Kami’y mga “Lilliputian” sa Gitna ng mga Unano
MGA ilang taon pagkatapos ng Gera Sibil Espanyola, nang ako ay bata pa, kami ng nanay ko ay nagpunta sa sirkus sa aming bayan sa Cuenca. Pagpasok namin sa pinakamalaking tolda, bigla kong narinig ang isang nag-uutos na tinig na sumisigaw: “Senora, Senora, nais kong upahan ang inyong anak na babae!” Ang aking ina, na nagulat, ay biglang sumagot: “Mayroon pa akong isa na maaari mo ring upahan!” Ang pambihirang pagkikilalang ito ay lubusang magbabago ng aming buhay.
Alam mo, ang aking nakababatang kapatid na si Carmen at ako ay sinlaki ng mga manika, mga lilliputian nga, kahit na sa gitna ng mga unano. Kami ni Carmen ay halos isang metro lang ang taas. Tiyak na iyan ang nagpapaliwanag ng aming pangalan sa entablado, Las Hermanas Mínimas (Ang Napakaliit na Magkapatid), nang kami’y magtanghal nang dakong huli sa mga sirkus, sa mga arena, sa lokal na mga kapistahan, at sa mga kabaret sa buong Espanya, Pransiya, at Italya. Subalit hayaan mong sabihin ko sa iyo ang higit pa tungkol sa kung paano naging bahagi ng aming buhay ang tanghalan.
Pagtitiis ng Hirap
Si itay ay namatay noong panahon ng Gera Sibil, nang kami ni Carmen ay napakabata pa. Ang pagiging unano ay itinuturing na isang sumpa ng marami noong panahong iyon. Kaya makikini-kinita mo kung ano ang nadama ng aking ina na magkaroon hindi lamang ng isa kundi dalawang unano. Ang mga tiya, tiyo, at mga pinsan ay pawang ikinahiya kami anupa’t ang iba ay walang-pusong nagmungkahi pa nga na itulak kami ni Inay sa isang bangin upang mamatay na kami. Madalas kaming batuhin ng mga bata sa aming lugar, malupit na ipinaaalaala sa amin na kami’y mga tagalabas. Hinding-hindi kami lumalabas ng bahay kung hindi nga lang kinakailangan na kami ay pumasok sa paaralan.
Hindi naman gaanong masama sa paaralan, bukod sa araw-araw na paglalakad pauwi sa bahay, na kadalasa’y parang pagtitiis ng mahirap na karanasan sapagkat kami’y hinahabol ng ibang mga bata, na nanunuya, nanlilibak, at nambabato sa amin. Gayunman, ang aming guro ay napakamaunawain at mahabagin. Pinaglalaanan niya kami ng ekstrang panahon, tinuturuan kami hindi lamang ng karaniwang kurikulum kundi ng lahat ng klase ng pagbuburda. Higit pa riyan, nakasumpong siya ng mga kliyente na gustung-gustong bilhin ang aming mga burda. Ngayong kami’y lumalaki na, sa edad, mahalagang mag-isip ng ilang paraan na maaaring pagkakitaan ng ikabubuhay.
Ikinaiinis namin ni Carmen na kami’y maging tudlaan ng pag-uusyoso, subalit saanman kami magpunta, walang galang na tititigan kami ng mga tao. Ito ay nagpangyari sa amin na magpasiyang magtrabaho sa bahay. Gayunman, bunga nito, ang aming buhay ay lalo pang naging malungkot, isang pagkukulong namin sa sarili na nagpatuloy hanggang nang araw na kami ni Inay ay magtungo sa sirkus.
Ang Buhay Bilang mga Manika sa Sirkus
Ang manedyer mismo ng sirkus ang sumigaw sa aking inay at na siyang may nais na kami’y upahan doon ora mismo. Talagang hindi ko naibigan ang ideya. Gayunman, mayroon siyang lubhang nakakukumbinsing argumento. “Paano ninyo susuportahan ang inyong sarili pagtanda ninyo kung hindi kayo magtatrabaho ngayon?” tanong niya, muling pinupukaw ang lahat ng aking kaloob-loobang pagkabalisa tungkol sa aking kinabukasan. Binabalaan niya ako: “Ikaw ay mauuwi sa Misericordia.” (Misericordia, o bahay ng awa, ang pangalang ibinigay nang panahong iyon sa Tahanan ng mga May Kapansanan doon.) Hindi ko naibigan ang pag-asang ito kung paanong hindi ko rin naibigan ang pagtatanghal sa isang sirkus. Sa tuwina’y inasam-asam ko ang maging isang guro.
Subalit sa ngayon, ang pagtuturo ay nanatiling isang pangarap lamang. Pagkatapos ng ilang linggo ng pag-aaral ng klasikal na pagsasayaw, kaming dalawa ay nagsimula na sa aming paglalakbay sa Espanya, kadalasang nagtatanghal sa hindi mapagpahalagang mga tagapanood subalit kung minsan ay sa natutuwang maliliit na bata. Tuwang-tuwa sila sa aming pagtatanghal anupa’t kung minsan nais nilang bilhin kami ng kanilang mga nanay bilang mga manika.
Nang panahong iyon, ang buhay ay kapana-panabik, naglalakbay sa mga lugar na napapangarap ko lamang noon. Anong laki ng ipinagbago ng aming buhay! Pagkalipas ng mga taon na kung saan kami’y takot na lumabas ng bahay, narito kami ngayon sa tanghalan. Lumilingon sa nakaraan, natitiyak ko na ang pag-alpas namin sa pagbubukod namin sa aming sarili ay tumulong sa amin na tanggapin ang aming pisikal na kalagayan nang hindi dumaranas ng permanenteng emosyonal na pinsala.
Buhay sa Sirkus—Hindi Palaruan ng Bata
Gayunman, may isang disbentaha sa aming bagong tuklas na buhay. Ang aming daigdig ng lilliputian ay hindi naging walang-malay na palaruan ng mga bata na inilalarawan sa tanghalan. Marami sa aming kapuwa unano na mga nagtatanghal ay di-mawari ang mga pagkilos. Madaling tumindi ang mga sama ng loob at kabiguan yamang madalas ay hindi kami tinatrato ng “mga malalaki” na gaya ng normal na mga tao. Paminsan-minsan ang mga damdaming ito ay umaapaw sa walang bait na silakbo ng karahasan. Ngunit sa akin wari bang ang ilan sa mga unanong ito ay gumagawa ng gulo upang itayo lamang ang kanilang pagtitiwala-sa-sarili.
Kami ng kapatid kong babae ay asiwa sa kapaligirang ito. Sa amin, ang pagtatanghal ay wala kundi isang paraan lamang upang magkaroon ng isang desenteng kabuhayan, ang tanging makukuha namin sa Espanya nang panahong iyon. Sinikap naming lumayo sa anumang gulo, at sa wakas natamo namin ang paggalang ng lahat. Kung minsan, sinasabi ng mga opisyal sa sirkus sa palaaway na mga unano: “Tingnan ninyo Ang Napakaliit na Magkapatid. Dapat ninyo silang tularan!”
Sa lahat ng panahong iyon, hindi ko kinalimutan ang babala na ibinigay ng manedyer ng sirkus. Paano ko susuportahan ang aking sarili pagtanda ko? Kaya sa kabila ng humihinang kalusugan, kami ni Carmen ay nagtrabaho nang puspusan upang mayroon kaming maitabing sapat na salapi para sa aming pagtanda na alam naming darating.
Gayumpaman, nakikita ko na ngayon ang positibong panig ng lahat ng pagpapagal na iyon. Ginawang madali ng pananatiling abala sa gitna ng kaguluhan ng buhay sa sirkus na matanggap namin ang aming pisikal na kalagayan, at tiyak na iniwasan namin ang pagbubukod ng aming sarili mula sa lahat ng tao. Higit sa lahat, kami’y abalang-abala upang mahulog sa pagkaawa-sa-sarili.
Maliit na Aklat—Malaking Impresyon
Pagkalipas ng maraming taon, sa isa sa aming mga paglalakbay sa Espanya, isang tin-edyer ang lumapit sa amin doon mismo sa peryahan, ipinaliliwanag ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Binigyan niya kami ng dalawang maliliit na aklat, na may kaligayahan naming tinanggap. Nang hapon ding iyon, sinimulan naming basahin ang isa sa mga ito, Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang nabasa namin ay nakaantig sa aming puso, anupa’t sinimulan naming kausapin ang iba pang nagtatanghal tungkol sa kung ano ang aming nababasa. Subalit gayon na lamang ang aming kabiguan nang matuklasan namin na hindi lahat ay interesado sa kung ano sa palagay nami’y lubhang kapana-panabik!
Dalawang taon ang lumipas, at pagkatapos isa pang Saksi ang dumalaw sa aming tahanan sa Madrid. Tuwang-tuwa kaming makinig na muli sa mensahe ng Kaharian, at nangako pa nga ang Saksi na babalik na may dalang isang Bibliyang saling Katoliko upang makita namin sa ganang amin na ang Bibliya ng mga Saksi ay hindi naiiba. Hindi nagtagal, isang pag-aaral ang sinimulan, at hindi kumuha ng mahabang panahon upang kumbinsihin kami na nasumpungan namin ang katotohanan. Pagkaraan lamang ng isang taon, si Carmen ay nabautismuhan, at pagkaraan ng mga ilang buwan, inialay ko rin ang aking buhay kay Jehova at ako’y nabautismuhan.
Isang Guro sa Wakas
Ang pangangaral sa bahay-bahay ay isang tunay na hamon para sa aming dalawa. Aba, oo, sanay kaming magtanghal sa entablado, subalit ang pagtayo sa harap ng isang pinto at sikaping magsimula ng isang pakikipag-usap sa isa na hindi mo pa nakita noon ay lubhang kakaibang bagay. Hindi pa namin talagang napagtatagumpayan ang aming malalim-ang-pagkakaugat na pagkamahiyain at kakimian. Tinanong namin ang aming sarili: ‘Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga tao kapag nakita nila ang dalawang unano sa kanilang pinto?’ ‘Mapagkakamalan kaya nila kaming mga nagpapalimos?’ Nakagagalak sabihin na bihira itong mangyari.
Dahil sa kabaitan at pagtitiis ng aming espirituwal na mga kapatid, unti-unti naming napagtagumpayan ang aming mga takot, at ang pangangaral ang kumuha ng marami sa aming panahon. Sa wakas, ang aking pangarap noong kabataan ay nagkatotoo—Ako sa wakas ay isang guro! Hindi ako nagtuturo ng matematika, balarila, o gaya niyaon, kundi itinuturo ko ang pangunahing bagay sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan.
Mangyari pa, kadalasang nagugulat ang mga tao na makasumpong ng gayon kaliliit na mga tao sa kanilang pinto. Sa kabilang dako, ang iba ay gulat na gulat na malaman na kami ay nakapagsasalita na gaya ng iba at sila’y matamang nakikinig sa aming mensahe.
Lagi kaming maligaya kapag kami ay nagtutungo sa bahay-bahay na kasama ng aming mahal na mga kapatid sa kongregasyon na kinauugnayan namin. Kahanga-hanga ang pagsuporta nila sa amin, kahit na sa wari’y hindi mahalagang mga bagay na gaya ng pagtimbre—kadalasan hindi namin ito maabot! Sa ibang mga pagkakataon, maibiging tinutulungan kami ng mga kapatid na umakyat sa mga hagdan.
Labis naming pinasasalamatan ang maibiging pangangalaga ng kongregasyon. Sila ay nagpapakita sa amin ng tunay na pagdamay, hindi basta paimbabaw na awa na magpapadama sa amin na kami’y mahina. Si Carmen ay naaksidente mga ilang buwan na ang lumipas, at nahihirapan siyang sumampa sa isang silya. Kaya kailanma’t maglalahad siya ng isang pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, mayroong bubuhat sa kaniya at maglalagay sa kaniya sa silya. Ang mga bata sa kongregasyon ay nagtataka sa amin, subalit hindi walang galang na pag-uusyoso na nakakatagpo namin sa mga lansangan. Kami ay tinatrato ng aming mga kapatid na normal na mga tao, at talagang iyan ay nakatulong sa amin na maging palagay sa kongregasyon.
Ang mga pag-aalala tungkol sa aming kinabukasan, na nadama ko sa loob ng maraming taon ng aking buhay, ay naglaho. Ang takot na hindi pagkakaroon ng sapat upang ikabuhay, minsang kami’y hindi na makapagtrabaho, ay hinalinhan ng isang tiyak na pag-asa ng mas mabuting kinabukasan. Noong nakaraang mga taon kami ay palaging nagtatrabaho, tinatanggap ang bawat kontrata na iniaalok sa amin, laging nababahala sa kinabukasan. Ngunit nang malaman namin ang katotohanan ng Salita ng Diyos, binawasan namin ang aming mga kompromiso sa tanghalan. Kasabay nito, natuto kaming mamuhay na mayroon lamang kaunti sa materyal na paraan.
Bagaman hindi na kami nagtatanghal, kami’y abala sa aming pang-araw-araw na gawain sa bahay. Habang kami ay tumatanda, dumami rin ang aming pisikal na mga problema, at maging ang pag-akyat sa mga hagdan ay naging isang malaking hamon. Kaya, kami’y naghanap ng isang apartment sa ibabang palapag. Sa ganitong paraan ay hindi kami labis-labis na aasa sa iba. Malaya kaming nakikihalubilo sa mga kapatid at lagi kaming abala sa gawaing pangangaral, na pawang nakatutulong sa amin na panatilihin ang isang magandang-loob na espiritu.
Ginugunita ang nakalipas na 50 taon o higit pa, namamangha pa rin ako sa laki ng ipinagbago ng aming buhay. Ang aming maagang mga taon na kami’y nakakulong sa bahay ay nagbigay-daan sa kasiglahan ng sirkus. Bagaman ang aming buhay ay mas tahimik ngayon, ito ay higit na kapaki-pakinabang habang iniaalay namin ang aming panahon sa pangangaral sa madla. Kami ay kapuwa nagpapasalamat kay Jehova na hinayaan niyang makita namin ang katotohanan ng kaniyang Salita, na napakalaki ng nagawa upang pagaanin ang aming pagkabahala sa kinabukasan. Nagpapasalamat din kami sa maibiging pangangalaga at masiglang pagsuporta ng aming mga kapatid na Kristiyano, na tumulong sa amin na pagtiisan ang pasan ng pagiging mga lilliputian kahit na sa gitna ng mga unano.—Gaya ng isinaysay ni Amparo Sánchez Escríbano.