Satelayt na Telebisyon—Ito Ba’y Para sa Iyo?
Tatlo sa bawat walong set ng TV sa daigdig ay nasa Estados Unidos, kaya hindi kataka-taka na ang satelayt TV ay doon unang nauso. Gustung-gusto ng mga Amerikano ang kanilang 175 milyong mga TV. Ang panonood ng TV ang kanilang paboritong libangan. Subalit ang pagkasugapa sa TV ay hindi lamang problema ng mga Amerikano.
Bagaman ang Pransiya ay mayroon lamang 19 na milyong set ng TV, ang panonood din ng TV ang paboritong libangan ng mga Pranses, na mas nakahihigit pa sa Estados Unidos. Sa Canada, kung saan 97.3 porsiyento ng lahat ng sambahayan ay mayroong isang TV, ito’y pinanonood sa katamtamang 23.7 oras sa bawat linggo. Sa Hapón halos lahat ng sambahayan ay may isang color TV. At sa Kanlurang Alemanya ang paboritong libangan ay ang panonood din ng TV.
Nagiging popular sa gitna ng mga manonood ng TV ang satelayt TV. Subalit ano ba ang satelayt TV, at ano ang epekto nito sa mga manonood ng TV?
ANG tanawin sa kabukiran ng Hilagang Amerika ay nagbabago. Ang paliku-likong daan ay patungo pa rin sa matanda nang mga bahay na puti ang balangkas, subalit sa likuran ng bahay ay karaniwang nakatayo ang isang malaking hugis-pinggan na antena, nakatuon sa langit na parang mga bisita mula sa ika-21 siglo. At nasaan ang mga batang dati-rati’y naglalaro sa daan? Nasa loob at nanonood ng satelayt TV.
Ang panahon ng dish o antena ay narito na. Maaga sa taóng 1987 tinatayang 1,600,000 mga sistema ng satelayt TV ang naibenta sa Estados Unidos lamang, at 175,000 pa ang umaandar sa Canada. Karamihan ng mga instalasyong ito ay sa lalawigan, malayo sa regular na mga signal ng TV o cable service. Subalit ang satelayt TV ay lumalaganap na rin sa mga siyudad.
Mabilis na Paglaganap—Bakit?
Mga 250,000 sistema ng satelayt TV ang naibenta sa Estados Unidos noong 1986, sa nagkakaiba-ibang halaga mula sa wala pang $1,000 hanggang sa mahigit $5,000. Sa karamihan ng mga industriya iyan ay ipalalagay na kagila-gilalas, subalit ang 1986 ay sa katunayan isang matumal na taon. Ang malakas ang benta na taon para sa satelayt na mga antena ay noong 1985, nang 625,000 mga sistema ang naibenta, halos apat sa bawat sampu sa Estados Unidos ngayon. Kung may nakikilala kang mayroong dish o antena, malamang na ito ay wala pang dalawang taon.
May dalawang pangunahing dahilan para sa kasalukuyang mabilis na paglago ng industriya ng satelayt TV na pantahanan—ang presyo at ang mapagpipilian. Ang presyo ng isang kompletong sistema sa ngayon ay wala pang $2,500, na, bagaman hindi mura, ay karaniwan nang ang komersiyante ang namumuhunan. Subalit bakit gugustuhin ng sinuman na gumasta ng lima o sampung ulit sa isang antena ng TV na gaya ng ginagasta niya sa kaniyang TV? Upang makuha ang lahat ng channel na iyon—mahigit na isang daan sa mga ito. Ang mapagpipiliang programa na iniaalok sa pamamagitan ng satelayt ay nakahihigit sa kung ano ang nakukuha sa isang karaniwang TV o kahit na sa cable na telebisyon.
Maaga noong 1987, mayroong sa satelayt TV na 8 channel na nakatalaga sa mga pelikula, 12 sa sports, 10 sa relihiyon, 14 sa sining at edukasyon, 6 sa balita at mga pangyayaring pampubliko. Karagdagan pa, mayroong 9 na channel na may paglilingkod para sa pamimilí mula sa tahanan, isang channel tungkol sa lagay ng panahon, at 12 channel na nagbubrodkas sa banyagang mga wika. Ang National Technological University ay nag-aalok pa nga ng mga kurso sa pamamagitan ng satelayt, mahigit na 300 sa mga ito! Ang mga paglilingkod sa radyo na inihahatid sa pamamagitan ng satelayt ay kinabibilangan ng mga babasahin para sa mga bulag at halos lahat ng uri ng maguguniguning musika.
Sa kabilang dako, mayroong apat na tinatawag na pang-adultong channel na nakatalaga sa pornograpikong mga bagay, at iba pang mga channel na nagpapalabas ng mga pelikula na itinuturing ng mga taong ang budhi ay naimpluwensiyahan-ng-Bibliya na hindi kanais-nais. “Ang walang malay na mga tagapanood na maaaring nag-aakala na ang panonood ng mga pelikula at mga konsiyerto sa tahanan ay magbubukas ng isang kaaya-ayang bagong tanawin ay nakatutuklas na, sa ibang mga kalagayan, nakukuha nila ang higit pa kaysa napagkasunduan—o nais nila,” sabi ng editor sa telebisyon ng isang pahayagan sa Los Angeles.
Tapos na ang Libreng Paglilingkod
Ang 1986 ay matatandaan bilang isang napakalaking pagbabago sa kasaysayan ng satelayt TV. Noong Enero 15, 1986, ginulo ng unang malaking channel na nagpapalabas ng pelikula ang mga signal nito sa elektronikong paraan. Naayos (decode) ito ng mga kompaniya ng cable TV na tagapaghatid-muli ng pelikula sa pamamagitan ng pakikipag-ayos, subalit ang mga may-ari ng antena sa bahay ay tumanggap lamang ng maalong mga linya sa kanilang iskrin ng telebisyon. Tapos na ang libreng paglilingkod. Noong 1987, 36 pang mga channel ang gumaya rin sa mga ito—pati na ang pangunahing mga channel ng pelikula at mga pagbabasa para sa mga bulag. Balintuna, isa lamang sa pornograpikong mga channel ang naging magulo ang signal.
Pagkaraang ang paggulo ng mga signal sa TV ay naging isang bahagi ng buhay, ang mga may-ari ng antena ay binigyan ng pagkakataon na bumili o umarkila ng mga makina na mag-aayos ng kanilang mga signal mula sa kalawakan. Ang pinakapopular na aparato ay kasinghalaga halos ng isang color TV at maaaring ayusin ang 15 sa 37 “madidilim” na channel. Ang disbentaha nito ay na ang aparato ay gumagana lamang habang binabayaran mo ang buwanang bayad sa bawat channel. Ang mga bayad na ito ay maaaring tumaas. Sa katunayan, kung nais ng isang may-ari ng antena na maayos ang lahat ng kaniyang channel, maaari itong magkahalaga sa kaniya ng babayarang $1,000 sa bawat taon! At hindi pa kasali rito ang pagbili o pag-arkila ng iba’t ibang kinakailangang mga descrambler (aparato na tagaayos ng mga signal sa TV). Inaasahan ng mga nagmamay-ari ng antena na ang kompetisyon at multichannel descrambling packages ay magpapababa sa mga presyo nito, subalit maliwanag, ang masasayang araw nito ay tapos na. Ang presyo ng satelayt TV ay tumataas—at ang mga mapagpipilian ay bumababa.
“Ako, katulad ng karamihan sa mga nagmamay-ari ng antena, ay hindi makagamit sa cable na TV,” sulat ng isang lalaki mula sa Louisiana. “Sana’y nagpakabit na lamang ako ng cable TV: kung gayo’y hindi ko na kailangan pang magbayad ng malaking halaga para sa aking satelayt na telebisyon! Ang mga gumagamit ng cable na telebisyon ay nagbabayad lamang ng maliit na deposito sa seguridad para sa kanilang converter upang tumanggap ng cable TV, at pagkatapos ay magbayad ng ekstra para sa karagdagang mga paglilingkod. Kailangan kong bumili ng isang satelayt na telebisyon at pagkatapos ay kakailanganin ko pang bumili ng isang descrambler na malamang ay maluma na pagkatanggap ko nito. Pagkatapos itatapon ko lang ito upang bumili na naman ng isang bagong descrambler.”
Sa katunayan, ang paggulo sa signal ng TV ay malamang na siyang pangunahing sanhi ng paghina ng benta ng mga sistema sa satelayt TV noong 1986. Bakit mo gugugulin ang lahat ng salaping iyon sa isang antena nang hindi mo nalalaman kung ano ang magiging halaga nito pagkalipas ng isang taon o kung ano ang maaari mong mapanood? Pinupuri ng mga tagagawa ng mga piyesa ng satelayt TV ang bagong binabayarang mga descrambler bilang isang uri ng kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng mga may-ari ng antena at ng mga tagaprograma o mga may-ari ng channel, subalit ang papuri ay pahapyaw lamang.
Ang totoo ay, ang itim-kahon na mga descrambler ay ginagawa na maaaring ilegal na lumampas sa buwanang bayad. Kaya, ang labas ng magasing STV noong Enero 1987, isang babasahin sa E.U. na para sa mga manonood ng satelayt TV, ay nagsasabi: “Kami [mga may-ari ng antena] ay maibababa sa kalagayan ng mga magnanakaw at mga pirata, mga katawagan na napakahirap alisin.”
Sulit ba Ito?
Marahil ikaw ay namumuhay sa isang rural na dako at hindi ka makakuha ng malinaw na palabas sa TV o sa serbisyo ng cable na telebisyon. Marahil ikaw ay agrabyado ng ipinalalagay mong walang kakuwenta-kuwentang mga programa na ipinalalabas sa TV at inaasam-asam mo ang isang mas malawak na mapagpipilian. Subalit bago ka bumili ng isang pantahanang sistema ng satelayt TV, baka naisin mong isaalang-alang muna ang natatagong halaga nito at ang walang katiyakang hinaharap nito.
Baka isinaalang-alang mo na ang mga bagay na ito. At maaaring handa kang gumugol ng mahigit isang libong dolyar sa isang antenang satelayt at nauugnay na mga kagamitan. Handa kang magbayad ng buwanang bayad para sa magulong mga channel na nais mong mapanood. Handa ka ring magtayo ng antena—karaniwan nang mula sa walo hanggang sampung piye (2.4 hanggang 3 m) sa diyametro—sa iyong bakuran. Nauunawaan mo pa, na anumang sistema ng satelayt ang bilhin mo, sa dakong huli ay kakailanganin nito ang serbisyo. Karagdagan pa, dapat na pakitunguhan mo ang pinsala mula sa hangin, yelo, at kidlat pa nga. Nauunawaan mo ang mga panganib ng imoral na mga pagpuprograma sa mga satelayt na telebisyon at kailangan mong bumili ng isang aparato na magsasara sa masasamang channel.
Gayunman, may isa pang mahalagang bagay na dapat isaalang-alang. Tanungin ang iyong sarili, ‘Talaga bang may panahon ako upang panoorin ang karagdagang mga programa, o nanakawin ba nito ang panahon para sa mas matalinong mga paghahangad, gaya ng pagbabasa ng nakapagpapatibay na literatura, pagkakaroon ng kapaki-pakinabang na mga kasanayan, at pagtulong sa mga taong nangangailangan?’
Dalawampu’t limang taon na ang nakalipas, si Robert M. Hutchins, isang kilalang edukadór ng E.U., ay nagsabi: “Sa aking buong buhay, ang linggo ng paggawa ay nabawasan ng sangkatlo at ang buhay sa paggawa ay pinaikli sa magkabilang dulo ng pagbabawal sa pagtatrabaho ng mga bata, ng pagpapahaba ng edukasyon, at ng mga paglalaan sa pagriretiro. Subalit ang malayang panahon ay nailipat, nang halos eksaktung-eksakto, sa set ng telebisyon. . . . Hindi natin masasabi na matalinong ginagamit natin ang malayang panahon na taglay natin ngayon.”
Noong 1963 nang isulat ni Mr. Hutchins ang mga salitang iyon, kasisimula pa lamang ng kauna-unahang sabay-sabay na komunikasyon sa pamamagitan ng satelayt, ang Syncom 2. Nang sumunod na taon, ang Syncom 3 ay naghatid sa unang pagkakataon mula sa isang geostationary orbit ng isang internasyonal na signal na TV. Ito ay mula sa panimulang mga seremonya ng Tokyo Olympics sa Estados Unidos. Ang mga satelayt na ito ang ninuno ng maraming napakamasalimuot na mga instrumento na kasalukuyang nasa geostationary orbits na 22,300 milya (35,900 km) sa itaas. Ang mga pagsulong sa teknolohiya mula noong 1963 ay kahanga-hanga, subalit ginagamit ba natin ang ating nalalabing panahon na mas matalino?
Ang ating mga TV ay mayroong mas maraming channel, subalit ginagamit ba natin ang mga ito—o sila ba ang gumagamit sa atin? Sino talaga ang sumusupil?
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
Kung Paano Umaandar ang Satelayt TV
Ang isang programa sa satelayt TV ay nagsisimula na kagaya ng anumang iba pang programa sa TV—sa isang istudyo ng telebisyon. Ang istudyong ito ay nasasangkapan ng isang malaking antena na makapaghahatid ng signal ng istudyo sa isang satelayt sa itaas. Ito ang kawing sa itaas (uplink).
Ang satelayt na tumatanggap ng signal ay nasa isang pantanging dako sa himpapawid na tinatawag na Clarke belt, mga 22,300 milya sa itaas ng ekwador. Marahil ay nalalaman mo na mientras mas malayo ang isang satelayt sa lupa, mas matagal itong makaikot sa orbit nito. Ang mga satelayt na ilang daang milya lamang sa himpapawid ay maaaring umikot sa lupa sa loob ng 90 minuto o mahigit pa, subalit ang isang satelayt na 22,300 milya ang layo sa lupa ay gumugugol ng 24 na oras upang makaikot sa lupa. Yamang ang lupa mismo ay umiikot tuwing 24 na oras, wari bang ang satelayt ay walang kilos na nakabitin sa kalawakan. Ang gayong orbit ay sinasabing geostationary, o sabay-sabay. Para bang ang satelayt ay nasa tuktok ng isang relay tower na 22,300 milya ang taas, kaya nga lamang ay walang tower.
Ang gawain ng satelayt ay ihatid ang signal ng TV pabalik sa lupa. Ang inihatid na signal (downlink) ay nasa mas mababang frequency at hindi gaanong malakas kaysa kawing sa itaas (uplink). Sa katunayan, karamihan ng mga satelayt ay naghahatid sa pamamagitan lamang ng 5 hanggang 12 watts na kuryente sa bawat channel—mababa nang kaunti sa ginagamit ng isang ordinaryong bumbilya. Gayunman ang mahinang signal na ito ay lumalaganap—sa karamihan ng mga kaso—sa buong kontinente ng Estados Unidos.
Paano napapansin ang gayon kahinang signal sa ibaba? Sa pamamagitan ng isang pantanging antena na tinatawag na parabolic na antena, idinisenyo upang ituon ang lahat ng mga signal na bumabagsak dito, itinutuon ang mga ito sa isang punto na gaya ng ginagawa ng isang lente sa mga sinag ng araw. Oo, ang aparatong ito ay isang pag-aangkop sa likuran ng bahay ng masalimuot na mga radio telescope na ginagamit ng mga siyentipiko upang suriin ang malalayong galaksi. Ang signal ay tinitipon ng isang maliit na aparato na tinatawag na feed horn. Mula rito ang signal ay pinalalaki pa, at ang frequency ay ibinababa upang ito ay maipadala sa mga kawad ng TV.
[Kahon sa pahina 22]
Isang Kronolohiya ng Satelayt TV
1945—Iminungkahi ng manunulat ng science fiction na si Arthur C. Clarke na isang satelayt na 22,300 milya sa ibabaw ng ekwador kung mamalasin mula sa lupa ay para bang walang kilos na nakabitin sa langit at magagamit upang maghatid ng mga signal na ibinobrodkas sa lupa.
1954—Ang mga inhinyero ng U.S. Navy ay nag-eksperimento sa tumatalbog na mga signal ng radyo sa buwan. Ang mga signal ng tinig ay sa dakong huli’y naihatid sa pagitan ng Washington, D. C., at Hawaii na pinadaraan sa buwan.
1955—Sinuri ng inhinyero ng E.U. na si J. R. Pierce ang maraming satellite relay system sa isang kilalang pahayagan na nagpapakita na ang pagkaliliit na mga broadcast power ay nagagamit para sa transoceanic na mga komunikasyon na ginagamit ang mga satelayt.
1960—Ang Echo, isang lobong pinahiran-ng-aluminyo na 100 piye (30 m) ang diyametro ay inilagay sa orbit at ginamit upang maghatid ng mga signal ng radyo.
1963—Ang Syncom 2 ay naging ang kauna-unahang satelayt sa komunikasyon na nagkaroon ng sabay-sabay na orbit sa ngayo’y tinatawag na Clarke belt, 22,300 milya sa itaas ng ekwador.
1964—Ang Syncom 3 ay naghatid ng kauna-unahang transpacific na signal ng TV mula sa kalawakan; 11 bansa ang sumang-ayon na magtatag ng isang pangglobong sistema ng komunikasyon—ang Intelsat.
1965—Inilunsad ang Intelsat 1, na mayroon lamang isang transponder, na may kakayahang maghatid ng isang channel ng TV o ng 240 mga usapan sa telepono karaka-raka; sinimulang ilunsad na Unyong Sobyet ang Molniya na serye ng mga satelayt nito, na hindi geostationary kundi may mga orbit na nagpapangyari sa kanila na maghatid ng mga signal sa mga rehiyon sa gawing hilaga ng U.S.S.R. na hindi tumatanggap ng mga signal mula sa mga satelayt na nasa orbit sa ibabaw ng ekwador.
1975—Nagsimula ang unang paglilingkod ng cable TV na inihatid sa pamamagitan ng satelayt.
1982—Lumitaw ang industriya ng pantahanang satelayt TV.