Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ba Naghiwalay si Inay at si Itay?
“Iniwan na kami ni Itay noon,” sabi ni Denny. “Ngunit lagi siyang bumabalik.” Gayunman, ngayon ay kakaiba. Nagugunita ni Maurice, nakababatang kapatid na lalaki ni Denny: “Isang araw naroon ako sa bahay ng aking yaya, mula roon ay nakikita ko ang likuran ng aming bahay. Nakita ko si Itay na pinipilit na makapasok sa aming bahay. Natanto ko noon na hindi na siya mamumuhay na kasama namin. Kaya naman pala ay pinalitan ni Inay ang mga kandado.”
Para kay Annette, ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang ay walang katiyakan. “Ang aking mga magulang ay laging naghihiwalay—mula pa nang ako ay walong taóng gulang,” gunita niya. “Ngunit hindi naman sila naghihiwalay nang matagal. Pagkaraan ng mga dalawang buwan, tatawagan ni Inay si Itay at sasabihin, ‘Sige, pinatatawad na kita,’ at sila’y magkakabalikan na naman. Ngunit si Itay ay isang alkoholiko. Sisirain lamang niya ang daigdig ni Inay at pagkatapos ay magbabalik, at patatawarin naman siya ni Inay. Ikinagagalit ko ang paggawa ni Inay ng gayon.”
DIBORSIYO. Paghihiwalay. Pagkakasirâ. Mahigit na isang milyong mga kabataan taun-taon sa Estados Unidos lamang ang nakasasaksi sa kalunus-lunos na pagkasirâ sa pagsasama ng kanilang mga magulang.
Ang diborsiyo ay nakasasakit. Karaniwan nang ito’y pinagmumulan ng kahihiyan, galit, mga pagkabalisa, takot na iwanan, pagkadama ng pagkakasala, panlulumo, mga damdamin ng matinding kawalan—pati na ang pagnanais na maghiganti. Ganito ang sabi ng mga kabataang nabanggit sa itaas:
“Ako ay galít. Natutuwa ako’t sa wakas ay tahimik na sa bahay, ngunit hindi ako nagagalak na si Itay ay umalis. Inaakala kong hindi tama na umalis si Itay!”—Maurice.
“Ako’y nasaktan at napahiya. Kami’y dumating sa aming lugar bilang isang pamilya, at ngayo’y wasak na ang aming pamilya. Kapag ang mga tao’y nagtatanong, ‘Nasaan ang Itay mo?’ magdadahilan ako, ngunit hinding-hindi ko sinasabi na hiwalay na ang aking mga magulang.”—Denny.
“Para ba akong tinanggihan at ako’y nakadama ng pagkakasala. Kami ni Inay ay laging may malapit na kaugnayan, na ikinagalit ni Itay. Nag-iisip tuloy ako kung baga nagkasundo kaya silang mas maigi kung hindi dahil sa akin.”—Annette.
Kung Paano Ka Naaapektuhan ng Diborsiyo
Kung ang iyong mga magulang ay nagdiborsiyo o naghiwalay kamakailan, malamang na ikaw man ay nalilito at nagagalit. Kung sa bagay, nilayon ng ating maibiging Maylikha na ikaw ay palakihin kapuwa ng isang ina at isang ama na nagmamahal sa iyo. (Efeso 6:1-3) Gayunman, ngayon ikaw ay pinagkaitan ng pang-araw-araw na pagkanaroroon ng isang magulang na mahal mo. “Talagang iginagalang ko ang aking ama at nais kong makapiling siya,” panangis ni Paul, na ang mga magulang ay naghiwalay nang siya ay pitong taóng gulang. “Subalit kami’y napapunta kay Inay.”
Ang pagpapalaki sa iyo ng isa lamang magulang—kadalasan na ng ina—ay karaniwang nangangahulugan na ikaw ay daranas din ng mga kahirapan sa pamumuhay. Totoo ito sa mga batang “walang ama” kahit noong panahon ng Bibliya. (Deuteronomio 10:17-19) Nagugunita ni Keith, halimbawa, ang mga kahirapan na kasunod ng pagkasira ng dalawang pag-aasawa ng kaniyang ina:
“Si Itay ay umalis nang ako ay limang taóng gulang. Ito ay isang masamang panaginip. Ang buhay ay lubhang mabuway; kami’y palipat-lipat tuwing ikaanim na buwan. Si Inay ay walang tinapos na edukasyon, walang trabaho, walang anumang bagay. Lumipat kami mula sa isang apartment tungo sa ibang apartment, kalimita’y pinalalayas kami sapagkat wala siyang maibayad sa upa.
“Pagkatapos si Inay ay nagpakasal sa isang lalaking napakabait. Talagang gusto ko siya. Minsan pa sa aming buhay, kami ay nagkaroon ng katatagan at hindi kami palipat-lipat sa lahat ng panahon. Kami’y nakatira sa isang bahay, hindi sa isang apartment, na may bakuran at isang aso! Ngunit di nagtagal sila’y nagsimulang mag-away, at sa wakas sinabi ni Inay na nais na niyang umalis. Nakisali ako sa kanilang away, nagsisigaw na nais kong manatili! Gayunman, walang nangyari. Kami’y nakitira sa isang tiya.”
Isinasaalang-alang ang gayong mga kahirapan—huwag nang banggitin pa ang pilitin kang mamili sa pagitan ng dalawang taong mahal mo o ikaw ay mahiwalay sa iyong mga kaibigan—maaaring lubhang ikagalit mo ang pagdidiborsiyo ng iyong mga magulang. Ang bagay na may nalalaman kang ibang mga pamilya na dumanas din ng gayong bagay ay hindi gaanong nakaaaliw. ‘Bakit ba nangyari ito sa aking mga magulang?’ naitatanong mo.
Kung Bakit Naghihiwalay ang mga Magulang
Totoo, maaaring paminsan-minsan ay nag-aaway ang iyong mga magulang sa harap mo. Maaaring sila’y naging marahas. Kahit na gayon, maaaring hindi mo napangarap man lamang na sila ay maghihiwalay! Ang ibang mga magulang ay naitatago ang kanilang mga problema. “Hindi ko naalaalang nag-away ang aking mga magulang,” sabi ni Lynn, na ang mga magulang ay nagdiborsiyo nang siya ay bata pa. “Akala ko’y nagkakasundo sila.” Oo, nasumpungan ng mga mananaliksik tungkol sa diborsiyo na sina Judith S. Wallerstein at Joan Kelly “na ganap na sangkatlo ng mga anak [ng diborsiyadong mga magulang] ang mayroong bahagya lamang kabatiran tungkol sa kalungkutan ng kanilang mga magulang.”
Bagaman nagsusumamo ka para sa isang paliwanag mula sa iyong mga magulang, maaaring tumanggap ka lamang ng isang malabo o di-tuwirang mga paglalahat. Natuklasan nina Wallerstein at Kelly na “apat-na-kalima ng pinakabatang mga anak [ng diborsiyadong mga magulang] na pinag-aralan ang hindi binigyan ng isang sapat na paliwanag o katiyakan ng patuloy na pangangalaga. Sa katunayan, sila’y nagising isang umaga at nasumpungan nila na wala na ang isa sa kanilang magulang.”
Mauunawaan, kung gayon, ang isang diborsiyo sa ilalim ng anumang kalagayan ay maaaring maging isang matinding dagok. Bagaman ang Bibliya ay nagpapayo na “ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa” at “huwag hiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa,” ang paghihiwalay ng mga mag-asawa ay naging isang masakit na katotohanan ng modernong buhay. (1 Corinto 7:10, 11) Ang mga dahilan?
Nakalulungkot sabihin, kung minsan ang isang magulang ay nagkasala ng maling paggawi sa sekso. At kapag ito’y nangyari, ipinahihintulot ng Diyos na ang walang kasalanang magulang na kumuha ng diborsiyo. (Mateo 19:9) Sa ibang mga kaso, ang “poot at pambubulyaw” ay sumasabog tungo sa karahasan, nagpapangyari sa isang magulang na ikatakot ang kaniyang pisikal na kagalingan at yaong sa mga bata.—Efeso 4:31.
Sinasabing, ang ibang mga diborsiyo ay kinukuha sa walang kadahi-dahilang batayan, lalo na kung hindi sinusunod ng mga mag-asawa ang mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, sa halip na lutasin ang kanilang mga problema, ang iba ay mapag-imbot na kumukuha ng diborsiyo sapagkat sinasabi nilang sila ay ‘hindi maligaya,’ ‘walang kasiyahan,’ o ‘hindi na niya mahal ito.’ Hindi na kailangan pang sabihin, ito ay hindi nakalulugod sa Diyos na “kinapopootan ang pagdidiborsiyo.” (Malakias 2:16) Ipinahiwatig pa ni Jesus na sisirain ng iba ang kanilang pag-aasawa sapagkat ang kanilang mga asawa ay naging mga Kristiyano.—Mateo 10:34-36.
Kung Bakit Mahirap Sabihin sa Iyo
Kung bakit naghiwalay ang iyong mga magulang, gayunman, ay maaaring maging isang misteryo sa iyo. Gayumpaman, ang kanilang katahimikan o malabong mga kasagutan ay hindi nangangahulugan na hindi ka nila mahal. Ang diborsiyo ay nakasisindak sa mga magulang. Sinasabi ng mananaliksik na si Wallerstein na ang karaniwang babae ay nangangailangan ng “3 hanggang 3 1/2 taon” upang mabawi ang kaniyang pagkakatimbang pagkatapos ng diborsiyo. At bagaman ang mga lalaki ay waring mas mabilis na nakakabawi, ang manunulat na si Frank Ferrara (diborsiyado mismo) ay nagsasabi: ‘Bihira ang lalaking hindi nakadarama ng pagkakasala, kalungkutan, galit, panlulumo, kabiguan, pinabayaan.’ Nababalot ng kanilang bagbag na damdamin, baka nahihirapan ang iyong mga magulang na ipakipag-usap ang tungkol sa diborsiyo. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ikaw ba’y nanlulupaypay sa kaarawan ng kasakunaan? Ang iyong kalakasan ay munti.”—Kawikaan 24:10.
Isa pa, nangangailangan ng dalawa katao upang ‘ibagsak’ ang isang sambahayan, at maaaring naaasiwa at nahihiya ang iyong mga magulang na aminin ang kanilang mga kabiguan. (Ihambing ang Kawikaan 14:1.) Kung minsan kahit na ang isang magulang na ang asawa ay nangalunya ay bantulot na sabihin ang kawalang-ingat ng kaniyang kabiyak.
Kung Ano ang Magagawa Mo
Bagaman ang pagiging nasa dilim ay nakasisiphayo, walang kabutihang idudulot na tumugon nang may galit at poot. Sa halip, gamitin ang kakayahang mag-isip at pang-unawa upang pangalagaan ang iyong sarili mula sa walang-hanggang emosyonal na pinsala. (Kawikaan 2:11) Sikaping makilala ang tamang panahon upang mahinahong ipakipag-usap ang iyong mga kabalisahan sa iyong mga magulang. (Kawikaan 25:11) Ipaalam mo sa kanila kung paanong ikaw ay nalulungkot at nalilito dahil sa diborsiyo.
Marahil bibigyan ka ng iyong mga magulang ng isang kasiya-siyang paliwanag. Kung hindi man, huwag kang mawalan ng pag-asa. Tanungin mo ang iyong sarili, Mali ba para sa aking mga magulang na ipagkait sa akin ang impormasyon? Hindi ba’t ipinagkait ni Jesus ang impormasyon nang inaakala niyang hindi pa handa rito ang kaniyang mga alagad? (Juan 16:12) At hindi ba may karapatan ang iyong mga magulang na mapag-isa? Isa pa, kung ang isang magulang ay nakakuha ng diborsiyo dahilan sa imoralidad sa sekso, hindi ba’t isinasagawa niya lamang ang isang maka-Kasulatang karapatan?
Unawain din, ang emosyonal na katayuan ng iyong mga magulang. Kung paanong waring nagdudulot ng hapis—kapaha-pahamak pa nga—ang diborsiyo sa iyo, hindi mo ba nakikita na ito ay nagdudulot ng gayunding hapis sa iyong mga magulang? Makatotohanan bang umasa ng mahabang mga paliwanag mula sa kanila sa panahong ito?
Sa katapusan, pahalagahan mo na ang diborsiyo, anuman ang dahilan nito, ay isang sigalot sa pagitan nila—hindi sa iyo! Sa kanilang pag-aaral sa 60 diborsiyadong pamilya, nasumpungan nina Wallerstein at Kelly na sinisisi ng mga mag-asawa ang isa’t isa, ang kanilang mga amo, mga membro ng pamilya, at mga kaibigan sa diborsiyo. Ngunit, sabi ng mga mananaliksik: “Kapuna-puna, walang sinuman ang sumisi sa mga anak.” Kaya kung pansamantalang hindi mo nalalaman ang dahilan ng paghihiwalay, magkaroon ka ng kaaliwan sa pagkaalam na ang diborsiyo ay hindi mo kasalanan. At na sa kabila ng kanilang mga problema sa isa’t isa, hindi nagbabago ang damdamin sa iyo ng iyong mga magulang.
Hindi, hindi nito maaalis ang kirot na dulot ng pagdidiborsiyo ng iyong mga magulang. Subalit ang pagsisikap na magkaroon ng ilang pagkaunawa sa kung ano ang nangyari sa pagitan nila ay maaaring siyang unang hakbang upang ibalik ang iyong buhay sa kaniyang landasin.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pagmamasid sa paghihiwalay ng iyong mga magulang ay isa sa pinakamasakit na karanasan na maaaring isipin