“Gaya ng mga Bituin sa Langit”
“TIYAK na pararamihin ko ang iyong binhi gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga buhangin sa tabing-dagat.” (Genesis 22:17) Gayon ang ipinangako ng Diyos sa patriarkang si Abraham. Gayunman, isang labas kamakailan ng publikasyong Bible Review ay bumabanggit ng tila mandin isang problema sa tekstong ito.
Ang Bibliya ay siyentipikong tama sa paghahambing sa bilang ng mga bituin sa bilyun-bilyong butil ng buhangin sa tabing-dagat. Gayumpaman, na ang bilang ng mga bituin ay bilyun-bilyon ay maliwanag na hindi pa alam noong sinaunang panahon. Ganito ang paliwanag ng Bible Review: “Talagang wala namang gayon karaming bituin sa langit na makikita ng mata lamang ng tao. Sinasabi sa atin ng mga astronomo na kung walang teleskopyo, makikita lamang natin ang 2,000 hanggang 4,000 mga bituin, kahit na sa isang maaliwalas na gabi.” Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi na “halos 6,000 bituin ang maliwanag na kumikislap na sapat upang makita kahit nang walang teleskopyo.”
Paano, kung gayon, maipaliliwanag ng isa ang kahanga-hangang kawastuhan ng Bibliya sa paggawa ng gayong paghahambing? Ang isang paliwanag ay na ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Gayunman, ang artikulo sa Bible Review ay mahabang nagpapaliwanag na pinasisinungalingan ang konklusyong ito sa pagsasabing marahil si Abraham ay isang astronomo! Ang kataka-takang palagay na ito ay sinundan ng tanong: “Mayroon bang mga teleskopyo ang mga sinaunang tao na magsisiwalat ng mga bituin na hindi makita ng mata?” Upang tangkilikin ang teoriyang ito, binanggit ng artikulo ang katibayan na ang mga kristal na natuklasan sa Nineve at sa iba pang mga sinaunang dako ay maaaring nagsilbing sinaunang mga lente.
Gayunman, ang katibayan na ginamit ng mga sinaunang tao ang gayong mga lente para sa pagmamasid sa bituin ay hindi umiiral. At kahit na kung umiral pa ang sinaunang mga teleskopyo, anong katibayan mayroon na si Abraham o ang manunulat ng Genesis ay gumamit nito? Sa katunayan, ang pangako ng Diyos kay Abraham ay isa lamang sa maraming mga halimbawa ng siyentipikong kawastuan ng Bibliya. Maliwanag na walang ginagamit na teleskopyo na iniulat ni propeta Jeremias ang kahawig na wastong obserbasyon: ‘Ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang, ni matatakal man ang buhangin sa dagat.’—Jeremias 33:22.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
NASA photos