Sulit Ba ang Panganib?
ANG Newsweek ng Agosto 10, 1987, ay mayroong pabalat na “The Face of AIDS—One Year in the Epidemic.” Sa 12 mga pahina ay may mga larawan ng mahigit 300 mga biktima ng AIDS sa Estados Unidos. Sila ay maliit na bahagi lamang ng mahigit na 30,000 namatay dahil sa AIDS hanggang sa kasalukuyan sa Estados Unidos. Gayunman, hindi kukulangin sa 17 niyaong nasa larawan ang nagkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo o mga produkto ng dugo gaya ng libu-libo pang iba.
Ang halimbawang mga sanhi ng AIDS sa mga kasong ito ay: “Nalantad sa dugong nahawaan ng virus sa panahon ng operasyon,” “Nahawa sa isang pagsasalin ng dugo noong 1983,” “Nahawa sa isang pagsasalin ng dugo, nahawaan niya ang kaniyang asawang lalaki at isang anak na lalaki,” “Isang pagsasalin ng dugo ang nagbigay sa kaniya ng AIDS,” “Nahawa ng AIDS mula sa pagsasalin ng dugo sa panahon ng operasyon noong 1981,” “Hemophiliac; ang kaniyang batang anak na lalaki ay namatay dahil sa AIDS at ang kaniyang asawang babae ay mayroong ARC [AIDS Related Complex],” “Nakuha niya ang AIDS buhat sa isang pagsasalin ng dugo, at tiniis niya ang tatlong taon ng kirot, pagkalumpo at unti-unting pagkabulag.”
Ang isang kaso, isang 13-buwang-gulang na sanggol, “ang namatay, katulad ng kaniyang ina, mula sa isang nahawaang pagsasalin ng dugo.” Isang dalawang-taóng-gulang na batang babae ay “tumanggap ng isang pagsasalin ng dugo karaka-raka pagkasilang” at namatay dahil sa AIDS.
Dahil sa maliwanag na mga panganib na ito, bakit iginigiit pa rin ng ilang mga awtoridad ang pagsasalin ng dugo sa adultong mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mga sanggol? Sa karamihan ng mga kaso, may mapagpipiliang mga paggagamot naman, at ang mga Saksi ni Jehova ay maligayang nakikipagtulungan sa anumang terapi na hindi lumalabag sa pagbabawal ng Diyos laban sa maling paggamit ng dugo.—Levitico 17:11, 12; Gawa 15:28, 29.
[Larawan sa pahina 31]
Ang mga sanggol, na nahawaan sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo, ay namatay dahil sa AIDS