Bangkok—Halu-halong Nakalipas at Kasalukuyan
TINATAWAG ito ng mga Thai na Krung Thep, o “Lunsod ng mga Anghel.” Tinatawag ito ng mga Kanluraning bisita noon na Venice ng Silangan. Sa karamihan sa amin, ito ay Bangkok, ang kabisera ng Thailand, ang sinaunang Kaharian ng Siam.
Nang unang dumating ang mga Europeo sa Thailand noong ika-16 na siglo, ang Bangkok ay isa lamang maliit na nayong pangisdaan, na okupado ng mga negosyante at mga artesanong Intsik. Ngayon, dalawang milyong mga turista taun-taon ang nakasusumpong sa abalang-abalang punong-lunsod na ito ng mahigit limang milyon katao na isang nakabibighaning halu-halong nakalipas at kasalukuyan.
Lunsod ng Pagkakaiba
Noong 1782 inilipat ni Haring Rama I, ang unang hari ng kasalukuyang dinastiyang Chakri, ang kabisera ng Siam mula sa Thon Buri sa ibayo ng Ilog Chao Phraya tungo sa Bangkok. Dito, sa silangang bambang ng ilog, itinayo niya ang kaniyang maharlikang tahanan, ang Grand Palace complex ngayon. Napaliligiran ng ilog sa tatlong gilid nito, ang lunsod ay nilalagusan ng isang sistema ng mga kanal—tinatawag na khlongs—na nagsisilbing daanan gayundin ng mga panustos nito ng tubig, paligo, at palengke. Ang “Venice ng Silangan” ay isang angkop na pangalan nga.
Gayunman, sa ngayon hindi na masusumpungan ng isang bisita ang romantikong mga tanawin sa kahabaan ng kumikinang, tahimik na mga kanal. Wala na rin, ang karamihan ng mga bahay sa tabi ng ilog at ang mga balsang kawayan. Sa halip, masusumpungan niya ang namumutiktik na punong-lunsod ng mga gusali at mga naiilawang karatula, ang walang katapusang buhul-buhol na trapiko kung saan kahit na ang pagtawid sa daan ay maaaring maging isang nakatatakot na karanasan. Ang karamihan ng mga kanal ay tinambakan na upang maging mga lansangan ng lunsod. Hinalinhan ng “mga tindahan” na may dalawa, tatlo, o apat na palapag ang mga bahay sa tabi ng kanal.
Sa maraming paraan tinanggap din ng Bangkok ang kanluraning katangian pati na ang matataas na mga gusaling tanggapan at air-conditioned na mga pamilihan. Subalit katabi ng napakamoderno ang tradisyunal—mga templong Budista, mga dambana, at mga bahay ng espiritu. Sa loob ng isang monasteryong Budista, ang mga monghe ay nagbubulaybulay at umaawit, at ang mga tao ay nakasusumpong ng kapayapaan at katahimikan. Sa labas naman, ang walang katapusang daloy ng mga kotse, maingay na mga samlor (bukás, tatlong-gulong na mga taksi), mga motorsiklo, at mausok na mga bus at mga trak ang bumabara sa mga lansangan, na ang ilan ay mga daanan lamang ng mga elepante mga isang daang taon ang nakalipas.
Sa residensiyal na mga bahagi ng lunsod, ang mga tao ay nakatira sa air-conditioned, istilong-kanluran na mga apartment. Subalit sa labas ng lunsod at sa mas mahihirap na dako ng lunsod, ang mga pamilya, karaniwan na’y mga ilang salinlahi, ang nakatira sa mga maliliit na bahay na yari sa kahoy, na may kaunting muwebles, bagaman karaniwang may isang antena ng TV sa bubong.
Relihiyosong Buhay
Halos 95 porsiyento ng mga Thai ay mga Budista, kaya ang unang bagay na mapapansin ng mga dumadalaw ay ang napakaraming nagkikislapang mga templo, o wats, na may anda-andana, matutulis na mga bubong at may palamuting mga kabalyete (gable). Halos 400 sa 30,000 mga monasteryong Budista ng bansa ang nasa Bangkok. Ang pinakabantog sa mga ito ay ang Templo ng Esmeraldang Buddha. Ito ang Maharlikang Kapilya, at narito ang lubhang pinagpipitaganang bagay ng Thailand, ang 61-centimetro ang taas na imahen ni Buddha na yari sa berdeng batong kristalino. Ito ay itinuturing na napakabanal anupa’t ang hari mismo ang magpapalit sa tatlong iba’t ibang bata nito sa pasimula ng tag-ulan, taglamig, at tag-init.
Sa isa sa pinakaabalang sangandaan sa lunsod ay naroon ang pinakapopular na dambana ng Bangkok, na may itinubog sa ginto na istatuwa ng apat-na-ulong diyos ng Hindu na si Brahma. Dito, ang Budismo ay inihalo sa Hinduismo sa simula pa.
Isa pang bahagi ng Oryental na mistiko ay ang pagkakaroon ng maraming mga bahay ng espiritu sa buong lunsod. Sa mga Thai, ang bawat malawak na sukat ng lupa ay okupado ng isang nagbabantay na espiritu na kailangang payapain. Sa gayon, isang bahay ng espiritu ang itinatayo sa tabi halos ng bawat gusali, ito man ay isang tirahan, isang otel, isang bangko, isang kompleks ng mga opisina, o kahit na isang monasteryo.
Hinubog ng halu-halong relihiyosong mga paniniwala at mga ideya ang mga saloobin at mga pag-iisip ng mga Thai sa maraming paraan. Bagaman ipinalalagay ng mga Budista na ang buhay ay binubuo ng mga paghihirap, ang mga Thai ay naniniwala sa sanuk (kasiyahan o katuwaan). Ito ay lumilikha sa kanila ng isang masaya at walang iniintinding diwa. Bagaman ito ay maaaring tumulong sa ilang mga bagay, tiyak na wala itong nagagawa para sa maayos na trapiko o pagsunod sa mahalagang mga batas. Ang mga saloobin na gaya ng mai pen rai (di bale na; hindi naman ito mahalaga) at tam sabai (relaks lang) ay hindi nakakatulong sa paglutas sa mga suliranin na gaya ng pagkakalat, ni pinalalakas-loob man nito ang pagpaplano sa hinaharap.
Sa kabilang dako, ang pagtanggap sa mga epekto ng nakalipas na karma (mga gawa) na siyang may pananagutan sa mga kasawian ay waring nagpapaliwanag sa matiyagang pagtitiis ng mga Thai sa di-kanais-nais na mga kalagayan. Hindi lamang mukhang kontento ang magsasaka sa kaniyang kapalaran sa buhay at ang karaniwang motorista sa lunsod ay hindi gaanong nababalisa kung ang sinuman ay sumingit sa kaniya. Ang mga pasahero sa isang siksikang bus ay hindi natitigatig kahit na ito ay mabinbin sa isa sa maraming buhul-buhol na trapiko sa maalinsangang hapon. Ito ay pawang angkop na tinutukoy bilang jai yen (malamig ang ulo).
Isang Nagbabagong Lunsod
Ang tradisyunal na istilo ng buhay ay unti-unting naglalaho. Gayunman, ang paggalang sa matatanda ay idiniriin pa rin mula sa murang gulang. Nakasisiyang makita ang mga kabataang mag-aaral na bumabati sa kanilang mga guro ng wai, pagyuko ng ulo na ang mga palad ay magkatikit sa baba.
Ang mga mongheng nakasuot ng batang kulay dalandan na maagang nanlilimos ay isang pamilyar na tanawin sa Bangkok. Sinusunod pa rin ng maraming kabataang lalaki ang tradisyon at nagmumonghe sa loob ng maikling panahon—samantalang bakasyon sa kanilang mga trabaho gayunma’y tumatanggap ng buong sahod mula sa kanilang amo.
Lahat ng daan sa Thailand ay nagtatagpo sa kabisera, dala-dala ang tinatawag ng Bangkok Post na “pinakabuhul-buhol na trapiko sa Asia—marahil sa daigdig.” Marami sa mga kalsadang ito ay itinayo sa pamamagitan ng pagtatambak sa umiiral na mga kanal. Ang resulta ay mga suliranin sa paagusan ng tubig, pagbara ng mga dumi sa imburnal, at madalas na pagbaha, lalo na kung tag-ulan.
Upang palubhain pa ang suliranin, ang Bangkok ay lumulubog—sa bilis na mahigit na apat na centimetro sa isang taon! Kaya, ang “Venice ng Silangan” ba, na lubhang kaakit-akit na halu-halong nakalipas at kasalukuyan, ay nagiging “Atlantis ng Silangan”?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]
Ang Lumulutang na Palengke ng Bangkok
Isip-isipin ang pagpunta sa palengke na nakaupo sa isang mahaba, makitid na bangka at, pagdating mo, ang pagbili ng mga prutas at gulay mula sa ibang kahawig na mga bangka. Pambihira? Hindi kung ikaw ay nakatira sa eksotikong Bangkok at madalas ka sa Lumulutang na Palengke nito.
Totoo, ang napakaraming-tao sa punong-lunsod na ito ay mayroon ding modernong-istilong mga palengke, subalit wala nang higit na kaakit-akit pa kaysa palengke sa khlongs, o mga kanal ng Bangkok, na nagpapalamuti sa kabiserang lunsod na ito ng mga sistema ng tubig.
Sa Lumulutang na Palengke, makikita mo ang mga babaing namamangka na nakadamit ng tradisyunal na kasuotan, kompletong nagagayakan ng animo’y malapad na mga lamp shade o salakot sa kanilang mga ulo. Inilalako ng nakasalakot na mga tinderang ito ang kanilang mga paninda sa sabik na mga mamimili. Ang isang bangka ay punô ng sagana, tropikal na mga prutas; ang iba naman ay punô ng sarisaring gulay; at ang kasunod na may sarisaring pagkaing-dagat.
Huwag kang mag-alala kung ang pamimiling ito ay magpangyari sa iyo na magutom o mauhaw. Magsagwan ka patungo sa isang bangka. Doon ang isang bihasang kusinera ay aali-aligid sa isang mainit na kawali na naglalabas ng katakam-takam, masarap na mga amoy. Siya ay nagluluto ng masasarap na pagkain. Subukan mo ang isa! O magtungo ka sa bangka sa kabilang khlong kung saan ipinagbibili ang malamig na mga inumin. Papawiin nito ang iyong uhaw habang marahang iniiwan mo ang buhul-buhol na trapikong ito ng mga bangka.
[Credit Line]
Tourism Authority of Thailand
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Mga larawan: Tourism Authority of Thailand