Pagmamasid sa Daigdig
Winawalang-bahala ng mga Katoliko ang Vaticano
Isang bagong dokumento na inilathala ng Vaticano nang taóng ito ang pumukaw ng mainit na pagtatalo sa mga Katoliko at sa samahan ng mga mediko. Ito’y pinamagatang “Respect for Human Life in Its Origin and on the Dignity of Procreation” (Paggalang sa Buhay ng Tao sa Pinagmulan Nito at sa Dignidad ng Pag-aanak). Hinahatulan ng dokumento ang lahat ng anyo ng pertilisasyon sa labas ng nabubuhay na katawan ng tao, pati na ang artipisyal na paglalagay-binhi o inseminasyon kapag ang itlog at ang binhi ay kinukuha sa mag-asawa na legal na kasal. Ang katayuan ng simbahan tungkol sa isyung ito ay nakaliligalig sa maraming Katoliko na, hanggang sa ngayon, ay sang-ayon sa gayong mga pamamaraan alang-alang sa mga mag-asawang walang anak. Gayunman, sa kabila ng kahihiyan na dala ng bagong dokumento ng Vaticano, ipinakita ni Michel Falise, isang tagapagsalita para sa isang ospital na Katoliko sa Lille, Pransiya, na ang mga pertilisasyon sa labas ng katawan ng tao na kasalukuyang isinasagawa ay hindi pahihintuin alang-alang sa bagong katayuan ng simbahan. Gayunding mga opinyon ang ipinahayag sa Belgium, Espanya, Holland, at Italya, kung saan, ayon sa La Repubblica, isang pahayagan sa Roma, “mahigit 75 porsiyento ng artipisyal na mga paglalagay-binhi na isinasagawa ngayon ay ang uring hinahatulan ng simbahan,” at “70 porsiyento ng mga babaing tumatanggap ng ganitong uri ng paglalagay-binhi ay mga Katoliko.”
Higit sa Halaga Nito
Makabibili ka ngayon ng perang papel ng E.U. sa sumusunod na halaga: 4 na tig-$1 na perang papel sa halagang $7.50, 16 sa halagang $21.50, at 32 sa halagang $40.50; 4 na tig-$2 na perang papel sa halagang $12 at 16 sa halagang $38.50. Bakit ang mga tao ay handang magbayad ng gayong halaga? Dahilan sa bagong bagay na pagkakaroon ng mga perang papel mula sa imprentahan ng pera sa anyong hindi pa napuputol. Noong nakaraang taon ang Kawanihan ng Pag-uukit at Pag-iimprenta ay kumita ng $1,852,509 mula sa pagbibili ng hindi pa napuputol na mga perang papel.
Pagsagip sa Pamamagitan ng Kalapati
Para sa isa na nawala sa dagat, isang pagliligtas na tinutulungan ng isang kalapati ay maaari nang maging isang katotohanan. Isinasagawa na ngayon ang pagsasanay sa mga kalapati para sa isang paghanap-at-pagliligtas na operasyon na tinatawag na Project Sea Hunt, ulat ng The Sydney Morning Herald ng Australia. Dahilan sa higit na kahusayan ng kanilang paningin at konsentrasyon, kung ihahambing sa mga tao, ang mga kalapati ay napatunayang napakabisa bilang mga tagapagmanman. Tatlong kalapati ay ilalagay sa isang bobida (dome) sa ilalim ng isang helikopter, bawat isa ay nakaharap sa ibang direksiyon. Nasanay na upang makilala ang mga kulay ng life jacket at bangkang pansagip, tutukain ng mga kalapati ang isang tagaturo o indicator kapag nakita ang gayong kulay na mga bagay, at gagabayan ng indicator ang piloto na magtungo sa direksiyong iyon. Sa mga tao ang isang bagay na halos dalawang milya (3 km) ang layo ay maaaring magtinging isang maliit na batik lamang sa karagatan, subalit makikita ito kaagad ng matalas-matang kalapati. Ang panimulang mga pagsubok ay napatunayan nang matagumpay. Kung ihahambing sa tagumpay ng tao na 40 porsiyento sa pagmanman ng mga bagay sa karagatan, ang mga kalapati ay nakapuntos ng mataas na 90 porsiyento sa kanilang gawaing pagsagip!
Ipinagbabawal ang Paninigarilyo
Sa Setyembre 1, 1987, ang “paninigarilyo ay ipagbabawal sa karamihan ng kulong na mga lugar pampubliko sa Belgium.” Sang-ayon sa International Herald Tribune, nilagdaan ni Haring Baudouin ang isang batas na humihiling na ang paninigarilyo “ay ipagbawal sa mga paaralan, ospital at mga bahay pahingahan, sa mga istasyon ng tren, sa mga silid na hintayan, at sa pampublikong mga sentro sa kultura at sports.” Sa gitna ng mga bansa sa Pamayanang Europeo, ang Belgium ay kasunod ng Denmark sa katumbasan ng mga maninigarilyo sa mga hindi maninigarilyo, na mayroong halos 1 sa 3 na katumbasan. Ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang $480 (U.S.) ng mga awtoridad sa Belgium.
Mga Bakuna na Nagliligtas-Buhay
Nagpapahayag sa isang komperensiya ng WHO (World Health Organization) sa Geneva, Switzerland, sinabi ni Dr. Ralph Henderson na ang pinalawak na programa ng imyunisasyon na pinangangasiwaan niya ay nakahadlang na sa halos isang milyong kamatayan sa bawat taon mula sa tigdas, tuspirina, at tetanus. Gayunman, sinabi pa niya na “angaw-angaw na mga bata ang patuloy na namamatay taun-taon” mula sa mga sakit na maaari sanang hadlangan ng imyunisasyon. Taglay ang tunguhin na pangalagaan ang lahat ng mga bata ng daigdig mula sa mga karamdamang ito sa pagtatapos ng dekada, ang mga manggagawa sa medisina ay nagpapatuloy sa pagsasaliksik ng mga bakuna laban sa malaria, ketong, at pati na sa pagkasira ng ngipin. Bagaman sinasabing ang mga bakuna ay maaaring gumawa sa mga antibiotic na “talagang lipás na sa taóng 2000,” ang coordinator ng WHO tungkol sa AIDS, si Dr. Jonathan Mann, ay nag-ulat na ang mabisang bakuna para sa AIDS ay kukuha ng mga taon upang gawin.
Pinakamabilis sa Buong Daigdig
Ang pinakamabilis na rekord sa daigdig para sa pinakamabilis na may pasaherong tren ngayon ay 249 na milya sa bawat oras (400 km/hr), na naitala ng isang eksperimental na “linear car” ng Japanese National Railways. Ang dating rekord ay hawak ng Pederal na Republika ng Alemanya. Ang “linear car” ay lumulutang mga ilang pulgada sa ibabaw ng riles sa isang magnetikong kutson at umaandar sa pamamagitan ng lakas magnetiko. Hindi nangangailangan ng mga riles at mga linya ng kuryente sa itaas, ang halaga ng pagtatayo nito ay maaaring mas mura kaysa sa tanyag na mga bullet train. Sinasabing maaalis din ang polusyon sa ingay at polusyon sa pagyanig. Sang-ayon sa Yomiuri Shimbun, naunahan pa ng “linear car” ang mga helikopter ng mga peryudista na lumilipad sa ibabaw nito upang kumuha ng mga larawan. Hawak na ng Japanese National Railways ang pandaigdig na rekord ng pinakamatuling tren na walang sakay na tao na 321 milya sa bawat oras (517 km/hr).
Pangangalaga sa Ipinagbubuntis
Ang pangangalaga sa emosyonal na mga pangangailangan ng isang babaing nagdadalang-tao ay mahalaga rin sa malusog na paglaki ng kaniyang ipinagbubuntis na sanggol na gaya ng pangangalaga sa kaniyang pisikal na kapakanan, sabi ng obstetric neurophysiologist na si Dr. Michele Clement ng Middlesex Hospital, Inglatera. Gumagamit ng mga aparato na nagmumonitor upang alamin ang mga pagtugon ng sanggol sa loob ng bahay-bata ng ina nito, ulat ng The Times ng London, nasumpungan ng mananaliksik na ang mga gamot o droga, sigarilyo, at alkohol o alak ay nakasasagabal sa gawain ng ipinagbubuntis na sanggol, samantalang ang banayad o malambing na musika na pinatutugtog maaga sa paglaki nito ay maaaring makatulong sa pagkakaroon ng isang nasisiyahang sanggol. Si Propesor Michel Odent, isang obstetrician na Pranses, ay sumasang-ayon at nagmumungkahi ng muling-pagkagising sa kahalagahan ng mga awit na pampatulog na inaawit kahit na sa mga ipinagbubuntis.
Mga Laruang Halimaw
Sang-ayon sa kasalukuyang kausuhan sa pagbibili, ang daigdig ng mga laruan ay dinagsa ng mga halimaw o monster. Ang mga tagagawa ng laruan ay nagpapaligsahan upang gawin ang pinakanakatatakot na plastik na tauhan o karakter, sabi ng Le Figaro, isang pahayagang Pranses. “Mientras mas nakatatakot ang kanilang hitsura,” sabi ng tauhan sa pagbibenta, “mas nagugustuhan ito ng mga bata.” Noong nakaraang taglamig, ang pinakamabiling mga laruan ay ang “pangit, balakyot na pamilya [na kategorya], na binubuo ng mga bampirang demonyo, mga lintang tao na kumakapit sa dingding, o mabalahibong mandirigma na para bang mestisong gorilya at baboy-damo.” Mga eksepsiyon? Wala, sang-ayon sa benta. Noong nakaraang taon, isang kompaniyang Pranses lamang ay nagbenta ng mahigit isang milyon ng nakatatakot na mga laruang ito. Ganito ang komento ng Le Figaro: “Sa Paskong ito, ang mga halimaw ang pinakamabili. Lalo pang pangit at nakatatakot, [ang mga laruang ito] ay nakatutuwa sa mga bata, na ikinapagtataka ng mga sikologo, at ipinagdadalamhati ng mga magulang.”
Pagbabawal sa Dugo
Noong nakaraang Abril 21 ipinagbawal ng pamahalaan ng Mexico ang lahat ng komersiyal na pagbibili ng dugo at mga kakambal na produkto ng dugo dahilan sa takot na paglaganap ng nakamamatay ng sakit na AIDS sa gitna ng mga mamamayan nito, ulat ng The New York Times. Ang virus ng AIDS ay kumakalat sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik o sa pamamagitan ng dugo. Bagaman ang bilang ng mga iniulat na kaso ng AIDS sa Mexico ay kakaunti kung ihahambing sa ibang mga bansa, sinabi ng Ministro sa Kalusugan Guillermo Soberón na “ang katangian ng sakit na AIDS ay umuobliga sa atin na kumuha ng mga hakbang ng panlaban” bago lumala ang mga kalagayan. Nasumpungan ng mga pag-aaral ng gobyerno na ang dugong ipinagkakaloob dahil sa salapi ay lalong mapanganib na nagdadala ng virus ng AIDS. Ang mga bangko ng dugo ay maaari pa ring umandar subalit tangi lamang kung ang dugo ay kusang ipinagkakaloob sa halip na ibinibenta.
Pag-iistrikto sa mga Maninigarilyo
Dahilan sa kakulangan ng mga laang salapi at mga tuluyan sa karamihan ng mga ospital sa Australia, ang mga taong dumaranas ng sakit na nauugnay sa paninigarilyo na patuloy pa ring naninigarilyo ay baka balang araw hindi na tanggapin sa ospital. Sa isang artikulo na lumitaw sa The Medical Journal of Australia, ipinaliwanag ni Dr. Peter Gianoutsos, isang senior thoracic physician na kaugnay sa Royal Prince Alfred Hospital, na “posibleng mangyari sa malapit na hinaharap, ang mga kalagayan kung saan ang mga kama sa ospital ay hindi na maaaring ilaan sa mga patuloy na naninigarilyo.” Sabi niya na ang pagpapahintulot sa mga walang lubay sa paninigarilyo sa mga ospital ay maaaring maging isang malubhang maling paggamit sa mga pondo ng ospital at kadalasan nang nangangahulugan na ang mga pasilidad sa intensive-care ay hindi magagamit ng bagong silang na mga bata. Natuklasan sa isang pag-aaral ng mga pasyente na may mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo na 22 porsiyento ang patuloy na naninigarilyo kahit na pagkatapos ipakita na ito ang sanhi ng kanilang karamdaman.