Ang Sikolohikal na Pinagmumulan
“NAGAWA ko na ang lahat ng pagsubok, at wala akong makitang karamdaman,” sabi ng mabait na doktor kay Elizabeth. “May palagay akong ikaw ay lubhang nanlulumo at may dahilan ang iyong panlulumo.”
Si Elizabeth, na nag-aakalang ang kaniyang problema ay isang pisikal na karamdaman, ay nag-iisip ngayon kung tama kaya ang kaniyang doktor. Pinag-isipan niya ang kaniyang pang-araw-araw na pagpupunyagi sa nakalipas na mga ilang taon sa kaniyang magulo, at kadalasa’y hindi masupil, na anim-na-taóng-gulang na anak na lalaki, na nang dakong huli ay narikonosi na ang sakit ay dahilan sa hindi gaanong napag-uukulan ng pansin. “Ang araw-araw na kaigtingan at pagkabalisa na hindi humihinto ay lubhang nakaapekto sa aking mga damdamin,” sabi ni Elizabeth. “Narating ko ang punto kung saan ako ay nakadama ng kawalang pag-asa at nais kong magpakamatay.”
Maraming nanlulumo, gaya ni Elizabeth, ang napaharap sa napakaraming emosyonal na pagpapahirap. Sa katunayan, nasumpungan ng mga mananaliksik na Britano na sina George Brown at Tirril Harris ang isang mahalagang pag-aaral na ang mga babaing nanlulumo ay napahanay sa “malubhang mga suliranin,” gaya ng hindi mabuting pabahay o mahirap na kaugnayang pampamilya, na mahigit tatlong ulit na mas marami kaysa mga babaing hindi nanlulumo. Ang mga suliraning ito ang sanhi ng “marami at kadalasang walang tigil na hapis” sa loob ng di kukulanging dalawang taon. Ang matinding mga karanasan sa buhay, gaya ng pagkamatay ng isang malapit na kamag-anak o kaibigan, isang grabeng karamdaman o aksidente, nakasisindak na masamang balita, o kawalan ng trabaho, ay apat na beses na mas karaniwan sa gitna ng mga babaing nanlulumo!
Gayunman, nasumpungan nina Brown at Harris na ang kasawiang-palad sa ganang sarili ay hindi nagdudulot ng panlulumo. Malaki ang nakasalalay sa mental na pagtugon at emosyonal na kahinaan ng indibiduwal.
“Ang Lahat ng Bagay ay Waring Walang Pag-asa”
Halimbawa, napilipit ni Sarah, isang masipag na asawa at ina ng tatlong mga bata, ang kaniyang likod sa isang aksidente na nauugnay sa trabaho. Sinabi ng kaniyang doktor na kailangan niyang putulin ang marami sa kaniyang pisikal na gawain dahilan sa isang gulugod na nasira. “Para bang ang aking buong daigdig ay nagwakas. Sa tuwina’y isa akong aktibo, atletikong tao na naglalaro na kasama ng aking mga anak. Pinag-isipan ko ang kawalang ito at ipinalagay ko na hindi na bubuti ang mga bagay. Hindi nagtagal ay naiwala ko ang lahat ng kagalakan ng buhay. Ang lahat ng bagay ay waring walang pag-asa,” sabi ni Sarah.
Ang kaniyang reaksiyon sa aksidente ay humantong sa mga kaisipan tungkol sa kawalan ng pag-asa may kaugnayan sa kaniyang buhay sa kabuuan, at ito’y nagbunga ng panlulumo. Gaya ng binabanggit nina Brown at Harris, sa kanilang aklat na Social Origins of Depression: “Ito [ang nakapupukaw na insidente, gaya niyaong aksidente ni Sarah] ay pangkalahatang maaaring umakay sa mga kaisipan tungkol sa kawalan ng pag-asa sa buhay. Ang gayong paglalahat ng kawalang pag-asa ang inaakala naming nagiging pinaka-ubod o ugat ng isang panlulumo.”
Subalit ano ang nagpapangyari sa maraming tao na ipalagay na hindi nila kayang ayusin ang pinsala ng isang masakit na kawalan, na nagpapangyari sa kanila na mahulog sa malubhang panlulumo? Halimbawa, bakit mahina ang kalooban ni Sarah sa gayong negatibong kaisipan?
‘Ako’y Walang Halaga’
“Sa tuwina’y wala kong tiwala sa aking sarili,” paliwanag ni Sarah. “Ang pagpapahalaga ko sa sarili ay napakababa, at inaakala ko na hindi ako karapat-dapat sa anumang atensiyon.” Ang masakit na mga damdamin na nauugnay sa kakulangan ng pagpapahalaga-sa-sarili ng isa ay kadalasang isang mahalagang salik. “Dahilan sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa,” sabi ng Kawikaan 15:13. Kinikilala ng Bibliya na ang nanlulumong diwa ay maaaring maging resulta, hindi ng panlabas na mga panggigipit lamang, kundi ng panloob na mga pag-aagam-agam. Ngunit ano ang sanhi ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili?
Ang ilan sa mga huwaran natin sa pag-iisip ay nahuhubog ng paraan ng pagpapalaki sa atin. “Bilang isang bata, hindi ako kailanman pinuri ng aking mga magulang,” sabi ni Sarah. “Wala akong matandaang tinanggap na papuri kundi noong mag-asawa ako. Kaya naman, hinanap ko ang pagsang-ayon mula sa iba. Takot na takot ako sa di pagsang-ayon ng mga tao.”
Ang matinding pangangailangan ni Sarah ng pagsang-ayon ay isang karaniwang elemento sa marami na nagkaroon ng matinding panlulumo. Ipinakikita ng pananaliksik na ang gayong mga tao ay nagsisikap na palakihin ang kanilang pagpapahalaga-sa-sarili sa pamamagitan ng pag-ibig at pagsang-ayon na tinatanggap nila sa iba, sa halip na sa kanila mismong mga nagawa. Maaaring tayahin nila ang kanila mismong halaga sa lawak na sila ay naiibigan o mahalaga sa iba. “Ang kawalan ng gayong suporta,” ulat ng isang pangkat ng mga mananaliksik, “ay hahantong sa pagbaba ng pagpapahalaga-sa-sarili at malaki ang nagagawa nito sa pagkakaroon ng panlulumo.”
Perpeksiyunismo
Ang labis-labis na pagkabahala sa pagkakamit ng pagsang-ayon ng iba ay kadalasang ipinahahayag sa isang pambihirang paraan. Ganito ang sabi ni Sarah: “Sinikap kong gawin ang lahat ng bagay nang wasto upang makuha ko ang pagsang-ayon na hindi ko natamo bilang isang bata. Sa aking sekular na trabaho, ginawa ko ang lahat ng bagay nang wasto. Kailangang magkaroon ako ng ‘sakdal’ na pamilya. Taglay ko ang larawang ito na kailangang pamuhayan ko.” Nang maaksidente siya, gayunman, ang lahat ay waring wala nang pag-asa. Sabi pa niya: “Naniniwala ako na pinatatakbo ko ang pamilya at ikinatatakot ko na kung hindi ako kikilos, mabibigo sila at pagkatapos ay sasabihin ng mga tao, ‘Hindi siya mabuting ina at asawa.’”
Ang pag-iisip ni Sarah ay umakay sa malubhang panlulumo. Ang pananaliksik tungkol sa mga personalidad ng mga taong nanlulumo ay nagpapakita na ang kaniyang kaso ay hindi pambihira. Si Margaret, na dumanas din ng malubhang panlulumo, ay nagsabi: “Nag-aalala ako sa kung ano ang palagay sa akin ng iba. Isa akong perpeksiyunista, laging inaabangan ang orasan, madaling mabalisa.” Ang paglalagay ng hindi makatotohanang matataas na tunguhin o pagiging labis-labis na maingat, gayunma’y hindi nakakaabot sa mga inaasahan, ay siyang ugat ng maraming panlulumo. Ang Eclesiastes 7:16 ay nagbababala: “Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni huwag ka mang lubhang magpakapantas. Bakit sisirain mo ang iyong sarili?” Ang sikapin mong ipakita sa iba ang iyong sarili na halos “sakdal” ay maaaring humantong sa emosyonal at pisikal na pagkasira. Ang mga kabiguan ay maaari ring humantong sa isang mapangwasak na uri ng pagsisi-sa-sarili.
“Wala Akong Magawang Tama”
Ang pagsisi-sa-sarili ay maaaring maging isang positibong reaksiyon. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring manakawan dahil sa paglalakad nang mag-isa sa isang mapanganib na lugar. Maaaring sisihin niya ang kaniyang sarili sa paglagay niya sa kaniyang sarili sa gayong kalagayan, nagtitikang magbabago at sa gayo’y iwasan ang kahawig na problema sa dakong huli. Subalit ang isang tao ay maaari pang magpakalabis at sisihin ang kaniyang sarili sa kung anong uri siya ng tao sa pagsasabing: ‘Wala kasi akong ingat na tao na lagi na lang nasasangkot sa gulo.’ Pinipintasan ng uring ito ng pagsisi-sa-sarili ang katangian ng isa at pinaliliit ang pagpapahalaga-sa-sarili.
Isang halimbawa ng gayong mapangwasak na pagsisi-sa-sarili ay nangyari sa 32-anyos na si Maria. Sa loob ng anim na buwan ay kinimkim niya ang hinanakit sa kaniyang nakatatandang kapatid na babae dahilan sa isang di pagkakaunawaan. Isang gabi pinagwikaan niya sa telepono ng masasakit na salita ang kaniyang kapatid. Nang malaman ang ginawa ni Maria, siya ay tinawagan at mahigpit na kinagalitan ng kanilang ina.
“Nagalit ako sa aking ina, pero higit akong nainis sa aking sarili, sapagkat nalaman ko kung gaanong lubhang nasaktan ko ang aking kapatid,” sabi ni Maria. Hindi nagtagal ay sinigawan niya ang kaniyang siyam-na-taóng-gulang na anak na lalaki, na nagloloko. Ang bata, na lubhang nabalisa, ay nagsabi sa kaniya nang dakong huli: “Inay, para bang nais mo akong patayin!”
Nanlupaypay si Maria. Sabi niya: “Para bang isa akong nakatatakot na tao. Naisip ko, ‘Wala akong magawang tama!’ Iyan ang lagi kong naiisip. Pagkatapos nagsimula na nga ang matinding panlulumo.” Ang kaniyang pagsisi-sa-sarili ay napatunayang mapangwasak.
Ang lahat bang ito ay nangangahulugan na ang lahat na may malubhang panlulumo ay may mababang pagpapahalaga-sa-sarili? Mangyari pa’y hindi. Ang mga sanhi ay masalimuot at sarisari. Kahit na kung ang resulta ay ang sinasabi ng Bibliya na ‘kapanglawan ng puso,’ maraming emosyon ang nagpangyari nito, pati na ang di malutas na galit, hinanakit, pagkadama ng kasalanan—tunay man o pinalabis—at ang di malutas na alitan sa iba. (Kawikaan 15:13) Ang lahat ng ito ay maaaring humantong sa isang bagbag na espiritu, o panlulumo.
Nang matalos ni Sarah na ang kaniyang pag-iisip ang ugat ng marami sa kaniyang panlulumo, sa simula siya ay nanlupaypay. “Pagkatapos ay nakadama ako ng kaunting ginhawa,” sabi niya, “sapagkat natanto ko na kung ito ay pinangyari ng aking pag-iisip, kung gayon ay maaari rin itong ayusin ng aking pag-iisip.” Sinabi ni Sarah na ang kaisipang ito ay nakatutuwa sa kaniya, na ang sabi: “Natanto ko na kung babaguhin ko ang paraan ng aking pag-iisip tungkol sa ilang mga bagay, maaapektuhan nito ang aking buhay mula ngayon sa ikabubuti.”
Ginawa ni Sarah ang kinakailangang mga pagbabago, at nawala ang kaniyang panlulumo. Sina Maria, Margaret, at Elizabeth ay nagtagumpay rin sa kanilang pakikipagbaka. Anong mga pagbabago ang ginawa nila?
[Blurb sa pahina 10]
‘Nang matanto ko na ang aking pag-iisip ang sanhi ng aking panlulumo, ito’y nagbigay sa akin ng ginhawa at kaaliwan sapagkat naniniwala ako na maaari ko rin itong lunasan.’
[Kahon sa pahina 8, 9]
Panlulumo sa Kabataan:“Sana’y Patay Na Ako”
Isang panayam kay Dr. Donald McKnew ng National Institute of Mental Health, na nagsaliksik sa paksang ito sa loob ng 20 taon.
Gumising!: Gaano kalaganap sa palagay ninyo ang problemang ito?
McKnew: Nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan sa New Zealand sa sanlibong mga bata na ang edad ay siyam, na mga 10 porsiyento ng mga bata ay nakaranas na ng panlulumo. At may impresyon kami na 10 hanggang 15 porsiyento ng mga batang mag-aaral ay may mga problema tungkol sa kondisyon ng kalooban. Ang maliit na bilang ay dumaranas ng matinding panlulumo.
Gumising!: Paano ninyo masasabi kung ang mga bata ay may matinding panlulumo?
McKnew: Ang isa sa pangunahing sintomas ay na hindi sila nasisiyahan sa anumang bagay. Ayaw nilang lumabas at makipaglaro o makasama ng kanilang mga kaibigan. Hindi sila interesado sa pamilya. Nakikita mong wala silang konsentrasyon; hindi nila maipako ang kanilang isip kahit na sa mga programa sa telebisyon, gaano pa kaya sa kanilang mga araling-bahay. Napapansin mo ang damdamin ng pagiging walang halaga, isang personal na pagkadama ng kasalanan. Sinasabi nila sa lahat na sa palagay nila’y wala silang silbi o na hindi sila gusto ninuman. Alin sa hindi sila makatulog o sila’y natutulog nang labis; nawawalan sila ng gana o labis-labis silang kumain. At saka naririnig mo ang mga ideya ng pagpapakamatay na gaya ng, “Sana’y patay na ako.” Kung napapansin mo ang kalipunan ng mga sintomas na ito, at ito’y tumatagal ng isa o dalawang linggo, kung gayon ay tinutukoy mo ang isang batang may matinding panlulumo.
Gumising!: Ano ang pangunahing sanhi ng panlulumo sa kabataan?
McKnew: Kung tutunghayan mo ang espisipikong mga salik sa anumang edad ng bata, ang pangunahing bagay ay malamang na isang kamatayan. Bagaman ito’y karaniwang nangangahulugan ng pagkamatay ng isang magulang, maaaring kabilang din dito ang mga kaibigan, malapit na mga kamag-anak, o kahit na ang isang alagang hayop. Ilalagay ko na pangalawa sa mga kamatayan ang paghamak at pagtanggi. Nakikita natin ang napakaraming bata na sinisiraang-puri at minamaliit o itinuturing na walang halaga ng kanilang mga magulang. Kung minsan ang isang bata ay ginagawang hantungan ng sisi. Sinisisi siya sa lahat ng bagay na lumalabas na mali sa pamilya siya man ay may kasalanan o wala. Kaya, inaakala niyang siya’y walang halaga. Isa pang salik ang sakit sa kondisyon ng kalooban ng isang magulang.
Gumising!: Binabanggit ng aklat na Why Isn’t Johnny Crying?, kung saan kayo ay isa sa mga awtor nito na ang ibang mga bata na nanlulumo ay nalululon sa pagkasugapa sa droga at alkohol o nagiging delingkuwente pa nga. Bakit po?
McKnew: Inaakala namin na sinisikap nilang itago ang panlulumo, kahit na sa kanilang sarili. Ang paraan ng pakikitungo nila rito ay kadalasang manatiling abala sa ibang bagay, gaya ng pagnanakaw ng mga kotse, pagkasugapa sa droga, o paglalasing. Ito ang mga paraan ng pagkukubli nila ng kung gaano kasamâ ang kanilang nararamdaman. Sa katunayan, ang pagtatago ng kanilang panlulumo ay isa sa pinakamalinaw na paraan na ang mga bata ay naiiba sa mga may sapat na gulang.
Gumising!: Paano po ninyo masasabi na ito ay isang panlulumo at hindi isang pagloloko lamang ng bata?
McKnew: Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga batang ito, hinahayaan silang magsalita, kadalasan nang masusumpungan mo ang panlulumo. At kung ang panlulumo’y malulunasan nang wasto, bumubuti ang kanilang pag-uugali. Bagaman may ibang bagay na lumalabas, ang panlulumo ay naroroon pa rin sa lahat ng panahon.
Gumising!: Paano ninyo mapagsasalita ang isang nanlulumong bata?
McKnew: Una sa lahat, pumili ka ng isang tahimik na panahon at lugar. Pagkatapos ay magtanong ka ng espisipikong mga katanungan na gaya ng, ‘Mayroon bang bumabagabag sa iyo?’ ‘Ikaw ba ay nalulungkot?’ ‘Ikaw ba ay nababalisa?’ Kung mayroong namatay, maaaring itanong mo, depende sa mga kalagayan, ‘Nangungulila ka ba kay Lola na gaya ko?’ Bigyan ng pagkakataon ang bata na ihinga ang kaniyang mga nadarama.
Gumising!: Ano po ang masasabi ninyo na dapat gawin ng mga batang may matinding panlulumo?
McKnew: Sabihin ito sa kanilang mga magulang. Ang pagkaalam sa bagay na ito ay isang maselan na bagay sapagkat karaniwan nang ang mga bata lamang ang nakakaalam na sila’y nanlulumo. Karaniwan nang hindi ito nakikita ng mga magulang at mga guro. Nakakita na ako ng mga nagbibinata o nagdadalaga na lumalapit sa kanilang mga magulang at nagsasabi, “Nanlulumo ako, kailangan ko po ng tulong,” at nalulunasan nila ito.
Gumising!: Paano maaaring tulungan ng isang magulang ang isang batang nanlulumo?
McKnew: Kung ang panlulumo ay wari bang nakapanghihina, kung gayon ito ay isang bagay na hindi dapat pangasiwaan sa tahanan, kung paanong hindi mo gagamutin ang pulmunya sa bahay. Ang isang nakapanghihinang panlulumo ay dapat na dalhin sa isang propesyonal sapagkat baka may pangangailangan para sa paggagamot. Ginagamit namin ang paggagamot sa mahigit kalahati ng aming mga kaso, kahit na sa mga batang hanggang limang taóng gulang. Sinisikap din naming baguhin ang pag-iisip ng bata. At sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito ang panlulumo ay maliwanag na nagagamot.
Gumising!: Kung ito po ay hindi isang nakapanghihinang panlulumo, ano po ang maaaring gawin ng isang magulang?
McKnew: Magkaroon ng isang matapat na pagsusuri sa iyong sarili at sa iyong pamilya. Mayroon bang ilang malubhang kawalan o kamatayan na nangangailangang pag-usapan at pakitunguhan? Kung may namatay, huwag maliitin ang kalungkutan ng bata. Hayaan mong madaig niya ang kaniyang pagdadalamhati. Bigyan mo ng maraming atensiyon, papuri, at emosyonal na pagtangkilik ang batang nanlulumo. Gumugol ng ekstrang panahon na kasama niya na kayong dalawa lamang. Ang iyong masiglang pagkasangkot ang pinakamabuting anyo ng paggamot.