Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/8 p. 12-15
  • Ang Relihiyon Ba ay Nawawala sa Larawan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Relihiyon Ba ay Nawawala sa Larawan?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dating mga Simbahan Ngayo’y mga Restauran at mga Tindahan
  • Umuunting Klero at Nahahating Kawan
  • Bakit Humihina ang Relihiyon?
  • Anong Pag-asa Mayroon para sa Relihiyon sa Europa?
  • Ano ang Maaari Mong Gawin Upang Makasumpong Ka ng Kaligtasan?
  • Krisis sa Relihiyon sa Netherlands
    Gumising!—1993
  • Ano Na ang Nangyayari sa mga Relihiyon?
    Gumising!—2007
  • Relihiyon—Anong Kabutihan ang Naidudulot Nito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Bahagi 22—1900 patuloy—Huwad na Relihiyon—Nililigalig ng Kaniyang Kahapon!
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/8 p. 12-15

Ang Relihiyon Ba ay Nawawala sa Larawan?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Netherlands

NASUSUMPUNGAN ng maraming tao sa Europa ang kanilang mga sarili na nakakaharap ang katanungang iyon, na lumabas sa pabalat na artikulo ng lingguhang babasahing Olandes na De Tijd. Ibinangon din ng magasin ang mga katanungan na gaya ng: Totoo bang namamatay ang relihiyon sa Europa? Ano ba ang palagay ng karaniwang tao kung tungkol sa kinabukasan ng relihiyon?

Walang alinlangan na ikaw man ay may mga katanungan tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng relihiyon. Kahit na sa Estados Unidos, kung saan malakas pa rin ang tradisyunal na relihiyon, ang pagiging kapani-paniwala nito ay nayanig ng mga iskandalo na kinasangkutan ng mga ebanghelista sa TV at ng mga pagkakabaha-bahagi sa loob ng mga may mataas na tungkuling Katoliko. Sa maraming bansang Katoliko, kapansin-pansin din ang pagbagsak sa bilang ng mga dumadalo sa nakalipas na dalawampung taon.

Dito sa Netherlands, may panahon noon, hindi pa natatagalan, na maaari kang magpaputok ng kanyon sa mga lansangan kung Linggo ng umaga nang wala kang tatamaang sinuman​—silang lahat ay nasa loob ng simbahan! Ngayon kakaunti ang dumadalo. Ano ang nangyari?

Dating mga Simbahan Ngayo’y mga Restauran at mga Tindahan

Sa nakalipas na sampung taon, ang dalawang pinakamalaking relihiyosong lupon sa Netherlands, ang Iglesya Katolika Romana at ang Dutch Reformed Church, ay nawalan ng maraming membro at mga nagsisimba. Tanging 19 na porsiyento lamang ng mga mananampalataya ang dumadalo alin sa mga simbahang ito, at para sa Iglesya Katolika iyan ay kumakatawan ng isang 85 porsiyentong pagbaba kaysa dumadalo noong 1967!

Bunga nito, maraming mga simbahan ay hindi na kailangan. Ang ilan ay giniba, ang iba naman ay ipinagbili sa iba pang mga layunin. Kaya huwag kang magtaka kung ikaw ay mamamasyal sa isang dating gusali ng simbahan sa Rotterdam o Amsterdam at masumpungan mo na ito ngayon ay isa nang supermarket, isang tindahan ng mga bulaklak, isang tindahan ng mga tela, isang restauran, isang tindahan ng mga bisikleta, isang bulwagang pampalakasan, o isang discotheque. Ito ay nakasisindak sa maraming tao. At ang pagbagsak na ito sa loob ng mga relihiyon ay nakaapekto sa mga pari at mga predikadór nito.

Umuunting Klero at Nahahating Kawan

Kung paanong marami sa mga membro nito ay umaalis sa simbahan, gayundin karaming mga pari at mga predikadór ang tumatalikod sa kanilang pagtawag. Nito lamang nakalipas na limang taon, ang bilang ng mga paring Katoliko na umalis ay mga 900. Kasabay nito, iilan lamang ang nadagdag, yamang ang bilang ng “mga bokasyon” ay bumaba. Yaong mga nananatili ay tumatanda na. Halimbawa, 89 porsiyento ng mga madre sa Netherlands ay mahigit na 50 anyos.

Nasusumpungan din ng mga klero ang kanilang mga sarili na hindi na nakatutugon sa mga suliraning nakakaharap nila sa loob ng simbahan. Ang iba ay lubusang sumusuko sa ilalim ng panggigipit at kinailangang patingnan sa sikologo. Ganito ang pagkakasabi ng pahayagang Apeldoornse Courant: “Kung makikipagsapalaran silang maging konserbatibo sa kanilang pangangaral, matitisod ang mas progresibong mga membro ng kongregasyon. Kung ilalagay naman nila ang kanilang mga sarili sa panig ng mga progresibo, pupunahin naman sila niyaong mga membro na nanghahawakang mahigpit sa Bibliya. Kung mangangahas naman ang isang predikadór o pari na piliin ang gitna, nanganganib naman siyang tanggihan ng buong kongregasyon.”

Mangyari pa, ang mga pangyayaring ito ay nagkaroon ng impluwensiya sa lipunang Olandes. Ang sensus ng Dutch Social Cultural Planning Office noong 1985 ay nagpapakita na sa kauna-unahang pagkakataon ipinalalagay ng mahigit sa kalahati ng populasyon ang sarili nito na hindi relihiyoso.

Ang pagkakahati-hati sa loob mismo ng mga simbahan, kadalasan nang may kaugnayan sa pulitikal na mga isyu, ay umakay sa marami na mag-alinlangan. Ang pagsuporta ng simbahan sa “mga kilusan ukol sa kalayaan” sa iba’t ibang bansa sa Timog Amerika at Aprika ay umakay sa di-mumunting panloob na alitan. Nagkaroon pa nga ng isang pambansang kampaniya ng pag-aanunsiyo sa ilalim ng sawikaing: WALANG SALAPI NG SIMBAHAN PARA SA ARMADONG KARAHASAN.

Ano ang reaksiyon mo sa gayong mga pangyayari? Inaakala mo bang ang mga simbahan ay makalulusot sa panahong ito ng krisis? Upang makagawa ng isang kasagutan, kailangan ngang alamin natin nang husto ang pangunahing mga sanhi ng kasalukuyang kalituhan sa relihiyon.

Bakit Humihina ang Relihiyon?

Ang mga mananalaysay, sosyologo, at mga teologo ay pawang nababahagi kung tungkol sa mga sanhi ng kasalukuyang mga pangyayari sa loob ng mga relihiyon. Sinisipi ng ilan ang maibigin-sa-kalayawan ng materyalistikong lipunang ito at ang lumalagong pagwawalang-bahala ng mga tao. Ipinagugunita nito ang mga salita ni apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:1, 2, 4: “Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, . . . maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.”

Sinisikap naman ng iba na ipaliwanag ang mga bagay batay sa kasaysayan ng Europa. Ang kasaysayang ito ay tigmak sa dugo at luha, dahil sa relihiyosong mga digmaan noong ika-16 na siglo hanggang sa pagkasangkot ng mga relihiyon sa mga digmaang pandaigdig ng ating ika-20 siglo. Ang lahat ng ito ay nag-iwan ng malalim-ang-pagkakaugat na paghihinala sa anumang anyo ng pilosopya, teolohiya, at ideolohiya. Sa paano man, ito ang kadalasang mga dahilan sa likuran ng mga digmaan, pag-uusig, at karahasan.

Sa loob ng mga relihiyon sa ngayon, ang marami ay walang pag-asang nasusumpungan para sa hinaharap. Ganito ang sabi ng isang teologong Aleman na Romano Katoliko, si Propesor J. B. Metz ng University of Münster: “Ang ating Kanluraning pagkarelihiyoso ay sagad sa buto ang pagiging makamundo. Para bang wala nang natira kahit na isang bahid ng mesianismo. Ang pamamahala ng Diyos ay naglaho na rito. Wala na siyang ginagampanang bahagi sa loob ng mga relihiyon, o sa loob man ng teolohikal at sosyal at pulitikal na mga isyu ng ating panahon.”

Karagdagan pa, nariyan ang impluwensiya ng dalawang digmaang pandaigdig, na nagsimula sa Europa sa siglong ito. Ang Auschwitz, na isang sagisag ng mga kampong piitan noong ikalawang digmaang pandaigdig, ay nakaragdag sa pagbatikos sa mga simbahan. Para sa marami, ang bagay na si Papa Pius XII, bilang lider ng Iglesya Katolika Romana, ay nanatiling walang imik noong kritikal na mga panahon ay isang bagay na mahirap lunukin.

Dahil dito, marami ang nawalan ng tiwala sa simbahan at sa mga lider nito. At paano mo personal na minamalas ang mga pangyayaring ito? Ginawa ka ba nitong hindi nag-iintindi, at ikaw ba ay nangangatuwiran na gaya ng marami pang iba: ‘Madadaig ko sa tagal ang kalagayang ito’? Isa pa, tinitingnan ito sa iba pang anggulo, tiyak na nakikita mo ang panganib ng isang nuklear na pagkalipol at ekolohikal na mga krisis, at walang alinlangan na ikaw ay nagtatanong: ‘Oo, anong uri ng kinabukasan ang nakalaan para sa akin at sa aking mga anak?’ ‘May kinalaman sa hinaharap, mayroon bang anumang bagay na maibibigay sa amin ang relihiyon?’

Anong Pag-asa Mayroon para sa Relihiyon sa Europa?

Ipinalalagay ng maraming taong posible na ang tradisyong Judeo-Kristiyano ay maglalaho sa loob ng sandaling panahon. Ang ibang mga teologo ay may palagay na ang Europa ay naging isang lipunan na lipas na sa pagka-Kristiyano.

Ano ang sinasabi ng Bibliya, ang pinagmulan ng pananampalataya na itinuro ni Jesu-Kristo, tungkol sa hinaharap ng relihiyon? Kung mayroon mang makapagsasabi ng mahalagang bagay tungkol sa paksang ito, tiyak na iyan ay walang iba kundi ang Nagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo.

Habang pinag-aaralan ng isa ang Bibliya, isa sa mga bagay na kaagad mapapansin ay ang sinabi ni apostol Pedro tungkol sa Bibliya mismo sa 1 Pedro 1:24, 25: “Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, at ang lahat ng kaniyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo; ang damo’y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, ngunit ang salita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.” Ang Bibliya ay iiral sa tuwina, at ipinakikita ng kasaysayan na anuman ang ginawa ng mga kaaway nito sa pagsisikap na sirain ito, sila ay nabigo. At ano ang nangyari sa mga turo na itinuro ni Jesu-Kristo nang siya ay nasa lupa mahigit nang 19 na mga dantaon ang nakalipas? Ilan sa mga turong ito ang masusumpungan ng isa sa iba’t ibang anyo ng relihiyon?

Sa pakikipag-usap sa isang babaing Samaritana sa balon, ipinaliwanag ni Jesus ang mga kahilingan ng dalisay na pagsamba: “Datapuwat, dumarating ang oras, at ngayon na, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, talaga ngang, ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.” Ang pagsambang ito “sa espiritu at katotohanan” ay mananatili magpakailanman.​—Juan 4:23, 24.

Ngunit ano yaong maglalaho? Ang nahahating Sangkakristiyanuhan, ang kaibigan ng pulitikal na sanlibutan. At bakit ito maglalaho? Sapagkat ito’y nagpakita ng pagwawalang-bahala sa babalang: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya’t sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.”​—Santiago 4:4.

Sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, kabanatang 17 at 18, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay makasagisag na inilalarawan bilang isang patutot, ang “Babilonyang Dakila.” Inilalarawan ng Apocalipsis 17:16 at 18:8 kung paano wawasakin siya ng pulitikal na mga elemento, at lahat ng nakibahagi sa kaniyang mga kasalanan ay tatanggap din ng kaniyang mga salot. Iyan ang dahilan kung bakit ang sumusunod na payo ay ipinahayag sa Apoc 18 talatang 4 ng kabanata 18: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” Sa panahong iyon ang hula ni Zefanias ay matutupad din: “Sapagkat kung magkagayon akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”​—Zefanias 3:9.

Nakikita mo ba kung saan ka nakatayo sa larawang iyan? Ikaw ba ay naglilingkod na kasama niyaong tumatawag sa pangalan ni Jehova? Ano ang kinakailangan upang magawa mo ito?

Ano ang Maaari Mong Gawin Upang Makasumpong Ka ng Kaligtasan?

Bagaman ang Sangkakristiyanuhan, pati na ang lahat ng huwad na relihiyon, ay nakatakdang maglaho sa Europa gayundin sa iba pang bahagi ng daigdig, ang tunay na Kristiyanismo ay mananatili magpakailanman. Ang mahalagang tanong ay kung ang iyo bang pananampalataya ay guguho o mananatiling matatag upang ikaw ay makaligtas kapag bumagsak na ang Sangkakristiyanuhan. Ano ang kinakailangan upang maligtas? Dapat mong ‘sambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan.’ Inaasahan ng Maylikha na kikilalanin mo siya sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Tungkol sa Salitang iyan, sinabi ni Jesus: “Ang salita mo’y katotohanan.” (Juan 17:17) Sa Bibliya, ang landasin kung paano makaliligtas ay nakasaad doon, saan ka man nakatira sa ibabaw ng lupa.

[Larawan sa pahina 15]

Ang simbahan sa Hoorn, ngayo’y mga apartment at tindahan ng mga tela

[Larawan sa pahina 15]

Simbahang Lutherano sa Arnhem, ngayo’y ginagamit na bodega, sinehan, at discotheque

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share