Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Dapat Kong Sundin si Inay at si Itay?
SI John at ang dalawang kaklaseng babae ay nakatayo sa harap ng isang malaking butas sa isang bakod na itinayo upang hadlangan ang pagtawid sa isang abalang anim-na-daanang haywey. Habang ang mga kotse ay mabilis na dumaraan, ang dalawang batang babae ay humandang tumawid sa kabila ng daanan ng mga sasakyan upang mabilis na makauwi ng bahay.
“Halika na, John,” sabi ng mga batang babae. “Sasabay ka sa amin, di ba?” Si John ay sumunod sa kanila. “Pagkatapos naalaala ko ang sinabi sa akin ng aking inay at itay na huwag na huwag tatawid sa daanan ng mga sasakyan kundi laging gamitin ang daanan sa overpass.”
Napapansin ang pag-aatubili ni John, ang isa sa mga batang babae ay nanuya: “Duwag ka!” Ang mga salita ay bumaong malalim. Ayaw ni John, na hindi natatakot, na madaig siya ng dalawang batang babae.
Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Kung ako si John, ano kaya ang gagawin ko?’ Nakakaharap niya ang panghihiya ng kaniyang mga kaedad kung hindi niya tutugunin ang kanilang hamon. Tanging ang utos lamang ng kaniyang mga magulang—na wala roon—ang nakahahadlang.
Walang alinlangan na ang iyong mga magulang ay nagtakda rin ng mga tuntunin na inaasahan nilang iyong susundin. Ang gayong mga tuntunin ay maaaring sumaklaw hindi lamang sa kalinisan, takdang-aralin, mga curfew, at mga uri ng paglilibang kundi gayundin naman sa asal at moral. Kung minsan, ang mga kabataan ay natutuksong waling-bahala ang mga tuntunin ng mga magulang. Subalit isip-isipin . . .
Bakit ba Nagtatakda ng Tuntunin ang mga Magulang?
“Anak ko,” sulat ng isang matalinong magulang, “ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka.” (Kawikaan 7:1, 2) Oo, ang mga tuntunin, “mga utos,” ng isang magulang ay para sa iyong kabutihan. Ang mga ito ay kapahayagan ng tunay na pag-ibig at pagkabahala sa iyo ng iyong mga magulang. Tunay, ang kakulangan ng matatag na mga panuntunan at mga tuntunin ay nagbubunga ng kawalang-kasiguruhan.
Halimbawa, isang kabataan ang sumulat: “Ang aking mga magulang . . . ay pinasusundan ako sa lahat ng bagay. Tiyak ko na magugustuhan ng maraming kabataan kung papayagan sila ng kanilang mga magulang na gawin ang anumang maibigan nila. Bueno, hindi ito nakatutuwa. Nakadarama ako ng pagkakasala at para bang ako’y masama. Isa sa mga araw na ito natatakot ako na ako’y gumawa ng isang bagay na nakapangingilabot. Ang isipin lamang ito ay nakatatakot sa akin.” Ang kabataang ito ay may mabuting dahilan na matakot. Sa ilang mga kaso, ang hindi pagtatakda ng mga magulang ng kailangang mga tuntunin ay umakay sa kapahamakan.
Isang binatilyo, halimbawa, ang tatlong beses nang nawasak ang kotse ng kaniyang ama. “Maliwanag na ang iyong anak ay hindi marunong magmaneho,” sabi ng superbisor sa trabaho ng ama nang malaman niya ang tungkol sa aksidente. “Bakit patuloy na pinagagamit mo sa kaniya ang iyong kotse?” Ang ama ay tumugon na ayaw niyang saktan ang damdamin ng kaniyang anak sa pagbabawal sa kaniya na magmaneho. Kaya ibinigay niyang muli sa binatilyo ang kaniyang susi sa kotse—sa kahuli-hulihang pagkakataon.
Pagkaraan ng dalawampung minuto pagkatapos umalis ng kaniyang anak na lalaki, ang ama ay nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa pulisya. Nais nilang pumaroon siya at kilalanin ang putul-putol na katawan ng kaniyang anak na lalaki. Sang-ayon sa mga pulis, ang anak na lalaki ay bumangga sa isang poste ng telepono sa bilis na mahigit 160 kilometro sa bawat oras! “Dapat sana’y pinigilan ko siya,” hinagpis ng ama. “Kung naging matatag sana ako sa aking pasiya, marahil ay buháy pa siya ngayon.”
Subalit ang mga tuntunin ay higit pa ang nagagawa kaysa pagsanggalang lamang sa iyo sa pinsala. Sa pamamagitan ng pag-uutos sa iyo na gawin ang mga gawain sa bahay at takdang-aralin sa paaralan, tinuturuan ka ng iyong mga magulang na magtrabaho nang puspusan. Gaano ba kahalaga ito? Bueno, inihambing ng isang pag-aaral sa 456 na mga tin-edyer na lalaki ang buhay niyaong nagkaroon ng kakayahang magtrabaho noong kanilang kabataan doon sa mga hindi nagkaroon ng kakayahan na magtrabaho. Isinaalang-alang ng mga mananaliksik ang mga bagay kung baga ang mga batang lalaki ay regular na ginawa ang mga gawain sa bahay at nakibahaging mainam sa paaralan. Pagkalipas ng 30 taon, karamihan sa mga batang lalaking ito ay muling kinaharap.
Ang mga batang lalaking iyon na mataas ang marka sa mga kasanayan sa trabaho ay lumabas na dalawang beses na may masiglang kaugnayan sa maraming klase ng tao kaysa roon sa nakakuha ng mababang marka. Sila rin ay limang beses na malamang na mas mahusay ang sahod sa kanilang sekular na trabaho. Sa kabilang dako, yaong hindi gaanong matagumpay sa trabaho sa pagkabata ay sampung beses na malamang na makakuha ng marka na emosyonal na walang-kaya at anim na beses na patay na sa gulang na 47! Sa gayon, ang pagsunod sa mga tuntunin ng iyong mga magulang tungkol sa mga gawain sa bahay at sa gawain sa paaralan ay maaaring kapaki-pakinabang na makaapekto sa nalalabing buhay mo.
Kapag Mahirap Sumunod
Sa ilang mga pagkakataon, marahil ang basta kawalang-ingat ay humahantong sa paglabag sa isang tuntunin. Baka kailangan mong paalalahanan paminsan-minsan ang iyong sarili tungkol sa mga tuntunin. Gayundin, ang pag-oobserba sa ibang mga magulang na hindi istrikto ay maaaring magpangyari sa iyo na mag-akala, ‘Bakit ba hindi ko rin magawa ito?’ Tandaan, kailangang tantiyahin ng iyong mga magulang kung ano ang pinakamabuti para sa iyo. Kung ang ibang mga magulang ay masyadong maluwag sa disiplina, kapuwa sila at ang kanilang mga anak ay aani sa wakas ng isang ani ng malubhang mga problema, sapagkat “anuman ang inihahasik ng tao, ito rin naman ang aanihin niya.” (Galacia 6:7, 8) Bakit gugustuhin mong umani ng gayon?
Kung minsan, maaaring di-makatuwirang ipatupad ng isang magulang ang isang tuntunin na inaakala mong hindi makatarungan. Ang hilig ay sumuway. Subalit sa tamang panahon, bakit hindi ipakipag-usap ang iyong mga damdamin sa iyong mga magulang, ipinaliliwanag sa kanila kung bakit inaakala mong ang tuntunin ay hindi makatarungan. Maaaring masumpungan mong lubhang nakatutulong na isaisip ang isang bagong tuntunin na maaaring tanggapin bilang isang kompromiso. Sa iba pang mga kaso, gayunman, ang dahilan ng pagsuway ay pagtikis.
Isang 17-anyos na babae ang nag-aakalang siya’y napababayaan sa emosyonal na paraan dahilan sa pagwawalang-bahala ng kaniyang mga magulang, na abalang-abala sa kanilang sariling mga pagtatalo. Nagsisiklab sa galit sa kaniyang mga magulang, disidido siyang labagin ang mga simulain ng Bibliya na idiniin ng kaniyang mga magulang. Siya’y nakiapid sa isang lalaki na nakilala niya habang naglalakbay sakay ng isang tren. “Inaakala kong nagkulang ako sa aking mga magulang,” sabi niya nang malaunan. Subalit sa nais niyang tikisin ang kaniyang mga magulang, siya ang tunay na nawalan o nalugi, sapagkat ang kaniyang galit ay umakay sa isang bagbag na budhi. Pagkatapos niyan, siya’y nagbulakbol sa klase at napasangkot sa pag-abuso at pagbibili ng mga droga.
Ang matuwid na taong si Job ay nagbabala: “Mag-ingat ka baka ikaw ay hikayatin ng poot sa mapanikis [na mga kilos] . . . Mag-ingat ka baka ikaw ay iligaw sa kasamaan.” (Job 36:18-21) Kung ikaw ay nakadarama na nais mong manikis, huminto at mag-isip: ‘Ano ba ang idudulot ng aking pagsuway? Kahit na kung labagin ko ang mga tuntunin upang makaganti ako sa aking mga magulang, posible kayang pamuhayan ko ang mga bunga nito sa habang panahon—pagkatapos na huminahon ang aking mga damdamin?’ Sa halip na kumilos upang manikis, panahon ito upang huminahon at huwag kumilos nang padalus-dalos.
Sa wakas, ang pagbibinata o pagdadalaga ay isang panahon kung kailan kadalasang iginigiit ng mga kabataan ang kanilang pagsasarili. ‘Itinuturing ninyo akong parang bata. Bakit hindi ninyo hayaang pasanin ko ang pananagutan sa aking sariling mga takdang-aralin, silid, curfew, hitsura, mga kaibigan, at oras ng pagtulog?’ Inaakala ng maraming kabataan na kayang-kaya nilang gumawa ng kanilang sariling mga tuntunin. Subalit natutuhan ni John, na nabanggit kanina sa simula . . .
Ang Halaga ng Pagsunod
“Wala akong pakialam kung tawagin ninyo akong ‘duwag,’” sabi ni John sa dalawang batang babae. “Kailangan kong sumunod sa aking ina.” Habang ang mga batang babae ay humagibis sa pagtawid sa daanan ng mga sasakyan, masunuring ginamit ni John ang tawiran ng tao. Samantalang tumatawid, narinig niya ang tunog ng biglang pagpreno ng mga gulong. Tumitingin sa ibaba, nakita niya ang dalawang batang babae na nabundol at tumilapon sa himpapawid. Ang isa ay tumilapon sa kabilang daanan ng trapiko, kung saan siya ay muling nasagasaan at namatay. Ang paa ng kaniyang kapatid na babae ay nadurog at nang dakong huli ay pinutol.
Ang kalunus-lunos na pangyayaring ito ay nagdiin kay John kung gaano kalimitado ang kaniyang sariling karanasan. Nakita na niya ang maraming iba pang mga kabataan, pati na ang dalawang batang babae, na tumatawid sa daanan ng mga saksakyan nang hindi naaaksidente. Gayunman, natatandaang mainam ng kaniyang ina na, mga limang taon na mas maaga, ang anak ng isa sa kaniyang mga kaibigan ay namatay samantalang tumatawid sa daanan ding iyon ng sasakyan. Dahilan sa kaniyang mas malawak na karanasan, gumawa siya ng mga tuntunin upang pangalagaan ang kaniyang anak.
Nang maglaon dinalaw ng nanay ni John, si Thelma, ang ina ng mga batang babae upang aliwin siya. Ang nagdadalamhating ina ay nagsabi: “Palagi kong sinasabihan ang mga batang iyon na laging gamitin ang overpass, ngunit ayaw nilang makinig. Nagpasiya pa rin silang tumawid sa daanan ng sasakyan. Sana’y naging masunurin silang gaya ng anak mo.” Oo, ang pagkamasunurin ni John ay maaaring siyang nagligtas ng kaniyang buhay.
Mangyari pa, hindi naman laging nangangahulugan ng buhay o kamatayan sa tuwing nilalabag ang tuntunin ng magulang. Taglay ang kaunting katalinuhan, kung minsan talagang masusunod mo ang bawat tuntunin na itinakda ng iyong mga magulang. Subalit ang pagsuway sa maliliit na mga isyu ay maaaring gumawa ng isang huwaran na mahirap nang baguhin. Ang puso ng isa ay maaaring tumigas sa paggawa ng masama.—Eclesiastes 8:11.
Ang pagsunod ni John ay hindi depende sa kung baga ang kaniyang mga magulang ay nagmamasid, sapagkat alam niya na iniutos ng Diyos ang gayong pagsunod, at nais niyang paluguran siya at sa gayo’y magkaroon ng isang mabuting budhi. (Efeso 6:1) Ang gayong pagsunod ay nagmumula sa puso. Isang matalinong magulang ay nagpayo sa kaniyang anak: “Manghawakan nawa ang iyong puso sa aking mga salita. Ingatan mo ang aking mga utos at patuloy kang mabuhay.”—Kawikaan 4:4.
[Larawan sa pahina 20]
Paano mo dapat malasin ang mga tuntunin ng iyong mga magulang?