Ang Kagila-gilalas na Utak na Iyon ng Sanggol!
ANG mga ito ay kagila-gilalas mula sa kanilang pasimula. Tatlong linggo pagkatapos ng paglilihi, ito ay nagsisimula sa 125,000 mga selula at pagkatapos ay pabigla-biglang dumarami ng 250,000 mga selula sa isang minuto. Ang bawat munting selula ng utak ay nagpapatuloy sa napakabilis na paglaki nito hanggang sa pagsilang ang mga selula nito ay may bilang na mga 100,000,000,000—kasindami ng mga bituin sa Milky Way!
Subalit mga ilang buwan pa bago niyan, samantalang nasa loob pa ng bahay-bata, ang utak ng bata ay umaandar na. Ito ay nagtatala ng mga pagkaunawa mula sa matubig na kapaligiran nito. Ito’y nakaririnig, nakakalasa, nakakakita ng liwanag, nakadarama, natututo, at nakatatanda. Maaari itong maapektuhan ng mga emosyon o damdamin ng ina. Ang magiliw na mga salita o mahinang musika ay nakapagpapakalma sa kaniya. Ang galít na mga pananalita o musikang rock ay nakagugulat sa kaniya. Ang maindayog na tibok ng puso ng ina ay nakapagpapaginhawa sa kaniya. Subalit kapag bumilis ang tibok ng puso ng ina dahil sa takot, agad-agad na ang puso ng sanggol ay doble ang bilis ng pagtibok. Ang balisang ina ay naghahatid ng kabalisahan sa sanggol na nasa kaniyang sinapupunan. Ang tiwasay na ina ay nagdadala ng isang tahimik na sanggol. Ang masayahing ina ay maaaring paluksuhin sa galak ang sanggol na nasa kaniyang sinapupunan. Ang lahat ng ito at higit pa ay nagpapanatiling abala sa utak ng sanggol. Kahit na sa loob ng bahay-bata ito ay kagila-gilalas.
Nagkakaroon ba ng karagdagang mga neuron pagkasilang? Ang pinakabagong pananaliksik ay nagsasabi ng wala. Gayunman, walang alinlangan na ang mga neuron ay patuloy na kapuna-punang lumalaki, samantalang ginagawa ang trilyun-trilyong bagong mga koneksiyon o pagkakaugnay-ugnay sa isa’t isa. Ang utak ng sanggol sa pagsilang ay sangkapat lamang sa laki ng utak ng isang may sapat na gulang, subalit ito ay tatlong ulit na lumalaki sa unang taon nito. Nararating nito ang adultong timbang nito na tatlong libra (1.4 kg) mga ilang taon bago ito maging tin-edyer. Iyan ay hindi nangangahulugan na ito’y nagtataglay ng kaalaman ng isang adulto. Ang kaalaman ay hindi tinitiyak ng timbang ng utak o ng dami ng mga selula nito. Bagkus, waring ito ay nauugnay sa dami ng mga koneksiyon, tinatawag na synapses, na ginagawa sa pagitan ng mga neuron ng utak.
At ang dami niyan ay kagila-gilalas! Sa wakas ay maaaring makagawa ng nakalilitong isang kuwadrilyong mga koneksiyon—iyan ay isa na sinusundan ng 15 sero! Datapuwat tangi lamang kung ang utak ay mayamang pinasigla ng inilalagay na impormasyon sa lima o higit pang mga pandamdam. Dapat pasiglahin ng kapaligiran kapuwa ang mental at emosyonal na gawain, sapagkat iyan ang nagpapalago sa mahusay na network o sistema ng mga dendrite. Ang mga dendrite ay mumunting tulad-ugat na mga buhok mula sa mga neuron upang makiugnay sa iba pang mga neuron.
Nasasangkot din ang salik na panahon sa paggawa ng mga koneksiyong ito: Ang mga ito ay mas mabilis na nag-aanyo sa mga bata kaysa sa mga matatanda. Ang kasabihan (sa Ingles) na, “You can’t teach an old dog new tricks” (Hindi mo maaaring turuan ang matandang aso ng bagong kahanga-hangang mga gawa), ay hindi totoo. Subalit mas mahirap turuan ang isang matandang aso ng bagong kahanga-hangang mga gawa. Sa mga may edad na, ang mga koneksiyon sa pagitan ng mga neuron ay mas mabagal na gawin at mas mabilis na naglalaho. Ang halaga ng paggawa nito ay katulad din ng sa mga bata—pagkalantad sa isang mayaman, nakapagpapasiglang kapaligiran. Ang isipan ay dapat na magpatuloy na aktibo! Huwag tanggapin na hindi ka na maaaring sumulong! Walang paghinto kung para sa isipan!
Subalit ang paglaki na kagila-gilalas ay naroroon sa utak ng sanggol. Ito ay parang mga espongha na sinisipsip ang kanilang mga kapaligiran! Sa loob ng dalawang taon ang isang sanggol ay natututo ng isang masalimuot na wika, sa pakikinig lamang dito. Kung dalawang wika ang naririnig nito, natututuhan nito ang kapuwa mga wika. Kung tatlong wika ang sinasalita, natututuhan nito ang lahat ng tatlo. Tinuruan ng isang lalaki ang kaniyang maliliit na anak ng limang wika nang sabay-sabay—Haponés, Italyano, Aleman, Pranses, at Ingles. Pinag-aral ng isang babae ang kaniyang anak na babae ng ilang mga wika, at nang ang bata ay limang taóng gulang na, siya ay nakapagsasalita ng walong wika nang may katatasan. Ang pagkatuto ng wika ay karaniwan nang mahirap para sa mga adulto, subalit sa mga sanggol ito ay likas na natututuhan.
Ang wika ay isa lamang halimbawa ng mga kakayahan na genetikong iprinograma sa utak ng sanggol. Ang mga kakayahan sa musika at sining, pagkakatugma-tugma ng mga kalamnan, ang pangangailangan ng kabuluhan at layunin, budhi at mga pamantayang moral, pagkabahala sa iba at pag-ibig, pananampalataya at ang simbuyo na sumamba—lahat ay depende sa kani-kaniyang natatanging mga sistema na nasa utak. (Tingnan ang Gawa 17:27.) Sa ibang pananalita, ang genetikong natatag na mga network ng mga neuron ay pantanging iprinogramang patiuna upang tanggapin ang pag-unlad ng mga ito at ng iba pang mga kakayahan at mga potensiyal.
Gayunman, dapat nating unawain na sa pagsilang ang mga ito ay mga potensiyal lamang, mga kakayahan, mga posibilidad. Kailangang may inilalagay na impormasyon upang malinang ang mga ito. Ito ay dapat na mailantad sa angkop na mga karanasan o mga kapaligiran o mga pag-aaral upang maging mga katotohanan. At mayroon ding wastong talaorasan para sa gayong pagkalantad upang maging pinakamabisa, lalo na sa kalagayan ng mga sanggol.
Datapuwat kung ang mga kapaligiran ay tama at ang pagsasaoras ay wasto, kahanga-hangang mga bagay ang nangyayari. Natututuhan hindi lamang ang mga wika kundi ang pagtugtog ng mga instrumento sa musika, ang mga kakayahan sa atletiks ay napauunlad, ang mga budhi ay nasasanay, ang pag-ibig ay tinatanggap, at isang pundasyon para sa isang tunay na pagsamba ay nailalatag. Lahat ng ito at maraming-marami pa, habang ang utak ng sanggol ay hinahasikan ng mabubuting binhi at dinidilig ng pag-ibig ng mga magulang.