Mga Lindol—Kung Paano Ka Makapaghahanda Para sa Kaligtasan!
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
“Wala kaming kaalaman sa kung ano ang dapat naming gawin. Matataranta ang mga tao.” Gayon ang sabi ng isang meteorologo mula sa Pakistan tungkol sa mga epekto sakaling lumindol sa kaniyang bayan. Sa katunayan, iilang tao ang nakakaalam kung ano ang gagawin kapag lumindol. Gayumpaman, ang silakbo ng mapaminsalang mga lindol sa siglong ito ay umakay sa maraming pananaliksik tungkol sa proteksiyon sa lindol. Sa gayo’y kinapanayam ng “Gumising!” ang maraming mananaliksik buhat sa iba’t ibang bansa. Yamang ang kanilang payo ay napatunayang lubhang magkakatulad, inaasahang ang impormasyong ito ay makatutulong sa mga mambabasa sa maraming bansa.
“NAGKAROON ng dagundong,” gunita ni Michiko, “pagkatapos ay ang pakalakas-lakas na pagkalog na para bang inihagis sa himpapawid ang aming bahay na yari sa kahoy. Ang ingay ng mga bagay na bumabagsak at ang nababasag na mga pinggan at mga salamin ay nakatakot sa akin nang higit sa anumang bagay. Walang anu-ano, ang aming bahay ay tumagilid at mabuway na naninimbang sa mga pundasyon nito.
“Hindi nataranta ang aking ina. Mahinahong sinabi niya sa amin na magpalit kami ng damit na panlakad at tipunin namin ang mga bagay na mahalaga sa amin. Ipinaliwanag niya na ilang oras na lamang at ang aming tahanan ay magigiba na, kaya’t iiwan namin ito at kami’y magtutungo sa ospital kung saan nagtatrabaho ang aking ama.”
Si Michiko ay isa lamang 12-anyos na batang babae nang maranasan niya ang isa sa pinakamalaking sakuna ng siglong ito—ang lindol noong 1923 na nagwasak sa dalawang-katlo ng Tokyo at sa buong Yokohama. Libu-libong mga tahanan ang gumuho. At nang lumatag na ang alikabok, mahigit na 143,000 ang nasawi. Kapuna-puna, gayunman, sinabi ng isang ulat ng gobyerno na inilabas nang dakong huli: “Yaong mga namatay sapagkat ang kanilang mga tahanan ay gumuho ang dahilan ng ikasampung bahagi” ng lahat ng nasawi. Ano, kung gayon, ang dahilan ng kamatayan ng 130,000 iba pa?
Ang lindol ay humampas noong dalawang minuto bago mag-alas dose ng tanghali—isang panahon kung kailan marami sa mga maybahay ang nagsisindi ng apoy upang ihanda ang pananghalian. Ang resulta? Di-mabilang na mga sunog sa loob lamang ng mga ilang minuto! Sabi pa Michiko: “Nang kami’y umalis na, nagsisigawang mga tao ang nagsiksikan sa makipot na mga lansangan. Ang lahat ay desperadong makaalis sa sunog. Nakipaggitgitan kami sa pulutong ng mga tao. Sinabihan kami ng aking ina na huwag na huwag kaming hihiwalay at gayundin kung saan kami magkikita-kita kung sakaling kami’y mapahiwalay. Natatandaan ko ang pagkamangha ko sa mga bagay na dala-dala ng mga tao buhat sa kanilang mga tahanan—mula sa mga palayok hanggang sa mabibigat na mga aparador. Sa kanilang kalituhan, dinala nila ang mga bagay na wala namang silbi!”
Ang hangin, na lubhang pinainit ng apoy, ay tumaas sa mataas na altitud, sinisipsip ang sariwang hangin sa ibaba na nagpalala pa sa sunog. Nagkaroon ng mga buhawi, inihahagis ang nasusunog na mga labí sa lahat ng dako. Sampu-sampung libong mga tao ang nagpanakbuhan sa bukás na mga parke para sa kaligtasan. Kinabukasan sila ay nasumpungang magkakapatong nang apat o lima—yaong mga nasa ibabaw ay nasunog sa kamatayan at yaon namang nasa ilalim ay hindi nakahinga.
Ang mga linya ng tubig ay nasira at ang komunikasyon ay naputol. Nang sumunod na mga araw, kumalat ang bali-balita na nilalason ng mga banyaga ang anumang kaunting tubig na natitira. Nagkaroon ng mga pangkat ng mga vigilante at pinatay ang mga dayuhan. Di-makatuwirang pinatay ng mga militar ang mga vigilante. Di-makatuwirang takot at kalituhan ang nagpangyari ng kaguluhan sa gitna ng mga pulis.
Si Michiko, gayunman, ay naingatan sa lahat ng ito. Sa loob lamang ng tatlong oras pagkatapos ng lindol, inakay ng ina ni Michiko ang kaniyang mga anak sa kanilang ama, sinusunod ang mga plano na isinagawa na nila bilang isang pamilya. Ang ama, naman, ay dinala sila sa isang ligtas na dako at iningatan sila mula sa resultang kaguluhan. “Anong laki ng pasasalamat ko sa aking mga magulang,” sabi ni Michiko, “na sila ay nanatiling mahinahon at alam nila kung ano ang gagawin.”
Ang mga awtoridad na Haponés ay naghinuha mula noon na ang apoy, pagkataranta, at mga bali-balita ay siyang pinakamalubhang mga panganib may kaugnayan sa mga lindol. Isang ulat ng gobyerno ay naghinuha na 83 porsiyento ng mga kamatayan noong lindol nang 1923 ay bunga ng mga bahay na nasunog. Ang sunog ay patuloy na nagiging isang panganib sa Hapón, yamang ang kahoy ay malawakang ginagamit sa konstruksiyon. Ang panganib ng sunog ay nababawasang lubha sa mga bansa kung saan ibang mga materyales, na gaya ng kongkreto, ay mas karaniwang ginagamit. Gayumpaman, ang pagkataranta at mga bali-balita ay nakamamatay na mga panganib halos saanman humampas ang lindol. Ipinakikita ng karanasan ng pamilya ni Michiko na ang mga problemang ito ay maaaring iwasan sa pamamagitan ng patiunang paghahanda.
Patiunang Paghahanda
Paano ka rin makapaghahanda nang patiuna? Una muna, maupo na kasama ng iyong pamilya at piliin ang ilang posibleng panganlungang dako sa inyong pook. Isaayos kung saan kayo magtatagpo sakali mang kayo’y magkahiwalay, at gumawa ng mga ruta na maaaring kunin ng bawat isa papunta roon. Pag-usapan ang mapanganib na mga dako na dapat iwasan, gaya ng mga gasolinahan (mga istasyon ng gasolina), na maaaring sumabog. Dahilan sa panganib ng sunog, turuan ang iyong pamilya kung paano papatayin ang gas at kuryente kapag sila’y pumasok sa inyong tahanan. Tiyakin na alam ng lahat kung paano papatayin ang apoy. Kung kakailanganin ninyo ang tulong para sa matanda na o may sakit na mga tao, isaayos ito sa inyong mga kapitbahay.
Ikaw ba ay nakatira sa lugar na madalas hampasin ng lindol? Kung gayon baka praktikal na patibayin ang mabibigat na mga muwebles na malamang na matumba. (Sinasabi na sa isang lindol sa California, isang malaking piyano na may gulong ang gumulong sa palibot ng silid, sinasaktan ang ilang tao.) Ang mabibigat at mapanganib na mga bagay, pati na ang mga sisidlan ng nagsisinding mga likido, ay dapat na itago sa mababa o sa paano man ay sa likuran ng mga istante. Isa pa, ipundo ang alinmang propane-gas cylinder na mayroon ka.
Kapag Humampas ang Isang Lindol
Higit sa lahat, huwag mataranta! Ang unang pagyanig ay karaniwan nang siyang pinakamalakas at bihirang tumatagal ng mahigit sa isang minuto.a Gayunman, kung ikaw ay nakakakilos, maging abala. Patayin ang lahat ng pinagmumulan ng apoy. Ang gas na sumisingaw mula sa sirang mga tubo ay nangangahulugan ng panganib, gaya rin ng kawad ng kuryente na walang balot at mga aplayanses na naiwanang nakasaksak sa kuryente. Kaya, patayin kaagad ang gas at kuryente sa pinagmumulan nito. Buksan ang isang pinto o isang malaking bintana—na maaaring mahigpit na magsara—upang magkaroon kayo ng isang rutang matatakasan. Pagkatapos ay pumasok sa ilalim ng isang desk o isang mesa. Ang mga kahon ng mesa ay nagsisilbing pampatibay. Kaya, ang mga mesa ay kadalasang nakasusuporta ng mga ilang toneladang bigat nang hindi napipisa. Ang mga mesang yari sa kahoy ay karaniwang mas matibay kaysa yaong yari sa metal. Si Dr. Yuji Ishiyama ng Building Research Institute ng Hapón ay nagsabi sa Gumising!: “Ako’y naniniwala na ang pagsasabi sa mga tao na manganlong sa ilalim ng isang mesa ay nakahihigit kaysa anumang iba pang payo na maibibigay ng isa.”
Kung walang mesa na matataguan, yumukod o mahiga sa tabi ng isang sopa, kama, o iba pang matitibay na muwebles na hindi babagsak. Huwag gumapang sa ilalim, yamang ang mga paa nito ay maaaring bumigay. Sikaping ingatan ang iyong ulo. Dahilan sa maraming dingding sa isang maliit na lugar, ang paliguan ay malamang na siyang pinakaligtas na silid.
Balintuna, gayunman, na ang mga tahanang yari sa adobe ay nakaligtas sa isang lindol na yumanig kamakailan sa Mexico City, samantalang ang mga gusaling 8 hanggang 20 palapag ang taas ay bumagsak. Si Propesor Motohiko Hakuno ng Earthquake Research Institute ng Tokyo University ay nagsabi sa Gumising! na ito ay may kaugnayan sa “taginting” (resonance) ng alon ng lindol. Iba-iba ang reaksiyon ng mga gusali sa iba’t ibang frequency ng alon. “Bukod sa hindi pagkaalam kung kailan hahampas ang isang lindol,” sabi pa ni Propesor Hakuno, “hindi natin nalalaman kung anong uri ito o kung aling gusali ang lubhang maaapektuhan. Ito ang dahilan kung bakit mahirap magtakda ng mga tuntunin sa kaligtasan.”
“Tumayo sa pintuan,” sabi ng mga eksperto sa mga bansa kung saan ang mga balangkas ng pinto at mga hamba ay matibay ang pagkakagawa upang suportahan ang bigat ng gusali sa itaas at sa paligid. Hindi ito maaari sa Hapón.
Ano naman kung magkasunog? Maliwanag, dapat mo itong patayin kaagad, marahil humihingi ng tulong sa iyong mga kapitbahay. Tandaan na gaano man kalaki ang apoy, karaniwan nang may mahihingang hangin sa ibabaw lamang ng sahig.
Gayunman, halimbawang ikaw ay datnan ng lindol na nasa lugar na maliban sa iyong tahanan?
Malalaking Gusali: Huwag sikaping tumakbo sa labas, yamang ang mga elebeytor at mga hagdan ay maaaring maging mga silo ng kamatayan sa panahon ng lindol. Kung hindi ka maaaring magtago sa ilalim ng isang mesa, manganlong sa tabi ng mga haligi o iba pang pangunahing mga haligi ng gusali. Lumayo sa mga bagay na maaaring bumagsak sa iyo, at iwasan ang mga salamin, na maaaring mabasag. Kadalasan, ang mga manedyer ng mga paaralan, mga department store, at mga sinehan ay nagtatakda ng mga tagubiling susundin kung sakaling magkaroon ng biglaang pangangailangan. Kaya sundin ang mga tagubilin at huwag kumilos na independiyente.
Mga Lansangan sa Lunsod: Lumayo sa mga poste ng telepono, nakabiting mga karatula, at mga paskil. Maging alisto sa nahuhulog na mga tisa ng bubong at nababasag na salamin. Kung walang mga parke o kalapit na mga bakanteng lugar, manganlong sa isang gusali na mahusay ang pagkakatayo.
Daanan at mga Istasyon ng Tren sa Ilalim ng Lupa: Ito ay hindi naapektuhan ng mga lindol sa Mexico, Hapón, at Gresya. Ang pinakamalaking panganib ay apoy. Gayunman, ang mga tao ay karaniwang natataranta sa pag-iisip na baka sila makulong kaya’t sila ay nagpapanakbuhan sa mga hagdan at mga labasan. Gayunman, pinakamabuting manatili sa ilalim ng lupa hanggang sa makaraan ang panimulang lindol at maghintay ng mga instruksiyon.
Mga Kotse: Ang mga daan ay dapat na madaraanan ng mga sasakyan ng bombero, mga ambulansiya, at mga paglilingkod para sa biglaang pangangailangan. Sa Hapón ang mga daan ay makikitid, kaya’t kami’y sinasabihan na tumabi sa daan, huminto, buksan ang radyo, at maghintay sa mga instruksiyon.
Mga Tabing-Dagat: Magtungo sa mataas na lupa kaagad-agad. Maaaring magkaroon ng mga tsunami, o malalaking alon dahil sa lindol, ng hanggang tatlumpung metro ang taas at naglalakbay ng daan-daang milya sa bawat oras! Karaniwan na, ang ikalawa at ikatlong mga tsunami ay mas malakas kaysa nauna.
Mangyari pa, inaasahan na hindi mo mararanasan ang sindak ng isang lindol. Subalit sapagkat may sapat na paghahanda, naligtasan ng maraming tao ang malalaking sakuna. Si Michiko, ngayo’y 76 anyos na, ay nagsasabi: “Nang ako ay bata pa, sinasabi ng mga matatanda na na ang malalakas na lindol ay dumarating minsan sa 60 taon. Kadalasang naiisip ko na ang kanilang mga salita ay hindi kapit sa aking panahon. Nakaranas na ako ng di-mabilang na matitinding lindol.” Oo, tayo’y nabubuhay sa panahon na inihula ni Jesus na magkakaroon ng “mga lindol sa iba’t ibang dako.” (Mateo 24:7) Kaya maging handa! Manatiling mahinahon, at sundin ang mga babala at mga instruksiyong inilalabas ng wastong mga awtoridad. Malaki ang iyong tsansa na makaligtas sa isang lindol!
[Talababa]
a Pakisuyong pansinin na ang sumusunod na mga tagubilin ay hindi kakapit sa iyo kung ikaw ay nasa isang bahay na lumang-luma na o walang pampatibay. Sinasabi ng mga dalubhasa na kung ikaw ay nasa isang mahinang gusali sa panahon ng isang lindol pinakamabuting lumabas kaagad! “Magsunong ng isang malaking kutson o silya upang maingatan ang iyong ulo mula sa nahuhulog na mga tisa, atb., at kumilos nang dali-dali,” payo ng mga awtoridad na Haponés.
[Kahon sa pahina 26]
‘Gamit Pangkaligtasan’ sa Lindol
Kasunod ng isang lindol, ang isa ay kailangang maghintay ng dalawa o tatlong araw para sa saklolo. Kaya iminumungkahi na ang mga pamilyang nakatira sa mga lugar na madalas hampasin ng lindol na laging magtabi ng isang tatlong-araw na suplay ng tubig at pagkain. (De-lata o pinatuyong mga pagkain ang inirirekomenda.) Kung kinakailangang mong lumikas sa inyong tahanan, iminumungkahi ng mga awtoridad na magdala ng isang ‘gamit pangkaligtasan’ na binubuo ng sumusunod:
1. Isang tatlong-araw na suplay ng tubig.
2. Isang gamit sa pangunang lunas.
3. Isang plaslait.
4. Isang radyong transistor, upang tumanggap ng wastong impormasyon at mga tagubilin.
5. Pananamit, matibay na sapatos, kumot, mga damit na panloob, tuwalya, at malambot na papel o tisyu.
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang dose-anyos na si Michiko noong panahon ng malakas na lindol sa Hapón noong 1923. Pansinin ang pagkalaki-laking, sumadsad na mga bapor at ang pagkawasak sa Yokohama
[Credit Line]
Earthquake photos, Yokohama City Fire Bureau
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Y. Ishiyama, Building Research Institute, Ministry of Construction, Government of Japan