SIDS—Pagharap sa Dalamhati
ANG biglang pagkamatay ng sanggol ay isang mapangwasak at malungkot na pangyayari. Ang isang tila normal, malusog na sanggol ay hindi nagigising. Ito ay lubhang di-inaasahan, sapagkat sino ang mag-aakalang mauuna pang mamatay ang isang sanggol sa mga magulang nito? Ang isang sanggol na naging tampulan ng walang-sawang pag-ibig ng ina ay biglang-biglang nagiging dahilan ng walang-hanggang dalamhati ng ina.a
Dumadagsa ang mga damdamin ng pagkakasala. Ang mga magulang ay nakadarama ng pananagutan sa kamatayan, para bang ito’y dahilan sa kapabayaan. Tinatanong nila ang kanilang sarili, ‘Ano sana ang maaaring nagawa namin upang hadlangan ito?’ Sa ilang mga kaso baka di-sinasadyang sisihin ng asawang lalaki, nang walang batayan, ang kaniyang asawa. Nang siya’y magtungo sa trabaho, ang sanggol ay buháy at malusog. Pag-uwi niya ng bahay, ito ay namatay sa kuna nito! Kung gayon ano ang ginagawa ng kaniyang asawa? Nasaan siya nang panahong iyon? Ang di-makatuwirang mga pag-aalinlangang ito ay kailangang maliwanagan upang huwag makapinsala sa pag-aasawa.
Naranasan ni Tottie, na nabanggit sa aming panimulang artikulo, ang isang mahirap na bahagi. Sabi niya: “Kung hindi ako maingat, nakikipagbaka pa rin ako sa pagkadama ng pagkakasala at panlulumo. Sa mental na paraan, kailangang baguhin ko agad at alisin ang di-mabungang kaisipan. Malaking tulong sa akin ang panalangin, kung paanong humingi ako ng tulong upang makilala ko ang aking sariling pag-iisip at tulungan akong mag-isip nang mas positibo.”
Paano sila matutulungan ng ibang tao sa kanilang dalamhati? Si Tottie ay sumagot: “Ang ibang tao ay kumikilos na para bang si Katie ay hindi kailanman umiral. Kung mababatid lamang nila na sa katunayan ay ayaw mong ipakipag-usap ang tungkol sa iyong mahal sa buhay! Nakabubuti sa pakiramdam ang magsalita. Si Katie ay mananatiling isang kaibig-ibig na munting bata sa amin, at nais naming alalahanin siya, hindi ang kalimutan siya. Kaya bakit ka matatakot na ipakipag-usap ang tungkol sa kaniya?”
Sa kabilang dako, hindi lahat ng mga magulang ay nagnanais na pag-usapan ang tungkol sa kanilang namatay na anak. Iyan ay isang bagay na dapat tantiyahin ng dumadalaw.
Lunasan ang Dalamhati
Ang mga reaksiyon sa dalamhati ay iba-iba sa bawat tao at sa bawat kultura. Nasumpungan ng isang pag-aaral tungkol sa SIDS sa Estados Unidos na, sa katamtaman, nangangailangan ng tatlong taon ang mga magulang “upang mabawi ang antas ng personal na kaligayahan na nadama [nila] bago ang kamatayan.”
Si Doug, isang computer systems analyst, at si Anne, ngayon ay nasa kanilang maagang gulang na 40’s, ay namatayan ng kanilang munting anak na si Rachel 12 taon na ang nakalipas. Iyan ay nang ang SIDS ay hindi pa gaanong kilala. Bagaman isang doktor ang tumingin sa sanggol isang araw bago nito, iginiit ng nag-aasikasong pulis na ang mediko legal ay humiling ng isang autopsiya. Sabi ni Anne: “Nang panahong iyon hindi namin inusisa ang pasiya. Nalaman na lamang namin nang dakong huli na napansin ng pulis ang asul na mga pasâ sa lalamunan ni Rachel, at siya’y nagsuspetsa ng pag-abuso sa bata! Gaya ng nangyari, ang kalagayan ay isa lamang ebidensiya ng kamatayan, tinatawag na livor mortis—dalawang batik ng dugo na nag-anyo at parang mga pasâ. Ang autopsiya ay walang naipakitang dahilan ng kamatayan, at sa wakas ito ay itinala bilang biglang pagkamatay ng sanggol.”
Paano hinarap nina Doug at Anne ang pagkamatay na ito? Sabi ni Doug: “Nasa Kingdom Hall ako nang sabihin sa akin ng isang kaibigan na ako’y kailangang-kailangan sa bahay. Pagdating ko sa bahay, nalaman ko ang pinakamasamang balita. Hindi ako makapaniwala. Ako ang kahuli-hulihang humawak kay Rachel nang gabing iyon. Ngayon patay na siya. Humagulgol ako ng iyak at nanangis, kasama ni Anne. Ito lamang ang panahon na ako ay tumangis.”
Gumising!: “Kumusta naman noong libing? Paano iyan nakaapekto sa inyo?”
“Ang bagay na nakapagtataka ay na sinuman sa amin ni Anne ay hindi umiyak noong libing. Ang lahat ay umiiyak.” Pagkatapos ay sumabad si Anne: “Oo, subalit marami na akong nailuha para sa aming dalawa. Sa palagay ko talagang naapektuhan ako nito mga ilang linggo pagkatapos ng kalunus-lunos na sakuna, nang ako sa wakas ay nag-iisa sa bahay. Maghapon akong nag-iiyak. Subalit inaakala kong ito’y nakatulong sa akin. Bumuti ang pakiramdam ko. Nagdalamhati ako sa pagkamatay ng aking sanggol. Talagang inaakala kong dapat mong hayaang umiyak ang taong nagdadalamhati. Bagaman sa iba ay isa itong likas na reaksiyon, na sabihing, ‘Huwag kang umiyak,’ talagang hindi ito nakatutulong.”
Gumising!: “Paano kayo natulungan ng ibang tao na makaraos sa krisis? At anong mga bagay ang hindi nakatulong?”
Si Anne ay tumugon: “Isang kaibigan ang pumarito at nilinis ang bahay ko nang hindi ko man lamang sinabihan ni isang salita. Ang iba ay nagluto ng pagkain para sa amin. Ang iba ay basta tumulong sa pagyapos sa akin—walang mga salita, basta isang yapos lamang. Ayaw kong pag-usapan ito. Ayaw kong magpaliwanag nang paulit-ulit sa kung ano ang nangyari. Hindi ko kailangan ang mausisang mga tanong, na para bang mayroon akong hindi nagawa. Ako ang ina; gagawin ko ang anumang bagay upang iligtas ang aking si Rachel.”
Sabi pa ni Doug: “Kung minsan may mga salita na sinasabi na hindi nakatutulong, gaya ng: ‘Bilang mga Kristiyano hindi tayo dapat magdalamhati na gaya ng iba.’ Alam ko na iyan, ngayon. Subalit matitiyak ko sa inyo, kapag namatayan kayo ng isang anak, sa sandaling iyon kahit na ang matibay na kaalaman tungkol sa pagkabuhay-muli ay hindi makahahadlang sa iyo sa pagtangis at pagdalamhati. Sa bagay, si Jesus ay nanangis nang mamatay si Lazaro, gayunma’y alam ni Jesus na bubuhayin niyang muli si Lazaro.”
Susog pa ni Anne: “Isa pang komento na hindi namin nasumpungang nakabubuti ay, ‘Alam ko ang nadarama mo.’ Alam namin na ito ay sinasabi taglay ang pinakamabuting mga intensiyon, subalit malibang ang taong iyon ay namatayan ng isang sanggol na gaya ko, walang paraan na malaman niya kung ano ang nadama ko. Ang mga damdamin ay totoong personal. Oo, ang karamihan ng mga tao ay makapagpapakita ng simpatiya, subalit kakaunti ang makapagpapakita ng tunay na empatiya.”
Gumising!: “Ang kamatayan ba ni Rachel ay nagdulot ng anumang problema sa pagitan ninyo?”
Kaagad na sumagot si Anne: “Oo, lumikha ito ng problema. Sa palagay ko mayroon kaming iba’t ibang paraan ng pagdadalamhati sa pagkamatay ng aming anak. Nais ni Doug na isabit ang mga larawan ni Rachel sa buong bahay. Iyon naman ang kahuli-hulihang bagay na nanaisin kong gawin. Hindi ko kailangan ang mga paalaalang iyon. Ayaw kong magtingin na para bang ginagawa naming isang kulto ang kaniyang pagkamatay. Sa paano man, naunawaan ni Doug ang aking mga damdamin, at inalis niya ang mga litrato.”
Gumising!: “Ano ang naging reaksiyon ng batang si Stephanie, na kapatid ni Rachel?”
“Sa sandaling panahon pagkamatay ni Rachel, si Stephanie ay natatakot na magkasakit. Natatakot siya na ang anumang karamdaman ay maaari ring pumatay sa kaniya. At, noong una ay ayaw niyang matulog. Ngunit napagtagumpayan niya ito. Nang isilang ko sa Amy, ang aming susunod na sanggol, si Stephanie ay laging takot na takot para sa kaniya. Ayaw niyang mamatay si Amy, at anumang pag-ubo o pagsinghut-singhot ay nakapagpapanerbiyos sa kaniya para sa kaniyang kapatid na babae.”
Nakatutulong ang Isang Matibay na Pag-asa
Kumusta naman ang paggamit ng pampakalma sa panahon ng pagdadalamhati? Ganito ang sulat ng patologong si Knight: “Ipinakita na ang pagbibigay ng maraming pampakalma ay maaaring hindi makabuti kung ito ay isang hadlang sa normal na paraan ng pangungulila at pagdadalamhati. Ang kalunus-lunos na pangyayari ay kailangang batahin, tiisin at sa wakas ay bigyan-katuwiran at hindi tamang pigilin ito sa pamamagitan ng pagpapatulog sa ina sa pamamagitan ng mga gamot na maaaring patagalin o pilipitin ang paraan ng pagdadalamhati.”
Tinanong ng Gumising! si Doug kung ano ang nakatulong sa kaniya at kay Anne sa kanilang dalamhati.
“Natatandaan kong nakakatulong ang pahayag sa libing. Higit sa lahat ang nakaaliw sa amin nang araw na iyon ay ang aming pag-asang Kristiyano na pagkabuhay-muli. Ang pagkamatay niya ay napakasakit, subalit ang kirot ay nabawasan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na makita siyang muli rito sa lupa. Mula sa Bibliya, nakita namin na ang mga epekto ng kamatayan ay maaaring baligtarin. Ipinakita ng tagapagsalita mula sa Bibliya na si Rachel ay wala sa langit ‘bilang isang munting anghel’ ni nasa Limbo man na naghihintay na mapalaya patungo sa langit. Siya ay basta natutulog sa karaniwang libingan ng sangkatauhan.”—Tingnan ang Juan 5:28, 29; 11:11-14; Eclesiastes 9:5.
Gumising!: “Paano ninyo sasagutin yaong mga nagsasabing ‘Kinuha siya ng Diyos’?”
“Isang masakim na Diyos ang kukuha sa maliliit na bata mula sa kanilang mga magulang. Ang sagot ng Bibliya sa Eclesiastes 9:11 ay nagbibigay-liwanag: ‘Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.’ At ang Awit 51:5 ay nagsasabi na tayong lahat ay di-sakdal, makasalanan, mula sa paglilihi sa atin, at ang wakas ng lahat ng tao ngayon ay kamatayan buhat sa anumang sanhi. Kung minsan ang kamatayan ay sumasapit bago ang kapanganakan, na ang resulta ay panganganak nang patay. Sa kaso ni Rachel, mayroon siyang nasagap bilang isang sanggol na dumaig sa kaniyang sistema ng pangangatawan—isang di-inaasahang pangyayari.”
Araw-araw libu-libong mga tahanan ang namamatayan ng isang anak. Marami sa mga ito ay mga sanggol na namamatay dahil sa SIDS. Malaki ang nagagawa ng madamaying mga kaibigan, mga doktor, mga tauhan sa ospital, at mga tagapayo sa gayong kalunus-lunos na mga kalagayan. (Tingnan ang kahon sa kaliwa.) Isa pa, ang tumpak na kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos sa sangkatauhan ay tunay na makatutulong sa nagdadalamhating mga magulang.
Kung nais mong malaman ang higit tungkol sa pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli tungo sa sakdal na buhay sa lupa, pakisuyong makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. Sila ay magagalak na tumulong sa iyo taglay ang kaaliwan mula sa Salita ng Diyos, nang walang bayad.
[Talababa]
a Para sa mas detalyadong impormasyon tungkol sa pagharap sa kamatayan ng isang anak, tingnan ang Gumising! ng Agosto 8, 1987.
[Kahon sa pahina 12]
Mga Mungkahi sa Pagtulong sa mga Magulang na Naulila
Kung Ano ang Magagawa Mo
1. Maging handang tumulong. Magluto ng pagkain. Maglinis ng bahay. Sumunod sa mga utos. Alagaan ang iba pang mga bata.
2. Sabihin ang iyong tunay na pakikiramay at kalungkutan sa pagkamatay ng kanilang anak.
3. Hayaang ipahayag nila ang kanilang mga damdamin at pagdadalamhati kung nararapat.
4. Himukin sila na maging mapagpaumanhin sa kanilang sarili at huwag humiling nang labis sa kanilang sarili.
5. Hayaan silang magsalita tungkol sa namatay na anak hanggang gusto nila, at pag-usapan ang tungkol sa mabubuting katangian ng bata.
6. Bigyan ng pantanging pansin ang mga kapatid na lalaki at babae ng batang namatay anumang haba ng panahon ang kinakailangan.
7. Bawasan ang kanilang mga damdamin ng pagkakasala. Tiyakin sa kanila na ginawa nila ang lahat nilang magagawa. Itampok ang anumang bagay na nalalaman mong totoo at positibo tungkol sa pangangalaga na ibinigay nila.
Kung Ano ang Iiwasan
1. Huwag silang iwasan sapagkat ikaw ay asiwa. Ang isang madamaying pagyapos ay mas maigi kaysa hindi pagpunta roon.
2. Huwag mong sabihin na alam mo ang kanilang nadarama—malibang ikaw man ay namatayan ng isang anak.
3. Huwag humatol o sabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang madama o gawin.
4. Huwag tumahimik kapag binabanggit nila ang kanilang namatay na anak. At huwag matakot na banggitin ang bata—nais nilang marinig ang mabubuting bagay tungkol sa kaniya.
5. Huwag gumawa ng mga konklusyon o mga leksiyon na matututuhan buhat sa pagkamatay ng bata. Sa kanilang pagdadalamhati, wala silang nakikitang pag-asa.
6. Huwag ipaalaala sa kanila na sa paanuman mayroon pa silang ibang mga anak o na maaari pa silang magkaroon ng mga anak. Walang ibang anak na makahahalili sa namatay.
7. Huwag nang dagdagan pa ang kanilang pagkadama ng pagkakasala sa pamamagitan ng paghahanap ng mga mali sa tahanan o sa pangangalaga ng ospital.
8. Huwag gumamit ng relihiyosong kasabihan na sumisisi sa Diyos.
(Batay sa isang talaan na inihanda ni Lee Schmidt, Parent Bereavement Outreach, Santa Monica, California.)