Pagmamasid sa Daigdig
Mga Pusong Nalulumbay
Ang paghahanap ng isang kasintahang babae sa Hapón ay pahirap nang pahirap. Ang dahilan? Mas maraming binata kaysa mga dalaga. Isa pa, ang “napalayang” mga dalaga ay hindi nagmamadaling mag-asawa, ni nananabik man kaya silang umangkop sa tradisyonal na mga pamantayan kapag sila’y nag-asawa. Ang mga lalaki sa lalawigan ang lubhang nagkakaproblema. Hindi makasumpong ng mga Haponesang handang magtrabahong kasama nila, natuklasan kamakailan ng mga anak na lalaki ng mga magsasaka na ang mga babae mula sa ibang mga bansa sa Asia ay nagiging kaaya-ayang mga kabiyak. Gayunman, ang mga lalaki sa siyudad ay gumagamit ng kakaibang paraan upang mapasagot ang mga babae. Sang-ayon sa Asahi Evening News, ang pusturyosong mga binata ay gumugugol ng katamtamang isang daang dolyar (14,200 yen) isang buwan sa personal na mga kosmetik upang pahangain ang kanilang mga kaibigang babae. Gayunman, ang gayong mga pagsisikap ay hindi laging nagtatagumpay. Isang 22-anyos na estudyante sa Tokyo ay nagreklamo tungkol sa pagkainis na nadarama niya at ng kaniyang mga kaibigan kapag sila “ay naghihintay . . . sa mga lalaki, habang ang mga ito ay naglalagay ng mga bagay na gaya ng pampahid sa mukha, mga losyon at pampatigas sa buhok na gaya ng gel.”
Rekord ng mga Pagpapatiwakal
Dalawang ulit na mas maraming tao ang namamatay taun-taon sa Finland sa pamamagitan ng pagpapatiwakal kaysa mga aksidente sa trapiko. Sang-ayon sa pinakahuling makukuhang estadistika, ang 1984 ay napatunayang isang taon na may pinakamaraming pagpapatiwakal, na may kabuuang 1,231 katao na nagpakamatay. Sa bilang na iyan, mga 80 porsiyento ay lalaki. Mas grabe pa nga ang pagdami ng mga kabataang nagpapakamatay. Halos 45 porsiyento ng lahat ng mga kamatayan niyaong ang edad ay nasa pagitan ng 20 at 24 ay nasumpungang mga pagpapatiwakal. Isang sampung-taóng-gulang ang iniulat na pinakabatang biktima ng pagpapatiwakal sa Finland noong 1984.
Ibinunyag na Huwad ang mga Manghuhula
Ang mga astrologo na nag-aanking maaari nilang suriin ang pagkatao ng isa at hulaan ang landasin ng buhay ng isang tao sa pamamagitan lamang ng pagbasa sa mga bituin ay nililinlang ang publiko at ang kanilang mga sarili, sabi ni Shawn Carlson, isang mananaliksik sa Lawrence Berkeley Laboratory ng University of California. Sa isang maingat at kontroladong pag-aaral, na espisipikong idinisenyo upang subukin kung ano ang sinasabi ng mga astrologo na magagawa nila, nasumpugan ng siyentipiko na ang mga astrologo ay walang pambihirang kakayahan na bigyang-kahulugan ang pagkatao o personalidad mula lamang sa astrolohikal na mga pagbasa. “Mas malamang na kapag sila’y nauupong harapan sa isang kliyente, nababasa ng mga astrologo ang mga pangangailangan, pag-asa at mga pag-aalinlangan ng mga kliyente mula sa kilos ng kanilang katawan,” sabi ni Carlson.
Modernong Pandaraya
Ang pandaraya sa mga eksamen ay hindi bago, subalit ang modernong pandaraya ay posible na ngayon dahil sa isang bagong relo na may kakayahang mag-imbak sa memorya nito ng hanggang 500 salita. Sang-ayon sa pahayagang The Australian, isang guro ang nagsabi: “Ang relo ay maaaring maging isang problema. Kung ang mga guro ay walang kamalayan sa pag-iral nito o kung ang mga tagapangasiwa sa eksamen ay maluwag ay tiyak na ikukompromiso nito ang isang eksamen.” Ang mga relong yari-sa-Hapón ay mabibili sa halagang $230 (Australian) at idinisenyo upang tulungan ang mga taong abala na matandaan ang mahalagang mga tipanan o usapan, at iba pa. Ano ang palagay dito ng mga estudyante? Sabi ng isang 16-anyos: “Magaling sana kung hindi ito nalalaman ng mga guro.”
Nakatatakot na mga Estadistika
Mga 350,000 Amerikano ang mamamatay sa taóng ito dahilan sa paninigarilyo, sabi ng American Lung Association—mahigit pa sa pinagsamang bilang ng mga kamatayan dahil sa mga aksidente sa trapiko, pagpapatiwakal, omisidyo, alkohol, at ipinagbabawal na droga. Sang-ayon sa isang ulat sa New York Post, ang mga sigarilyo ang sanhi ng 17.2 porsiyento ng mga kamatayan sa Estados Unidos taun-taon, “mahigit sa pinagsamang mga kamatayan sa digmaan noong Digmaang Pandaigdig II at sa Vietnam.” Ang halaga ay mataas din: $23.3 bilyon sa isang taon para sa medikal na paggagamot at halos $30.4 bilyon isang taon sa nawalang trabaho at produksiyon. Ipinakikita ng report na 31 porsiyento ng mga mamamayang may sapat na gulang ay naninigarilyo.
Pagtahi sa Pamamagitan ng Magnet
Naisagawa na ng mga seruhanong Sobyet ang mahigit isang daang mga operasyon na gumagamit ng mga magnet sa halip ng mga pagtahi, ulat ng magasing Sputnik. Ang mga bituka ay ikinabit sa paggamit ng “dalawang manipis na magnetikong anilyo (ring) na may diyametrong kasukat niyaong tubo ng bituka.” Ang isa ay ipinapasok sa bawat isa ng magkahiwalay na dulo. “Maingat na ‘idinidikit’ ng mga magnet ang mga bituka, na nag-aanyo ng isang pansara na mas mabilis na gumagaling kaysa yaong tinahi,” sabi ng Sputnik. Ang bagong pamamaraan ay inisip upang bawasan ang mga komplikasyon pagkatapos ng operasyon na dala ng mga tahi na hindi nagsasarang mabuti at karagdagang mga pinsala sa himaymay na gawa ng karayom. Ang magnetikong mga anilyo ay iniiwan sa loob at sinasabing hindi nagdadala ng bara o pinsala.
Karaniwang Dahilan ng Kanser
Pagkatapos repasuhin ang mga tuklas na inilahad noong ika-14 na Internasyonal na Kongreso Tungkol sa Kanser sa Budapest, Hungary, noong nakaraang taon, ganito ang sabi ng manunulat sa siyensiya ng magasing Voice na si Laszlo Dosa: “Ang iisang karaniwang dahilan sa pangglobong larawan ng kanser ay ang hindi maikakailang bagay na ang tabako ang pinakamaiiwasang sanhi ng kanser saanman.” Sang-ayon sa World Health Organization, ang paninigailyo ang sanhi ng 90 porsiyento ng lahat ng kanser sa bagà. Karagdagan pa rito, halos kalahati ng lahat ng mga may kanser sa bato ay mga malakas manigarilyo sa loob ng mahabang panahon. Ang pamahalaan ng Ehipto, sabi ng Voice, ay hinihimok ngayon ang mga lider ng relihiyon, mga doktor, mga guro, at mga kawani ng sandatahang hukbo na itigil ang paninigarilyo at sa gayo’y “magbigay ng halimbawa sa iba pang mamamayan.” Gayunding mga pagsisikap upang sugpuin ang paninigarilyo ang isinasagawa sa iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan. Ang mga tao ba ay tumutugon? Ipinakikita ng mga report na ang kunsumo sa sigarilyo ay dumami!
Walang Tirahan sa Lahat ng Dako
Bawat ikaapat na tao sa daigdig ay alin sa walang tirahan o nabubuhay sa ilalim ng “aba at maruming mga kalagayan.” Isiniwalat ng isang imbestigasyon ng United Nations na hindi kukulanging 100 milyon katao ang natutulog sa mga lansangan, sa ilalim ng mga tulay, sa mga tarangkahan, o sa abandonado nang mga tirahan. Beinte porsiyento ng gayong mga tao ay mga adolesente sa Latin Amerika. Sa mga lunsod sa Aprika, hanggang 80 porsiyento ng lahat ng mga mamamayan ay nakatira sa mga slum. Ang Estados Unidos ay mayroong 2.5 milyong mga taong walang tirahan, at sa Gran Britaniya ang bilang ay mga 250,000.
Mga Taong Maninira ng Computer
“Isang bagong lahi ng mga taong maninira, na nagtatrabaho sa loob ng isang malawak na network ng computer ‘bulletin boards,’ ay bumabalangkas ng masalimuot na mga programa sa computer na bumubura at gumugulo sa mga salansan ng computer ng hindi naghihinalang mga gumagamit ng computer,” sabi ng The New York Times. “Sa palagay ko ang mga taong nag-iisip ng mga bagay na ito ay nasisiyahan sa pagsira sa gawa ng ibang tao,” sabi ng konsultant sa computer na si Ross M. Greenberg. Ang ilan sa mga programa ay napakasalimuot anupa’t ang mga ito ay maaaring umandar o gumana sa lehitimong mga programa sa loob ng mga ilang buwan, pagkatapos ay biglang gagawin ang kanilang panirang gawa.
Masyadong Paglalarawan
Pinahintulutan ni Brandon Brooks, isang TV anchorman, (tagapamagitan sa isang panayam) ang pulisya na gamitin ang kaniyang tahanan upang makita ng mga manonood ng TV ang mga aparato laban sa panloloob na maaaring bumigo sa mga magnanakaw. Nang sumunod na linggo, samantalang namamagitan sa kaniyang pagbabalita sa gabi, pinasok ng mga magnanakaw ang kaniyang tahanan at tinangay ang maraming bagay, pati na ang mga muwebles, TV, at video tape rekorder. Ang mga imbestigador ay naniniwala na ginamit ng mga magnanakaw ang palabas sa telebisyon upang gawan ng mapa ang kaniyang tahanan at iwasan ang lahat ng mga aparato.
Hindi Primera Klase
Ang primera klaseng kape bang iyan na mula sa Columbia na binayaran mo ng halos $10 isang libra ay nakatutugon sa iyong inaasahang lasa? Kung hindi, maaaring ikaw ay biktima ng labis-labis na pagpipresyo. Sa isang surbey sa Canada, walang pili na sinubok ang kalidad ng 85 mga sapol ng primera klaseng kape sa pitong iba’t ibang lunsod. Marami sa mga sampol na sinubok ay nabibili sa matataas na halaga bagaman ang mga ito ay nasumpungang naglalaman ng mababang-klaseng bunga ng kape (coffee beans) o hinaluan nito. Sinamantala ng ibang mga tagapamahagi ang bagay na ang karaniwang mga mamimili ay hindi nakakakilala na ang “primera klaseng kape ay dapat na pare-pareho ang laki, hugis, at kulay,” sabi ng The Globe and Mail, at “bawat bunga ng kape ay dapat na magkakapareho.” Sinasabi ng mga magtitingi na ang tagtuyot sa Brazil noong nakaraang taon ang isang dahilan ng pagtatambak ng mababang klaseng kape sa mga sisidlang may tatak na “Gourmet” (primera klase).