang panahong ito, ang Mauna Loa​—ang pinakamalaking buháy na bulkan ng daigdig, na sumusukat ng 33,000 piye mula sa sahig ng karagatan hanggang sa tuktok​—ay nabuhay. Tahimik mula nang maikling isang-araw na pagputok noong Hulyo 1975, ang Mauna Loa ay naging aktibo sa loob ng 22 araw noong Marso at Abril. Ito ay nagbuga ng katamtamang mahigit na 1.3 milyong kubikóng yarda ng lava sa bawat oras sa karamihan ng mga araw na iyon.b Iyan ay sapat-sapat nang bulkanikong mga bagay na inihahagis sa loob lamang ng isang oras upang maglatag ng isang apat-na-pulgadang-kapal, apat-na-piyeng-lapad na bangketa mula sa Honolulu hanggang sa New York, isang distansiya na 4,873 milya!c

Ang napakaraming lava ay bunga ng ilang malaking mga pag-agos ng lava. Ang ilan sa mga ito ay nagtungo sa direksiyon ng Hilo, ang pinakamalaking lunsod sa isla, na may populasyon na mahigit 35,000. Sinubaybayang mabuti ng mga awtoridad ang mga kalagayan, at ang pagkabalisa ay umabot sa sukdulan nang isang malaking agos ng lava ay umagos hindi hihigit apat na milya ng lunsod. Subalit gaya ng nangyari, walang gaanong pinsala sa buhay o ari-arian sa kabila ng lahat ng umagos na lava.

Samantalang pumuputok ang Mauna Loa, ang Kilauea ay sandaling nabuhay din, na ang lava ay humahagis na parang paunten sa taas na halos 700 piye. Ito ay lumikha ng pambihirang kalagayan ng dalawang buháy na bulkan sa isla na sabay na pumutok​—ang kauna-unahang pagkakataon na ito ay nangyari sapol noong 1868.

Paniniwala ng mga Hawayano

Gaya ng inaasahan, ang gayong kasindak-sindak na pagtatanghal ng kalikasan ay nagpapangyari ng tradisyonal at kung minsan ay mapamahiing pagtugon sa mga tao. Ang paniniwala ng mga Hawayano ay na ang bulkan ang tahanan ng diyosa ng apoy na si Pele at na kapag ang bulkan ay namiminsala ng buhay o ari-arian, siya ay nagpapahayag ng kaniyang galit. Sa gayong mga pagkakataon, ang sinaunang mga Hawayano ay naghahandog ng pagkain at alak bilang mga hain upang payapain si Pele.

Ang ilang makabagong-panahong mga Hawayano ay nanghahawakan pa rin sa ilang mga tradisyong ito. Noong 1984 na pagputok ng Mauna Loa, isang kahuna, o Hawayanong lider ng relihiyon, ay iniulat na umakyat sa bundok sa dakong nilalabasan ng lava upang maghandog ng pulang isda at bunga ng gabi sa diyosa ng apoy, si Binibining Pele.

Lumitaw din ang Hawayanong alamat noong panahon ng sabay na pagputok ng Mauna Loa at Kilauea. Noong gabi, maraming tao, pati na ang mga empleado sa National Park Service, ay nag-ulat na nakakita ng isang puting guhit sa langit, kasama ng isang malaki at maliwanag na kislap. Sang-ayon sa paniniwala ng mga Hawayano, ipinaliwanag nila na diumano si Pele ay naglalakbay na kasama ang kaniyang bulang apoy, o popoahi, mula sa isang bulkan tungo sa isa pang bulkan upang ipahayag ang kaniyang nasasakupan.

Isa pang kababalaghan ang nangyari sa panahon ng pagyanig ng bulkan. Panandaliang umulan ng niyebe sa bundok, dala ng likas na mga kalagayan sa Mauna Loa, nang ito ay nagbubuga ng lava. Samantalang ipinaliliwanag ng mga siyentipiko kung papaanong ang usok at abo na nasa atmospera ay maaaring nakatulong sa pagkakaroon ng niyebe, may iba namang paliwanag yaong mga pamilyar sa alamat ng mga Hawayano.

Sang-ayon sa paniniwala, ang nahuhulog na niyebe sa bulkan ay katibayan ng dalawang diyosa​—si Pele at ang kaniyang kapatid na babaing si Lilinoe, ang diyosa ng niyebe​—na nag-aaway tungkol sa kanilang nasasakupan, ang Mauna Loa. Ang bagay na natunaw ang niyebe paglapag nito sa lava ay nangangahulugan na si Pele ay nagtagumpay sa labanan hinggil sa pamamahala.

Pagyanig ng Bulkan Kamakailan

Ang Mauna Loa ay tahimik mula noong 1984, subalit ang Kilauea, na nagkaroon ng 48 paulit-ulit na mga pagputok mula noong Enero 1983, ay nagbago tungo sa isang patuluyang nagbubuga ng lava mula noong Hulyo 18, 1986. Ang araw-araw na agos ng mahigit kalahating milyong yarda kubiko ng lusaw na mga bato ay umabot sa dagat noong nakaraang Nobyembre. Ang walong-milya-ang-haba na dagat ng lava, na pumutol sa Kalapana Highway, ay nagdagdag ng bagong lupa sa baybayin-dagat subalit sinira ang 26 na mga tahanan noong Disyembre, at isinasapanganib ang 80 iba pang mga tahanan.

Bagaman ang mga bulkan ng Hawaii ay pangkalahatang hindi gaanong nakapipinsala, nagkaroon ng malaking pinsala sa ari-arian kamakailan. Kaunti lamang ang pinsala sa buhay, yamang ang mga bulkan at ang mga agos ng kanilang lava ay nasa liblib na mga dako. Kung ang agos ng lava ay lumalapit sa isang tinitirhang dako, ang mga awtoridad ay nakapagbibigay agad ng patiunang babala upang magkaroon ng isang ligtas at maayos na paglikas.

Ang mga bulkan ay gumanap na ng malaking bahagi sa paghahanda sa lupa para tirahan ng tao, at malaki ang nagawa nila upang patabain ang lupa at gawing katamtaman ang klima. Ang kasindak-sindak na pagtatanghal ng mga paunten ng apoy ng Hawaii ay maaaring malasin nang walang makapamahiing takot. Bagkus, tayo ay nauudyukan na luwalhatiin si Jehova, ang Diyos ng lahat ng nilalang.

[Mga talababa]

a 1 ft = 0.3 m; 1 mi = 1.6 km.

b 1 cu yd = 0.76 cu m.

c 1 in. = 2.5 cm.

[Picture Credit Line sa pahina 21]

National Park Service photos

[Picture Credit Line sa pahina 22]

National Park Service photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share