Pagmamasid sa Daigdig
Sobyet na Pagkasugapa sa Droga
Sang-ayon sa magasing Sowjetunion heute, inilathala ng embahadang Sobyet sa Cologne, Alemanya, na mayroong 46,000 nakarehistrong mga sugapa sa droga sa Unyong Sobyet. Isiniwalat ng isang surbey na isinagawa sa Soviet Georgia na 91.7 porsiyento ay mga lalaki, 81.9 porsiyento ay sa pagitan ng mga edad na 20 at 34, at 49 porsiyento ay may-asawa. Kabilang sa mga salik na binanggit na nagbuyo sa kanilang pagkasugapa (may palugit para sa pagsasanib) ay ang paghahanap ng kaligayahan (68.3 porsiyento), pagnanais na tularan ang iba (25.3 porsiyento), kawalang-kasiyahan sa buhay at ang pagnanais na makalimot (7.5 porsiyento), pag-uusyoso (2.3 porsiyento), sikolohikal na trauma (2.3 porsiyento), at iniresetang mga gamot na naglalaman ng droga (1.3 porsiyento).
Ang Kabayaran ng Ehersisyo
“Sa Switzerland, ang lumalagong kasiglahan sa palakasan at isang pinatagal na kausuhan ng pag-eehersisyo ay umakay sa pagdami ng mga aksidenteng nauugnay sa palakasan,” ulat ng pahayagang Suiso na Basler Zeitung. Halos 373,000 mamamayang Suiso ang nasaktan sa mga aksidenteng nauugnay-sa-palakasan noong 1986. Iyan ay kumakatawan ng mahigit na 10 porsiyento ng lahat ng taong aktibo sa ilang uri ng palakasan. Sangkalima nito ay kinailangang maospital. Kabilang sa mga dahilang binanggit sa mga aksidente ay ang “kakulangan ng konsentrasyon o hindi mahusay na ehersisyo.” Nabanggit din ang mahinang klaseng mga kagamitan bilang isang salik. Binibigyan-diin ng kampaniya na bawasan ang mga aksidente na dahil sa palakasan sa pamamagitan ng pagsamo para sa malinis na paglalaro.
“Weatherman” sa Ilalim ng Dagat
Ang mga balyenang sumisisid sa mga kalaliman ng karagatan ay tumutulong ngayon upang magbigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa taya ng panahon, ulat ng The Sunday Times ng London. Ang mga mamal na sumisisid nang malalim, gaya ng mga balyenang pilot, kulay-abo, at humpback, ay nilalagyan ng isang 700 gramo, sinlaki ng mangkok na transmiter na nagbibigay ng mga detalye tungkol sa mga temperatura ng tubig na naiengkuwentro sa iba’t ibang lalim. Yamang ang init mula sa dagat ay nakakaapekto sa hangin at bagyo sa lupa, ang gayong pagsukat ng mga temperatura ng tubig ay tumutulong sa wastong pagsasabi ng taya ng panahon. Habang ang mga mamal ay gumagala sa mga lugar sa malawak na karagatan na hindi mapuntahan ng mga barko, ibinobrodkast ng kanilang mga transmiter ang impormasyon tungkol sa taya ng panahon sa isang satelayt pagkatapos umahon mula sa kalaliman mga 0.8 kilometro o higit pa.
Mapanganib na Kalat sa Kalawakan
Pinag-iisipang mabuti ng mga siyentipiko ang lumalaking panganib na kanilang mga nagawa sa kalawakan: ang umiinog na mga labí sa kalawakan. Tinataya nila na mayroon nang angaw-angaw na maliliit na piraso ng mga basura na umiinog sa orbita, pati na ang maninipis na piraso ng pintura mula sa dating mga sasakyang pangkalawakan. Bakit nakababahala ang gayong maliliit na bagay? “Sinasabi ng mga eksperto na madaling wasakin ng mabilis-kumilos na piraso na kasinlaki ng isang gisantes ang isang $100 milyon satelayt,” sabi ng The New York Times. “Sa pinakagrabe, ang isang nagkakapira-pirasong satelayt ay maaaring tumama sa iba pang nasisirang satelayt tungo sa isang malaking pagkawasak.” May palagay ang iba na nangyari na ang gayong mga aksidente. Ang umiinog na mga basura ay isa ring masamang panaginip sa mga astronomo. Hindi lamang ito nakahadlang sa mga teleskopyo at sinira ang mga larawan ng bituin kundi nagbigay rin ito ng maling astronomikal na “mga tuklas.” Mga 7,000 umiinog na bagay na kasinlaki ng bola ng beisbol o mas malaki pa ang kasalukuyang namo-monitor.
Isang Pangglobong Wika?
Ang The Story of English, isang aklat nina McCrum, Cran, at MacNeil, ay nagsasabi na ang Ingles ay sinasalita sa buong daigdig ng halos isang bilyon katao—350 milyon dito ang nagsasalita nito bilang kanilang inang wika. Ang sarisaring sinasalitang Ingles na may kahali-halinang mga puntó ay napakarami. Mayroong Indian English, Jamaican English, American English, Australian English, South African English, gayundin ang mga diyalektong cockney at “shire” ng Britaniya at idagdag mo pa ang magandang Ingles na Oxford at Cambridge, huwag nang banggitin pa ang Scottish, Welsh, at Irish. Sa kanilang aklat, sinasabi sa atin ng mga may-akda na ang wikang Ingles ay binubuo ng humigit-kumulang 500,000 mga salita (hindi kabilang ang siyentipiko, teknikal, o medikal na mga termino) kung ihahambing sa 185,000 mga salitang Aleman at wala pang 100,000 mga salitang Pranses. Ito ay kapuna-puna kung papansinin ng isa na ang Ingles ay hindi umiral bilang isang wika nang si Julius Caesar ay napadpad sa Britaniya mga 2,000 taon lamang ang nakalipas.
Hindi Naiibigang Katapatan
Ang sumusunod ay lumitaw sa The Times ng London: “Babala sa lahat ng mga manedyer na paminsan-minsan ay nagsasabi ng kaunting kasinungalingan—bago mag-empleo ng isang bagong sekretarya, suriin ang kaniyang relihiyon. Isang kilalang tao sa Lunsod, na tumawag sa telepono upang makipag-usap sa isa na iniiwasan niya, ang nagsabi sa kaniyang pansamantalang sekretarya: ‘Sabihin mo sa kaniya na ako’y abala at na tatawagan ko na lamang siya mamaya.’ Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig nang sumagot ang sekretarya, nang buong taimtim: ‘Hindi po ako maaaring magsinungaling—isa po akong Saksi ni Jehova.’”
Pinakamalaking Galaksi
“Sinasabi ng mga astronomo na natuklasan nila na isang galaksing nakita ng mga astronomo sa loob ng dalawang dekada ay 13 beses ang laki sa Milky Way,” ulat ng The New York Times. “Ito ay gagawa sa galaksi, ang Markarian 348, na pinakamalaking nakikilalang galaksi.” Mga 300 milyong light-years mula sa lupa sa direksiyon ng konstelasyong Andromeda, ang galaksi ay sinasabing sumusukat ng 1.3 milyong light-years sa diyametro. (Ang isang light-year ay katumbas halos ng 10 trilyong kilometro.) Ang Milky Way, kung saan ang ating sistema solar ay isang bahagi, ay may diyametro na halos 100,000 light-years.
Pinag-iisipang-muli na Pagsasalin
Ang malaking posibilidad na mahawa sa nakamamatay na AIDS ay pumipilit sa mga doktor sa mga bansa kung saan tradisyunal na nagsasalin ng maraming dugo na muling pag-isipan ang tungkol dito. Halimbawa, ang medikal na pahayagang Aleman na Ärztliche Praxis, inilathala ng mga espesyalista tungkol sa hospital hygiene mula sa Mainz University, ay nagmumungkahi ng isang paraan upang disinpektahin o sirain ang mga instrumentong nahawaan ng AIDS upang pangalagaan ang medikal na tauhan. “Kailangang tanggapin ng medisina tungkol sa pagsasalin ang konklusyon na walang dugong ganap na malaya sa HIV,” sabi ng pahayagan, tinutukoy ang virus na nagpapahina sa imyunidad ng katawan at nagiging sanhi ng AIDS. “Kaya ang mga sintomas na nagpapahiwatig ng pangangailangan ng isang pagsasalin ay dapat na tayahin nang napakaingat.”
Matatalinong Kama
Sa isang pagsisikap na maglaan ng pinakamalaking pangangalaga at proteksiyon sa mga pasyente ng ospital na dapat manatiling nakahiga sa kama habang nagpapagaling, isang kompaniya sa Indiana ang gumawa ng isang kama na dinisenyo upang “tiktikan” ang gumagamit nito. Kung ang isang pasyente ay magsisikap na umalis ng kama bagaman sinasabihang huwag umalis ng kama, ang pantanging aparato o sensor strips sa ilalim ng sapin ng kama ay magbibigay ng hudyat sa isa pang silid na kinaroroonan ng tumitinging nars upang babalaan tungkol sa pasyente. Maaaring pangalagaan ng mga sensor sa mga pinsala ang isang pasyente, gaya niyaong mga matatanda na o yaong nasa ilalim ng medikasyon na maaaring matumba kapag umaalis ng kama nang walang alalay. “Ang mga kama ay nagpapangyari sa amin na magpunta sa mga pasyente bago pa nila masaktan ang kanilang sarili,” paliwanag ni Mary Smith, isang rehistradong nars. Ang pantanging mga kama ay ininstala na sa maraming ospital sa buong bansa, ulat ng magasing Health.
Kamatayan sa Daan sa Italya
“Sa madaling-araw, pagmamaneho nang mahigit na apat na oras upang marating ang baybaying-dagat ng Adriatiko, pagbibilad sa araw at paliligo, isang pagkain na talagang hindi angkop sa isang tsuper, higit pang pagbibilad sa araw, at pagkatapos ay paglulutong muli sa kotse pauwi ng bahay.” Gayon ang maraming maikling pagliliwaliw kung Linggo sa Italya, sabi ng pahayagang Il Corriere della Sera. Ito ang mga kalagayan kung saan ang mga tsuper ay kailangang magmaneho upang makauwi ng bahay at makatulog agad upang muling simulan ang linggo ng pagtatrabaho kinabukasan. Ang resultang antok, kakulangan ng tamang atensiyon, at tulin ang pangunahing mga sanhi ng mga aksidente sa lansangan sa Italya, sang-ayon sa Ministring Panloob ng Italya. Sa loob ng unang 13 araw ng Hulyo 1987, sa kabuuang bilang na 9,902 mga aksidente sa lansangan sa Italya, 348 katao ang nasawi at 7,823 ang nasaktan.
Isang Bibliya sa Bawat Tahanan
Ito ay isang ambisyosong layunin ng pangunahing mga simbahang Protestante sa Australia sa ikadalawang daang taon ng bansa sa 1988, sang-ayon sa pahayagang The Sun-Herald. Ang iminumungkahing libreng pamamahagi ng mga Bibliya ay pinanganlang: “Operasyong Mabuting Balita ’88,” at tinatayang magkakahalaga ng mahigit na tatlong milyong Australianong dolyar sa makikibahaging mga simbahan. Inihahanda ang pantanging-edisyong mga Bibliya, na “idinisenyong magtinging kawili-wili at kaakit-akit,” sang-ayon sa isang tagapagsalita. Ang Bible Society at ang World Home Bible League ang magbibigay ng mga Bibliya. Ang direktor ng operasyon ay nagsasabi na ito ay hindi basta gaya ng paghuhulog ng sulat kundi ang mga membro ng simbahan ay magtutungo sa bawat bahay sa bawat kalye, magbabahay-bahay upang ihatid ang libreng mga Bibliya.