Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 4/22 p. 16-18
  • Kapaki-pakinabang na Samahan sa Daigdig ng mga Hayop

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapaki-pakinabang na Samahan sa Daigdig ng mga Hayop
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bulaklak na Hayop at ang Hipon
  • Iba Pang mga Kapareha sa Dagat
  • Ang Clownfish at ang Anemone
    Gumising!—1987
  • Ang Pambihirang Clown Fish
    Gumising!—2016
  • Isda
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mumunting Kabalyero sa Dagat
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 4/22 p. 16-18

Kapaki-pakinabang na Samahan sa Daigdig ng mga Hayop

SI Shakespeare ay sumulat, “Tinuturuan ng kalikasan ang mga hayop na makilala ang kanilang mga kaibigan.” At, tunay, maraming kapaki-pakinabang na samahan sa daigdig ng mga hayop. Ang isa rito ay yaong tagák, isang naninirahan sa Timog Aprika.

Humigit-kumulang dalawampung centimetro ang haba, ang ibong ito ay mayroong malapad, makapal na dilaw o pulang tuka, maikling mga paa, at malakas na mga kuko. Karaniwan nang ito’y masusumpungang nakaupo sa ibabaw ng malalaking hayop na gaya ng mga hippo at sa ibabaw ng maamong baka. Bakit? Ang tagák ay abala sa paggagalugad sa bawat bitak at kulubot sa mga balat ng baka, inaalis ang nakapipinsalang mga garapata ng maybisita nito. Ang gawain niya, gayunman, ay may kabayaran, sapagkat ang mga garapatang ito ang pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng tagák.

Kapuwa ang tao at ang hayop ay nakikinabang sa mga paglilingkod ng tagák. Ang ornitologong si Oliver Austin, Jr., ay nagsasabi na “Pinahahalagahan ng mga bushman at ng sinaunang mga magsasaka [ang mga tagák] sa pag-aalis nito ng mga garapata sa kanilang mga baka.” Gayunman, sa mga mangangaso sa Aprika ang mga tagák ay buwisit. Bakit gayon? Gunigunihin ang isang mangangaso na palihim na lumalapit sa kaniyang tinutugis. Walang anu-ano, sa-lilipad ang listong bantay​—ang ibong tagák! Dahil sa maingay, nakaliligalig na mga hiyaw, binabalaan ngayon ng tagák ang kasama nito na mayroong panganib. Kaya tatakas ang hayop na tinutugis!

Ang Bulaklak na Hayop at ang Hipon

Isa pang pambihirang kaugnayan ay yaong sa sea anemone at sa anemone shrimp. Ang sea anemone ay isang invertebrado na kung minsan ay tinutukoy na ‘bulaklak na hayop.’ Sa maraming maliliit na nilikha at mga isda, kapag nasagi nila ang magandang nilikhang ito sa ilalim ng tubig ay nangangahulugan ng tiyak na kamatayan. Ang bawat isa sa mga galamay nito ay may nakalalasong kagat, pinangyayaring hindi makakilos ang mga biktima nito. Hinihila ng anemone ang biktima sa bibig nito na nasa punò ng mga galamay nito.

Gayunman, ang anemone shrimp ay hindi apektado ng nangangagat na mga galamay at tiwasay na namumuhay sa gitna nito. Sa kapaki-pakinabang na kaugnayang ito, ang hipon ay naipagsasanggalang sa mga maninila at pinaglalaanan ng pagkain habang pinupulot nito ang mga tirá ng anemone. Sa kabilang dako naman, ang anemone ay maliwanag na nakikinabang sa paglilinis ng anemone shrimp.

Iba Pang mga Kapareha sa Dagat

Ang mga isda, gaya ng mga tao, ay maaaring tablan ng impeksiyon at sakit. Subalit makakakuha ba ng panlabang mga hakbang ang isda upang manatiling malusog? Oo, tunay nga, sapagkat ang ilan ay bumuo ng isang kasunduan sa tinatawag na tagalinis, o barbero, na isda. Ang munting mga maninirahang ito sa kalaliman ay masugid na pinaghahanap ng mga grouper, igat, pagi, at pating.

Gunigunihin lamang ang mga mangangain ng karne na ito na nakapila sa mga istasyon ng paglilinis sa ilalim ng dagat, na naghihintay ng kanilang turno. Una ang pagkalaki-laking pating. Binibigyan ng tagalinis na isda ang pating ng isang mula-ulo-hanggang-palikpik na paglilinis upang alisin ang anumang nahawaang himaymay. Pagkatapos ito’y naglalaho tungo sa nakatatakot, punô-ng-ngipin na bibig ng pating, inaalis ang bulok na mga tinga ng pagkain, parasito, at fungus. Ang tagalinis na isda ay naghahanap din ng pagkain, sa pamamagitan ng mga ngipin nito na kasintulis ng karayom, hanggang sa lalamunan, at pabalik na lumalabas sa isang labasan sa hasang. Pagkatapos ng napakahusay na pagkakagawa​—ang susunod na pasyente, pakisuyo!

Para sa mas mahiyaing mga kliyente, ang tagalinis na isda ay kilala rin na sumasayaw, lumalangoy na patagilid na para bang inaamú-amó ang mahiyaing isda na buksan ang bibig nito upang ang tagalinis na isda ay makapagtrabaho. Hindi nagtatagal at ang bibig ay bumubuka at ang mga paglilingkod ay isinasagawa. Gayon na lamang ang pagnanais ng maraming isda na sila’y linisin anupa’t napansin na nagkakaroon ng mga awayan sa gitna niyaong mga naghihintay sa linya. Sa loob ng anim na oras, ang isang tagalinis na isda ay nakapaglingkod na sa 300 isda.

Oo, pinatunayan ng gayong mga hayop ang tinatawag ng Bibliya na “katutubong pantas” sa pagsasagawa ng kapaki-pakinabang na mga paglilingkod sa isa’t isa. (Kawikaan 30:24) Marahil tayong mga tao ay makakapulot ng leksiyon mula sa kanila at matututong “magbigay” sa kapakanan ng iba!​—Lucas 6:38.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share