Namibia—Malawak, Ilang, Nakabibighani
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog-Kanlurang Aprika
“LEON! May leon sa kampo!”
Habang umaalingawngaw ang sigaw, tumingin ako sa bintana ng aming mobile home at nakita ko ang mga manggagawa na kumakaripas sa lahat ng direksiyon. Natataranta, tinawag ko ang aking pamilya, at maingat—napakaingat—na kami ay lumabas. Oo, naroon siya. Isang malaki, itim-buhok na leon ang lumalakad sa tabi ng bakod na pangkaligtasan—subalit sa maling panig! Gayunman, hindi nagtagal ay dumating ang mga game ranger o tagapangalaga ng maiilap na hayop at nasukol siya sa isang lugar kung saan bumutas sila ng isang butas sa bakod. Umalis na siya, marahil ay naginhawahan din siyang umalis na gaya namin na makita siyang umalis!
Kami ay nasa kampong pahingahan sa Namutoni sa Etosha National Park, isang malaking parke ng maiilap na hayop sa Namibia (Timog-Kanlurang Aprika). Subalit hindi ang pagnanais na busugin ang aming mga paningin sa kalikasan ang nagdala sa amin sa kung minsa’y magulong lugar na ito. Oo, ang mga tao ang siyang nakaakit sa amin dito.
Bagaman ang Namibia ay mahigit na tatlong ulit sa laki ng Pederal na Republika ng Alemanya, isa ito sa may pinakamababang populasyon sa daigdig—wala pang apat katao sa bawat milya kuwadrado. Gayunman, ito ay may maliliit na mga pulo na pinaninirahan dito at doon. Bilang mga Saksi ni Jehova, mayroon kaming masidhing pagnanasang marating ang mga nabubukod na lugar na ito taglay ang mensahe ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Sa loob ng maraming taon ang aking pamilya at ako ay nangaral sa mga taong Hindu at Muslim ng Natal, Timog Aprika. Ito ay mahigit isang libong milya ang layo, sa kabilang panig ng kontinente. Subalit nang ang aming bunsong anak na babae ay matapos ng high school, sinunggaban namin ang pagkakataon na maglingkod sa isang lupain kung saan may pangangailangan para sa higit pang mga tagapangaral ng Kaharian.
Sa gayon, nasumpungan namin ang aming mga sarili sa malawak at ilang na lupaing ito. Gayunman, hindi nagtagal ay nalaman namin na ang Namibia ay may kaniyang angking kagandahan. Aba, dito sa Etosha, halimbawa, makikita ng isa ang kahanga-hangang pagkasarisari ng maiilap na hayop: mga pangkat ng 12 o higit pang mga leon, ang mga langkay ng daan-daang libong mga flamingo, kawan-kawan ng 50 hanggang 100 wildebeest (gnu), at di-mabilang na mga zebra, mga springbok, at mga impala. Aba, sa isang balon ng tubig, nakita namin ang 3 “pamilya” ng mga elepante—mga nanay at anak—na may bilang na 51 lahat-lahat!
Tingnan mo! Sa itaas ng punong camel-thorn ay lumilitaw ang mahaba, magandang kumilos na leeg ng isang giraffe. Sa gawi roon ay gumuguhit ang isang cheetah sa parang, na hinahabol ang napiling biktima nito. Isang pagkalaki-laking torong kudu na may magandang paikid na sungay ay sumusungaw sa isang palumpungan na may malaki, malinaw na mga mata. Isang gemsbok, o oryx, na may tuwid, tulad-karayom na mga sungay, ay nakatayong gaya ng isang larawang insignia. Dito, rin, naninirahan ang kahanga-hangang eland, ang pinakamalaking antelope sa buong daigdig. Anong laki ng pagkakaiba niya sa kalapit na Damara dik-dik, na tumatayong parang isang munting laruan na mahigit lamang ng kaunti sa 12 pulgada (30 cm) ang taas! Mayroon pa nga sa Etosha ng pambihira subalit magandang itim-mukhang mga impala.
Likas na mga Kayamanan
Ang pangalang Namibia ay hinango mula sa Disyerto ng Namib, na sumasakop ng mga 800 milya (1,300 km) patungo sa kanlurang baybayin ng Aprika. Dito ang dating-malawak na mga bahay ng kompaniya, ngayo’y puno ng mga buhangin, ay nakatayo sa mga bayang walang naninirahan bilang mga alaala ng isang maikling-panahong pagtungo roon ng mga tao dahil sa brilyante. Maputing mga buto at sumadsad na mga bapor ang nakagayak sa mga baybayin nito. Mga burol o tagaytay ng buhangin—ang pinakamataas sa daigdig—ay nagbabagu-bagong anyo. Ang mga ito’y natupad na pangarap ng letratista.
Ang Namibia ay punô ng likas na mga kayamanan. Malalaking kantidad ng mga brilyante ay nakukuha pa rin sa ilalim ng mga buhangin sa baybayin. Malayo sa aplaya, sa isang bukid na tinatawag na Hoba, ay naroroon ang pinakamalaking bulalakaw na nakilala ng tao, mahigit 60 tonelada ng bakal at nikel. Ang Tsumeb ang kinaroroonan ng isang minahan kung saan mahigit 184 na iba’t ibang mga mineral ay naitala—ang ilan ay hindi masusumpungan sa iba pang dako sa lupa!
Sa timog, isang mabatong kapatagan ang biglang bumababa sa kamangha-manghang Fish River Canyon, ikalawa lamang sa laki sa Grand Canyon (E.U.A.). Dambuhalang mga batong kulay rosas ang umuusli sa pader ng canyon. Ang mga usling ito ng kulay rosas na quartz, at isang buong tuktok ng burol ay binubuo ng magandang kristal na ito. Sa gawing timog ng canyon ang kinaroroonan ng iba pang kayamanan, subalit ang rehiyon ay napakainit at tigang. “Ang mga bushmen at mga manggagalugad,” sabi ng Illustrated Guide to Southern Africa, “ang tanging mga tao na, hindi natatakot kahit na ng gayong masungit na mga kalagayan, ang naroroon sa dakong ito.”
Ang Namibia ay may iba’t ibang uring mga kayamanan, isa na rito ay ang “mga brilyanteng itim” nito, isang bansag sa tupang Karakul. Ang Karagatang Atlantiko ay nagbibigay rin ng maraming kayamanan. Pinilakang mga tamban at mga dilis ay nahuhuli at dinadala sa mga daungan sa pangingisda ng Walvis Bay. Ang mga uláng sa batuhan (crayfish o rock lobster) ay ginagawan ng paraan sa Lüderitz, at libu-libong libra nito ang iniluluwas taun-taon sa lahat ng dako ng daigdig. Sa kahabaan ng tabing-dagat ay mga “pulo” (mga platapormang kahoy) kung saan ang mga ibon sa dagat ay humahapon at ang mahalagang guano (dumi) ay tinitipon at ginagamit bilang abono.
Maraming iba pang likas na mga kababalaghan at mga kayamanan: nagtataasang mga hugis ng bato at magagandang mga batong-hiyas, gaya ng mga amatista, aguamarina, brilyante, turmalina, jaspe, at matang-tigre. Oo, ang mga ito at ang iba pang napakaraming mineral, gaya ng uranio at tanso, ay gumagawa sa Namibia na isang pagkalaki-laking tinggalan ng likas na mga kayamanan.
Espirituwal na mga Kayamanan
Mula nang maglingkod kami rito sa Namibia, ang aking pamilya ay hindi nanggalugad o nagmina ng mga mineral o mga batong hiyas. Subalit kami ay nakasumpong ng isang tunay na kayamanan sa mga tao rito. Kami ngayon ay naninirahan sa Tsumeb at bahagi ng isang maliit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na binubuo ng siyam na iba’t ibang mga nasyonalidad. Walong mga wika ang sinasalita sa gitna namin. Anong laking kagalakan na maglingkod na kasama ng grupong ito!
Mangyari pa, ang pangangaral sa gayong lupain ay naghaharap ng mga problema. Kapag gumagawa sa bahay-bahay—o kubo sa kubo—karaniwang dinadala namin ang mga literatura sa Bibliya sa iba’t ibang wika: Ingles, Afrikaans, Kwanyama, Nama, Ndonga, Aleman, Herero, Portuges, at Kwangali. Hindi iyan magaang na pasan, lalo na kung ang temperatura ay mga 100 digris Fahrenheit (38° C.)! At halos hindi maiiwasan, ang isa ay magtatanong: “Wala ba kayong anumang babasahin sa wikang Chimbundu?”
Isa lamang itong maliit na kaabalahan. Ang Namibia ay lubhang nababaha-bahagi sa pulitika, at gaya ng lahat ng iba pa sa daigdig, ang mga mamamayan nito ay nababahala tungkol sa hinaharap. Ang madala sa gayong mga tao ang mensahe ng Bibliya ng pag-asa at kaaliwan ay tunay na kasiya-siya. Para na rin kaming tagarito sa malawak, ilang, subalit nakabibighaning lupaing ito.
[Larawan sa Pahina 17]
Ang mga halamang ito, na tumutubo lamang sa Namibia, ay maaaring mabuhay ng 2,000 taon.
Welwitschia mirabilis
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga seal ay dumarami sa baybaying Atlantiko ng Namibia