Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 1/22 p. 4-8
  • SIDS—Pagtunton sa mga Sintomas at mga Sanhi

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • SIDS—Pagtunton sa mga Sintomas at mga Sanhi
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Hiwaga ng SIDS
  • Sinisikap ng mga Patologo na Lutasin ang Hiwaga
  • Pagbabago sa “Hemoglobin”​—Sanhi o Sintomas?
  • Paano Dapat Matulog ang Isang Sanggol?
    Gumising!—1999
  • SIDS—Mahahadlangan Ba Ito?
    Gumising!—1988
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Mga Pananggalang at Panganib
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 1/22 p. 4-8

SIDS​—Pagtunton sa mga Sintomas at mga Sanhi

“Ang sudden infant death syndrome (SIDS) ang may pananagutan sa humigit-kumulang 2 kamatayan sa bawat 1000 buháy na panganganak sa Estados Unidos, na nagbubunga ng 7500 hanggang 10,000 mga kamatayan taun-taon.”​—“The New England Journal of Medicine,” Abril 30, 1987.

NITONG nakalipas na mga taon lamang na ang SIDS ay nakilala bilang isang pagpapakahulugan sa isang sanhi ng kamatayan. Sa mga dating salinlahi ang uring ito ng kamatayan ay natabunan ng lahat ng iba pang mga estadistika sa napakaraming sanhi ng kamatayan ng mga sanggol na umiral. Inalis na ngayon ng mga pagsulong sa siyensiya ng medisina ang napakaraming dating mga sanhi ng kamatayan ng mga sanggol anupa’t ang SIDS ngayon ang nangingibabaw​—kaya inilagay ng World Health Organization ang kategorya ng “Sudden infant death” sa talaan nito ng International Classification of Diseases nito lamang 1979. Gayunman, inaakala ng ilang mga dalubhasa sa medisina na matutunton nila ang mga halimbawa ng ngayo’y tinatawag na SIDS noon pa man kapanahunan ng Bibliya!

Sinisipi nila ang kaso ng dalawang babae na humarap kay Haring Solomon, ang bawat isa ay nag-aangking ina ng isang buháy na sanggol sa halip niyaong isa na namatay sapagkat “nahigaan siya” ng ina. (1 Hari 3:16-27) Gaya ng sulat ng patologong si Bernard Knight: “Ang pagkadagan ang dating paniniwala na sanhi ng pagkamatay sa kuna hanggang kamakailan.” Gayunman, isang salik na gumagawa ritong hindi kapani-paniwala ay ang inilalarawan ng Bibliya na kaso ng SIDS​—ang sanggol ay namatay nang ito ay tatlong araw na gulang lamang, “na napakabata para sa isang tunay na biglang pagkamatay ng sanggol,” sang-ayon kay Knight.

Bagaman totoo na ang ilang mga sanggol ay namatay dahilan sa di-sinasadyang nadaganan ng natutulog na ina, totoo rin naman na marami sa mga kasong ito sa nakalipas na mga dantaon ay kung ano ang tinatawag ngayon na sudden infant death syndrome.

Ang Hiwaga ng SIDS

Ang SIDS ay isang suliraning pandaigdig. Halimbawa, tinataya na mula 1,000 hanggang 2,000 mga sanggol ang namamatay taun-taon sa Britaniya dahilan sa SIDS. Ang katamtamang bilang sa maunlad na mga bansa ay halos isang sanggol sa bawat 500. Batay sa isang tantiya sa pagdami ng populasyon ng daigdig na 83 milyon sa isang taon, iyan ay kumakatawan ng hindi kukulanging 166,000 kamatayan taun-taon. At nangangahulugan din ito ng angaw-angaw na nag-aalalang mga magulang na nagkikimkim ng pangamba. Gaya ng ipinagtapat ni Phyllis, isang ina sa New York na nasa kaniyang maagang gulang na 30’s: “Tuwing patutulugin ko ang aking sanggol, idinadalangin ko na ito ay gigising na muli.”

Ang SIDS ay patuloy na nakalilito sa mga mananaliksik sa medisina at sa mga patologo. Tinalakay kamakailan ng isang artikulo sa magasing Pediatrics ang SIDS sa mga kambal. Tatlumpu’t dalawang mga kaso ang sinuri, at “walang sanhi ng kamatayan ang nasumpungan sa kabila ng lubusang pagsusuri pagkamatay.” Sampung iba pang mga kaso ng SIDS sa mga kambal ay sinaliksik ng mga klinika sa unibersidad sa Antwerp, Paris, at Rouen. Ang mga tuklas? “Ang sanhi ng SIDS ay nanatiling hindi maipaliwanag pagkaraan ng isang kompletong autopsiya.” Ang mahiwagang sanhi, o mga dahilan, ay nagpapatuloy.

Gayunman, gaya ng ipinakikita sa isa pang report, sa 11 ng 42 pares na inihambing, “ang biktima ng SIDS sa hinaharap ay mas magaang ng 300 g kaysa kaniyang nabubuhay na kapatid.” Ang konklusyon ay na ang tanging pagkakaiba ng mga sanggol na biktima ng SIDS sa mga sanggol na hindi apektado ay ang “mas mababa sa katamtamang timbang at taas sa pagsilang, ang dating paglitaw ng cyanosis [mangasul-ngasul na balat at mucous membranes dahil sa kakulangan ng oksiheno sa dugo] o pamumutla sa panahon ng pagtulog, at ang paulit-ulit at labis-labis na pamamawis sa gabi.”

Sa kanilang report sa 16 na mga kaso ng SIDS sa Inglatera, isang pangkat ng mga doktor ay nagsabi: “Ang SIDS ay karaniwang nangyayari sa pagitan ng 1 at 6 na buwang gulang na pinakamataas sa 2 hanggang 4 na buwan. . . . Ang iba pang salik na dating iniulat na nauugnay sa SIDS ay ang paninigarilyo ng ina sa panahon ng pagdadalang-tao, batang edad ng ina sa pagsilang, walang-asawang katayuan, maraming anak, [at] mababang katayuan sa lipunan.” Dagdag pa nila: “Ang SIDS ay iniulat din na mas madalas sa mga sanggol na lalaki at mas laganap kung mga buwan ng taglagas at taglamig.” Gayunman, si Bernard Knight ay nagbababala: “Dapat idiin na ang biglang pagkamatay ng sanggol ay maaari​—at talagang​—nangyayari sa alinmang pamilya, anuman ang katayuan sa lipunan.”

Sinisikap ng mga Patologo na Lutasin ang Hiwaga

Kapag isang sanggol ay namamatay nang walang maliwanag na dahilan, karaniwan nang tatawagin ng isang mediko legal ang isang patologo upang suriin ang bangkay at magsagawa ng autopsiya. Ang dahilan sa paggawa nito ay upang matiyak ang eksaktong sanhi ng kamatayan at gamitin ang kaalamang ito upang hadlangan ang ganitong mga kaso sa hinaharap. Ano ang nasumpungan ng mga patologo sa marami sa mga kasong ito?

Sa nakalipas na mga taon iba’t ibang mga sanhi ang sinuri. Noong minsan ang SIDS ay ipinalagay na bunga ng hindi paghinga dahil sa mga unan, pananamit sa pagtulog, at ayos ng katawan. Iyan ay tinanggihan nang mapatunayan na ang mga sanggol ay likas na nagpupumilit na makaalis sa anumang ayos ng katawan na hindi sila makahinga. At ang mga pananamit sa pagtulog ay karaniwang punô ng maliliit na butas upang makahinga. Pagkatapos ipinalagay na ang pagpapasuso sa bote at paggamit ng gatas ng baka ang dahilan. Subalit ang mga sanggol na pinasususo ng ina ay namamatay rin sa SIDS. Sa loob ng mahabang panahon ang apnea, paghinto sa paghinga, ay sinisi. Ngayon iyan ay lubhang tinalikdan na bilang pangunahing sanhi.

Mga ilang taon na ang nakalipas ilang mga patologo “ay talagang naniniwala na ang impeksiyon sa palahingahan ang pinakasaligang sanhi ng kamatayan . . . Bagaman pangkalahatang ipinalalagay ngayon [noong 1983] na ang impeksiyon ang nagpapasigla sa halip na siyang pinakasaligang sanhi, walang alinlangan na ang ilang bahagyang pamamaga sa daanan ng hangin ay nasasangkot sa maraming kaso ng SIDS.”​—Sudden Death in Infancy.

Si Propesor Knight ay naghihinuha na “waring maliwanag na ngayon na walang iisang sanhi ng kamatayan sa kuna” kundi na “mayroong ilang mga salik na nagsasama-sama sa isang sanggol sa isang panahon at nagpapangyari ng kamatayan. Nalalaman namin ang ilan sa mga salik subalit hindi ang iba pa.” Kaya, ang gawaing paniniktik ay nagpapatuloy habang mas maraming palatandaan ang hinahanap. Gayunman, kamakailan isang bagong tuklas ang nagawa.

Pagbabago sa “Hemoglobin”​—Sanhi o Sintomas?

Ang balitang ito ay iniulat sa The New England Journal of Medicine ng Abril 30, 1987. Sabi nito: “Ang pinatagal na pagtataas sa antas ng fetal hemoglobin (hemoglobin F) sa mga sanggol na apektado ng SIDS ay maaaring magpahiwatig ng kaunting inihahatid na oksiheno sa sensitibong mga lugar ng himaymay.”a Ipinakikita ng ulat na pagsilang ng isang sanggol, mayroong normal na pagpapalit sa fetal hemoglobin ng hemoglobin A na ginawa ng katawan ng bata​—ang sarili nitong hemoglobin na nagdadala-oksiheno. Sa mga biktima ng SIDS, marami sa mga biktima ay mayroon pa ring mataas na katumbasan ng kaunting fetal hemoglobin kaysa karaniwan. Kaya, ano ang konklusyon ng mga doktor?

“Ang interpretasyon namin sa tuklas na ito ay na ang mga sanggol na apektado ng SIDS ay kakikitaan ng pagkaantala sa pagpapalit ng hemoglobin F tungo sa hemoglobin A​—isang palatandaan na maaaring magpabanaag ng pinakasaligang talamak na kalagayan.” Bakit nangyayari ito? “Ang dahilan para sa di-normal na pananatili ng hemoglobin F ay di-tiyak.”

Bagaman hindi nila nakikita ito bilang isang sanhi ng SIDS, itinuring nila ito bilang isang nakatutulong na palatandaan upang piliin ang mga sanggol na maaaring mas madaling tablan ng SIDS “lalo na yaong mahigit na 50 linggo ang gulang pagkatapos ng paglilihi.”

Binanggit ng mga doktor na nagpasimula ng pag-aaral na ito na “ang mga pag-aaral sa SIDS ay nagpapahiwatig ng isang kaugnayan sa mababang timbang sa pagsilang, kulang sa buwan, nabalam na paglaki, at paninigarilyo ng ina.”

Ang huling-banggit na puntong ito ay karapat-dapat banggitin. Si Dr. Bernard Knight, ng University of Wales, Cardiff, ay sumulat: “Ang malaking kaugnayan ng paninigarilyo sa SIDS ay ipinakita, bagaman minsan pa mahirap malaman kung ito ay tuwirang nauugnay o may kaugnayan lamang sa mga salik na panlipunan.” Gayumpaman, sumisipi siya ng maliwanag na mga estadistika. Sa isang surbey ng 50,000 mga panganganak sa lunsod ng Cardiff, ang dami ng naapektuhan ng SIDS sa mga inang hindi nanigarilyo o huminto na sa paninigarilyo ay 1.18 sa bawat 1,000 buháy na panganganak. Subalit para sa mga ina na nanigarilyo ng mahigit na 20 sigarilyo isang araw, ang bilang ay tumaas tungo sa 5.62 sa bawat 1,000 buháy na panganganak​—limang beses na pagdami!

Ang ibang mga ina ay nagtatanong: “Kumusta naman ang tungkol sa pagpapasuso sa anak? Iyan ba ay nagbibigay ng mas malaking proteksiyon laban sa SIDS?” Si Dr. Bergman, kilala sa Estados Unidos sa larangan ng pananaliksik sa SIDS, ay nagsabi: “Naniniwala ako sa pagpapasuso ng ina at sa palagay ko ito ay mas mabuti sa maraming kadahilanan; subalit sa palagay ko hindi dapat sabihin sa mga taong namatayan ng anak dahil sa kamatayan sa kuna na ang kanilang sanggol ay malamang na buháy pa kung pinasuso lamang nila ito.”

Dahil sa mga nabanggit, mayroon bang anumang bagay na magagawa ang mga magulang upang iwasan ang banta ng SIDS? Mahahadlangan ba ito?

[Talababa]

a Ang hemoglobin ay sangkap ng dugo na nagbibigay ng kulay sa pulang mga selula at isang pinaghalong proteina at oksiheno. Dinadala nito ang oksiheno sa katawan mula sa mga bagà.

[Kahon sa pahina 6]

Ang mga Magulang ay Pinaghihinalaan

Ang palaisipan na nakapalibot sa mga kamatayan dahil sa SIDS ay kung minsan nagdudulot ng di-kinakailangang kirot at paghihirap sa mga magulang. Bakit gayon? Sapagkat ang mga tagalabas, kung minsan pati na ang mga pulis at tauhan ng medisina ay ipinalalagay na ang kamatayan ay kahina-hinala, lalo na kung ito ay sabay na nangyari sa mga kambal. At sang-ayon sa isang surbey na sumasaklaw ng mahigit na 47,000 mga panganganak sa Cardiff, Wales, sa pagitan ng 1965 at 1977 nagkaroon ng limang ulit na pagdami sa panganib ng SIDS sa mga kambal. Si Dr. John E. Smialek, sumusulat sa medikal na babasahing Pediatrics, ay nag-ulat ng dalawang pambihirang mga kaso na nangyari sa pagitan ng limang taon sa Wayne County, Missouri, at Detroit, Michigan, E.U.A.

Sabi niya: “Ang paghahayag ng mga kamatayan sa unang set ng mga kambal ay nagbunga ng isang kapaligiran ng matinding paghihinala sa mga magulang . . . ng mga membro ng medikal na pamayanan at ng ibang karaniwang tao na walang kabatiran sa pag-iral ng palatandaang ito [SIDS].” Madaling unawain iyan kung gugunitain natin na ang SIDS ay tumanggap ng malaking publisidad noon lamang 1975, nang itaguyod ng pamahalaan ng E.U. ang impormasyon at mga programa sa pagpapayo tungkol sa paksang ito. Nang isang kahawig na kaso ng SIDS sa mga kambal ang nangyari sa Detroit pagkalipas ng limang taon, nabawasan ang paghihinala. Ang mga propesyonal at ang publiko ay higit na nakakaalam.

Gayunman, kahit na ngayon, kung kailan mas marami ang nalalaman tungkol sa paksang ito, si Dr. Smialek ay nagsasabi: “Bagaman ang SIDS ay malawakang tinatanggap ngayon bilang isang kalagayan na roon ang mga magulang ay walang kapangyarihan na hulaan o hadlangan, ang paglitaw ng magkasabay na kamatayan ng mga kambal na sanggol ay isang palatandaan na pumupukaw pa rin ng kalituhan at paghihinala.”

Subalit bakit ba mas madaling tablan ng SIDS ang mga kambal? Ang patologong si Bernard Knight ay sumasagot: “Karaniwan nang sila ay kulang sa buwan at kalimitang mababa sa normal na timbang sa pagsilang. Kadalasang kailangan nilang gugulin ang maagang bahagi ng kanilang mga buhay sa pantanging mga yunit ng pangangalaga sa mga ospital sa panganganak. . . . Ang lahat ng mga salik na ito ay gumagawa sa kanila na mas madaling tablan ng biglang pagkamatay ng sanggol.”

[Larawan sa pahina 4]

“Walang iisang sanhi ng kamatayan sa kuna.”​—Propesor Knight

[Larawan sa pahina 7]

“Ang paglitaw ng magkasabay na kamatayan sa mga kambal na sanggol ay isang palatandaan na pumupukaw pa rin ng kalituhan at paghihinala”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share