Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Makapaglilingkod sa Diyos Kung Sinasalansang Ako ng Aking mga Magulang?
SILA’Y binugbog, dumanas ng mga pagbabanta at kakulangan ng mga pangangailangan sa buhay, at sa wakas ay sapilitang pinalayas sa bahay. Ang pinagmulan ng maltratong ito? Mga membro ng kanila mismong pamilya. Gayon ang naranasan nina Kamal, Chani, at Jaswinder, tatlong kabataang magkakapatid mula sa India na naninirahan sa Inglatera. Nais nilang maging mga Kristiyano, subalit ang kanilang mga magulang—sa katunayan ang kanilang buong pamilya—ay lubhang salansang sa pagtatakwil nila ng kanilang tradisyonal na relihiyosong mga paniniwala.
Marahil ikaw man ay nasa gayunding kalagayan. Sa pamamagitan ng isang pag-aaral sa Bibliya, nalinang mo ang pagnanais na maging isa na ‘sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.’ (Juan 4:23) Gayunman, maaaring ang iyong mga magulang ay nawalan ng tiwala sa relihiyon o kaya ang iyong bagong tuklas na pananampalataya ay salungat sa kanilang malaon-nang-pinaniniwalaang relihiyosong mga paniniwala. Anuman ang kalagayan, hindi mo dapat ipagtaka na umiiral ang pagsalansang ng pamilya. Inihula mismo ni Jesus na kadalasan nang paghihiwa-hiwalayin ng tunay na Kristiyanismo ang mga pamilya. (Mateo 10:34-37) Ang tanong ay, Paano mo dapat pakitunguhan ang kalagayan?
Sina Kamal, Chani, at Jaswinder ay nanindigang matatag sa maka-Kasulatang simulain na kanilang natututuhan. Nagawa lamang nilang sumamba nang malaya pagkatapos nilang magbukod mula sa industriyal na dako sa Midlands tungo sa timugang bahagi ng Inglatera. Gayunman, malamang na ikaw ay legal na nasa ilalim pa rin ng iyong mga magulang. Ano, kung gayon, ang magagawa mo, samantalang ikaw ay nasa ilalim pa ng poder ng iyong mga magulang upang mapagtagumpayan ang pagsalansang mula sa mga mahal mo sa buhay? Ang Bibliya ay nagbibigay ng ilang pumapatnubay na mga simulain.
Panatilihin ang Isang Magalang na Saloobin
Sa 1 Pedro 3:15 tayo ay hinihimok ng Bibliya na ibahagi ang ating pananampalataya “nang may kahinahunan at taimtim na paggalang.” Gayunman, baka naman sobra ang sigla mo tungkol sa bagong natutuhang mga katotohanan sa Bibliya anupa’t ikaw ay waring nagiging mapanupil o mapilit tungkol sa iyong mga paniniwala, marahil ginagawa mo pa ngang magtinging mangmang ang iyong mga magulang. Walang sinuman ang may ibig na magtinging ignorante o walang alam. Kaya kung palagi mong itinutuwid ang iyong mga magulang dahil sa mga bagay na iyong natutuhan, maaasahan mo ang isang negatibong reaksiyon mula sa kanila.
Si Rita, isang tin-edyer na nakatira sa Alemanya nang panahong iyon, ay nagsasabi: “Ang lahat ng bagay na aking natututuhan ay sinasabi ko kaagad sa aking mga magulang, para bang sinasabi ko sa kanila na ang kanilang pinaniniwalaan ay mali.” Subalit, ang mga magulang ay may karapatang manghawakan sa personal na mga opinyon at mga paniniwala nang hindi pinipintasan—lalo na ng kanila mismong mga anak. Sabi ni Rita: “Ako sana ay naging mas magalang sa kanila at sana’y kinilala ko ang kanilang sariling paniniwala sa Diyos.”
Sinabihan ni Pablo ang binatang si Timoteo na hindi niya dapat na “pakapintasan ang isang nakatatandang lalaki.” Hindi ba kapit din iyan sa tahanan, sa iyong mga magulang na nagmamahal sa iyo?—1 Timoteo 5:1.
Sundin ang Iyong mga Magulang
“Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang,” ang utos ng Bibliya. (Efeso 6:1) Sinunod ni Kay ang simulaing ito. Nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova nang siya ay walong taóng gulang lamang. “Pinalaki kami ng aming mga magulang na maging mapagparayâ sa iba,” sabi ni Kay, “kaya pinayagan nila akong mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong.” Gayon pa man, kailangang magpagal si Kay upang tiyakin na ang lahat ng kaniyang sinasabi at ginagawa ay nagpapabanaag na mainam sa kaniyang pananampalataya.
“Habang ako’y nakikisama sa bayan ni Jehova,” paliwanag ni Kay, “natalos ko na kung ako ay masuwayin, hindi lamang ito hindi magugustuhan ng aking mga magulang kundi hindi rin nila makikita ang mabuting impluwensiya sa akin ng katotohanan. Kaya kapag ako’y inuutusang maglabas ng basura, nasa bahay sa gayong oras, mag-ensayo sa piyano, o ano pa man, sinisikap kong sumunod sa pinakamabuting paraang magagawa ko. Hinding-hindi ako sumasagot.”
Ang mga magulang ni Kay ay hindi kailanman nakisama sa kaniyang mga paniniwala. Gayunman, dahil sa kaniyang pagsunod, naisagawa niya ang kaniyang pananampalataya nang walang pagsalansang, naging isang bautismadong Kristiyano sa gulang na 19.
Makipagtalastasan sa Iyong mga Magulang
Ganito ang sabi ng pantas na Haring Solomon: “Sapagkat ako’y isang tunay na anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina.” (Kawikaan 4:3) Oo, ang bagay na ang iyong mga magulang ay hindi nakikibahagi sa iyong pananampalataya ay hindi gumagawa sa kanila na iyong mga kaaway. Dapat mo pa ring sikaping maging “isang tunay na anak na lalaki” o babae. Sikaping unawain ang kanilang matinding hinanakit dahil sa iyong pagtaguyod ng isang pananampalataya na waring kakaiba sa kanila. Kasabay nito, malayang ibahagi ang iyong mga damdamin at mga pagkabahala sa kanila. Totoo, sapagkat ang iyong mga kaisipan ay ginagabayan ngayon ng mga simulain ng Bibliya, maaaring naiiba ang iyong palagay sa palagay ng iyong mga magulang tungkol sa ilang mga isyu.—1 Corinto 2:14.
Halimbawa, nais ng isang binatang nagngangalang Alan na gumugol ng higit na panahon sa ministeryong Kristiyano. Gayunman, nais ng kaniyang mga magulang na ipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Nagugunita pa ni Alan: “Sa palagay ko medyo natatakot akong harapin ang aking ama tungkol sa gayong malaking pasiya. Kaya ipinasiya kong huminto ng pag-aaral nang lihim—at iyan ay nagdala lamang ng lalong maraming problema. Kailangan kong magpagal pagkatapos niyan upang itayo ang pagtitiwala namin sa isa’t isa, kung naipaliwanag ko sana ang aking mga plano, kahit na maaaring mahirap ito sa simula, sa palagay ko’y lalo niya akong iginalang, at hindi sana namin kapuwa naranasan ang maraming sama ng loob.”
Subalit ano ang nagpangyari kay Alan na maging bantulot tungkol sa pakikipag-usap sa kaniyang mga magulang? Sabi niya: “Posibleng magkaroon ng pagkatakot sa pag-uusig kapag hinahadlangan ng mga magulang ang isang bagay na nais nating gawin. Baka isipin natin: ‘Ito ang napag-aralan ko! Ang lalaki laban sa kaniyang ama; ang kaniyang kaaway, mga tao ng kaniya ring sariling kasambahay!’” (Mateo 10:35, 36) Natutuhan ni Alan sa mahirap na paraan na ang mga magulang ay hindi kinakailangang pakitunguhan bilang mga kaaway. Siya ngayon ay nagpapayo: “Makipagtalastasan! Ipaalam mo sa kanila ang iyong mga damdamin. Sa palagay ko karamihan ng mga magulang ay makikinig—kung makikita nila na naroroon nga ang kataimtiman.”
Bagaman ikaw ay kinakailangang maging matatag sa maka-Diyos na mga simulain, “kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyong mga magulang ng kung ano ang talagang nadarama mo tungkol sa ilang bagay, ang mga komprontasyon ay karaniwan nang maaaring maiwasan o mabawasan. Mangyari pa, kung iginigiit ng iyong mga magulang ang pagkuha mo ng isang tiyak na landas ng pagkilos, sa lahat ng paraan ay sundin mo sila kung ang gayong landas ng pagkilos ay hindi sumasalungat sa mga simulain ng Bibliya. Sa halip na hindi marunong makibagay sa mga pangyayari, “makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran.”—Filipos 4:5.
Kamtin ang Pagtangkilik ng mga Kapuwa Kristiyano
“Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y tumanda na,” sabi ng Kawikaan 23:22. Gayunman, kung minsan ang iyong di-sumasampalatayang mga magulang ay baka nahihirapang unawain ang ilan sa iyong mga pagkabahala. Halimbawa, sinikap ng isang kabataang nagngangalang John na ipakipag-usap sa kaniyang ama ang isang simulain sa Bibliya. Ang tugon ng kaniyang ama? “Ayaw kong maging umaasa sa Bibliya o sa isang organisasyon, kaya bahala ka sa sarili mo!”
Subalit, hindi ka talaga nag-iisa. Ipinangako ni Jesus ang pagtangkilik o suporta ng espirituwal na “mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae” sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Marcos 10:30) Nasumpungan ni Kay, na nabanggit kanina, na ito ay totoo sa kaniyang kalagayan. “Ang aking Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae,” gunita niya, “ay naging parang pamilya ko.” Hindi naman sa maaaring palitan sa lahat ng bagay ng sinumang tao, gaano man kamahal, ang tunay na magulang. Gayunman, sa loob ng kongregasyon tayo ay makakasumpong niyaong mga mapapamahal sa atin—gaya ng mga ama at mga ina—at na makapagbibigay sa atin ng mahalagang payo o pangaral.—Ihambing ang 1 Corinto 4:15.
Panatilihin ang Isang Positibong Pangmalas!
Totoo, kahit na sa tulong ng nabanggit na payo, tiyak na masusumpungan mong ang iyong kalagayan ay lubhang kakaiba. Subalit tandaan: Kapuwa ang mga tao at ang mga kalagayan ay maaaring magbago! Ang tatlong magkakapatid na Indian na nabanggit sa simula ay nag-uulat: “Dahil sa aming katatagan at magalang na saloobin, tinatamasa namin ngayon ang isang maligayang kaugnayan sa lahat sa pamilya.” Isang babaing Ingles na nagngangalang Jane ay gayundin ang sulat: “Kinailangan kong magsumikap nang maraming beses at makipaglaban ukol sa katotohanan, ngunit ngayon mas madaling tinatanggap na ng aking mga magulang ang aking mga paniniwala bilang isang tunay na Kristiyano, at ako ay umaasang mababautismuhan sa lalong madaling panahon.”
Sa ibang mga kalagayan ang mga magulang, na naudyukan ng matapat na mga halimbawa ng kanila mismong mga anak, sila mismo ay naging nag-alay na mga lingkod ni Jehova! Kaya maaaring makamit mo ang paggalang dahil sa iyong maka-Diyos na landasin ng pagkilos at maging isang halimbawa hindi lamang sa “mga tapat” kundi gayundin doon sa mga pinakamamahal mo sa loob ng tahanan. (1 Timoteo 4:12) Huwag sumuko sa iyong determinasyon na maglingkod sa Diyos. May pananalanging sundin mo ang mga mungkahing nabanggit dito, at magtiwala kay Jehova. Ganito ang tiniyak sa atin ng salmista: “Ihabilin mo ang iyong lakad kay Jehova, at tumiwala ka sa kaniya, at siya mismo ay kikilos.”—Awit 37:5.
[Larawan sa pahina 18]
Ang tatlong mga kabataang babae na ito ay nanatiling matatag sa kanilang pananampalatayang Kristiyano sa kabila ng pagsalansang ng pamilya