Ang Kasamaan at Paghihirap—Paano Magwawakas ang mga Ito?
ANG mapapait na mga karanasan ay karaniwang nagpapasama ng loob. Gayunman, kumusta naman kung may lehitimong dahilan sa paghihirap ng tao? Taglay iyan sa isipan, ipagpatuloy natin ang ulat tungkol kay Job. Pagkatapos ng tatlong ikot ng mapapait na debate, isang kabataang lalaki na nagngangalang Elihu ang nagsalita. Sabi niya kay Job: “Sinasabi mo, ‘Ang aking katuwiran ay higit kaysa Diyos.’” Oo, si Job ay naging palaisip-sa-sarili at binibigyang-matuwid ang sarili. “Narito!” sabi ni Elihu. “Ako’y sasagot sa iyo, dito’y hindi ka matuwid; sapagkat ang Diyos ay dakila kaysa tao.”—Job 35:2; 33:8-12.
Ang Diyos ay nag-iwan ng saganang katibayan na siya ay mabuti. (Gawa 14:17; Roma 1:20) Kaya ang pag-iral ba ng kasamaan ay may anumang dahilan upang hamunin ang kabutihan ng Diyos? Si Elihu ay sumasagot: “Malayo nawa sa tunay na Diyos na siya’y kumilos nang may kasamaan, at sa Makapangyarihan-sa-lahat na siya’y kumilos nang walang katarungan!”—Job 34:10.
Ang Diyos—Walang Magawa Laban sa Kasamaan?
Kung gayon, maaari kayang ang Diyos ay basta walang sapat na lakas upang mamagitan alang-alang kay Job o sa sinuman? Sa kabaligtaran! Mula sa nakatatakot na ipu-ipo, ang Diyos ngayon ay nagsalita para sa kaniyang sarili, makapangyarihang pinatutunayan ang kaniyang pagiging makapangyarihan-sa-lahat. “Saan ka naroon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa?” tanong niya kay Job. Aba, malayo sa pagiging limitado, siya’y bumabanggit sa kaniyang sarili bilang ang Isa na sumusupil sa mga dagat at namamahala sa mga langit at sa mga nabubuhay na nilikha nito.—Job 38:4, 8-10, 33; 39:9; 40:15; 41:1.
Totoo, hindi ipinaliwanag ng Diyos kay Job kung bakit ipinahintulot niya na siya ay magdusa. Subalit “magmamatapang ba siya na makipagtalo sa Makapangyarihan-sa-lahat?” tanong ng Diyos. “Tunay, iyo bang wawaling-kabuluhan ang aking kahatulan? Iyo bang hahatulan akong balakyot upang ikaw ay ariing matuwid?” (Job 40:2, 8) Anong kapangahasan nga, kung gayon, na sisihin ang Diyos sa mga kahirapan sa daigdig o mag-imbento ng pilosopikal na mga pagtatanggol para sa kaniya! Gaya ng napakikilos na gawin ni Job ngayon, makabubuting “bawiin” ng gayong mga tao ang kanilang nagkakasalungatang mga teoriya.—Job 42:6.
Mga Usapin o Isyu na Dapat Lutasin
Hindi batid ni Job na ang kaniyang mga paghihirap ay nagsasangkot ng maraming malaking usapin o isyu na ibinangon sandaling panahon pagkatapos lalangin ang tao. Nang panahong iyon isang mapaghimagsik na nilikha na tinatawag na Satanas (“Mananalansang”) ang umakay sa tao sa kasalanan. Ipinag-utos ng Diyos kay Adan at kay Eva na huwag kumain mula sa “punungkahoy ng pagkilala ng mabuti at masama.” Dapat nilang igalang ang karapatan ng Diyos na magpasiya kung ano ang mabuti o masama para sa kanila. Gayunman, ang Mananalansang ay naglagay ng mga pag-aalinlangan sa isipan ni Eva, na nagsasabi: “Talaga nga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng bawat puno sa halamanan?” Pagkatapos ay sinalungat niya ang Diyos: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo niyaon madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang Diyos.”—Genesis 2:17; 3:1-5.
Ang mga salita ni Satanas na mapanirang-puri ay nagbangon ng malaking isyu: Ang Diyos ba ay nagsisinungaling nang kaniyang ipasiya ang kamatayan para sa pagkain ng ipinagbabawal na bungangkahoy? Gayon pa man, anong karapatan mayroon siya upang pagkaitan ang kaniyang mga nilikha ng pagsasarili at igiit ang kaniyang mga pamantayan sa kanila? Hindi ba siya isang masakin na Diyos, na ipinagkakait kung ano ang mabuti sa kaniyang mga nilikha? Maaari kayang ang pagsasarili ng tao mula sa Diyos ay kanais-nais?
Ang pagpatay sa mga rebelde ay magbabangon lamang ng higit pang mga problema. Tanging sa pagpapahintulot lamang sa pagsasarili ng tao mula sa Diyos sa loob ng sapat na panahon na ito ay maaaring patunayan—minsan magpakailanman—na ang alok ni Satanas na pagsasarili ay isang paanyaya sa kapahamakan. Oo, “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo, hindi sa kapangyarihan ng Diyos. (1 Juan 5:19) Ang sakit, kawalang katarungan, pagkaalipin sa kabuhayan, mga sama ng loob—lahat ng ito ay bunga ng pagpili ng tao na magsarili mula sa Diyos at pagpapasailalim sa pamamahala ni Satanas! At sa kabila ng anumang teknolohikal na pag-unlad, ang mga kalagayan sa daigdig ay patuloy na lumulubha—kadalasa’y dahilan sa modernong teknolohiya.
Ang pagpapahintulot ng Diyos sa lahat ng di-mailarawang paghihirap na ito, gayunman, ay hindi gumagawa sa kaniya na di-matuwid. Sa kabaligtaran, ang kasamaan ng tao ay ‘nagpatingkad sa katuwiran ng Diyos.’ (Roma 3:5) Paano?
Ang Paghihirap ay Aalisin—Magpakailanman!
“Ang sangnilalang ay sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit hanggang ngayon,” sabi ni apostol Pablo. (Roma 8:22) Oo, ang 6,000 kapaha-pahamak na mga taon ng pagsasarili ng tao ay nagpatunay na ang mga salita ng Jeremias 10:23 ay totoo: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Gayunman, hindi na magtatagal matuwid na makikialam ang Diyos at sisimulan niyang pamahalaan ang pamumuhay ng sangkatauhan.
Sapagkat ang kapaha-pahamak na mga resulta ng pagsasarili ng tao ay lubusang nailantad, maaari na ngayong alisin ng Diyos ang lahat ng bagay na nagdulot ng paghihirap: mga digmaan, sakit, krimen, karahasan—pati na ang kamatayan mismo! (Awit 46:8, 9; Isaias 35:5, 6; Awit 37:10, 11; Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:26) Ito’y gaya ng narinig ni apostol Juan sa isang makalangit na pangitain: “Papahirin . . . ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Kawili-wili, winakasan ng Diyos ang paghihirap ni Job sa pamamagitan ng pagsasauli ng kaniyang kalusugan at kayamanan at sa pagpapala sa kaniya ng isang malaking pamilya. (Job 42:10-17) Sa gayunding paraan, ang Bibliya ay nangangako sa atin: “Ang mga paghihirap sa kasalukuyan ay walang anuman kung ihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin . . . Ang sangnilalang mismo ay palalayain din mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:18, 21) Sa gayon ang kabalakyutan ay talagang mabubura sa ating mga alaala!—Ihambing ang Isaias 65:17.
Pamumuhay na Kasama ng Kasamaan
Hanggang sa dumating ang kalayaang iyon, dapat nating pagtiisan ang pamumuhay sa isang balakyot na daigdig, hindi inaasahan na iingatan tayo ng Diyos mula sa personal na kapahamakan. Si Satanas na Diyablo ay nagbangon ng huwad na pag-asa nang hikayatin niya si Jesu-Kristo na tumalon sa templo, pinipilipit ang teksto sa Bibliya sa Awit 91:10-12, na nagsasabi: “Walang kapahamakan na darating sa iyo . . . Sapagkat siya’y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka.” Gayunman, tinanggihan ni Jesus ang anumang palagay na pagtanggap ng makahimalang pisikal na proteksiyon. (Mateo 4:5-7) Ang Diyos ay nangangakong babantayan lamang ang ating espirituwal na kapakanan.
Ang tunay na mga Kristiyano samakatuwid ay hindi “nagagalit laban kay Jehova,” kahit na kapag humampas ang malungkot na kapahamakan. (Kawikaan 19:3) Sapagkat ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating” din sa mga Kristiyano. (Eclesiastes 9:11) Gayunman, tayo ay mayroong pag-asa. Taglay natin ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang matuwid na bagong sanlibutan, kung saan ang kasamaan ay hindi na iiral pa. Sa tuwina’y maaari tayong lumapit kay Jehova sa panalangin, sapagkat siya’y nangangakong pagkakalooban tayo ng kakailanganing karunungan upang mapagtiisan ang anumang pagsubok! (Santiago 1:5) Tinatamasa rin natin ang pagtangkilik ng kapuwa mga Kristiyano. (1 Juan 3:17, 18) At taglay natin ang kaalaman na ang ating katapatan sa ilalim ng pagsubok ay nagpapagalak sa puso ni Jehova!—Kawikaan 27:11.
Gayunman, ang pagtitiis ng kasamaan ay hindi madali. Kaya, kapag inaaliw ang isa na dumaranas ng paghihirap, makabubuting ‘makiiyak sa mga taong nagsisiiyak’—at magbigay ng praktikal na tulong. (Roma 12:15) Si Ana, na nabanggit sa simula, sa gayon ay natulungan na makabawi sa malaking kapahamakan. Siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova at nasumpungan niya na ang kaniyang kapuwa mga Kristiyano ay handang tumulong, binigyan siya ng pansamantalang tirahan. Bagaman siya paminsan-minsan ay nakadarama ng panlulumo, nakakasumpong siya ng kanlungan sa pag-asa ng Bibliya. “Alam kong ang aking mga anak ay babalik sa pagkabuhay-muli,” sabi ni Ana. Ang kaniyang pananampalataya sa kabutihan ng Diyos ay higit na malakas kaysa kailanman.
Kung ikaw ay dumaranas ng paghihirap, hilingin ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka sa iyong mga katanungan at mga pag-aalinlangan. Mula sa kanila maaari mo ring makuha ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na mayroong nakatutulong na mga kabanatang “Bakit kaya Pinayagan ng Diyos ang Masama?” at “Nasasangkot Kayo sa Isang Mahalagang Usapin.” Totoo, sa ngayon nangyayari sa mabubuting tao ang masasamang bagay, subalit sa malapit na hinaharap ang lahat ng iyan ay magbabago. Alamin pa ang higit na detalye para sa iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Mga larawan sa pahina 9]
Sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, ang masama ay magiging lipás na alaala na lamang