Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 4/22 p. 23-27
  • Kambal—Gaano ang Pagkakatulad Nila?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kambal—Gaano ang Pagkakatulad Nila?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paggawa sa Kambal
  • Pagsubok sa Identical na Kambal
  • Gaano ang Pagkakatulad Nila?
  • Mga Epekto ng Kapaligiran
  • Pagpapalaki sa Kambal
  • Isang Pambihirang Daigdig
  • Nauunawaan Ka Ba ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2018
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1988
  • Bakit Ganito ang Nadarama Ko?
    Gumising!—1995
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 4/22 p. 23-27

Kambal​—Gaano ang Pagkakatulad Nila?

Noong Nobyembre 1985 si Mary ay nagkaroon ng makirot na sumpong na nagpangyari sa kaniya na magpatingin sa doktor. Pagkaraan ng ilang mga pagdalaw at sunud-sunod na mga pagsubok, tiniyak ng doktor na ito ay ang kaniyang apdo.

Pagkalipas ng humigit-kumulang tatlong linggo, ang kapatid ni Mary na si Martha, na nakatira mga 2,400 kilometro ang layo, ay nagkasakit din nang grabe. Siya, gaya ng kaniyang kapatid, ay nagkaroon ng sunud-sunod na makirot na mga sumpong. Ang mga sintomas ay magkatulad. Ang problema​—ang kaniyang apdo.

Si Jeanette at ang kaniyang kapatid, si Jeanne, ay laging magkatulad kung manamit. Isang kaibigan ng magkapatid ang nakaisip kung paano nila madudoble ang dami ng kanilang mga damit. Yamang magkasinlaki sila, maaari nilang bilhin ang kani-kanilang sariling mga damit at pagkatapos ay magpalitan ng damit.

Kumbinsido na ito ay isang mabuting ideya, pinili nila ang isang malaking department store at magkahiwalay na namili, nagkasundo silang magkikita sa likod sa isang tiyak na oras upang ihambing ang mga bagay na kanilang napili. Nang magkita sila pagkalipas ng ilang oras, sa kanilang pagtataka, napili nila kapuwa ang magkatulad na mga damit!

PAMBIHIRA, ang sabi mo? Totoo, karamihan ng mga tao ay sasang-ayon na ang gayong mga karanasan ay talagang pambihira sa pagitan ng mga membro ng pamilya. Gayunman, ang mga indibiduwal na nabanggit sa itaas ay hindi ordinaryong mga magkapatid. Sila ay kambal. Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga karanasang gaya nito ay nangyayari nang madalas sa gitna ng kambal, lalo na kung sila ay identical. ‘Ngunit bakit?’ maitatanong mo. Bakit ang kambal ay kadalasang may magkatulad na mga ugali at mga katangian na wala yaong dalawang anak na magkahiwalay na ipinanganak sa isang pamilya? Gaano nga ba ang pagkakatulad nila? Ating alamin.

Ang Paggawa sa Kambal

Tinatayang mayroong 50 milyong pares ng kambal sa buong daigdig. Mula noong 1960, ang porsiyento ng maraming pag-aanak ay umabot sa pinakamataas na antas nito. Sa Estados Unidos lamang, tinataya na isang panganganak sa bawat 50 ay isang maraming pag-aanak.

Ang kambal ay nangyayari kapag dalawang pertilisadong ova, o itlog, sa halip na isa lamang ang nagagawa sa bahay-bata ng babae. Kapag ang mga sanggol ay mula sa dalawang itlog at dalawang binhi, ito ay tinatawag na fraternal na kambal. Maaaring wala silang pagkakatulad na gaya ng mga sanggol na hindi kambal.

Gayunman, kapag ang kambal ay galing sa iisang pertilisadong itlog na naghati pagkatapos ng paglilihi, sila ay tinatawag na identical. Ang kambal na ito ay laging magkatulad ang sekso at magkatulad ang genetikong kayarian. Ang identical na kambal ay maaaring mangyari sa sangkapat hanggang sangkatlo ng kambal na panganganak. Sa buong daigdig, ang identical na kambal ay nangyayari halos minsan sa bawat 250 hanggang 350 panganganak.

Ang pagtiyak kung baga ang kambal ay fraternal o identical sa pagkapanganak ay hindi madali na gaya ng inaakala noon. Sa loob ng mga taon, ang mga doktor ay naghinuha na ang iisang inunan (pagkapanganak) para sa isang pares ng magkatulad-seksong kambal ay nagpapatunay na sila ay identical, samantalang ang dalawang inunan ay nagpapatunay na sila ay fraternal na kambal. Batid na ngayon ng mga doktor na posibleng ang mga inunan ng fraternal na kambal ay nagkadikit na parang iisa, samantalang ang bawat bilíg ng isang identical na kambal ay maaaring magkaroon ng kani-kaniyang inunan, gayundin ng kani-kaniyang panubigan at talimpusod.

Hindi kataka-taka, maraming kambal noon ang mali ang pagkakarikonosi ng mga komadrona at mga doktor. Ang iba ay sinabihan na sila ay fraternal samantalang sa katunayan sila ay identical o na sila’y identical bagaman sila sa katunayan ay fraternal.

‘Subalit maaaring tingnan mo lamang ang isang pares ng kambal at masasabi mo kung sila ay identical​—hindi ba sapat nang katibayan iyan?’ Hindi nga. Bagaman totoo na karamihan ng identical na kambal ay magkamukhang-magkamukha, ito’y hindi nagpapatunay na sila ay identical. Ang katagang “identical twins” ay talagang nangangahulugan na ang mga salik sa pagmamana ng kambal ay magkatulad, hindi ang kanilang hitsura. Halimbawa, sina Wade at Wayne ay fraternal na kambal na magkamukhang-magkamukha anupa’t madalas silang mapagkamalang identical na kambal. Ano ang dahilan nito?

Sa kaniyang aklat na Twins and Supertwins, si Amram Scheinfeld ay nagpapaliwanag: “Ang ibang fraternal na kambal ay maaaring may mataas na antas ng pagkakahawig kung sila ay mayroong di-pangkaraniwang kasukat ng magkatugmang mga salik sa pagmamana​—yaon ay, bagaman ang fraternal na kambal . . . ay mayroon sa katamtaman na halos 50 porsiyentong magkatulad na genes, ang iba ay iilan lamang, at sila’y hindi magkamukha, at ang iba ay maraming magkatulad na genes, kaya’t sila’y halos magkamukha anupa’t sila’y napagkakamalang identical na kambal.”

Pagsubok sa Identical na Kambal

Paano, kung gayon, nalalaman ng isa kung ang kambal ay talagang identical? Maraming katangiang namamana ay laging magkatulad sa identical na kambal. Halimbawa, sinasabi ni Scheinfeld na “yamang ang bawat pantanging uri ng sustansiya sa dugo ay namamana, lahat ng sangkap sa dugo ay dapat na magkatulad na magkatulad sa identical na kambal.” Kapag ang alinman sa mga sangkap na ito ay naiiba, “ang kambal ay fraternal.”

Gayunman, sa ilang mga kaso, ang mga pagsubok sa dugo ay baka hindi sapat upang patunayan ang mga uri ng kambal. Kaya baka subukin ng mga doktor ang iba pang sangkap na, dahil sa pagmamana, ay magkatulad sa identical na kambal. Ang mga kemikal sa katawan na gaya niyaong nasusumpungan sa pawis at sa laway ay laging magkatulad sa identical na kambal. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang mga police dog ay madaling malito sa magkahawig na amoy ng katawan ng identical na kambal. Karaniwan na, ang mga aso ay dapat bigyan ng pantanging pagsasanay upang makilala ang dalawa.

Ang kulay ng mata at buhok ay nagbibigay ng karagdagang mapagkukunan ng paghahambing. Sa identical na kambal, ang pagmamana ay gumagawa rin ng mga tatak ng daliri na halos ay ganap na magkatulad. Ito man ay maaaring makatulong sa mga pagsubok sapagkat ito ay mas malaki ang pagkakatulad kaysa roon sa fraternal na kambal.

Gayunman, marahil ang pinakaeksaktong paraan ng pagkilala sa mga uri ng kambal ay yaong may kaugnayan sa paghuhugpong ng balat. Ang pagsubok na ito ay matagumpay lamang sa identical na kambal. Ipinaliliwanag kung bakit, ganito ang sabi ni Scheinfeld: “Yamang ang identical na kambal ay lubusang magkatulad sa namamanang kayarian ng lahat ng mga himaymay ng kanilang katawan at sa lahat ng sangkap ng namamanang dugo at kemikal, posibleng kumuha ng balat o laman mula sa isa at ihugpong ito sa kakambal, taglay ang katiyakan na ang ihinugpong ay ‘tatanggapin’​—para bang ito’y galing sa isang bahagi ng tungo sa ibang bahagi ng iisang katawan.”

Gaano ang Pagkakatulad Nila?

Subalit paano ipinaliliwanag ng lahat ng ito ang kataka-takang mga karanasan ng mga kambal na sina Jeanette at Jeanne o sina Martha at Mary? Sa isang bagay, napag-alaman natin kung gaano ang pagkakatulad ng identical na kambal sa genetikong paraan. Sa ilang paraan, ang genetikong buklod na ito ay wari bang siyang dahilan ng maraming mga pagkakahawig ng kambal, gaya niyaong sa panlasa at pananamit.

Upang ipaghalimbawa, pinag-aralan ni Dr. Magdalena Krondl, pangalawang propesor sa Department of Nutritional Sciences sa University of Toronto, ang mga ugali sa pagkain ng identical at fraternal na kambal. Upang matiyak kung baga mayroong genetikong saligan sa pagkaing nagugustuhan ng isang tao, pinili niya ang mga kambal na namuhay na magkasama bilang mga bata subalit nang dakong huli ay nagkahiwalay anupa’t “lilitaw ang kani-kanilang kagustuhan sa pagkain.” Ipinakikita ng kaniyang pananaliksik na “ang pagkain ng identical na kambal ay higit na magkatulad kaysa pagkain ng hindi identical na kambal.”

Ito’y tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit pagkatapos magkaroon ng atake sa apdo ang kaniyang kapatid na si Mary si Martha ay sinabihan ng mga doktor na dapat niyang asahan na siya man ay magkakasakit sa apdo. Sabi niya: “Sinabi ng mga doktor na kung ang aking kakambal, si Mary, ay dumanas na ng mga suliranin sa kaniyang apdo, ang pagmamana at ang pagkakahawig ng aming mga kaugalian sa pagkain ay gumagawa sa akin na malamang na magkasakit din sa apdo.”

Hindi rin kataka-taka na nasumpungan nina Jeanette at Jeanne na ang kanilang hilig sa pananamit ay lubhang magkatulad. Ang ibang identical na kambal ay may magkahawig na mga karanasan. Halimbawa, si Bruce ay tumanggap ng ilang bagay buhat sa kaniyang kakambal, si Brian, na nakatira mga 4,000 kilometro ang layo sa kaniya. Ang mga bagay na inilagay sa kahon ng sapatos ay inihulog sa koreo. Nang alisin ni Bruce ang balot, napansin niya na ang kahon ng sapatos ay kahawig ng isa na nasa kaniyang lalagyan ng sapatos, na nagpangyari sa kaniya na ihambing ang dalawang kahon. Iniisip na pambihira na ang mga kahon ay magkatulad, tinawagan niya ang kaniyang kapatid at tinanong tungkol dito. Gaya ng kaniyang hinala, sila kapuwa ay bumili ng sapatos na magkatulad sa kulay, laki, at istilo!

Ang mga pagkakahawig sa talino ay karaniwan din sa identical na kambal. Ipinakikita ng isang pag-aaral na isinagawa sa University of Minnesota sa mahigit na 350 pares ng kambal, ang karamihan ay pinaghiwalay sapol sa pagsilang, na wari bang ang mga genetiko ay gumaganap ng isang tiyak na bahagi kapuwa sa talino at personalidad. Sinabi ni Diane sa Seventeen na nang siya at ang kaniyang kakambal, si Karen, ay magtapos sa high school, sila’y “mayroong magkaparehong marka, tumanggap ng magkaparehong marka sa mga pagsusulit, at, sa kabila ng pag-upo sa magkabilang dulo ng silid, hindi pa nga nila nasagutan ang magkaparehong mga tanong sa pagsusulit.”

Mga Epekto ng Kapaligiran

Pinatitindi lamang ng maraming pag-aaral tungkol sa kambal ang nagpapatuloy na debate sa gitna ng mga mananaliksik tungkol sa kung ano ang higit na nakakaimpluwensiya sa buhay ng kambal​—pagmamana o kapaligiran. Gayunman, inaamin ng mga mananaliksik na kapuwa ito gumaganap ng ilang bahagi.

Sa kaniyang aklat na Identical Twins Reared Apart: A Reanalysis, inilalarawan ni Susan Farber, pangalawang propesor ng klinikal na sikolohiya sa New York University, ang kaso nina Harry at Alfred. Ang identical na kambal na ito ay lubhang hindi magkamukha sa hitsura anupa’t kinailangan ang mga pagsubok sa dugo upang patunayan na sila nga’y identical na kambal. Sinabi niya na “si Harry ay 8.3 centimetrong mas mataas at 28 kilo na mas mabigat kaysa kay Alfred. Si Alfred, ang kakambal mula sa mas mahirap na kapaligiran, ay dumanas ng pagkabalisa, mga sumpong ng pagkahilo, at ng psychogenic na sintomas ng napakatinding kirot sa kaniyang sakong anupa’t kinailangan nito ang medikal at saykayatrik na paggagamot. Si Harry ay wala ng gayong mga sintomas.”

Pagkatapos ng maingat na muling pagtatasa sa pinagsamang impormasyon mula sa 121 inilathalang case studies, si Farber ay naghinuha na, bagaman ang mga pag-aaral ay nagpapakita ng “pambihira​—kung minsan ay nakalilitong​—mga pagkakatulad” sa gitna ng identical na kambal, kadalasang “hindi kasali sa gayong mga pag-aaral ang maraming identical na kambal na lubhang magkaiba sa isa’t isa.” Ang dahilan? Gaya ng paliwanag niya, ang identical na kambal na pinipili ng mga mananaliksik “ay orihinal na pinili sa pag-aaral dahil lamang sa sila ay magkatulad na magkatulad.”

Pagpapalaki sa Kambal

Ang kambal man ay kapuna-punang magkamukha o lubusang hindi magkamukha, ang pagpapalaki sa kanila ay maaaring magharap ng natatanging hamon sa mga magulang. Inaakala ng iba’t ibang awtoridad na ang mahalagang bahagi sa paglaki ng bawat bata ay paunlarin ang kaniyang kakayahan na magpasiya sa sarili na hindi umaasa sa kakambal.

Idiniriin ng aklat na The Care of Twin Children, inilathala ng Center for the Study of Multiple Gestation, na “maraming paraan upang paunlarin ang personalidad ng bawat isa nang hindi sinisira ang pantanging buklod ng pagiging kambal.” Binabanggit ng aklat na pinipili ng maraming magulang ng kambal ang mga pangalan na “hindi magkatulad ang tunog” at tinatawag “ang kambal sa kani-kanilang pangalan nang madalas kaysa karaniwan upang idiin sa kanila mismong isipan ang kanilang indibiduwal na personalidad.”

Ang pagsasaayos ng paminsan-minsang natatanging panahon na ikaw lamang na kasama ang isa sa kambal ay iminumungkahi, gayundin ang pagkuha ng larawan ng bawat bata “nang magkahiwalay gayundin nang magkasama.” Sa halip na tratuhin ng mga magulang ang kambal na para bang isang “yunit,” ang Center ay nangangatuwiran na mas mabuti na tulungan ng mga magulang na kilalanin ng mga bata ang kanilang sariling personalidad at pagiging hiwalay. Ang bawat isa ay dapat himukin na itaguyod ang kaniyang sariling pantanging interes. Tutulong ito upang gumawa ng mga kalagayan kung saan ang kambal ay “kailangang magpasiya para sa kaniyang sarili sa mga bagay na personal na nakakaapekto sa kanila.”

Hindi hinihimok ng Center ang paghahambing sa mga nagagawa ng bawat bata sapagkat “maaaring sukatin ng isang kambal ang kaniyang sarili laban sa kakambal, inaakalang kulang siya ng ilang katangian na ipinalalagay na taglay niyaong kakambal.” Ang gayong di kanais-nais na mga paghahambing ay madaling pumukaw ng mga damdamin ng pananaghili at magbubunga ng mga alitan sa pagitan ng dalawa.

Isang Pambihirang Daigdig

Hindi kataka-taka na ang mga mananaliksik ay nahahalina sa identical na kambal. Inilalarawan sila ng Psychology Today na “kabilang sa pinakapaboritong paksa para sa sikolohikal at medikal na pananaliksik.” Ipinaliliwanag kung bakit, si David T. Lykken, dating presidente ng Society for Psychophysiological Research, ay nagsabi: “Halos alinmang eksperimento na maiisip gawin ng isa sa mga tao ay magiging kawili-wili at aani ng mas mahalagang mga resulta kung gagawin niya ito sa kambal.”

Oo, ang pagkakaroon ng napakaraming pagkakatulad sa loob ng genetikong kayarian ng identical na kambal ay naglalagay sa kanila sa isang totoong pambihirang daigdig na natatangi sa kanila. Para sa marami, ito ay isang daigdig na punô ng labis na kaligayahan at kasiyahan. Gaya ng isinulat ng isang kambal: “Mayroong dalawang pagtawa para sa isang biro, dalawang pangingilig sa tuwa para sa iisang kagalakan. . . . Nakatutuwang maging isang kambal. . . . Ang basta mabuhay ay kaligayahan na kung ang isa ay isinilang na kambal.”​

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 24]

Paglilihi sa Kambal

Identical na kambal

Ang isang binhi ay sumasama sa isang itlog

Ang itlog ay nahahati, gumagawa ng genetikong identical na kambal

Fraternal na kambal

Dalawang binhi ang sumasama sa dalawang itlog

Bawat isa ay nagiging genetikong magkaibang kambal

[Kahon sa pahina 27]

Bakit ang Kambal na Siamese?

Ang katagang “Siamese twins” ay naging popular nang matuklasan ng daigdig ang ika-19 na siglong kambal na sina Chang at Eng. Ipinanganak sa Siam (ngayo’y Thailand) noong 1811, ang kambal na ito ay magkadikit ang dibdib sa pamamagitan ng isang kumpol ng mga himaymay na labing-apat na centimetro ang haba at labinsiyam na centimetro sa paligid. Sila’y napatanyag sa buong daigdig bilang ang “Siamese Twins,” naglalakbay na kasama ng P. T. Barnum’s circus. Sa wakas, nilisan ng kambal ang sirkus, napangasawa ang dalawang magkapatid na babae mula sa North Carolina, E.U.A., at nagkaanak ng 22 sa pagitan nila. Sila ay nag-iwan ng mahigit na isang libong mga inapo.

Ang magkadikit, o Siamese, na kambal ay nangyayari kapag ang isang pertilisadong itlog na nagsisimulang maghati sa paggawa ng identical na kambal ay hindi lubusang naghihiwalay. Ang gayong kambal ay maaaring pisikal na magkadikit sa anumang bahagi ng katawan at manaká-nakáng magkasama ang isa o higit pang mahalagang mga sangkap ng katawan. Tinatayang ang panganganak ng Siamese na kambal ay nagaganap humigit-kumulang minsan sa bawat 100,000 panganganak sa buong daigdig.

[Larawan sa pahina 25]

Ang identical na kambal, mula sa iisang binhi at itlog, ay laging magkatulad ang sekso. Sa kabilang dako, ang fraternal na kambal, mula sa dalawang binhi at dalawang itlog, ay maaaring magkaibang sekso, gaya ng kambal na nakikita rito

[Larawan sa pahina 26]

Ang isa ay karaniwang kamukhang-kamukha ng kakambal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share