Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 3/8 p. 7-9
  • Mga Walang Tahanan—Ano ang mga Dahilan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Walang Tahanan—Ano ang mga Dahilan?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Nasira ang Pansalóng Lambat
  • Tumataas na Halaga at Umuunting Panustos
  • Ang Salik na Sakit sa Isip
  • Malungkot na Pangyayari sa Paghahanap ng Lunas
  • Mga Walang Tahanan—Isang Suliraning Pandaigdig
    Gumising!—1988
  • Mga Walang Tahanan—May Pag-asa Ba?
    Gumising!—1988
  • Kawalan ng Tirahan—Ano ang Nasa Likod Nito?
    Gumising!—2005
  • 1987—Taon ng mga Walang Tahanan
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 3/8 p. 7-9

Mga Walang Tahanan​—Ano ang mga Dahilan?

MALAMIG na gabi ng taglamig noon. Si Louise at ang kaniyang pamilya ay naalimpungatan ng ilang nakatutulig na mga hiyaw. Nagkaroon ng sunog sa isang apartment ng kapitbahay. Pinalaki ng malakas na hangin ng taglamig ang apoy at ikinalat ito sa anim-na-palapag na gusali. Sa taranta at kalituhan na makalabas sa kanilang ikalimang-palapag na apartment, ang nanay ni Louise ay nahulog sa kaniyang kamatayan mula sa hagdan na dinaraan sa pagtakas sa sunog. Pagkaraan ng mga ilang sandali, nilamon ng apoy ang gusali, at lahat ng mga tahanan ay natupok.

Ang pagkamatay ng kaniyang nanay at ang pagkatupok ng kaniyang tahanan sa magdamag ay isang matinding dagok kay Louise. Sa kabutihang palad, siya’y may mga kamag-anak at mga kaibigan na kumupkop sa kaniya hanggang sa maayos niya ang mga bagay. Ito ang tinatawag ng mga sosyologo na isang sistema ng pagsuporta ng pamayanan, na sa loob ng mga ilang salinlahi ay nagsilbi bilang isang pansalóng lambat sa mga panahon ng biglang pangangailangan.

Kung gayon bakit ang bawat malaking lunsod ay mayroon ng mga taong lansangan nito at ng mga tirahan nito para sa mga walang tahanan? Bakit ang lahat ng mga iskuwater, mga slum, at mga bayan ng barungbarong? At, oo, bakit ang masamang kalagayan ng pabahay at ng mga walang tahanan?

Kapag Nasira ang Pansalóng Lambat

Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ang sistema ng mga kamag-anak at mga kaibigan ay gumaganang mainam upang maglaan ng tulong na kinakailangan sa panahon ng anumang personal na krisis. Gayunman, ang sistema ay delikado. Ano kung ang pangangailangan ay napakalaki o napakamahal anupa’t ito’y higit kaysa kung ano ang maibibigay ng sistema? O ano kung sirain ng ilang malawakang sosyal na pagbabago ang sistema mismo? Kapag nasira ang pansalóng lambat, ang mga tao ay mahuhulog sa katakut-takot na kagipitan.

Ito ang nangyayari sa maraming nagpapaunlad na mga bansa. Sa India, halimbawa, ang taunang mga pag-ulan ay napatunayang hindi sapat sa nakalipas na mga ilang taon. Noong tag-araw ng 1987, isa sa bawat tatlong taga-India ay kulang ng sapat na tubig na maiinom. Ang kakulangan ng tubig ay nangangahulugan din na ang mga pananim ay hindi lalago, at ang mga baka ay hindi mabubuhay. Dahil sa walang mga ani, ang mga mambubukid ay walang trabaho at walang kaparaanang pakanin ang kanilang mga pamilya. Ang tanging mapagpipilian nila ay umalis sa mga nayon at magtungo sa mga lunsod kung saan maaaring makasumpong pa ng ilang trabaho.

Ang epekto ng pandarayuhang ito ay napatunayang isang tunay na pabigat sa mga lunsod, na sinasalot na ng mabilis na pagdami ng populasyon. Dahil sa walang pera o trabaho, hindi kaya ng dumarating na mga dayuhang ito kahit na ang isang maliit na silid sa isang lupang sakop ng slum. At yamang inilipat nila ang kanilang mga sarili sa isang ganap na bagong kapaligiran, bihira sa kanila ang may matatakbuhan. Kaya napapasama sila sa di-mabilang na iba pang mga maninirahan sa mga bangketa, at ang krisis sa pabahay ay tumitindi.

Nakakaharap ng iba pang nagpapaunlad na mga bansa ang kahawig na mga suliranin. “Noong 1950, isa lamang lunsod sa Aprika ang may mahigit na isang milyong tao: ang Cairo,” sabi ng aklat na Africa in Crisis. “Noong 1980, mayroong 19 na mga lunsod na mahigit na isang milyon. Sa taóng 2000, inaasahang magkakaroon ng 60 gayong mga lunsod.” Ang mga maninirahan sa lalawigan ay nagkakalipumpon sa mga lunsod sa pag-asang makakasumpong ng mas mabuting ikabubuhay. Subalit ang ibinunga ay mga slum at hamak na pamumuhay, karaniwan ay mas masahol pa sa kung ano ang kanilang nilisan.

Tumataas na Halaga at Umuunting Panustos

Sa mas mayaman o maunlad na mga bansa, ang mga dahilan ng kawalang tahanan ay maaaring lubhang kakaiba. Karaniwang itinuturo ng mga tagapagtanggol ng mga walang tahanan ang kabuhayan bilang siyang pangunahing salik. Sa Canada, halimbawa, “samantalang ang tumataas na halaga ng pagtatayo sa nakalipas na dalawang dekada ay nagpataas pa sa presyo ng bagong mga bahay,” ulat ng magasing Maclean’s ng Canada, “ang pagdating ng dalawang-kinikita na mga pamilya sa pamilihan ng mga pabahay kamakailan ay lalo pang nagpataas sa presyo​—ng hanggang 50 porsiyento noong nakaraang taon lamang sa ilang lugar sa lunsod.”

Nakadaragdag pa sa tumataas na halaga ng pabahay sa maraming lunsod ang pamamaraang tinatawag na gentrification. Parami nang paraming mas luma, mababang-halagang mga pabahay sa loobang lunsod ay binabago at ginawagang matataas-halagang mga yunit na mayroon ng lahat ng modernong mga kaginhawahan na nagugustuhan ng bagong yumayaman o may kabataang mga propesyonal na mas gusto ang buhay sa lunsod kaysa buhay sa mga arabal. Hindi lamang nito pinatataas ang halaga kundi lubhang binabawasan din nito ang panustos ng makakayang mga pabahay para sa mababa- o kahit na sa kalagitnaang-kita na mga pamilya.

Sa lunsod ng New York, halimbawa, nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan na ang isang pamilya ay kinakailangang kumikita ng $58,000 isang taon upang makaya niya ang isang bagong kainamang-presyong isang-silid na apartment. Ipinakikita ng isang pambansang surbey na ang Manhattan din ang may pinakamataas na singil sa paupa sa lahat ng mga lunsod ng bansa. Ang isang 130 metro kuwadrado, dalawang-silid-tulugan na apartment sa isang magandang lugar, sa katamtaman, ay nagkakahalaga ng $2,555 isang buwan, at ang isang pamilya ay kinakailangang kumita ng halos $73,000 isang taon upang makaya ito, ipagpalagay nang handa nilang gugulin ang 40 porsiyento ng kanilang kita sa pabahay lamang.

Ang halaga ng pabahay sa iba pang mga lunsod ay maaaring mas mababa, subalit gayundin naman ang katamtamang sahod ng mga manggagawa. Dahil sa nakukuha ng pabahay ang malaking bahagi ng kita ng pamilya, ang anumang di-kaaya-ayang pagbabago sa kabuhayan ay madaling humantong sa malaking sakuna. Iyan ang kaso ni John, na mga ilang taon lamang ay inilipat ang kaniyang pamilya na binubuo ng lima mula sa Chicago, Illinois tungo sa Houston, Texas upang humanap ng trabaho. Sa loob ng mga ilang panahon tinustusan niya ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng mga komisyon na kinikita niya bilang isang ahente ng sasakyang panlibangan. Pagkatapos, dahilan sa humina ang kabuhayan, wala siyang benta sa loob ng dalawang buwan. Dahil sa hindi niya mabayaran ang $595-isang-buwan na upa sa kaniyang apartment, siya at ang kaniyang pamilya ay pinaalis. Dahil sa wala silang matatakbuhan, sila’y nagtungo sa isang tirahan para sa mga pamilyang walang tahanan. Bagaman may nasisilungan, nag-iisip si John kung paano kaya siya makakapagtrabahong muli, yamang iilang maypatrabaho lamang ang uupa sa isa na walang tirahan.

Bagaman ang karamihan ng mga tao sa malalaking lunsod ay maaaring may mga tahanan, ang kanilang tinitirhan ay hindi kanais-nais. Ipinakikita ng isang surbey na kahit na sa isang lunsod na kasingmoderno ng New York, 10 porsiyento ng pangkaraniwang mga pabahay ay ang tinatawag na “old-law tenements,” mga bahay na itinuturing na hindi angkop kahit na sa pagtatapos ng siglo dahilan sa di-sapat na hangin, ilaw, at mga paglalaang pansanitasyon. Ang 30 porsiyento pa ay “new-law tenements,” mahusay nang kaunti, subalit luma na rin ang istilo kahit na sa mga pamantayan noong 1929. Taun-taon, kasindami ng 30,000 katao ang sapilitang pinaaalis sa kanilang mga tahanan kapag ang kanilang nabubulok na mga gusali sa wakas ay ipinagbawal gamitin o nilisan.

Ang Salik na Sakit sa Isip

Upang palubhain pa ang mga bagay, maraming dalubhasa ang naniniwala na ang kabuhayan ay maaaring isang bahagi lamang ng suliranin ng mga walang tahanan. Iginigiit nilang totoo na ang malaking porsiyento ng mga taong walang tahanan ay nagkagayon sapagkat sila ay may sakit sa isip at hindi na nila mapangalagaan ang kanilang mga sarili.

Sapol noong kalagitnaang-1960’s maraming mental na mga institusyon ng estado, upang bawasan ang gastusin, ay nagtaguyod ng pamamaraan na tinatawag na mental na kalusugan ng pamayanan. Ang mga pasyenteng may sakit sa isip ay ginagamot ng ilang bagong saykoaktibong mga gamot at pagkatapos ay pinalalaya. Ang teoriya ay na dahil sa nasusupil ng mga gamot ang mas grabeng mga sintomas, ang mga pasyente ay magpapanibagong-buhay sa mga pamayanan at susuportahan nito. Bunga nito, sa Canada, halimbawa, ang kabuuang kapasidad ng mental na mga institusyon ay bumaba mula 47,600 mga kama noong 1960 hanggang sa wala pang 10,000 ngayon, at ang kasalukuyang populasyon sa mental na mga ospital sa Estados Unidos ay wala pang sangkapat ng pinakamataas na bilang noong 1955 na 559,000.

“Subalit ang pagpapalaya sa mga pasyenteng may sakit sa isip sa kalakhang bahagi ay napasamâ dahil sa hindi paglalaan ng mga lalawigan ng sapat na mga paglilingkod sa pamayanan, o mga kaayusan sa pamumuhay, para sa dating mga pasyenteng may sakit sa isip,” ulat ng Maclean’s. Marami sa kanila ang napilitang tumira sa sira-sirang mga paupahang tuluyan at mga kuwartong paupahan. Ang iba, na hindi masupil ang kanilang buhay, ay nauuwi sa mga tirahan o sa lansangan. Tinataya ng mga opisyal ng welfare sa maraming lunsod sa Canada na halos sangkatlo ng mga walang tahanan ay mayroong ilang anyo ng pagkasira ng isip. Nasumpungan ng isang pag-aaral na isinagawa ni Ellen Bassuk ng Harvard Medical School ang “90 porsiyentong kaso na narikonosi na sakit sa isip” sa gitna ng mga maninirahan sa isang karaniwang tirahan para sa mga walang tahanan sa Boston.

Ang kalagayan ng mga pamilyang walang tahanan na inilagay sa mga welfare hotel at sa katulad nito ay wala ring pinag-iba. Bagaman iilan sa kanila ay dumanas ng sakit sa isip, ang siksikan at maruming mga kalagayan, pati na ang pagkabagot at kawalang-pag-asa, ay kadalasang humahantong sa karahasan sa pamilya at sa emosyonal na suliranin, lalo na sa mga bata.

Malungkot na Pangyayari sa Paghahanap ng Lunas

Bagaman ang mga dalubhasa ay hindi magkasundo kung baga ang kawalang tahanan ay dahilan sa paghina ng kabuhayan, dahil sa mataas na halaga ng pabahay, dahil sa sakit sa isip, o iba pang dahilan, ang ilang aspekto ng problema ay nananatiling nakatatakot. Una sa lahat, hindi maikakaila na ang suliranin sa pabahay ay tumitindi sa buong daigdig. Ikalawa, parami nang parami, hindi lamang mga taong walang asawa kundi mga pamilya, ang nawawalan ng tahanan. At sa katapusan, ang populasyon ng mga walang tahanan ay mas bata ang edad. Ang kalunus-lunos na mga katotohanang ito ay humihiling ng mga kasagutan. Ano ba ang ginagawa upang lutasin ang problema? Gaano ito kabisa? At magkakaroon pa kaya ng sapat na pabahay para sa lahat?

[Larawan sa pahina 9]

Pansamantalang tirahan malapit sa maluhong pabahay

[Credit Line]

Mark Edwards/UNCHS

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share