Allan Kardec—Tagapagpauna sa Espiritismo
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil
“AKO’Y isang Kardecista.” Paulit-ulit na naririnig ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil ang mga salitang ito habang sila ay dumadalaw sa bahay-bahay. Marami ang palakaibigang magsasabi sa mga Saksi: “Binabasa ko ang ebanghelyo ayon sa espiritismo. Kilala ninyo si—Allan Kardec!” Halos sa tuwina’y nauuwi ito sa isang malugod at masiglang pag-uusap.
Subalit sino ba si Allan Kardec? Karamihan ng mga ensayklopedia sa wikang Ingles ay hindi nagtatala sa pangalang iyan, gayunman para sa daan-daang libo siya ay isang tagapagpauna at nagsaayos ng espiritismo sa modernong anyo nito. Ang kaniyang mga sulat ay tinanggap bilang mga kapahayagan ng sobrenatural na mga kapangyarihan—lalo na sa Brazil, kung saan ang kaniyang mga aklat ay nagtatamasa ng isang malawak na distribusyon.
Ang Grande Enciclopédia Delta Larousse at ang Enciclopédia Mirador Internacional, dalawang kilalang ensayklopedia sa wikang Portuges, ay nagsasabi sa atin na ang Allan Kardec ay sagisag-panulat ng Pranses na manunulat na si Hippolyte Léon Denizard Rivail, na nabuhay mula noong 1804 hanggang 1869. Isinilang sa Lyons, sa gulang na sampu siya ay pinag-aral sa Switzerland kung saan siya ay naging estudyante ng repormador na gurong si Pestalozzi. Nagtungo siya sa Paris noong taóng 1824, kung saan inialay niya ang kaniyang sarili sa gawaing pagtuturo at, nang maglaon, naging isang membro ng Royal Academy of Natural Science ng Pransiya.
Noong taóng 1854, si Rivail ay nailantad sa isang kilalang libangan noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo: ang mga pagtatangkang makipagtalastasan sa walang katawang mga espiritu. Nang sumunod na taon, nasaksihan niya ang kababalaghan ng umiikot na mga mesa at pagsulat ng idinidikta ng espiritistang medium. Nakumbinsi siya sa pag-iral ng isang espiritung dako na tinatahanan ng walang-kamatayang mga kaluluwa ng mga taong patay at ang posibilidad ng pakikipagtalastasan sa kanila. Ang di-nakikitang espiritung mga hukbo ay hindi nag-asaya ng panahon sa paggamit sa kaniya bilang kanilang instrumento.
Ipinaalam sa kaniya ng kaniyang “kilalang espiritu” na sa naunang pag-iral, noong panahon ng mga Druid, siya ay nakatira sa Gaul at na ang kaniyang pangalan noon ay Allan Kardec. At, ipinahayag ng mga espiritu sa pamamagitan ng mga medium na “ang panahong itinakda ng Maykapal para sa isang pansansinukob na pagsisiwalat ay dumating na at na, bilang mga ministro ng Diyos at mga ahente ng kaniyang kalooban, ito [ay] kanilang pananagutan na turuan at ipaalam sa mga tao, binubuksan ang isang bagong panahon para sa espirituwal na muling pagsilang ng Sangkatauhan.”
Humangang lubha sa lahat ng ito, inayos ni Rivail ang napakaraming espiritistikong mga sinulat na idinikta sa kaniya ng kaniyang mga kaibigang espiritista. Palagian niyang dinaluhan ang espiritistang mga sesyon o miting (seances), lagi siyang may handang serye ng mga tanong na sinasagot sa pamamagitan ng espiritistang mga medium sa “tama, malalim at makatuwirang paraan.” Lahat ng mga materyal na ito, “binasa” nang tumpak ng “Espiritu ng katotohanan” na kumikilos sa pamamagitan ng isang medium, ay inilathala noong 1857 sa kaniyang unang aklat na O Livro dos Espíritos (Ang Aklat ng mga Espiritu), sa ilalim ng pangalang Allan Kardec.
Mula sa simula, ipinaliwanag ni Rivail “na ang mga Espiritu, na mga kaluluwa ng tao, ay walang sukdulang kaalaman ni sukdulang karunungan; na ang kanilang talino ay depende sa pagsulong na nagawa nila at na ang kanilang opinyon ay wala kundi personal na opinyon lamang.” Sa lahat ng panahon na isinulat niya ang mga sinulat ng espiritistang medium, binabanggit niya ang tungkol sa nakatataas at nakabababang mga espiritu, mabuti at masamang mga espiritu, mahinang mga espiritu, masama at mapaghimagsik na mga espiritu, gumagalang mga espiritu, mahalay na mga espiritu, at sinungaling na mga espiritu. Ang mga ito ay nagpapakilala sa mga medium sa kilalang mga pangalan na gaya ng Socrates, Julius Caesar, Augustine, Charlemagne, George Washington, Mozart, at Napoleon. Sa kaniyang aklat na What Spiritism Is, inaamin din ni Rivail na ang ibang espiritu ay “mga sinungaling, manlilinlang, mga mapagpaimbabaw, masasama at mapaghiganti,” at maaari pa ngang maging bastos.
Bakit nga, kung gayon, dapat pag-abalahang pag-aralan ang espiritismo? Si Rivail ay sumagot: “Upang patunayan, sa materyal na paraan, ang pag-iral ng daigdig ng espiritu.” Subalit hindi na kailangan ito. Libu-libong taon na bago pa si Rivail, batid na ng mga naniniwala sa Bibliya ang pag-iral ng gayong dako ng espiritu.
Ang Diyos na sinasamba ng mga Kristiyano ay isang Kataas-taasang Espiritu. Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Nararanasan ng mga Kristiyanong naglilingkod sa Diyos na ito nang buong-puso ang kaniyang impluwensiya sa kanilang mga buhay at hindi nag-aalinlangan sa kaniyang pag-iral. Batid din ng mga Kristiyano ang pag-iral ng iba pang mga espiritu—si Jesu-Kristo at ang kaniyang banal na mga anghel, mga anghel na gumagawa ng kalooban ng Diyos.
Sang-ayon sa mga tagapaglathala ng isang edisyong Portuges ng aklat ni Rivail, “ang papel na ginagampanan ng The Book of Spirits ay ang pagtulong sa iba pang mga relihiyon upang pag-isahin ang paniniwala sa pagkawalang kamatayan ng kaluluwa.”
Subalit imposibleng maging totoo ang pag-aangkin na ito. Binabanggit ng Bibliya na ang kaluluwa ng tao ay namamatay. “Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.” (Eclesiastes 9:5) Ang Bibliya ay naglalaman din ng mahigpit na babala: “Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.”—Ezekiel 18:4.
Sino, kung gayon, ang mga espiritu na nakilala ni Rivail? Mayroon lang isang posibleng kasagutan: Ang mga espiritung ito ay kabilang sa isa pang bahagi ng espiritung dako—ang mga demonyo. Ganito inilalarawan ng disipulong si Judas ang mga demonyo: “Ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating katayuan kundi iniwan ang kanilang sariling talagang tahanang dako.” (Judas 6) Oo, sila ang mga anghel na naghimagsik laban sa Diyos.
Kaya, sa Batas na ibinigay ng Diyos sa Israel, mahigpit na ipinagbawal niya sa mga Israelita na magkaroon ng anumang pakikipag-ugnayan sa mga espiritistang medium na gaya niyaong mga pinakipag-ugnayan ni Rivail. (Levitico 19:31) Ang bagay na ang kanilang wika kung minsan ay maaaring maging maganda, nagpapahayag ng dakilang mga ideya, ay hindi nagbabago sa katotohanan. Ang apostol Pablo ay nagbababala: “Si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.”—2 Corinto 11:14.
[Blurb sa pahina 20]
Ang ilang mga espiritu ay “mga sinungaling, manlilinlang, mapagpaimbabaw, masasama at mapaghiganti,” at maaari pa ngang maging bastos
[Larawan sa pahina 19]
Si Allan Kardec, na ginamit ng di-nakikitang espiritung mga hukbo