Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
“Igalang Mo ang Iyong Ama at ang Iyong Ina”—Ngunit Bakit?
“NAPAKATIGAS ng ulo mo at wala na akong magagawa pa sa iyo,” sabi ng galit na galit na ama ni Veda. “Hindi mo ako iginagalang. Humahanap ka lamang ng problema.” Si Veda ay nakikipag-date sa isang lalaki na sugapa sa droga at alak. Inuumaga siya sa mga disco. Bagaman tutol na tutol ang kaniyang ama, hindi ito iniintindi ni Veda.
“Sa palagay ko ay napakahigpit niya,” sabi ni Veda. “Nang panahong iyon ako ay 18 anyos, at akala ko ako’y malaki na at alam ko na ang lahat ng bagay. Sa akala ko hindi mabait ang aking ama at ayaw niya akong magkaroon ng katuwaan, kaya’t ako’y lumalabas at ginagawa ko ang maibigan ko.”
Isa pang kabataan, si Gina, ay sumulat: “Ang aking itay ay umiinom nang labis, at hindi ako makatulog sapagkat ang aking mga magulang ay nagtataltalan at nagsisigawan. Mahihiga ako sa kama at iiyak na lamang. Hindi ko masabi sa kanila ang nadarama ko sapagkat malamang na sampalin ako ni inay. Ang Bibliya ay nagsasabing ‘igalang mo ang iyong ama,’ subalit hindi ko magawa.”
Marahil, katulad nina Veda at Gina, nahihirapan ka ring igalang ang iyong mga magulang. Marahil sila ay humihiling ng kung ano ang inaakala mong di-makatuwirang mga kahilingan o sila ay nagpapakita ng masamang halimbawa sa pag-uugali. Gayunman, maliwanag na iniuutos ng Bibliya: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efeso 6:2) Ano ba ang nasasangkot dito? At may mabuting mga dahilan ba upang gawin iyon, kahit na kung ginagawang mahirap ng mga magulang na igalang sila?
Ano ang Kahulugan ng “Igalang”?
Ang “igalang” ay nangangahulugan ng pagkilala sa nararapat na hinirang na awtoridad. Halimbawa, ang mga Kristiyano ay pinag-utusan, “Igalang ninyo ang hari.” (1 Pedro 2:17) Bagaman maaaring hindi ka laging sang-ayon sa isang pinuno ng bansa, gayumpaman ang kaniyang katayuan o tungkulin ay dapat igalang. Sa loob ng pamilya, pinagkalooban ng Diyos ang mga magulang ng ilang awtoridad bilang kaniyang mga kinatawan. Samakatuwid, dapat igalang ng maka-Diyos na mga anak ang awtoridad na iyon. Subalit ang mga anak ay dapat na magpakita ng higit pa kaysa pormal na paggalang lamang.
Ang orihinal na pandiwang Griego na isinaling “igalang” sa Bibliya ay pangunahin nang nangangahulugan na ituring ang isa na mahalaga. Sa gayon ang isang magulang ay dapat na malasin na mahalaga, lubhang pinahahalagahan, at mahal sa iyo. Kasangkot dito ang pagkakaroon ng mainit, mapagpahalagang damdamin sa kanila. ‘Subalit paano ko madarama iyon gayong pinahihirapan nila ako?’ tanong mo.
Bakit Dapat Mong Igalang ang Iyong mga Magulang?
Sa isang bagay, ang Kawikaan 23:22 ay nagsasabi: “Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina.” Mayroong tinatayang 55 milyong mga aborsiyon sa buong daigdig taun-taon. Ang bagay na ikaw ay pinayagang isilang ng iyong mga magulang ay isang dahilan upang igalang sila. Natanto ito ni Gregory, na dati’y lubhang walang galang. “Naunawaan ko ang lahat ng ginawa sa akin ng aking ina,” sabi niya. “Pinasasalamatan ko ang Diyos na Jehova na hindi ako ipinalaglag o kaya’y itinapon sa basurahan ng aking ina nang ako’y sanggol. Siya ay nagsosolong magulang, at anim kaming magkakapatid. Alam kong napakahirap nito para sa kaniya.”
Gayunman, ang pagpapalaki ng mga anak ay hindi lamang “mahirap” kundi magastos din. Isiniwalat ng isang report sa Canada na ang halaga ng pagpapalaki sa isang bata hanggang sa gulang na 18 ng dalawang-magulang na pamilya na mayroon lamang isang anak ay hindi kukulanging $66,400! Isip-isipin ang sakripisyo ng iyong mga magulang upang paglaanan ang iyong pagkain at pananamit. “Noong minsan wala na kaming makain kundi isang latang mais at ilang binutil,” sabi ni Gregory. “Niluto ito ng aking inay para sa aming mga bata, ngunit siya’y hindi kumain. Natulog akong busog, ngunit nagtataka ako kung bakit hindi kumain si Inay. Ngayong ako’y may pamilya na, nabatid ko na siya’y nagsasakripisyo para sa amin. Naiisip ko tuloy kung maipauubaya ko ang aking pagkain sa aking anak. Hindi ko maunawaan kung paano niya nagawa ito.”
Walang alinlangan, ang iyong mga magulang ay nagpuyat din ng maraming gabi sa pag-aalaga sa iyo nang ikaw ay magkasakit. Nariyan ang daan-daang lampin na papalitan at tambak-tambak na maruruming damit na lalabhan. Mahigit na 200,000 mga Amerikano ang tinanong kung ilang anak ang nanaisin nila kung magagawa nila itong muli. ‘Gayundin karami,’ sabi ng 54 porsiyento sa mga magulang! Mga 6 na porsiyento lamang ang nagsabing, “Wala.”
Kaya ang iyong mga magulang ang nagbigay sa iyo ng buhay at inalagaan ka. Tiyak na karapat-dapat sila sa iyong paggalang at igalang.
Problemang mga Magulang
Kumusta, naman, kung ang iyong mga magulang ay nagpapakita ng masamang halimbawa, marahil ay mainitin ang ulo, lasenggo, o imoral? Nauunawaan naman, ikaw marahil ay nagdurusa bunga nito. Paano mo maigagalang ang ganiyang mga magulang?a
Bilang di-sakdal na mga tao, ang iyong mga magulang ay maaaring may malubhang mga problema o mga kapintasan sa pagkatao. (Eclesiastes 7:20) Gayunman, sa kabila ng kanilang mga pagkukulang, binigyan sila ng Diyos ng isang sukat ng pangangasiwa sa iyong buhay. Hinihiling pa rin niya na igalang mo ang kanilang awtoridad. Tandaan, sinabi ng Diyos na ang karapat-dapat na galang ay dapat na ipakita kahit na sa mga pinuno. (Roma 13:7) Ito’y humihiling na tingnan ang kabila pa roon ng kanilang paggawi at ipako ang pansin sa kanilang tungkulin, o katayuan. Kaya sa halip na maging walang galang kung inaakala mong hindi wastong ginagamit ng isang magulang ang kaniyang awtoridad, sikaping manatiling mahinahon. (Ihambing ang Eclesiastes 10:4.) Ipaubaya mo sa Diyos ang bagay na iyon, sapagkat “ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng ayon sa masama na kaniyang ginawa, at walang pagtatangi.”—Colosas 3:25.
Dapat mong harapin ang katotohanan na habang ang iyong magulang ang naglalaan sa iyo, siya ay may pananagutan sa pamilya. Ang Eclesiastes 8:3, 4 ay nagsasabi: “Sapagkat kaniyang [ang isa na may awtoridad] ginagawa ang anumang kaniyang kalugdang gawin, sapagkat ang salita ng hari ay may kapangyarihan.” Ang maghimagsik ay maglalagay sa iyo sa walang-panalong kalagayan.
Kaya, paano mo maiiwasang magkaroon ng hinanakit? Sikapin mong unawain kung bakit ang iyong mga magulang ay kumikilos nang gayon. At, ipaalaala mo sa iyong sarili ang mga pakinabang na ibinibigay nila. Halimbawa, si Dody, na mayroong walang-damdaming ina at isang alkoholikong amaín, ay sumulat: “Marahil ang aking inay ay hindi nagpakita sa amin ng pag-ibig sapagkat, bilang isang anak na inabuso, hindi siya naturuan kung paanong magmahal. Ang aming amaín ay nagpakita ng interes sa aming mga gawain kapag siya’y hindi lasing, subalit hindi iyon madalas. Gayunman, kami ng kapatid kong babae ay laging may bubong sa aming mga ulo at pagkain sa palamigan.” Sa gayon ang budhi ni Dody ay malinis, nalalaman na ginagawa niya ang magagawa niya upang igalang ang kaniyang mga magulang.
Ang paggalang sa isa ay hindi basta nangangahulugan na ikaw ay sumang-ayon sa kaniya. “Ingatan mo ang utos ng hari [o magulang], at iya’y dahil sa sumpa ng Diyos,” ang payo ng Eclesiastes 8:2. Habang ang utos ay hindi labag sa mga kautusan ng Diyos, ipakita mo ang iyong pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng paggalang dito. “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito’y nakalulugod na mainam sa Panginoon.”—Colosas 3:20.
Isa pa, kahit na kung ang isang halimbawa ng magulang ay masama, huwag kang maghinuha na ang lahat ng sinasabi niya sa iyo ay masama. Noong kaarawan ni Jesu-Kristo, ang mga lider ng relihiyon na may awtoridad na magturo ng Salita ng Diyos ay naging napakasama. Gayunman, sinabi ni Jesus sa mga tao: “Lahat nga ng mga bagay na sabihin nila sa inyo, gawin ninyo at ganapin, ngunit huwag kayong gagawa nang gaya ng kanilang ginagawa.” (Mateo 23:1-3, 25, 26) Sa pamamagitan ng paggalang sa payo na ibinibigay mula sa Salita ng Diyos, ang mga tao ay pagpapalain ng Diyos. Maaaring maging ganito rin ang kalagayan mo sa pamamagitan ng paggalang mo sa maka-Diyos na payo ng iyong mga magulang.
‘Tama ang Sabi ng Aking Itay’
Sa wakas, binago ni Veda ang kaniyang saloobin sa kaniyang mga magulang. Subalit natuto siya sa mahirap na paraan. Samantalang nakasakay na kasama ng kaniyang kasintahan, na langung-lango sa marijuana at beer, ang kotse ay nawalan ng kontrol. Tumama ito sa isang poste sa bilis na 97 kilometro isang oras, na nagwasak sa kotse at nag-iwan kay Veda ng malalim na sugat sa kaniyang noo. Ang lalaki ay tumakas, hindi man lamang nagpakita sa ospital upang tulungan siya.
“Nang dumating sa ospital ang mga magulang ko,” sabi ni Veda, “sinabi ko sa kanila na tama ang lahat ng sabi ni itay at na dapat sana’y nakinig ako sa kaniya noon pa.” Mula noon, si Veda ay determinadong igalang ang kaniyang mga magulang. “Hindi ito madali,” sabi niya, “sapagkat gusto ko pa ring magpunta sa mga disco, at nakakabagot sa bahay. Subalit nais kong palugdan ang Diyos. Nakagawa ako ng malaking pagkakamali, at halos pagbayaran ko ito ng aking buhay, kaya’t ako’y nanalangin kay Jehova na tulungan niya akong baguhin ang aking saloobin.”
Natutuhan ni Veda ang isang mahalagang leksiyon—igalang ang wastong awtoridad. Ang hindi pagkaalam nito ay nakahadlang sa marami na magtagumpay sa paaralan, sa trabaho, o sa pagkakaroon ng isang maligayang pag-aasawa. “Ang pagkatutong igalang ang aking ama, kahit na ito’y hindi madali, ay tiyak na nakatulong sa akin na pasakop sa aking asawa,” sabi ni Veda, ngayo’y maligaya sa kaniyang pag-aasawa. Oo, kapuwa ang kaaya-ayang mga kaugnayan sa iba at ang isang mabuting budhi sa Diyos ay mga gantimpala buhat sa pagkatutong igalang ang iyong mga magulang.
[Talababa]
a Ang artikulong ito ay hindi tumutukoy sa lubhang hindi matatagalang mga kalagayan kung saan ang isang kabataan ay napasailalim ng pisikal o seksuwal na pag-abuso. Sa gayong mga kalagayan, ang isang bata ay maaaring humingi ng tulong sa mga propesyonal sa labas ng tahanan. Tingnan ang “Insesto—Ang Natatagong Krimen” sa aming labas noong Pebrero 8, 1981.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pagbubulaybulay sa lahat ng ginawa sa iyo ng iyong mga magulang sa lumipas na mga taon ay dapat na magpakilos sa iyo na igalang sila