Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ba Ako Labis na Nalulungkot?
Sabado ng gabi noon. Ang batang lalaki ay nauupo sa kaniyang silid at nag-iisip tungkol sa mga bata sa paaralan na nag-bowling sa mall. Naglakas-loob siya na nagpaalam kung maaari siyang sumama sa kanila. Subalit hanggang ngayon ay naririnig niya ang patuyang pagtawa nila habang sila ay lumalakad na papalayo.
“Kinaiinisan ko ang mga dulo ng sanlinggo!” sigaw niya. Subalit walang sinuman sa silid na sumasagot. Dinadampot niya ang isang magasin at nakikita ang isang larawan ng isang pangkat ng mga kabataan sa tabing-dagat. Hinahagis niya ang magasin sa dingding. Ang luha ay tumutulo. Kinakagat niya ang kaniyang labi, gayumpaman ay patuloy ang pagdaloy ng mga luha. Hindi na niya makayanan ito, siya ay sumubsob sa kaniyang kama, at humihikbi, “Bakit ba ako laging naiiwan?”
GANIYAN ba ang nadarama mo kung minsan—hiwalay sa daigdig, walang silbi at hungkag? Naitanong mo na ba, ‘Bakit ba ako labis na nalulungkot, at bakit ba napakasakit nito?’
Kung ganiyan ang nadarama mo, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang mga taon ng pagtitin-edyer ay mahirap para sa marami. Maaaring hindi ka nakatitiyak sa iyong sarili. Hindi kataka-taka, kung gayon, na sa panahon ng pagtitin-edyer kadalasan nang pinakamatindi ang kalungkutan.
Bagaman ang pagkadama ng kalungkutan ay hindi nakatutuwa, hindi naman ito isang nakamamatay na sakit. Inihambing ng isang dalubhasa ang kalungkutan sa karaniwang sipon—“madaling makahawa, . . . bihirang nakamamatay subalit sa tuwina’y hindi kaaya-aya.” Gayunman may mga paraan upang mapagtagumpayan ito.
Kung Ano ba ang Kalungkutan
Sa madaling sabi, ang kalungkutan ay isang nagbababalang hudyat. Ang gutom ay nagbabala sa iyo na kailangan mo ng pagkain. Ang kalungkutan ay nagbababala sa iyo na kailangan mo ng kasama, malapit, matalik na kasama. Kailangan natin ng pagkain upang maging mahusay ang pagkilos. Gayundin naman, kailangan natin ng kasama upang maging mahusay ang pakiramdam.
Napagmasdan mo na ba ang isang latag ng nagbabagang mga uling? Ano ang nangyayari kung ilalayo mo ang isang uling mula sa bunton ng nagbabagang uling? Ang pagbabaga ng isang uling na iyon ay mamamatay. Subalit pagkatapos na ibalik mo ang uling sa bunton, muli itong nagbabaga. Sa gayong paraan, tayong mga tao ay hindi maaaring “magbaga,” o kumilos nang mahusay, na nag-iisa sa loob ng mahabang panahon. Natural lamang na maghangad ng kasama.
Ganito nga ang kalagayan ni Adan, ang unang tao. Ang aklat ng Bibliya na Genesis ay nagsasabi na si Adan ay inilagay sa isang kapaligiran na nakatutugon sa kaniyang pangunahing mga pangangailangan. Mayroong saganang pagkain na makakain, sariwang hangin na malalanghap, kumikislap sa linaw na dagat upang paliguan, kawili-wiling trabahong dapat gawin, at, higit sa lahat, ang pagtatamasa ng isang malapit na kaugnayan sa kaniyang Maylikha. Gayunman, sinabi ng Diyos na Jehova: “Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa.” Kailangan ni Adan ng isa na katulad niya na makakausap at mababahaginan niya ng kaniyang damdamin. Tinugunan ng Diyos ang pangangailangang iyan sa pagbibigay kay Eva sa kaniya. (Genesis 2:18-23) Oo, ang pangangailangan ng makakasama ay inilagay sa ating kalikasan. Subalit iyan ba ay nangangahulugan na ang pagiging mag-isa ay laging humahantong sa kalungkutan?
Nag-iisa Subalit Hindi Nalulungkot
Ang manunulat ng sanaysay na si Henry David Thoreau ay sumulat: “Wala pa akong natagpuang kasama na lubhang kawili-wiling kasama kaysa pag-iisa.” Sang-ayon ka ba? “Oo,” sabi ni Bill, edad 20. “Naiibigan ko ang kalikasan. Kung minsan sumasakay ako sa aking munting bangka at nagtutungo ako sa isang lawa. Nauupo ako roon sa loob ng mga ilang oras na mag-isa. Binibigyan ako nito ng pagkakataon na magmuni-muni tungkol sa kung ano ang ginagawa ko sa aking buhay. Talagang mahusay ito.” Ganito pa ang sabi ng 16-anyos na si Rafael: “May tatlo pang mga bata sa aming pamilya. Laging magulo sa bahay. Mayroon akong apat-na-taóng-gulang na kapatid na lalaki; ang gulo niya. Kung minsan gusto ko lamang mapag-isa.”
Isa pang makatang Ingles ang nagsabi: “Ang pag-iisa ang silid kung saan nakikinig ang Diyos.” Ang beinte-uno anyos na si Steven ay sumasang-ayon. “Nakatira ako sa isang malaking gusaling apartment,” sabi niya, “at kung minsan ako ay nagtutungo sa bubungan ng gusali upang mapag-isa. Nag-iisip ako at nananalangin. Ito’y nakagiginhawa.” Oo, kung gagamiting mainam, ang mga sandali ng pag-iisa ay maaaring magbigay sa atin ng matinding kasiyahan. Si Jesus man, ay nasiyahan sa gayong mga sandali: “Nang madaling araw, samantalang madilim pa, [si Jesus] ay bumangon at lumabas at nagtungo sa isang dakong ilang, at doo’y nanalangin.” (Marcos 1:35) Gayunman, bakit ang mga taong gaya ni Thoreau o ni Jesus ay hindi nalulungkot bagaman sila ay nag-iisa?
Una, sapagkat pinili nilang mapag-isa. At ikalawa, nag-iisa sila sa loob lamang ng maikling panahon. Hindi sinabi ni Jehova na, ‘Hindi mabuti sa lalaki na pansamantalang mag-isa.’ Bagkus, sinabi ng Diyos na hindi mabuti sa lalaki “na patuloy na mag-isa.” Ang mahabang panahon ng pag-iisa ay maaaring umakay sa kalungkutan. Kaya, ang Bibliya ay nagbababala: “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang masakim na nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.”—Kawikaan 18:1.
Pansamantalang Kalungkutan
Gayunman, kung minsan ang pag-iisa ay hindi pinipili. Kung gayon ito nga ay nakalulungkot. Ang gayong kalungkutan ay kadalasang nararanasan natin dahil sa mga kalagayan na wala tayong magawa, gaya ng paglipat sa isang bagong lugar, na malayo sa matalik na mga kaibigan.
Nagugunita pa ni Steven: “Doon sa dati naming tirahan kami ni James ay magkaibigan, higit pa kaysa magkapatid ang turing namin sa isa’t isa. Nang lumipat kami, alam ko na hahanap-hanapin ko siya.” Si Steven ay humihinto, para bang ginugunita ang sandali ng pag-alis. “Nang pasakay na ako sa eruplano, para ba akong maiiyak. Nagyakapan kami, at ako’y umalis. Para bang nawalan ako ng isang bagay na mahalaga.”
Kumusta naman si Steven sa kaniyang bagong kapaligiran? “Mahirap,” sabi niya. “Nahirapan akong matuto ng bagong trabaho. Doon sa dati naming tirahan naiibigan ako ng aking mga kaibigan, ngunit dito para bang wala akong silbi sa ilan sa mga kasama ko sa trabaho. Naaalaala ko pa ang pagtingin ko sa orasan at bumibilang akong pabalik ng apat na oras (iyan ang kaibahan ng oras) at iniisip ko kung ano ang maaari sanang ginagawa namin ni James ngayon. Ako’y nalungkot.”
Kapag ang mga bagay ay hindi mabuti, karaniwan nang iniisip natin ang mas mabuting mga panahon natin noong una. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Huwag mong sabihin: ‘Ano ang kadahilanan na ang mga unang araw ay mas maigi kaysa mga ito?’” (Eclesiastes 7:10) Bakit ang payong ito?
Sa isang bagay, ang mga kalagayan ay maaaring bumuti. Iyan ang dahilan kung bakit madalas na binabanggit ng mga mananaliksik ang tungkol sa “pansamantalang kalungkutan.” Sa gayon maaaring madaig ni Steven ang kaniyang kalungkutan. Papaano? “Ang pakikipag-usap ng mga nadarama ko sa isa na nagnanais tumulong. Hindi ka maaaring mabuhay sa nakalipas. Pinilit ko ang aking sarili na makipagkilala sa ibang tao, magpakita ng interes sa kanila. Nakabuti ito; ako’y nakasumpong ng bagong mga kaibigan.” At kumusta naman si James? “Mali ako. Ang pagkakalayo ay hindi pumutol sa aming pagkakaibigan. Noong isang araw tinawagan ko siya. Nagkuwentuhan kami sa telepono sa loob ng isang oras at 15 minutos—nang long distance!”
Ang trese-anyos na si Peter ay nasa isa pang kalagayan na maaaring pagmulan ng kalungkutan. Siya ay namumuhay sa isang nagsosolong-magulang na pamilya. Sabi ni Peter: ‘Umuuwi ako ng bahay mula sa paaralan at ako’y nag-iisa sa bahay. Wala akong makausap. Pagdating ng nanay ko sa bahay mula sa trabaho, wala rin akong makausap. Pagod siya at natutulog na lamang.’
Ang disiotso-anyos na si Nancy ay namumuhay rin sa isang nagsosolong-magulang na tahanan. Bukod pa riyan, kailangan niyang kayahin ang pagpasok sa isang bagong paaralan. Subalit si Nancy ay hindi nalulungkot. Sinimulan niyang humanap ng bagong mga kaibigan. “Nakatulong ito sa akin,” sabi niya. Naglaho ang kalungkutan. Ito ay pansamantala.
Gayunman, kung minsan ang kalungkutan ay bunga ng isang malaking sakuna. “Si Derek ang kaibigan ko sa Florida mula pa ng kami’y 11 anyos,” kuwento ni Bill. “Madalas kaming magtungo sa mall o pamilihan, kumain ng pizza, maglaro ng football na magkasama.” Ano ang nangyari? “Tumanggap ako ng isang tawag sa telepono isang Linggo ng gabi,” patuloy ni Bill. “Si Derek ay nalunod. Napakahirap nitong tanggapin. Pagkaraan niyan, may mga sandali na lungkot na lungkot ako anupa’t tatawagan ko ang numero ng telepono ni Derek. Patuloy na tumutunog ang telepono, at saka ko lang maiisip, ‘Teka muna, wala na nga pala roon si Derek.’ Hindi ko ito maunawaan. Kung ikaw ay 17, napakabata mo pa upang mamatay.”
Ang Bibliya ay bumabanggit ng isang babaing nagngangalang Noemi na dumanas ng gayunding malaking sakuna. Ang kaniyang asawa at ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay sunud-sunod na namatay. Nang siya’y magbalik sa kaniyang lupang tinubuan bilang isang biyuda, siya’y nagsabi: “Ako’y umalis na punô, at ako’y pinauwi ni Jehova na walang dala.”—Ruth 1:21.
Bagaman ang kalungkutan sa pagkawala ng isang mahal sa buhay ay maaaring hindi kailanman maglaho, ang kalungkutan ay maaaring lumipas sa paglipas ng panahon at sa pagkakaroon ng bagong mga kaugnayan. Sa kalagayan ni Noemi, ang nagbagong mga kalagayan at ang pagkakaroon ng bagong mga kaugnayan ay nakatulong upang ‘maisauli ang kaniyang kaluluwa.’ (Ruth 4:13-15) Maaari ring ibuhos ng isa ang kaniyang sarili sa paggawa ng mga bagay para sa ibang tao. Sabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Subalit kumusta naman kung ang iyong kalungkutan ay magpatuloy? Kung gayon maaaring ikaw ay dumaranas ng talamak na kalungkutan. Ano ba iyan, at paano mo mapagtatagumpayan ito? Sasagutin iyan sa hinaharap na labas ng Gumising!